Tatlong Oras na Bumago sa Aking Buhay
AKO’Y sampung taóng gulang nang tanggapin ko ang baril na BB para sa Pasko. Binabaril ko ang mga bote at lata subalit agad akong nagtungo sa mas kapana-panabik na pamamaril—ng mga ibon, ahas, anumang bagay na gumagalaw. Ginagatlaan ko ang tatangnan ng aking baril sa bawat ibong napapatay. Di-nagtagal, 18 marangyang gatla ang nagsasabi ng kahusayan ko bilang isang mangangaso.
Pagkatapos ay may nangyari na nagpabago sa lahat ng ito. Ako’y nasa bakuran namin isang araw na namamaril ng mga ibon. Nakita ko ang isang maya sa taas ng aming punong cottonwood, inasinta kong mabuti, marahang kong kinalabit ang gatilyo. Sapol! Numero 19!
Ang ibon ay bumagsak sa lupa. Pinuntahan ko ito, minasdan ko ito, at nakita ko ang dugo sa mga balahibo nito. Kumilos ito, para bang sinusumbatan ako at waring sinasabi: ‘Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang kunin ang aking buhay?’ Pagkamatay nito, ang ulo nito ay pumanatag sa lupa. Naantig ang aking puso. Ako’y umiyak. Tumakbo ako sa aking nanay at sinabi ko sa kaniya kung ano ang nangyari at kung ano tiyak kong sinabi sa akin ng naghihingalong ibon. Hindi na ako bumaril pa ng ibon, hindi na naggatla sa aking baril. Hanggang sa ngayon nakikita ko pa rin ang munting himulmol ng mga balahibong iyon na punô ng dugo. Ang nagtatagal na epekto ng karanasang ito noong kabataan ay nagturo sa akin sa kahalagahan ng buhay, ito man ay buhay ng maya o ng isang tao.
Iba pang mga pamantayan ay ikinintal sa akin maaga sa buhay—katapatan, paggalang sa mga nakatatanda sa akin, wagas na asal, debosyon sa katotohanan. Ako’y isinilang sa Memphis, Tennessee, subalit ako’y pinalaki sa isang bayan sa Chicago, Illinois, na tinatawag na Robbins. Lumaki akong nagsisimba, subalit ang mga pamantayang ibinigay sa akin bilang isang batang nagsisimba ay naglaho sa paglipas ng mga taon. Hindi ko nakita ang mga pamantayang ito na ipinababanaag sa kongregasyon o ng mga diyakono o ng mga ministro; sa halip, nakita ko ang pagpapaimbabaw. Gayundin, sa lipunan sa pangkalahatan, ang gayong mga pamantayan ay itinuturing na di-praktikal at hindi pinapansin. Subalit ang aral tungkol sa kahalagahan ng buhay na itinuro ng kamatayan ng isang munting maya, ay hindi kailanman naglaho.
Nang ako’y mag-aral sa high school, huminto ako ng pagpunta sa simbahan—na lubhang ikinalungkot ng aking mga magulang. Ang aking budhi ay naging manhid, subalit natatandaan ko nang magsimula akong lumapastangan—ginagawa ito ng lahat—sinurot ako ng aking budhi. Habang sumasamâ ang aking mga kasama, natangay ako sa paggamit ng mga droga at imoral na paggawi. Ganiyan ang sabi ng Bibliya, at tinupad ko ang inihula nito: “Huwag kayong padaya. Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga ugali.”—1 Corinto 15:33.
Gayunman, ang diwa ng tama at mali ay pumipigil pa rin sa akin. Halimbawa, noong ikatlong taon ko sa high school, mayroon akong dalawang kabarkada, kasama ko sa basketball team, kasama ko sa paggawa ng lahat ng bagay—hanggang noong isang gabi nang makasalubong namin ang isang dalagita. Ipinasiya ng dalawa kong kaibigan na halayin siya. Ang babae ay nagmakaawa sa kanila na huwag gawin ito, subalit nang gawin nila ito, ang babae’y nagsisigaw na mabuti pang patayin na lamang nila siya. Sa kabila ng kaniyang panlalaban, hinalay nila siya. At gusto nilang makisama ako sa kanila sa paglapastangang ito laban sa pagkatao ng babae. Nasusuya at nasusuklam, tumanggi akong makibahagi sa kanilang may karuwagang paghalay sa babae. Galit na galit sila sa akin at pinagmumura ako. Ang aming pagkakaibigan ay nagwakas nang gabing iyon.
Pagkalipas ng mga ilang taon natanto ko na ang naranasan ko ay isa pang halimbawa ng kung ano ang sinasabi ng Bibliya na mangyayari: “Dahil sa hindi na kayo ngayon nakikitakbong kasama nila sa ganitong takbuhin sa pusali ng pagpapakasamâ, sila’y labis na nagtataka at patuloy na nagsasalita ng masama sa inyo.”—1 Pedro 4:4.
Ang aking huling taon sa high school, noong 1965, ay nakasaksi sa pagtindi ng Digmaan sa Vietnam, at nakaharap ko ang problema ng kung ano ang gagawin ko pagkatapos. Ayaw kong matawag na magsundalo at piliting pumatay. Hindi ko pa rin matanggap ang tungkol sa pagpatay—ng mga maya o mga tao. Mayroon akong palusot: isang athletic scholarship na maglaro ng basketball sa isang unibersidad. Sa halip, sumali ako sa hukbong panghimpapawid, isang sangay ng hukbong sandatahan kung saan hindi ko kailangang makipagbaka sa mga kagubatan at pumatay.
Ako’y naatasan sa isang MAC (Military Airlift Command) unit bilang isang mekaniko ng eruplano sa loob ng aking apat na taóng paglilingkod. Pagkatapos ng panimulang pagsasanay, ako’y ipinadala sa CCK Airbase, sa Taiwan. Iyon ay noong Enero 1968. Karamihan ng mga kaibigan ko sa squadron ay nasa mga atas na nagdala sa kanila sa Vietnam, Thailand, Hapón, at Pilipinas. Nakukuha nila ang anumang gusto nila—pati na ang matatapang na droga gaya ng heroin at cocaine. Nagsimula akong gumamit ng droga noong high school; ngayon ako’y nagbebenta nito. Pagkalipas ng walong buwan ang aming buong squadron ay naatasan-muli sa Okinawa, Hapón, na noo’y nasa ilalim ng administrasyon ng E.U. Sumagana ang aming negosyo sa droga.
Personal akong inanyayahan ng komandante ng aking squadron na magtungo sa Vietnam upang makita mismo ito. Dahil sa salapi at katuwaan, sinamantala ko ang pagkakataon. Nasumpungan ko ang Vietnam na isang magandang bansa na may saganang pananim at puting buhangin na mga dalampasigan. Ang mga Vietnamese ay totoong mabait at mapagpatuloy. Kung ikaw ay kakatok sa kanilang pinto, ika’y patutuluyin at pakakanin. Madalas akong magtanong sa sarili: ‘Bakit ipinakikipagbaka ang digmaang ito? Bakit ang mga taong ito’y pinapatay na parang mga hayop?’ Subalit sa Saigon ay nakita ko ang napakaraming krimen, napakaraming nakaririmarim na gawain, napakaraming kabulukan at walang taros na karahasan! Napakamura ng buhay. Nagkaroon ako ng malaking pag-aalinlangan sa kakayahan at pagkukusa ng tao na kailanma’y mamuhay nang sama-sama sa kapayapaan at kaligayahan.
Nang makalabas ako mula sa hukbong panghimpapawid noong dakong huli ng Hulyo 1970, nagbalik ako sa aking bayan sa Robbins, Illinois. Nagtrabaho ako at sinikap kong manirahan doon, subalit iba na ang mga bagay-bagay. Nagbago na ang mga tao at ang mga lugar. Oo, nagbago rin ako. Ang tahanan ay hindi na gaya noon. Ang aking mga kaisipan ay nakatutok sa Dulong Silangan, nakatuon sa mga alaalang naikintal sa aking isipan. Lipos ang aking pagnanais na bumalik sa Silangan. Walong buwan pagkalabas ko sa militar, bumili ako ng one-way na tiket sa eruplano pabalik sa Okinawa, Hapón.
Noong una kong gabi roon, nagtungo ako sa dati kong iniistambayan, sa isang klab na tinatawag na Tina’s Bar and Lounge. Sa laki ng pagtataka ko, naroo’t nakaupo sa bar ang isa sa dati kong kasama sa negosyo ng droga. Maligaya kami sa aming pagkikita at agad kaming gumawa ng plano na magpuslit ng mga droga mula sa Thailand. Nagkunwari kaming mga tauhan ng militar upang makapasok sa Thailand, yamang mayroong kaming palsipikadong mga ID card, mga papeles ng permiso, mga uniporme, at iba pa. Sa gayo’y nakapasok kami sa airport tungo sa Bangkok.
Mula roon ay nakipagkita kami sa aming patiunang inareglong giya, na nagdala sa amin sakay ng isang bangka sa madilim na ilog at mga latian ng kagubatan tungo sa isang nabubukod na isla. Sinalubong kami ng isa sa mga pinuno ng kalakalan ng droga sa Thailand. Mabait siya’t mapagpatuloy na maypabisita anupa’t hindi kami nagsuspetsa na ipagbibigay-alam niya sa mga autoridad ang aming gawain. Subalit ginawa niya ito. Isa itong kapalit upang huwag intindihin ng mga autoridad ang ilan sa kaniyang labag-sa-batas na mga gawain.
Ang mga autoridad ay naghihintay sa amin sa istasyon ng bus sa Bangkok—at dala-dala ko ang isang maleta na may 29 na kilo ng droga sa loob nito! Pagpasok ko sa pintuan ng istasyon ng bus, naramdaman ko ang malamig na bakal sa batok ko. Isang koronel ng pulisyang Thai ang nagtutok ng isang .38 rebolber sa aking ulo at napakahinahong nagsabi, “Pakisuyo, huwag mong sikaping lumaban sa akin.” Kami’y dinakip at dinala sa punong tanggapan ng pulisya.
Dapat sana’y tatagpuin namin ang isang kasapakat sa Okinawa, na may tatlong kahon ng sapatos na ang laman ay heroin. Sa pagsasama-sama ng aming mga panustos, inaakala namin na makokontrol namin ang negosyo ng droga sa Okinawa. Ang kasapakat ay dumating doon na may dalang heroin, at nang lumabas ang mga kahon sa labasan ng mga bagahe, ang mga pulis ay naroon kasama ang kanilang aso na umaamoy ng heroin. Naiwala niya ang heroin, naiwala ko ang maletang punô ng marijuana at speed, at ang aming negosyo’y nagsara bago pa man ito magsimula. Nagwakas kami sa piitan ng Klong Prem. Ang mga kalagayan ay sinauna. Kakaunti ang pagkain. Ang pagkain namin sa araw-araw ay binubuo ng tuyo at kanin dalawang beses sa isang araw. Sa loob ng dalawang buwan na inilagi ko roon, apatnapu’t limang kilo ang nawala sa akin.
Noong panahon ng aming pagkabilanggo, isang matangkad na mukhang marangal na ginoo ang dumalaw sa amin, sinasabing siya ay mula sa konsulada ng E.U. Sabi niya’y nais niya kaming tulungang makalabas subalit kailangan niya ang higit na impormasyon. Hindi kami nagtitiwala sa kaniya. Pagkaraang magparoo’t parito ng ilang panahon, sa wakas ay isiniwalat niya na siya ang punong imbestigador ng mga narkotiko sa buong Timog-silangang Asia, at sinisikap niyang patunayan na kami ay nagpupuslit ng mga droga mula sa bansa. Kinabukasan, nagbalik siya upang kausapin ako nang sarilinan.
“Magtapat ka sa akin,” sabi ng imbestigador. “Kung hindi, ipinangangako kong mabubulok ka rito sa piitan.” Kaya’t ako’y nagtapat. Sinabi ko ang totoo. Pagkatapos ay itinanong niya: “Gusto mo bang magtrabaho sa akin bilang isang espesyal na espiya?” Nabigla ako, subalit sa wakas ay sumang-ayon akong lutasin ang madayang mga operasyong ito na kasama niya.
Sa wakas, ako’y napalaya buhat sa piitan at nagbalik ako sa Okinawa upang magsimula ng isang bagong buhay bilang isang espesyal na espiya may kinalaman sa droga. Ang atas ko ay makipagkalakalan ng droga sa layong dakpin ang mga nagdadala ng suplay na kasangkot sa kalakalan ng droga. Nagtrabaho ako sa katayuang iyon sa loob halos ng isang taon at kalahati at pagkatapos ay tumigil ako.
Nang maglaon, kami ng kasama ko ay nangangasiwa ng isang taberna na tinatawag na Papa Joe’s. May mga babaing nagtatrabaho sa amin bilang mga hostess, na ang gawain ay pabilhin ang mga GI ng maraming alak hangga’t maaari. Isang gabi isang lalaking nakaupo sa bar ang nagtanong sa akin: “Ikaw si Jimmy-san, di ba?”
“Oo, ako nga.”
“Mukhang maganda ang negosyo mo rito, di ba?”
“Ayos naman. Bakit mo naitatanong?”
“Ang payo ko sa iyo ay, Huwag ka nang bumalik sa lansangan. Gawin mo iyon, at huhulihin ka namin at ililigpit ka namin.”
Natalos ko noon na siya ay isang espiya sa narkotiko at na ako’y minamanmanan. Marami akong nalalaman, at binabalaan nila akong lumayo sa mga lansangan. Walang halaga ito. Hindi na naman ako nagbebenta ng droga sa mga lansangan ngayon. Iniwan ko na ang masamang istilo ng buhay na dati kong pinamuhayan.
Gayundin, nang panahong ito sinisikap kong alamin ang kahulugan ng buhay sa pagsusuri sa mga relihiyon sa Silangan. Agad kong natalos na ang mga ito ay kasinghiwaga at nakalilito rin na gaya ng turong Trinidad ng Sangkakristiyanuhan. Wala rin itong kahulugan.
Pagkatapos, isang araw samantalang ako’y nag-iisa sa bahay, may kumatok sa pinto. Isang may edad nang babaing Hapones ang naroon, may masiglang ngiti sa kaniyang mukha. Subalit ang talagang nakatawag ng aking pansin ay ang kaniyang mga mata. Ang mga ito ay parang kumikinang. Para bang masasabi ko sa pamamagitan ng kaniyang mga mata na siya ay matuwid at dalisay, na hindi siya naroroon upang may maibenta sa akin. Malakas ang pakiramdam ko na dapat akong makinig sa kaniya. Hindi ko ito maipaliwanag, subalit hindi ko rin ito maiwaglit sa isip. Kaya pinapasok ko siya.
Noon lamang makaupo na kami sa mesa sa kusina saka ko talagang narinig kung ano ang sinasabi niya. Maraming beses na akong nagsimba noong aking kabataan, subalit hindi pa ako nakarinig ng anuman buhat sa Bibliya na gaya nito. Ipinakita niya sa akin kung bakit napakaraming kabalakyutan, na si Satanas ang diyos ng sanlibutang ito, at na lahat ng ito ay isang tanda ng mga huling araw. Hindi na magtatagal ay kikilos ang Diyos upang wakasan ang lahat ng kabalakyutan at pasapitin ang isang malinis na bagong sanlibutan ng katuwiran. Madalas kong itanong sa sarili kung bakit tayo naririto, kung mayroon bang anumang kahulugan ang buhay, anumang layunin para sa magandang lupang ito. Ang mga kasagutan ay nasa Bibliya—laging naroon.—Awit 92:7; Eclesiastes 1:4; Isaias 45:18; Daniel 2:44; 2 Corinto 4:4; 2 Timoteo 3:1-5, 13; 2 Pedro 3:13.
Habang nagsasalita siya, para bang nabuo ang mga piraso sa isang palaisipan. Tulad ng mga binhi na natutulog ng mga ilang taon subalit sumisibol kapag nabasa, gayundin naman ang mga kaisipan tungkol sa Diyos na natulog sa aking isipan ay biglang nabuhay nang mabuhusan ng tubig ng katotohanan mula sa Bibliya.—Efeso 5:26; Apocalipsis 7:17.
Ang mabuhay magpakailanman, hindi sa malayong langit, kundi dito mismo sa isang paraisong lupa. Ang buong lupa ay isang hardin ng Eden. Isang pagkabuhay-muli na magbabalik sa di-mabilang na angaw-angaw mula sa mga patay para sa isang pagkakataon na mabuhay magpakailanman sa Edenikong makalupang Paraiso. Wala nang sakit, luha, paghihirap, krimen, karamdaman, kamatayan—maraming kasulatan na nagsasabi ng mga pagpapalang ito na darating sa ilalim ng Kaharian ni Jehova sa ilalim ni Jesus ay naglalarawan sa aking isipan ng kung ano ang inilalaan ng Diyos para sa masunuring sangkatauhan.—Awit 37:10, 11, 29; Kawikaan 2:21, 22; Juan 5:28, 29; 17:3; Apocalipsis 21:1, 4, 5.
Mahirap mangyari? Bueno, pinatunayan niya buhat sa Bibliya ang bawat pangungusap na sinabi niya. Habang nagsasalita siya, sa kauna-unahang pagkakataon ang Bibliya ay naging malinaw na parang kristal, may kahulugan, naging buháy sa akin. Natanto ko ang dalawang bagay: Una, ito ang dalisay na katotohanan mula sa Salita ng Diyos, walang halong huwad na mga kredo at mga doktrina ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan; at, ikalawa, na may mga pagbabagong dapat akong gawin sa aking buhay upang makaayon sa mga batas at mga pamantayan ng Diyos.—Awit 119:105; Roma 12:1, 2; 1 Corinto 6:9-11; Colosas 3:9, 10.
Nag-usap kami sa loob ng tatlong oras, tatlong oras na bumago sa aking buhay. Bago umalis si Haruko Isegawa—iyan ang pangalan niya—sinabi niya sa akin kung saan ako maaaring makadalo ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nagsimula rin siyang pumunta linggu-linggo upang makipag-aral ng Bibliya sa akin. Nang sumunod na linggo, dinaluhan ko ang aking unang pulong na kasama ng mga Saksi ni Jehova. Ang natututuhan ko ay nagkaroon ng matinding epekto sa aking pag-iisip at paggawi. Ang mabilis na pagbabago ay ginawa halos sa magdamag. Para sa marami sa aking dating kaibigan, sobra naman ito sa napakaikling panahon, anupa’t kami’y naghiwalay. Naiwala ko ang ilan sa dating mga kaibigan, subalit nagkaroon naman ako ng mas maraming bagong kaibigan, gaya ng ipinangako ni Jesus. (Mateo 19:29) Pagkalipas ng sampung buwan nang unang dumalaw si Sister Isegawa, ako’y nabautismuhan noong Agosto 30, 1974, bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
Nang sumunod na buwan ako’y nagbalik sa Estados Unidos at nagsimulang makisama sa Kongregasyon ng Robbins sa aking bayan. Nang sumunod na taon dinalaw ko ang pandaigdig na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Brooklyn, New York, na tinatawag na Bethel, ibig sabihin ay “Bahay ng Diyos.” Ngayon, tatlong libong boluntaryong mga manggagawa ang naroon, isang libo pa ang nagtatabaho sa Watchtower Farms sa gawing hilaga ng New York, na naglilimbag ng literatura sa Bibliya na ipinamamahagi sa buong daigdig. Lalo pang pinasidhi ng pagdalaw na iyon ang aking pagnanais na maglingkod doon, at ipinagkaloob naman sa akin ni Jehova ang mahusay na pribilehiyong iyon noong Setyembre 1979.
Mga ilang buwan pagdating ko, isa pang brother ang inatasang magtrabaho sa departamentong pinagtatrabahuan ko. May isang bagay na pamilyar sa kaniya, ngunit hindi ko masabi. Pagkaraang makilala siya nang higit, natuklasan namin na kami pala ay kapuwa nasa Okinawa noong panahong iyon, nakatira sa iisang gusaling pabahay, at kami kapuwa ay mga negosyante ng droga. Nagkaroon kami ng isang masayang muling pagkikita. Siya at ang kaniyang maybahay ay naglilingkod ngayon bilang espesyal na buong-panahong mga ministro ng mga Saksi ni Jehova sa Micronesian Islands.
Noong 1981 pinagpala ako ni Jehova ng isang maibiging asawa, si Bonnie, at tinatamasa namin ang maraming mayamang pagpapala samantalang naglilingkod kaming magkasama rito sa Bethel. Para akong ang salmistang si Haring David, gaya ng ipinahayag niya sa ika-23 Awit 23, talatang 6: “Tunay na ang kabutihan at ang kagandahang-loob ay susunod sa akin sa lahat ng kaarawan ng aking buhay; at ako’y tatahan sa bahay ni Jehova sa kahabaan ng mga araw.”
Isang araw binasa ko ang Mateo 10:29, 31. Ibinalik ako nito sa aking kabataan: “Hindi baga ipinagbibili ang maya nang dalawa isang pera? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi nahuhulog sa lupa nang hindi nalalaman ng inyong Ama.” Alam kaya ni Jehova ang tungkol sa maya na napatay ko? Naginhawahan ako nang mabasa ko ang: “Huwag kayong matakot: higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.”—Gaya ng inilahad ni James Dyson.
[Blurb sa pahina 19]
‘Bakit ang mga taong ito’y pinapatay na parang mga hayop?’
[Blurb sa pahina 20]
Naramdaman ko ang malamig na bakal sa aking batok
[Blurb sa pahina 21]
Ang mga pulis ay naroon kasama ang kanilang aso na umaamoy ng heroin
[Blurb sa pahina 22]
Malakas ang paniwala ko na dapat akong makinig sa kaniya
[Larawan sa pahina 23]
Kasama ng aking asawa, si Bonnie