Isang Daigdig na Punô ng Tingga
ISANG opisyal sa U.S. Air Force ang dumanas ng bigla at hindi maipaliwanag na pagbabago ng personalidad. Nabawasan ang timbang niya ng 14 na kilo at hindi siya mapagkatulog. Ang kaniyang misis ay naging anemika at natuyuan. Ano ang nangyayari? Ang pagkaing binili nila sa ibang bansa ay di-wasto ang pagpapakintab (glaze). Tinagasan ng tingga ang pagkain ng mag-asawa.
Sa isa pang kaso, isang sanggol na babae ang halos ay huminto ng paglaki at hindi matunaw nang wasto ang kaniyang pagkain. Bakit? Ang tubig sa gripo sa kaniyang tahanan ay narumhan ng tingga. Isang dalawang-taóng-gulang na lalaki ang nalason ng tingga mula sa lupa sa kaniya mismong bakuran. Ang mga usok ng gasolina mula sa kalapit na haywey ang nagbahid ng tingga sa lupa.
Gaano Kalubha ang Problema?
Batid ng tao sa loob ng mga dantaon na ang tingga ay nakalalason. Inaakala pa nga ng ilang mananalaysay na ang pagkalason dahil sa tingga ay nakatulong sa pagbagsak ng Imperyong Romano. Ang malawakang paggamit ng mga Romano ng tingga sa kanilang mga sisidlan ng alak, mga kagamitan, kosmetiko, at lalo na sa kanilang alak, ay malamang na siyang sanhi ng malaganap na mga problema sa katawan at isipan.
Kumusta naman ngayon? “Sa isang diwa tayong lahat ay nalalason ng tingga,” sagot ni Dr. Donald Louria sa Cecil Textbook of Medicine. Ang mga tao sa industrialisadong daigdig ngayon ay halos may sandaang ulit na dami ng tingga sa kanilang mga katawan kaysa mga taong nabuhay bago ang paglaganap ng industriya. Gayunman, tiniyak ng mga doktor sa Gumising! na hindi pa napatunayan hanggang sa ngayon na ito ang sanhi ng malaganap na karamdaman ng populasyon sa pangkalahatan.
Ang tingga ay lalo nang mapanganib sa mga bata. Mas madali nila itong nakukuha kaysa mga adulto, at maaari nitong sirain ang paglaki at mga kakayahan ng kanilang isipan, marahil nang permanente. Halimbawa, taun-taon maaaring pababain ng pagkalason sa tingga ang talino ng 140,000 mga batang Amerikano ng hanggang limang punto sa IQ.
Ang mababang antas ng tingga ay nakapasok na sa angaw-angaw na mga sambahayan sa pamamagitan ng iniinom na tubig sapagkat ang mga tubong tingga ang karaniwang ginagamit hanggang noong 1940’s. Kahit na ang mga tubong tanso na ginagamit mula noon ay pinagdurugtong ng panghinang na naglalaman ng tingga, bagaman mga ilang taóng nakalipas sa ilang dako ay may ipinasang mga batas na humihiling ng panghinang na walang tingga. Ang mga paunten ng tubig sa mga paaralan at mga opisina ay napansin na pinangmumulan ng tingga. Kung ang lokal na tubig ay maasido, tutunawin nito ang tingga sa tuberiyas at dadalhin ito hanggang sa gripo at sa inyong baso.
Ang lupa at alabok ay nagdadala rin ng tingga. Ang nahuhulog na mga tipak ng pintura at ang industriyang tagatunaw ng tingga ay may kaugnayan dito. Ang malaking maykasalanan ay ang gasolina. Noong 1920’s, ang tingga ay idinagdag sa gasolina upang hadlangan ang pagkalampag ng makina. Kaya ang mga kotse at mga pabrika ay nagsaboy ng angaw-angaw na tonelada ng tingga sa hangin, at ito’y lumagpak sa alabok at sa lupa ng ating planeta. Ang alabok na may dalang tingga ay maaari pa ngang mapunta sa ating pagkain.
May Pag-asa Ba?
Noong 1960’s at ’70’s, isang malinaw na babala ang ipinahayag laban sa mga panganib ng tingga, at maraming mahalagang pagbabago ang ipinatupad buhat noon. Ang lamang tingga ng mga pintura ay lubhang binawasan. Maraming bansa ang nagkaroon ng mga pagsulong sa pag-aalis ng gasolinang may tingga—taglay ang kapuna-punang mga resulta. Sa Estados Unidos, halimbawa, ang antas ng tingga sa dugo ng tao ay bumaba, sa katamtaman, ng mahigit na sangkatlo. Sa Europa, inihuhula na halos lahat ng gasolina doon ay magiging walang tingga sa taóng 2000.
Bunga ng gayong mga pagbabago, ang mga kaso ng grabeng pagkalason sa tingga ay bumaba. Kung gayon, bakit may dahilan pa rin upang mangamba? Sapagkat nakikita ngayon ng mga siyentipiko na mapanganib ang mga antas ng tingga na dati nilang inaakalang ligtas. At ang tao’y hindi huminto sa paglalagay ng tingga sa kapaligiran. Binabanggit ng FDA Consumer ang isang ulat kamakailan na tumatantiyang ang tao’y nagsasaboy pa rin ng 400,000 tonelada ng tingga sa atmospera taun-taon.
Kumusta naman ang hinaharap? Patuloy kayang tatakpan ng tao ng tingga ang daigdig? Nakatutuwa naman, hindi na natin kailangang maghintay pa sa tao upang kumpunihin ang pagkalaki-laking pinsalang ginawa nito sa lupa. Ang laging maaasahang Maylikha ng tao ay nangangakong “ipapahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Subalit kumusta naman ngayon? Ano ang ilan sa praktikal na mga hakbang na maaari mong kunin upang pangalagaan ang iyong sarili at ang iyong pamilya?
Mga Paraan Upang Pangalagaan ang Iyong Sarili
Tubig: Kung may matibay na dahilan ka upang mabahala tungkol sa iyong tubig sa gripo, baka gusto mong ipasuri ito. Kung ang mga tubo sa inyong bahay ay nagdadala ng tingga sa tubig, tanging ang magastos na reverse osmosis filter ang mabisang makaaalis nito. Ang karaniwang mga panalang uling ay hindi nakaaalis ng tingga. At, mababawasan mo ang nilalaman tingga kung patuluin mo ang tubig ng mga ilang minuto, lalo na pagkatapos ng ito’y naipon ng matagal sa mga tubo. Huwag gamitin ang mainit na tubig sa gripo para sa inumin o sa pagluluto ng pagkain, yamang ito’y naglalaman ng mas maraming tingga.
Pagkain: Ang mga palayok na may pampakintab na may halong tingga ay mapanganib kung ito ay hindi idinadarang sa sapat na init. Yamang maraming bansa ay walang batas tungkol sa paggawa nila ng ceramic, mag-ingat kung ikaw ay bibili ng mga palayok mula sa gayong bansa. Ang paggamit ng palayok na imbakan ng pagkain ay mas mapanganib kaysa paggamit dito na pangsilbi ng pagkain, yamang mas maraming tingga ang tumatagas sa paglipas ng panahon. Kung inaakala mong ang isang bagay na yari sa ceramic ay nagtatagas ng tingga, baka gusto mong gamitin ito na dekorasyon lamang at hindi bilang taguan ng pagkain.
Inaalis ng paghuhugas sa mga prutas at gulay ang halos kalahati ng tingga sa alabok na maaaring napunta rito. At ang mahusay na pagkain ay isa pang pangontrang hakbang. Ang timbang na pagkain ay karaniwang nagbibigay ng wastong antas ng zinc, iron, at calcium, at ito ay maaaring makatulong na panatilihing mababa ang antas ng tingga sa katawan. Ingatan na huwag isubo ng inyong anak ang anumang produktong may tingga, gaya ng mga laruang tingga at alabok ng pintura, sa bibig. Hindi sila dapat maglaro sa lugar kung saan maaaring malanghap ang alabok na tingga.
Kaya, samantalang hinihintay ang isang permanenteng lunas sa suliranin tungkol sa tingga sa bagong sanlibutan ng Diyos, may makukuha tayong mga pangunang hakbang upang pangalagaan ang ating sarili.