Ang Kahulugan ng Balita Ngayon
TUMINGIN ka sa isang pahayagan o buksan mo ang telebisyon. Ano ang nababasa, naririnig, o nakikita mo? Mga kuwento tungkol sa pagpatay, panghahalay, droga, pagkawasak ng pamilya, mga kudeta, paghihimagsik, iskandalo, pagdadahilan, mga sakit na gaya ng AIDS, mga lindol, gutom, pagkagutom. Walang salang ito ang balita ngayon. Gayunman, isang napakahalagang aspekto ng balita ang karaniwang winawalang-bahala, at kahit na kung ito ay banggitin, agad itong kinalilimutan.
Halimbawa, noong kaniyang unang takdang panahon ng panunungkulan bilang presidente ng E.U., binanggit ni Ronald Reagan ang tungkol sa “Armagedon,” na ang sabi: “Ako’y nagtataka kung—kung tayo nga ang salinlahi na makasasaksi sa pagdating niyaon.” Gayunman, pagkatapos, hindi niya idiniin ang bagay na ito, iginigiit na hindi niya sinabi na “dapat tayong magplano ayon sa Armagedon.”
Gayunman, ang aklat ng Bibliya na Apocalipsis ay nagsasabi tungkol sa dumarating na Armagedon, ipinaliliwanag na “ang mga hari sa lupa at sa buong daigdig” ay titipunin “sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.” Nagpapatuloy pa, sinasabi ng Bibliya na ang mga bansa ay titipuning “sama-sama sa isang dako na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon.”—Apocalipsis 16:14, 16, King James Version.
Kailan mangyayari ang yumayanig-lupang digmaang iyon ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat? Maaari kayang sa panahon natin? Kahit na si Ronald Reagan ay napakilos na magkomento: “Ewan ko kung napansin ninyo kailan lamang ang alinman sa mga hulang iyon, subalit, maniwala kayo, talagang inilalarawan nito ang mga panahong kinabubuhayan natin.”
Napakahalagang Balita
Pansinin mo ang sumusunod na hula sa Bibliya: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw [ng sistemang ito ng mga bagay] ay darating ang mapanganib na panahon na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagpakunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng banal na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyon.” (2 Timoteo 3:1-5) Masasabi mo bang natutupad ngayon ang hulang ito?
Isa pa, nang binabanggit ang tungkol sa kaniyang hinaharap na pagkanaririto at sa katapusan ng sistema ng mga bagay, si Jesus ay humula: “Makaririnig kayo ng digmaan at mga balita ng digmaan . . . Sapagkat ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng kakapusan sa pagkain at lilindol sa iba’t ibang dako. . . . At dahil sa pagsagana ng katampalasanan ang pag-ibig ng marami ay lalamig.” (Mateo 24:3-12) Hindi ba’t sasang-ayon ka na ang hula ring ito ay natutupad?
Upang mapahalagahan ng kaniyang mga tagasunod na mabubuhay sa panahon ng katuparan ng mga hulang ito ang tunay na kahulugan ng mga ito, ibinigay ni Jesus ang ilustrasyong ito: “Masdan ninyo ang puno ng igos at lahat ng iba pang punungkahoy: Pagka nagdadahon na, kapag nakita ninyo ay alam na ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito [oo, ang mismong mga pangyayaring nakikita nating nagaganap ngayon] talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.”—Lucas 21:29-31.
Tunay, napakaraming katibayan na tayo ay nabubuhay sa panahon kung kailan ang dumarating na Kaharian ng Diyos at ang kaniyang digmaan ng Armagedon ay napakalapit na! Bagaman ang napakahalagang balitang ito ay halos lubusang winawalang-bahala ng mga tagapaghatid ng balita sa daigdig, ang mga Saksi ni Jehova ay nakikibahagi sa pagpapalaganap nito sa buong daigdig. Ang mabuting balitang ito na sinasabi nila ay hindi lamang na lilinisin ng Diyos ang lupa ng lahat ng kasamaan kundi na, sa ilalim ng pamamahala ng kaniyang Kaharian, ang buong lupa ay magiging isang kanais-nais, tulad-harding paraiso.
Tungkol sa mga bagay na ito, ang Bibliya ay nangangako: “Sapagkat ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Ang mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga magdaraya, sila’y bubunutin dito.” At sabi pa nito: “Ang maaamo mismo ang magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan. Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.”—Kawikaan 2:21, 22; Awit 37:11, 29.
Nais mo bang malaman ang higit pa tungkol sa katibayan na ang katuparan ng dakilang mga hulang ito ay malapit na? Kung gayon, ipaalam mo ito sa mga Saksi ni Jehova. Magagalak silang tumulong sa iyo na alamin na ang tunay na kahulugan ng balita ngayon ay na ang Kaharian ng Diyos ay malapit na, oo, na ang bagong sanlibutan ng katuwiran ay malapit na.
[Picture Credit Lines sa pahina 9]
Nordhausen Slave camp: Opisyal na Kuha ng USAF; Nagugutom na bata: WHO kuha ni W. Cutting; Planta ng industriya: WHO kuha ni P. Almasy