Ang Kabataan Ngayon—Ang mga Hamon na Hinaharap Nila
“IPINAKIKITA ng pananaliksik na ang mga taon ng tin-edyer ay walang alinlangan na kabilang sa pinakanakalilito at maigting na panahon ng buhay.” Gayon ang isinulat ni Dr. Bettie B. Youngs sa kaniyang aklat na Helping Your Teenager Deal With Stress. Noon, ang mga kabataan ay abalang-abala sa basta pagiging bata. Gayunman, ngayon, kailangan nilang pakitunguhan kapuwa ang mga kahirapan ng kabataan at ang mga panggigipit ng adultong buhay sa dekada ng 1990.
Ganito ang sulat ni Dr. Herbert Friedman sa magasing World Health: “Ang pagbabago ng kalagayan mula sa pagkabata tungo sa pagiging adulto ay hindi kailanman naganap sa isang panahon ng gayong kalaking pagbabago, ito man ay ang pambihirang pagdami ng populasyon ng daigdig, kasabay ang mabilis na pagdami ng mga lungsod, at ang teknolohikal na mga pagbabago sa komunikasyon at paglalakbay na halos sa magdamag ay lumikha ng mga kalagayan na hindi pa nakita kailanman.”
Isang tin-edyer na babae na nagngangalang Kathy ang sa gayo’y nagsabi: “Napakahirap lumaki sa isang panahon na gaya ng panahon natin.” Ang pagkasugapa sa droga, pagpapatiwakal, pagmamalabis sa alkohol—ang mga ito ang reaksiyon ng ilang kabataan sa mga kaigtingan at mga paghihirap ng “mapanganib na mga panahong [ito] na mahirap pakitunguhan.”—2 Timoteo 3:1.
Pagbabago sa Pamilya
Gunita ni Dr. Youngs: “May panahon sa amin ang aming mga magulang. Marami sa amin ang may mga inang ginawang buong-panahong karera ang pagpapalaki ng anak.” Subalit ngayon, “maraming babae ang hindi o pinipiling huwag manatili sa bahay at buong-panahong alagaan ang kanilang mga anak. Sila’y nagtatrabaho at sinisikap gampanan ang trabaho at pamilya. Hindi sapat ang mga oras sa isang araw; may isang bagay na kailangang magdusa. Kadalasan, ang nagdurusa ay ang panahon at alalay na maibibigay ng isang magulang sa kaniyang anak. Sa pinakamahinang panahon ng buhay, ang isang tin-edyer ay naiiwang mag-isa upang batahin ang pisikal, mental, at emosyonal na mga pagbabago.”—Helping Your Teenager Deal With Stress.
Tiyak na patuloy na makikita ng 1990’s ang mga uri ng pamilya na lubhang binabago ng diborsiyo (50 porsiyento ng mga pag-aasawa sa Estados Unidos ay nagwawakas sa diborsiyo), mga anak sa labas, at ang lumalagong kausuhan sa mga lalaki’t babae na magsama bagaman hindi kasal. Ngayon, halos 1 sa 4 na pamilya sa Estados Unidos ay pinamumunuan ng nagsosolong magulang. Ang dumaraming bilang ng mga pamilya ay mga pangalawang pamilya dahil sa muling pag-aasawa.
Ang mga bata ba sa gayong uri ng pamilya ay nanganganib na mapinsala ang damdamin at isipan? Halimbawa, sabi ng iba na ang mga bata sa mga sambahayan ng nagsosolong-magulang ay mas malamang na malumbay, malungkot, at walang katiyakan kaysa mga kabataang pinalaki sa tradisyunal na mga pamilya. Totoo, maraming nagsosolong-magulang na mga pamilya at pangalawang pamilya ang kumikilos na may waring kaunting pinsala sa mga bata. Gayunman, nililiwanag ng Bibliya na nilayon ng Diyos na ang mga bata ay palakihin ng dalawang magulang. (Efeso 6:1, 2) Ang pag-iba sa huwarang kalagayang ito ay tiyak na magdadala ng karagdagang kaigtingan at kahirapan.
Nagkakaroon din ng pagbabago sa buhay pampamilya sa maraming nagpapaunlad na bansa. Doon, ang tradisyunal na uri ay ang idinagdag (extended) na pamilya, kung saan ang lahat ng adultong miyembro ng pamilya ay may bahagi sa pagpapalaki ng mga bata. Mabilis na pinuputol ng pag-unlad ng mga lungsod at industriya ang mga ugnayan sa idinagdag na pamilya—at ang daloy ng kinakailangang suporta sa mga kabataan.
Sulat ng isang Aprikanong dalagita: “Wala akong mga tiya o iba pang kamag-anak na magpapayo sa akin sa kung ano ang kahulugan ng paglaki. Inaasahan ng mga magulang na ang paksang ito ay ituturo sa paaralan—at ipinauubaya naman ito ng paaralan sa mga magulang. Wala na ang diwa na ang mga bata ay kabilang sa pamayanan.”a
Mga Kabalisahan sa Kabuhayan
Nababalisa rin nang husto ang mga kabataan sa lumalalang ekonomiya ng daigdig. Sa katunayan, 4 sa 5 kabataan ang nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa at hinaharap ang kinabukasan ng habang-buhay na karalitaan at kawalan ng trabaho. Sabi ng 17-anyos na si Luv, isang maninirahan sa India: “Sa mga kabataan sa aming bansa, sa kasalukuyan ay napakaraming walang trabaho, kaya kataka-taka ba kung ang mga kabataan ay nagkakasakit at hindi maligaya, nagiging biktima ng mga bisyo, lumalayas o nagpapatiwakal pa nga?”
Ang mga kabataan sa mayamang Kanluran ay may mga problema rin sa pera. Isaalang-alang, halimbawa, ang iniulat ng isang surbey ng mga tin-edyer sa E.U. sa magasing Children Today: “Nang tanungin tungkol sa espisipikong mga paksa na nakababahala sa kanila, kinilala ng mga tin-edyer ang mga isyung nauugnay sa pera at kinabukasan.” Kabilang sa sampung inaalala nila ay ang “pagbabayad para sa kolehiyo,” ang “pagbagsak ng [ekonomiya] ng bansa,” at “hindi pagkita nang sapat.”
Balintuna, gayunman, naniniwala ang ilang dalubhasa na kahit na ang mga kabataang nakalalamang sa pinansiyal ay maghihirap din sa kalaunan. Ang magasing Newsweek ay nagsabi: “Noong ’80s, tatlo sa apat na high-school seniors [sa E.U.] ay nagtatrabaho ng katamtamang 18 oras sa isang linggo at karaniwang nag-uuwi ng mahigit $200 isang buwan”—marahil ay mas maraming baong pera kaysa kanilang mga magulang! Mahuhulaan, ang mga “kitang ito ay agad na ginagasta sa mga kotse, pananamit, stereo at iba pang mga bagay ng mabuting buhay ng kabataan.”
Napansin ng manunulat na si Bruce Baldwin na ang mga kabataang iyon ay “lumalaki na taglay ang mga inaasahan . . . na ang mabuting buhay ay laging nariyan lamang sila man ay magkaroon ng personal na pananagutan at pangganyak sa paggawa o wala.” Subalit sila “ay nagigising sa katotohanan kapag umalis na sila ng bahay. Ang artipisyal na kapaligiran ng tahanan ay maaaring malayung-malayo sa tunay na mga inaasahan sa pamilihan at sa mga pangangailangan ng adultong pagkilos anupa’t maaaring maranasan nila ang isang bagay na gaya ng pagkabigla sa kultura.”
Nagbabagong mga Kodigo at Pamantayan sa Asal
Ang madulang mga pagbabago sa asal at iba pang pamantayan ay isa ring dahilan ng kalituhan sa gitna ng mga kabataan. “Ang sekso . . . noong kabataan ng aking lola ay hindi naririnig,” sabi ni Ramani, isang dalagita mula sa Sri Lanka. “Ang sekso sa pag-aasawa ay hindi pinag-uusapan, kahit na sa loob ng pamilya o sa doktor, at ang sekso sa labas ng pag-aasawa ay hindi umiiral.” Gayunman, ang dating mga ipinagbabawal ay pawang naglaho. “Ang sekso sa mga tin-edyer ay halos naging isang paraan ng buhay,” ulat niya.
Hindi kataka-taka, nang isang surbey ang gawin sa 510 mga estudyante sa high school sa Estados Unidos, ang ikalawang ikinababahala nila ay “na mahawa sila ng AIDS”! Subalit ngayon na ang pinto ng “bagong moralidad” ay nabuksan, ayaw naman ng ilang kabataan na isaalang-alang ang pagsara nito sa pamamagitan ng pagsasagawa ng monogamya—o kaya’y maghintay hanggang sa pag-aasawa. Gaya ng tanong ng isang kabataang Pranses: “Sa ating panahon, maipapangako ba natin sa ating sarili na maging tapat sa ating buong buhay?” Kaya ang AIDS at ang iba pang sakit na naililipat sa seksuwal na paraan ay patuloy na nagbabanta sa buhay at kalusugan ng maraming kabataan.
Anong uri ng Kinabukasan?
Ang mga kabataan ay mayroon pang ikinababahala. Ang pag-asang manahin ang isang sirang lupa—ang atmospera nito ay naubusan ng ozone, ang temperatura nito ay tumataas sa ilalim ng isang pangglobong pag-init ng lupa, ang mayabong na kagubatan nito ay napalis, ang hangin at tubig nito ay hindi angkop na langhapin at inumin—ay nakababahala sa maraming kabataan. Bagaman umuunti sa kasalukuyan, ang banta ng nuklear na digmaan ay nagpapangyari sa ilan na mag-isip kung ang sangkatauhan kaya ay magkaroon pa ng isang kinabukasan!
Maliwanag, kung gayon, na nakakaharap ng mga kabataan ngayon ang pagkarami-raming hamon. Kung walang tulong, direksiyon, at patnubay, ang kanilang kasalukuyan at hinaharap na kaligayahan ay lubhang nanganganib. At kung walang pag-asa sa hinaharap, walang pagkadama ng katiwasayan ang makakamit. Mabuti naman, may handang tulong para sa mga kabataan ngayon.
[Talababa]
a Ito at ang iba pang mga sinipi mula sa mga kabataan sa nagpapaunlad na mga bansa ay kinuha mula sa labas na Marso 1989 ng magasing World Health.
[Larawan sa pahina 6]
Ang pagkawasak ng pamilya dahil sa diborsiyo at paghihiwalay ay nagkakait sa maraming kabataan ng kinakailangang pagtangkilik ng magulang