Tugon ng Mambabasa sa Aklat na “Tanong ng mga Kabataan”
INAAKALA ng iba na sila’y kagagalitan. “Akala ko nais nila kaming payuhan tungkol sa aming paggawi,” sabi ng isang 15-anyos na babaing nagngangalang Shereda. Ang iba ay basta nangangamba. Ganito ang gunita ng isang sampung-taóng-gulang na Britanong lalaking nagngangalang Timothy: “Nang malaman kong ako’y uupo na malayo sa aking inay at itay, ayaw kong umalis.”
Ang dahilan ng pagkabalisang ito? Ang patalastas noong Biyernes ng umaga sa 1989 “Maka-Diyos na Debosyong” Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehovaa na ang mga kabataan na ang edad ay sa pagitan ng 10 at 19 ay uupo sa isang inireserbang upuan. Ang anumang pangamba ay nawala nang ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas ay ilabas at ipamahaging walang bayad sa lahat ng kabataang naroroon. Ang mga reaksiyon?
“Wala akong masabi; nangilid ang luha sa aking mukha.”—Mike.
“Napaiyak ako nang makita ko ang kahanga-hangang impormasyon sa aklat. Ang bagay na ito’y isang kaloob buhat sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova sa mga kabataan ay isang halimbawa ng kung gaano kalaki ang pagmamalasakit nila sa amin.”—Disiotso-anyos na si Margie.
Pinahalagahan lalo na ng isang sampung-taóng-gulang na nagngangalang Naomi, na ang ama ay kamamatay lamang, ang pagtanggap ng aklat. Gunita niya:
“Ito ang unang malaking asamblea na dinaluhan ng aming pamilya nang wala si tatay. Lungkot na lungkot ako noong unang araw. Ngunit nakatutuwang malaman na ang ating mga kapatid at ang ating makalangit na Ama, si Jehova, ay nangangalaga sa amin hanggang sa pagbabalik ng aming tatay sa bagong sanlibutan.”
Saklaw ng aklat, sa pinaikling anyo, ang halos kalahati ng “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ” na mga artikulong lumabas sa magasing Gumising! mula 1982 hanggang 1989. Mayroon itong 39 na mga kabanata, pinagsama-sama sa sampung bahagi ayon sa paksa. (Tingnan ang kahon sa susunod na pahina.) Ano ang halaga ng pagkakaroon ng lahat ng impormasyong ito sa isang maliit na aklat? Sabi ng isang kabataan: “Kadalasa’y alam kong dapat kong tingnan ang dating mga artikulo sa ‘Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . ’ upang tulungan ako sa isang problema, subalit hindi ko masumpungan ito. Ngayon may publikasyon na makukuha ko anumang oras upang gamitin bilang isang patnubay.”
Ang aklat na Tanong ng mga Kabataan ay mayroon ding mabisang mga larawan. “Gustung-gusto ko ang makulay na mga larawan,” sabi ng 11-anyos na si Heather. Ang mga larawan ay nagtatampok ng mga kabataan mula sa buong daigdig. Sabi ng isang kabataang taga-Canada: “Ang mga ilustrasyon ay nakabibighani at inilalarawang mainam ang aming tunay na mga damdamin kapag nakakaharap namin ang isang problema.” Kaya, hindi kataka-taka, na maraming kabataan ang agad na binasa ang mga nilalaman nito.
‘Hindi Ko Maihinto ang Pagbasa Nito’
Isang 17-anyos na babae ang sumulat, gamit ang mga kagamitan sa pagsulat ng otel:
“Halos nangangalahati na kami pauwi sa bahay mula sa ating kombensiyon at apat na oras pa ng paglalakbay. Nabasa ko na ang sampung kabanata.”
Ang iba ay nabighani sa talaan ng mga nilalaman:
“Nang basahin ko ang talaan ng mga nilalaman, para bang tinitingnan ko ang aking sariling buhay. Marami sa mga tanong ay itinanong ko sa aking sarili noon.”—Disiseis-anyos na si Kathy.
Kahit na ang mga “hindi mahilig bumasa” ay nabighani:
“Ayaw kong magbasa nang gayon karami, subalit ang aklat na ito ay napakaganda anupa’t nang simulan kong basahin ito, hindi ko ito maibaba. Nabasa ko halos ang buong aklat sa loob ng tatlong araw.”—Kinse-anyos na si Jennifer.
“Hindi ako ang pinakamagaling na mambabasa at hindi ako palabasa. Pag-uwi ko mula sa kombensiyon, pagod ako at hindi ko halos maimulat ang aking mga mata. Subalit binuksan ko ang publikasyong ito, sinimulan kong basahin, at nabasa ko ang isang buong kabanata! Mula noon, isang kabanata ang binabasa ko araw-araw, hanggang ngayong gabi—dalawang kabanata ang nabasa ko!”—Disisiete-anyos na si Tiffany.
At mayroon ding ilan na nag-aalinlangan:
“Akala ko medyo napakatanda ko na para sa ilang bahagi ng aklat. Kaya sinimulan kong basahin ang Bahagi 6, ‘Ang Sekso at Moralidad.’ Napakalaki ng naitulong nito sa akin sa paggawa ng ilang malalaking pasiya. Walang sinuman ang napakatanda para sa aklat na ito!”—Disinuebe-anyos na si Sabrina.
Oo, pagkabasa nito, inaakala ng marami na ang pagbasa dito nang minsan ay hindi sapat:
“Nabautismuhan ako isang taon na ang nakalipas, subalit nagkaroon ng problema, at ako’y nanlumo. Minsan lumayas pa nga ako! Kaya nang matanggap ko ang bagong aklat, nadama ko na alam ni Jehova kung ano ang kailangan ko. Ito’y hindi kapani-paniwala! Dalawang beses ko na itong nabasa.”—J. S.
“Letra por letrang isinusulat ko ang bawat kasulatan na nasa aklat upang mas madali para sa akin na basahin ang aklat sa ikalawang pagkakataon. Walang pagmamalabis: Ang aklat na ito ay gumawa sa akin na mas mabuting tao.”—Disiotso-anyos na si Aida.
‘Hindi Mo Aakalain na Ikaw ay Pinagsasabihan ng Kung Ano ang Gagawin Mo’
Mahigit isang taon na ang lumipas sapol nang ilabas ang aklat na Tanong ng mga Kabataan, gayunman patuloy pa rin ang pagtanggap ng mga pasasalamat. Bahagi ng tagumpay nito ay tiyak na bagaman ito ay patungkol sa mga kabataan, ang aklat ay hindi parang bata; ni ito man ay isinulat sa isang paraan na aakalain ng mga mambabasa na sila’y pinangangaralan. Ganito ang pagkakasabi ng ilang kabataan:
“Ang aklat na ito ay mayroon pa ngang katatawanan. Sinusuhayan ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, di-hamak na mas mabuti ito kaysa anumang magasing para sa mga tin-edyer.”
“Hindi mo aakalain na ikaw ay pinagsasabihan ng kung ano ang gagawin mo; bagkus, ipinaaalam sa iyo ang ilang posibilidad at mga kahihinatnan ng bawat isa. Ang pangmalas ni Jehova ay laging malinaw na ipinakikita at sinusuhayan ng Kasulatan.”
Marami ang nagpasalamat sa paraan ng pagkakasulat at matalinong unawa na ipinakita nito sa kanilang mga damdamin.
“Ang aking ama ay hindi nagpakita ng anumang anyo ng pagmamahal sa akin, subalit ang payong nasa aklat ay para bang galing sa isang maibiging ama na nagpapayo sa amin para sa aming pakinabang.”—Stefano, Italya.
“Nadama ko agad na para bang ako’y nakikipag-usap sa isa na kilalang-kilala ako at hindi yaong nagbabasa ako ng isang inilimbag na pahina.”—Myriam, Italya.
“Marami sa mga halimbawang ginamit ay katulad ng naranasan ko. Nauunawaan ko ito nang lubusan.”—Isang tin-edyer na babae.
“Alam kong walang tin-edyer sa Lupong Tagapamahala. Gayunman, lahat ng isinulat ninyo tungkol sa mga kabataan ay tamang-tama; para bang ikaw ay tuwirang kinakausap mismo ni Jehova.”—Kinse-anyos na si Aubree.
Hindi Lamang Para sa mga Kabataan
Maraming kabanata ay nagbibigay ng matalinong unawa sa mga problemang nakakaharap ng adultong mga Kristiyano, mga problemang gaya ng pagkamahiyain, panlulumo, kalungkutan, at kawalan ng trabaho. Hindi kataka-taka, kung gayon, maraming adulto ang nagpahayag din ng pagpapahalaga sa aklat. Sabi ng asawa ng isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova:
“Kami ng mister ko ay walang anak. Gayunman, nasumpungan kong ang paraan ng pagkakalahad ng materyal ay mahalaga rin sa amin. Ang aklat ay maaari rin sanang pinamagatang ‘Ang mga Tanong ng mga Tao—Mga Sagot na Lumulutas!’ ”
Ang ibang adulto ay sumasang-ayon:
“May mga pangungusap, parirala, at mga simulain na kapaki-pakinabang sa aking kasariwaang buhay ng 41.”
“Hindi mo aakalain na ang isang aklat na isinulat para sa mga kabataan ay makatutulong sa isang 61 anyos na babae. Subalit natulungan ako nitong mag-isip nang positibo tungkol sa nakaraan at iwaksi ang hinanakit ko sa aking mga magulang.”
“Nasumpungan ko na ‘ang mga matatanda ay nagtatanong’ din. Sa aking mahabang taon bilang isang Kristiyano wala pang nakatulong sa akin na higit na maunawaan ang aking sarili. Siyanga pala, ako’y 74 na taon kabata.”
Tumanggap din ng mga sulat mula sa maraming magulang na Kristiyano:
“Mayroon akong tatlong tin-edyer, at ang aklat na ito ang sagot sa aking mga panalangin. Salamat at nariyan kayo upang tulungan kami. Sinisikap ni Satanas ang lahat ng bagay upang ilayo ang aking mga anak. Subalit ngayon ako’y nasasangkapan upang gawin ang lahat ng aking magagawa na taglay ang kahusayan, salamat sa napapanahong aklat na ito.”
“Pinapagod tayo ng sistemang ito sa araw-araw. Ang bunso ko ay 12 anyos, at nitong nakalipas na taon siya ay nawalan ng interes sa espirituwal na mga bagay. Hindi ko masabi ang kaligayahan ko na makita siyang kumikilos tungo sa bautismo bunga ng kombensiyon at ng bagong aklat na ito.”
“Napaiyak ako nang tanggapin ng aking mga anak ang kanilang mga kopya. Walang ibang relihiyosong organisasyon ang lubhang nagmamalasakit sa kanilang mga kabataan!”
“Ako’y isang nagsosolong magulang, at ako’y natatakot at inaakala ko kung minsan na ako’y hindi kuwalipikado bilang isang magulang. Ang panganay kong anak na lalaki ay 11 anyos at mayroon siyang guro na inis sa kaniya. Talagang nakaaaliw na masumpungan ang isang kabanata sa aklat na Tanong ng mga Kabataan na tinatalakay ang kalagayang iyon!”
Marami ang nagpapatunay sa pagiging mabisa ng bahagi na tinatawag na “Mga Tanong para sa Talakayan” na lumilitaw sa dulo ng bawat kabanata:
“Binasa naming magkasama ang aklat bilang bahagi ng aming regular na pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Ito’y lalong nagpalapit sa aming lahat. Napansin ko na ang mga bata ay palagay ang loob sa mga katanungan, at talagang nakatutulong sa pagpapahayag ng mga damdamin na maaaring hindi madaling sabihin.”
Mga Sagot na Talagang Lumulutas!
Mangyari pa, ang pagsubok sa halaga ng aklat na ito ay hindi ang popularidad nito kundi ang pagiging praktikal nito. Sa ibang salita, talaga bang lumulutas ang mga sagot nito? Maraming kabataan ang sumasang-ayon na lumulutas nga ito:
“Bago ko binasa ang aklat na ito, sasama-sama lamang ako sa Kingdom Hall sa aking nanay at sa aking kapatid na babae dahil ayaw kong maiwang mag-isa sa bahay. Ako’y namumuhay ng dobleng pamumuhay. Ngayon lahat ng iyan ay pawang nagbago sa ikabubuti.”
“Maaari mong iwan ang katotohanan, subalit hindi ka nito iiwan. Sa gulang na 27, sinikap kong bumalik sa Kingdom Hall—mag-isa, takot, at nagsisisi. Inihinto ko na ang masasamang bisyo at inaakala kong hinding-hindi na ako mapatatawad ng Diyos. Subalit isang may edad na sister ang nagbigay sa akin ng bagong aklat na Tanong ng mga Kabataan. Nasumpungan kong tinatalakay nito ang lahat ng aking problema at sinasabi nito kung paano pakikitunguhan ang mga ito. Umiyak ako. Hindi ko masabi ang aking pasasalamat sa aklat na ito. Mga sagot na lumulutas—at talaga naman!!!”
“Pinag-isip ako ng aklat. Sa simula talagang hindi ko itinuturing ang aking sarili na isa sa mga Saksi ni Jehova. Mayroon akong girlfriend. Nakikibarkada ako sa mga tao sa sanlibutan. Nagnakaw pa nga ako noon. Subalit pagkatapos kong basahin ang aklat na ito, natalos ko na mali ang ginagawa ko sa aking buhay. Nanalangin ako kay Jehova na patawarin niya ako at pinasalamatan ko siya sa pagbibigay sa akin ng kahanga-hangang bagong aklat na ito.”
Mga halimbawa lamang ito ng daan-daang liham na tinatanggap. Kami’y napasisigla at nababagbag ang loob sa mahuhusay na tugon ninyong mga kabataan. Maliwanag, nais ninyong gawin ang tama, at pinahahalagahan ninyo ang patnubay na maibiging ibinibigay ni Jehova sa kaniyang Salita. Maliwanag din na ang mga sagot buhat sa Salita ng Diyos ay talagang lumulutas!
Magagalak kayong malaman na ang serye sa Gumising! na “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ay patuloy na magbibigay ng magaling, salig-Bibliyang payo tungkol sa mga paksang may kaugnayan sa inyo. Huwag kaliligtaan ang isa mang artikulo! At kung hindi pa ninyo nabasa, basahin—at muling basahin—ang publikasyong Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas.b Ibahagi ito sa inyong mga kaklase. Tingnan ang binabanggit na mga kasulatan. Ipakipag-usap sa inyong mga magulang ang mga kabanata. Ikapit ang payo nito. At tiyak na sasang-ayon kayo sa 16-anyos na si Kent, na nagsabi: “Ito’y katulad ng pagkakaroon ng isang handbook na tutulong sa akin sa pinakamahalagang mga taon ng aking buhay.”
[Mga talababa]
a Idinaos sa buong daigdig simula ng Hunyo 1989.
b Makukuha sa pamamagitan ng pagsulat sa mga tagapaglathala ng magasing ito.
[Kahon/Larawan sa pahina 11]
Mga Nilalaman
Bahagi 1
Ang Tahanan:
Pakikitungo sa mga Miyembro ng Pamilya
Kabanata Pahina
1 Bakit Ko Dapat ‘Igalang ang Aking Ama at ang Aking Ina’? 11
2 Bakit Ayaw Akong Unawain ng Aking mga Magulang? 18
3 Papaano Ko Magagawang Mabigyan Ako ng Higit na Kalayaan ng Aking mga Magulang? 26
4 Bakit Naghiwalay si Itay at si Inay? 34
5 Papaano Ko Pakikitunguhan ang Muling-Pag-aasawa ng Aking mga Magulang? 42
6 Bakit Napakahirap Pakisamahan ang Aking mga Kapatid? 50
7 Dapat Ko Bang Lisanin ang Aming Tahanan? 56
Bahagi 2
Ikaw at ang Iyong mga Kasamahan
8 Papaano Ako Magkakaroon ng Tunay na mga Kaibigan? 65
9 Papaano Ko Malalabanan ang Panggigipit ng Kasamahan? 73
Bahagi 3
Isang Pagsusuri sa Iyong Hitsura
10 Gaano Kahalaga ang Hitsura? 82
11 Ang Akin Bang Kasuotan ay Nagbubunyag ng Aking Tunay na Pagkatao? 90
Bahagi 4
Bakit Ganito ang Aking Nararamdaman?
12 Bakit Ayaw Ko sa Aking Sarili? 98
13 Bakit Gayon na Lamang ang Aking Panlulumo? 104
14 Papaano Ko Maiwawaksi ang Aking Kapanglawan? 115
15 Bakit Ako Lubhang Mahiyain? 121
16 Normal ba na Magdalamhati Tulad ng Nadarama Ko? 127
Bahagi 5
Ang Paaralan at Trabaho
17 Dapat ba Akong Huminto sa Pag-aaral? 134
18 Papaano Ko Mapagbubuti ang Aking mga Marka? 140
19 Bakit Ayaw Akong Tigilan ng mga Bata? 150
20 Papaano Ko Pakikisamahan ang Aking Guro? 158
21 Papaano Ako Makapapasok (at Makapananatili) sa Trabaho? 166
22 Anong Karera ang Dapat Kong Piliin? 174
Bahagi 6
Ang Sekso at Moralidad
23 Tama Kaya ang Pagsisiping Muna Bago ang Kasal? 181
24 Papaano Ko Tatanggihan ang Pagsisiping Bago Ikasal? 192
25 Masturbasyon—Gaano Ito Kalubha? 198
26 Masturbasyon—Papaano Ko Madadaig ang Tukso? 205
27 Katapatan—Talaga Bang Ito ang Pinakamabuting Patakaran? 112
Bahagi 7
Pakikipag-date, Pag-ibig, at ang Di-kasekso
28 Papaano Ko Malilimutan ang Isang Crush? 219
29 Handa na ba Akong Makipag-date? 225
30 Handa na ba Ako sa Pag-aasawa? 236
31 Papaano Ko Malalaman Kung Ito nga’y Tunay na Pag-ibig? 242
32 Papaano Ako Magtatagumpay sa Pakikipagligawan? 252
Bahagi 8
Ang Bitag ng Droga at Alkohol
33 Pag-inom ng Alak—Bakit Hindi? 262
34 Bakit Magsasabi ng Hindi sa Droga? 272
Bahagi 9
Malayang Panahon
35 May Nagagawa ba ang Aking Binabasa? 283
36 Papaano Ko Mapipigil ang Aking Hilig sa Panonood ng TV? 289
37 Bakit Hindi Ako Maaaring Magsaya Paminsan-minsan? 296
Bahagi 10
Ang Iyong Kinabukasan
38 Ano Mayroon ang Kinabukasan Para sa Akin? 305
39 Papaano Ako Magiging Malapit sa Diyos? 311
[Kahon sa pahina 12]
‘Ang Paborito Kong Bahagi ng Aklat Ay . . .’
Maraming kabataan ang nagkomento kung alin sa sampung bahagi (na nakatala sa ibaba) ng aklat na Tanong ng mga Kabataan ang partikular na nakatulong sa kanila:
Ang Tahanan: “Kami ng kapatid kong babae ay laging nag-aaway. Subalit natulungan ako ng aklat na maging mabait sa aking kapatid. At kung kami’y nag-aaway, humihingi kami ng tawad sa isa’t isa at na hindi namin sinasadya ang aming sinabi.”
“Iniisip ko na ang aking kapatid na babae ay mayroon ng lahat ng bagay na nais niya, subalit talos ko na ngayon na ako’y naiinggit sa kaniya. Natalos ko rin, na ang aking mga magulang ay hindi nagtatangi kundi sinisikap lamang nila na ipakita ang kanilang pag-ibig sa lahat.”
“Tinulungan ako nitong malaman na ang aking inay at itay ay hindi naghiwalay dahil sa akin.”
Ikaw at ang Iyong mga Kasamahan: “Tinulungan ako nitong maunawaan na kung nais ko ng isang kaibigan, dapat akong maging isang kaibigan. At, natutuhan kong huwag makibarkada sa mga batang masasamang kasama.”
Isang Pagsusuri sa Iyong Hitsura: “Akala ko napakataba ko, at halos hindi ako kumakain ng mga ilang araw. Subalit magpapakabundat naman ako kinabukasan at muli na namang tataba. Naipasiya ko na ako’y pangit at hindi kaakit-akit. Isang mahal na kaibigan ang nagsabi sa akin na basahin ko ang bahagi tungkol sa ‘hitsura.’ Naluha ako habang binabasa ko ito. Itinakda ko na ang mga bagay na dapat kong unahin, at itinutuon ko ngayon ang aking pansin sa aking paglilingkod sa Diyos—hindi sa aking hitsura.”
Bakit Ganito ang Aking Nararamdaman?: “Ako’y lubhang nanlulumo, hanggang sa puntong naisip kong magpatiwakal. Ngayon sinisikap kong harapin ang aking mga takot at tumanggap ako ng propesyonal na tulong. Gayon na lamang ang ginhawa ko nang mabasa ko na magkakaroon ng wakas sa ‘paulit-ulit na takot’ na ito.”
Ang Paaralan at Trabaho: “Nagkakaproblema ako sa aking mga marka at lagi akong tinutukso sa paaralan. Binabalak kong ikapit ang payo sa paaralan.”
Ang Sekso at Moralidad: “Napakaraming panggigipit sa mga tin-edyer na gumawa ng masama, subalit sa pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, natatanggihan ko ang aking mga kasamahan.”
“May problema ako tungkol sa masturbasyon, at ito’y nagdudulot sa akin ng malaking pagkabalisa. Subalit talagang sisikapin kong ikapit ang payong ito at sisikapin kong maging pinakamabuting kabataan para sa aking makalangit na Ama.”
Pakikipag-date, Pag-ibig, at ang Di-kasekso: “Nagkaroon ako ng higit pa kaysa “crush” sa isang babae mga ilang panahon na. Hindi naman ako gumagawa ng kabalbalan o hiyain ko ang aking sarili sa harap niya. Gayunman, nadarama ko ang mga damdamin na inilalarawan ninyo. Ang aklat ay nakatulong sa akin na matanto na ito ay isa lamang pagkahaling at na bata pa ako upang makipag-date.”
Ang Bitag ng Droga at Alkohol: “Ako’y nasa unang taon sa high school, at inalok na nila ako ng droga. Ang aklat ay tumutulong sa akin na tumanggi.”
Malayang Panahon: “Dati akong nanonood ng TV mula Lunes hanggang Biyernes. Tinulungan ako ng aklat na bawasan ang panonood ko ng TV—Linggo at Biyernes lamang!”
Ang Iyong Kinabukasan: “Dati’y akala ko na ang Bibliya ay nakakabagot—ngunit hindi na gayon! Sinisikap kong basahin ito 15 minuto araw-araw!”
“Talagang nakatulong ito sa akin sa aking mga panalangin. Ngayon maaari akong makipag-usap kay Jehova na gaya ng sa isang matalik na kaibigan.”
[Mga larawan sa pahina 10]
Ang larawang ito (kanan) ay ipinadala ng isang pangkat ng mga kabataan mula sa Pransiya bilang isang sagisag ng ‘maibiging proteksiyon at pagtangkilik’ ni Jehova at ng kaniyang organisasyon sa paglalaan ng aklat na Tanong ng mga Kabataan