Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 3—Ang ‘Gobyerno ba ng Pinakamagaling’ ang Talagang Pinakamagaling?
Aristokrasya: gobyerno ng maharlika, isang autorisadong minoridad, o isang uri ng mga piling tao na inaakalang pinakamagaling mamahala; oligarkiya: gobyerno ng iilan, ng mga tao o ng mga pamilya, karaniwan ay para sa tiwali at sakim na layunin.
WARING makatuwiran na ang pinakamagaling na uri ng gobyerno ay iiral kung ito’y bubuuhin ng pinakamagaling na tao. Ang pinakamagaling na mga tao ay higit ang pinag-aralan, mas kuwalipikado, at mas may kakayahan—gayon ang paliwanag—at samakatuwid ay mas mahusay na manguna sa iba. Ang isang aristokratikong gobyerno na pinamumunuan ng isang uri ng piling tao ay maaaring isa sa ilang uri; halimbawa, ang pamumuno ng mayaman, isang plutokrasya; pamumuno ng klero, isang teokrasya; o ang pamumuno ng mga opisyal, isang burukrasya.
Maraming sinaunang lipunan, sa ilalim ng pamumuno ng matatanda o mga pinuno ng tribo, ay mga aristokrasya. Noong minsan, ang Roma, Inglatera, at Hapón, upang banggitin lamang ang tatlo, ay pawang aristokratikong mga gobyerno. Sa sinaunang Gresya, ang salitang “aristokrasya” ay ginamit may kaugnayan sa mga estadong-lungsod, o poleis, kung saan isang maliit na grupo ang namamahala. Kadalasan maraming prominenteng pamilya ang nagsasama sa kapangyarihan. Gayunman, sa ibang kaso, sinusunggaban ng isahang mga pamilya ang kapangyarihan at nagtatatag ng mas mapaniil na uri ng pamamahala.
Gaya ng ibang Griegong estadong-lungsod, ang Atenas ay dating isang aristokrasya. Nang maglaon, habang pinahihina ng mga pagbabago sa kultura ang pagkakaiba-iba ng uri at sinira ang pagkakaisa nito, ang lungsod ay naging demokratikong uri. Sa kabilang dako naman, ang Sparta, na ipinalalagay na naitatag noong ikasiyam na siglo B.C.E., ay pinamumunuan ng isang militar na oligarkiya. Di-nagtagal ang lungsod na ito ay nakaribal ng mas matandang Atenas, at ang dalawang lungsod ay naglaban para sa kahigitan sa Griegong daigdig noong kanilang panahon. Kaya, ang pamumuno ng marami, gaya sa Atenas, ay nakalaban ng pamumuno ng iilan, gaya sa Sparta. Siempre pa, ang kanilang labanan ay masalimuot, nagsasangkot ng higit pa sa basta di pagkakasundo tungkol sa gobyerno.
Pinilipit ang Marangal na Huwaran
Ang mga pagkakaiba sa pulitika ay kadalasang paksa ng pilosopikal na mga pagtatalo sa gitna ng mga pilosopong Griego. Ang dating estudyante ni Plato na si Aristotle ay gumawa ng pagkakaiba sa pagitan ng aristokrasya at oligarkiya. Inuri niya ang dalisay na aristokrasya bilang isang mabuting uri ng gobyerno, isang marangal na huwaran na nagpapangyari sa mga tao na may pantanging kakayahan at mataas na moral na italaga ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa bayan sa kapakinabangan ng iba. Subalit kapag pinamunuan ng isang mapaniil at sakim na piling tao, ang dalisay na aristokrasya ay sumasamâ tungo sa hindi makatarungang oligarkiya. Ito ang itinuring niyang isang pinilipit na uri ng gobyerno.
Bagaman itinataguyod ang pamamahala ng ‘pinakamagaling,’ inamin ni Aristotle na ang pagsasama ng aristokrasya sa demokrasya ay marahil magbubunga ng ninanais na mga resulta, isang ideya na nakaaakit pa rin sa ilang pulitikal na mga nag-iisip na tao. Sa katunayan, aktuwal na pinagsama ng sinaunang mga Romano ang dalawang uring ito ng gobyerno taglay ang ilang tagumpay. “Ang pulitika [sa Roma] ay gawain ng lahat,” sabi ng The Collins Atlas of World History. Gayumpaman, kasabay nito, “ang pinakamayayamang mamamayan at yaong mapalad na ipinanganganak na maharlika ang bumubuo ng isang oligarkiya na ibinabahagi sa kanilang sarili ang mga tungkulin ng mahistrado, kumander ng militar at pari.”
Kahit na noong dakong huli ng Edad Medya at maaga sa modernong panahon, pinagsama ng Europeong mga sentro sa lungsod ang demokratiko at Aristokratikong mga elemento sa kanilang gobyerno. Sabi ng Collier’s Encyclopedia: “Ang lubhang konserbatibong Republika ng Venice, na sa wakas ay ibinagsak ni Napoleon, ay nagbibigay ng klasikong halimbawa ng gayong oligarkiya; subalit ang Malayang mga Lungsod ng Banal na Imperyong Romano, ang mga lungsod ng Hanseatikong Liga, at ang mga bayan sa Inglatera at gawing kanluran ng Europa ay nagsiwalat ng magkakatulad na hilig tungo sa mahigpit na pamamahala ng oligarkiya ng ilan subalit mapagmataas at lubhang aristokrata [aristokrasya].”
Iginigiit, at taglay ang ilang pagbibigay-matuwid, na ang lahat ng mga gobyerno ay aristokratiko, yamang ang lahat ay nagsisikap na magkaroon ng pinakakuwalipikadong mga tao na mamahala. Ang ideya ng isang uring namumuno ay nagsilbi upang patibayin ang pangmalas na ito. Isang reperensiya ang sa gayo’y naghinuha: “Ang uring namumuno at piling tao ay nagiging magkatulad na mga termino upang ilarawan bilang aktuwal kung ano ang pinagtalunan nina Plato at Aristotle bilang huwaran.”
Sa Paghahanap ng ‘Pinakamagaling’
Mga dantaon bago lumitaw ang mga pilosopong Griegong ito, isang lipunang feudal (salig sa mga panginoon at mga alipin) ay nagdadala ng katatagan at kapayapaan sa sinaunang Tsina sa ilalim ng maharlikang bahay ni Chou. Subalit pagkatapos ng 722 B.C.E., noong tinatawag na panahon ni Ch’un Ch’iu, ang sistemang feudal ay unti-unting humina. Sa huling yugto ng panahong ito, isang bagong maharlika ang lumitaw, binubuo ng dating “mga ginoo,” na naglingkod sa mga sambahayang feudal, at mga inapo ng dating maharlika. Ang mga miyembro ng bagong piling mga taong ito ay lumipat sa mahahalagang puwesto ng gobyerno. Si Confucius, ang kilalang pantas na Intsik, gaya ng binabanggit ng The New Encyclopædia Britannica, ay nagdiriin na “ang kakayahan at kahusayan sa moral, sa halip na ang kapanganakan, ang karapat-dapat na lalaki para sa liderato.”
Subalit sa Europa pagkaraan ng mahigit na dalawang libong taon, ang paraan ng pagpili ng mahal na tao, yaong pinakamagaling na magpuno, ay walang kaugnayan sa “kakayahan at kahigitan sa moral.” Binanggit ng propesor sa Harvard na si Carl J. Friedrich na “ang maharlika sa aristokratang Inglatera ng ikalabingwalong siglo ay isang maharlika na pangunahing salig sa dugo at kayamanan. Totoo rin ito sa Venice.” Sabi pa niya: “Sa ibang bansa gaya sa Prussia noong ikalabingwalong-siglo, ang maharlika ay salig sa dugo at kagitingang militar.”
Ang ideya na ang mabubuting katangian ng ‘mas magagaling na tao’ ay naipapasa sa kanilang mga anak ang dahilan ng mga kaugalian sa pag-aasawa ng mga hari’t reyna noong unang panahon. Noong Edad Medya, ang ideya ng biyolohikong kahigitan ay umiral. Ang pag-asawa ng isang karaniwang tao ay katumbas ng pagbabanto sa pagkamaharlika ng angkan, isang paglabag umano sa batas ng Diyos. Ang mga monarko ay obligadong mag-asawa ng maharlika lamang. Ang ideyang ito ng biyolohikong kahigitan nang maglaon ay nagbigay daan sa mas makatuwirang pangangatuwiran—yaong kahigitan batay sa mas mabuting pagkakataon, edukasyon, talino, o mga nagawa.
Ang prinsipyong kilala bilang noblesse oblige ay nilayon upang tiyakin ang tagumpay ng aristokrasya. Literal na nangangahulugang “obligasyon ng maharlika,” ito’y nangangahulugan ng “obligasyon ng marangal, bukas-palad, at responsableng paggawi na nauugnay sa mataas ang ranggo o kapanganakan.” Dahil sa kanilang “kahigitan,” yaong mga maharlika ay obligadong maglingkod sa pangangailangan ng iba. Ang simulaing ito ay nasumpungan sa mga aristokrasya na gaya niyaong nasa sinaunang Sparta, na ang mga mandirigma ay obligadong unahin ang kapakanan ng iba sa kanilang sariling kapakanan, at sa Hapón sa gitna ng uring mandirigma, ang samurai.
Ang mga Aristokrasya ay Nasumpungang Kulang
Ang di-kasakdalan ng aristokratikong pamamahala ay madaling mailalarawan. Sa sinaunang Roma, tanging ang mga taong maharlika, kilala bilang mga patrician (aristokrata), ang maaaring maging miyembro ng Romanong Senado. Ang karaniwang tao, kilala bilang plebeians, ay hindi maaaring maging miyembro. Subalit malayo sa pagiging mga taong may “kakayahan at kahigitan sa moral,” gaya ng kahilingan ni Confucius sa mga pinuno, ang mga miyembro ng senado ay sumamâ nang sumamâ at mapaniil. Kaguluhang sibil ang naging bunga.
Sa kabila ng paulit-ulit na mga panahon ng reporma, ang oligarkiya ng senado ay nagpatuloy, sa paano man hanggang itatag ni Julius Caesar ang diktadura mga ilang taon bago ang pataksil na pagpatay sa kaniya noong 44 B.C.E. Pagkamatay niya, umiral muli ang aristokratikong gobyerno, ngunit noong 29 B.C.E. ito ay muling hinalinhan. Ang Collier’s Encyclopedia ay nagpapaliwanag: “Dahil sa lumalagong kapangyarihan, kayamanan, at heograpikong lawak ng Roma, ang aristokrasya ay naging isang tiwaling oligarkiya, at ang kawalan nito ng diwang makabayan ay mababanaag sa kawalan ng respetong pambayan. Ang pagbagsak nito ay nagpasok ng isang ganap na monarkiya.”
Sa sumunod na 1,200 taon o higit pa, ang aristokratikong mga gobyerno, bagaman monarkiyal sa pangalan, ang karaniwan sa Europa. Ang maraming pulitikal, pangkabuhayan, at kultural na pagbabago ay unti-unting umayos sa sistema. Subalit sa buong panahong ito, ang Europeong aristokrasya ay nanatiling makapangyarihan, nagagawa nitong panatilihin ang mga pag-aari nitong lupa at ang mahigpit na hawak nito sa mga tungkuling militar, samantalang nagiging higit at higit na umaasa, maluho, mayabang, at hangal.
Noong 1780’s ang aristokrasya ay dumanas ng matinding dagok. Si Louis XVI ng Pransiya, palibhasa’y nasumpungan ang kaniyang sarili na nasa kagipitan sa pananalapi, ay nagmakaawa sa mga miyembro ng aristokrasyang Pranses na talikdan ang ilan sa kanilang pinansiyal na mga pribilehiyo. Subalit sa halip na itaguyod siya, sinamantala nila ang kaniyang kahirapan, umaasang pahinain ang monarkiya at mabawi ang ilan sa kanilang sariling nawalang kapangyarihan. “Hindi nasiyahan sa gobyerno ng tao, sa pamamagitan ng hari, para sa aristokrasya, hinangad nila [ng aristokrasya] ang gobyerno ng tao, sa pamamagitan ng aristokrasya, para sa aristokrasya,” sabi ni Herman Ausubel, propesor ng kasaysayan sa Columbia University. Ang saloobing ito ay nakatulong sa pagsiklab ng Rebolusyong Pranses ng 1789.
Ang mga pangyayaring ito sa Pransiya ay nagdala ng napakahalagang pagbabago na nadama sa kabila pa roon ng mga hangganan. Naiwala ng aristokrasya ang pantanging mga pribilehiyo nito, ang sistema feudal ay inalis, isang Deklarasyon ng mga Karapatan ng Tao at ng Mamamayan ay pinagtibay, gayundin ang isang konstitusyon. Karagdagan pa ang mga kapangyarihan ng klero ay tinakdaan ng batas.
Ang gobyerno ng iilan—kahit na ang iilan ay inaakalang siyang pinakamagaling—ay tinimbang ng nakararami at nasumpungang kulang.
Sa Wakas ang Pagkasumpong ng ‘Pinakamagaling’
Ang maliwanag na katotohanan na ‘ang pinakamagaling’ ay hindi laging namumuhay ayon sa kanilang pangalan ay nagtuturo ng isa sa malaking kahinaan ng ‘gobyerno ng pinakamagaling,’ yaon ay, ang kahirapan na tiyakin kung sino talaga ‘ang pinakamagaling.’ Upang matugunan ang mga kahilingan sa pagiging ang pinakakuwalipikadong mamahala, higit pa ang kinakailangan kaysa pagiging mayaman, dugong maharlika, o kakayahang magpamalas ng kagitingan militar.
Hindi mahirap alamin kung sino ang pinakamagaling na mga doktor, kusinero, o sapatero. Basta natin tinitingnan ang kanilang trabaho o ang kanilang produkto. “Gayunman, sa gobyerno, ang kalagayan ay hindi madali,” sabi ni Propesor Friedrich. Ang hirap ay na ang mga tao’y hindi nagkakasundo sa kung anong gobyerno ang dapat at kung ano ang dapat gawin nito. Gayundin, ang tunguhin ng gobyerno ay patuloy na nagbabago. Kaya, gaya ng sabi ni Friedrich: “Nananatiling lubhang walang-katiyakan sa kung sino ang piling tao.”
Upang ang ‘gobyerno ng pinakamagaling’ ay talagang maging pinakamagaling, ang maharlika ay kailangang piliin ng isa na may kaalaman na nakahihigit sa tao at hindi nagkakamali sa paghatol. Ang pinili ay kailangang mga indibiduwal na may matatag na katapatan sa moral, lubusang nakatalaga sa di-nagbabagong mga tunguhin ng kanilang gobyerno. Ang kanilang pagkukusang unahin ang kapakanan ng iba sa kanilang sariling kapakanan ay kailangang walang kaduda-duda.
Ipinahihiwatig ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ay nakapili na ng gayong uri—ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at ang ilan sa kaniyang tapat na mga tagasunod—at itinakda na niya na sila’y magpuno sa buong lupa sa loob ng isang libong taon. (Lucas 9:35; 2 Tesalonica 2:13, 14; Apocalipsis 20:6.) Hindi bilang nagkakamaling mga tao, kundi bilang di-nagkakamali at walang-kamatayang espiritung mga nilikha, si Kristo at ang kaniyang mga kasamang hari ay magpapaulan sa lupa ng mga pagpapala ng walang-hanggang kapayapaan, katiwasayan, at kaligayahan, isinasauli ang sangkatauhan sa kasakdalan. Maibibigay ba iyan ng anumang gobyerno ng tao—kahit na ng ‘gobyerno ng pinakamagaling’?
[Kahon sa pahina 26]
Modernong-Panahong Oligarkiya
“Ang oligarkong mga hilig . . . ay napapansin sa lahat ng malalaking burukratikong kayarian ng maunlad na mga sistema sa pulitika. Ang lumalagong kasalimuutan ng modernong lipunan at ng gobyerno nito ay lalo pang nagbibigay ng higit na kapangyarihan sa kamay ng mga tagapamahala at mga lupon ng mga dalubhasa. Kahit na sa konstitusyunal na mga rehimen, walang ganap na kasiya-siyang sagot ang nasumpungan sa tanong ng kung paano mapananagot ang burukratikong mga tagagawa ng pasiyang ito at ang kanilang mga kapangyarihan ay mabisang pigilan nang hindi, kasabay nito, isinasapanganib ang kahusayan at pagkamakatuwiran ng proseso na paggawa ng patakaran.”—The New Encyclopædia Britannica.
[Larawan sa pahina 25]
Si Aristotle ay naniniwala na ang pinagsamang aristokrasya at demokrasya ay gagawa ng pinakamagaling na uri ng gobyerno
[Credit Line]
National Archaeological Museum, Athens