Mula sa Aming mga Mambabasa
Epilepsiya Ako’y sumulat upang ipahayag ang aking malaking pagkabahala sa inyong artikulo tungkol sa epilepsiya. (Hunyo 22, 1990) Binanggit nito na upang maiwasan ang pagkagat ni Sandra sa kaniyang dila o bibig sa panahon ng kombulsiyon, inilalagay ng kaniyang asawa ang isang aklat sa kaniyang bibig! Ito ay labag sa lahat ng medikal na gawain sa bansang ito. Bilang isang epileptiko mismo, ayaw kong gawin ito ng sinuman sa akin, yamang ito ay maaaring magbunga ng putol na mga ngipin.
L. M., Inglatera
Ang artikulo ay hindi gumagawa ng medikal na mga rekomendasyon kundi naglalahad ng isang personal na karanasan. Karamihan ng mga autoridad ay karaniwang nagpapayo sa publiko na huwag magpasak ng matitigas na bagay o daliri sa bibig ng isang taong nagkukombulsiyon o sikaping ibuka ang mga panga. Ang paggawa niyon ay maaaring makagawa ng higit na pinsala kaysa kabutihan, sinasaktan kapuwa ang biktima at ang isa na tumutulong. Gayunman, tiniyak ng ehekutibong direktor ng New York Epilepsy Institute sa “Gumising!” na ang paglalagay ng isang bagay na malambot (gaya ng itiniklop na panyo) sa gilid ng bukas na bibig ng biktima ay maaaring hadlangan ang pinsala sa bibig.—ED.
Pagbubuntis ng mga Tin-edyer Nais ko kayong papurihan sa mahusay na payo na ibinigay ninyo sa inyong artikulo tungkol sa pagbubuntis ng mga tin-edyer. (Mayo 8, 1990) Sa gulang na 16, isinilang ko ang aking anak na babae. Bagaman ang ama ng bata ay handang pakasalan ako, pinayuhan ako ng aking pamilya na napakabata ko pa. Tinulungan ako ng aking pamilya hanggang sa noong dakong huli ako’y nag-asawa. Pagkalipas ng mga ilang taon ako’y nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ngayon ang aking anak na babae ay naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro. Ako’y totoong nagagalak na hindi ako nagpalaglag o nag-asawa nang wala sa panahon!
L. B., Estados Unidos
Nakasisirang-loob na mabasa na bagaman ang mga magulang na umapon ay mas mahusay na makapaglalaan sa isang bata sa materyal na paraan, ang pag-ibig at pagmamahal ay pinakamabuting maibibigay ng likas na mga magulang nito. Bilang isang inang umampon, taglay ko ang kahanga-hangang pribilehiyo na palakihin ang aming munting anak na lalaki sa mga daan ni Jehova.
C. R., Pederal na Republika ng Alemanya
Ikinalulungkot namin kung ang artikulo ay naging dahilan ng ilang di pagkakaunawaan. Maraming mga magulang na nag-ampon ang gumagawa ng napakahusay na gawain ng pagbibigay ng kinakailangang suporta at pag-ibig. Gayunman, tinatalakay ng artikulo ang posibilidad na ang isang bata ay ipaampon at baka hindi palakihin sa mga pamantayang Kristiyano. Kung gayon ang kalagayan, hindi dapat maghinuha ang isang dalagang ina na wala siyang maibibigay sa kaniyang anak. Maaari niyang palakihin ito sa mga pamantayan ng Bibliya at pagpakitaan ito ng tunay na pag-ibig—isang bagay na mas mahalaga kaysa mga pakinabang sa kabuhayan.—ED.
Mga Garantiya Ang inyong artikulong “Mahalagang Alamin ang Inyong Garantiya” (Hunyo 8, 1990) ay naglalaman ng mabubuting mungkahi. Ang isa pang salik na dapat isaisip ay na ang ilang garantiya ay may bisa lamang sa bansa kung saan binili ang isang bagay, bagaman ang maygawa nito ay may service network sa buong daigdig. Bumili ako ng isang kilalang kamera sa ibang bansa, at nang masumpungan kong ito ay may diperensiya, ayaw itong kumpunihin ng lokal na mga kinatawan ng kompaniya.
J. K., Espanya
Salamat sa paalaala. Maingat na basahin ang lahat ng mga garantiya!—ED.
Limang Karaniwang Kabulaanan Salamat sa inyong artikulo. (Mayo 22, 1990) Pinasigla nito ang aking pag-iisip at kapaki-pakinabang sa pagtulong sa iba na kilalanin ang matinong pangangatuwiran sa hungkag na panlilinlang.
R. C., Italya
Mga Dinosauro Ang artikulo tungkol sa mga dinosauro (Pebrero 8, 1990) ay napakapraktikal sa aming bansa, kung saan maraming tao ang naniniwala sa ebolusyon. Ang Gumising! ay nagsimulang lumitaw sa aming bansa sa kauna-unahang pagkakataon sa taóng ito. Masigla naming binabasa ang bawat labas.
F. C., Czechoslovakia