Dinagdagan ng Pasiya ang Karapatan ng mga Pasyente
“ANG karapatan ng isang tao na pangasiwaan ang kaniya mismong katawan ay isang ideya na malaon nang kinikilala ng karaniwang batas,” sabi ni Mr. Justice Sydney Robins ng Court of Appeal ng Ontario, Canada. Subalit ano ba ang pumukaw sa usaping ito?
Noong 1979 sina G. at Gng. Malette ng Quebec, Canada, ay nasangkot sa isang aksidente ng kotse na pumatay sa asawang lalaki at iniwan ang asawang babae na malubhang nasugatan at walang-malay. Nang siya’y isugod sa ospital, nasumpungang siya’y may dalang nilagdaang Medical Directive/Release Card, maliwanag na tumatanggi sa pagsasalin ng dugo sa espisipikong relihiyosong kadahilanan. (Mayroon ding mga panganib sa kalusugan na nauugnay sa pagsasalin ng dugo.) Palibhasa’y naniniwalang ang kalagayan ng babae ay kritikal, winalang-bahala ng doktor na umasikaso sa kaniya ang mga tagubiling iyon at inako ng doktor ang pananagutan na magsalin ng dugo. Bunga nito, idinemanda ni Gng. Malette ang doktor at ang ospital sa salang pagsalakay at ilegal na paggamit ng lakas sa isang tao nang walang pahintulot at relihiyosong pagtatangi. Sa hukuman ng paglilitis, siya ay pinagkalooban ng $20,000. Ang kaso ay inapela sa pinakamataas na hukuman sa Ontario, ang Hukuman ng Pag-apela.
Isa sa mga argumento na inulit sa pasiya ng Court of Appeal pabor kay Gng. Malette ay:
“Ang karapatang tumanggi sa paggamot ay isang likas na bahagi ng kahigitan ng karapatan ng pasyente sa kaniya mismong katawan. . . . Gaano man kasagrado ang buhay, inaamin ng makatuwirang komentong panlipunan na ang ilang aspekto ng buhay ay wastong ipinalalagay na mas mahalaga kaysa buhay mismo. Ang gayong mapagmataas at marangal na mga pangganyak ay malaon nang pinamalagi sa lipunan, ito man ay para sa pagkamakabayan sa digmaan [o] proteksiyon sa buhay ng isang asawa, anak na lalaki o babae, . . . o pagkamartir dahil sa relihiyon. Ang pagtanggi sa medikal na paggamot sa relihiyosong kadahilanan ay gayong kahalaga.”
Ang opinyon ng Korte Suprema ay nagpapatuloy: “Anuman ang opinyon ng doktor, ang pasyente ang may panghuling pasiya sa kung baga siya ay pasasailalim sa paggamot. . . . Kung ang doktor ay sisige sa kabila ng pasiyang tumatanggi sa paggamot, siya ay mananagot sa kaniyang walang pahintulot na paggawi . . . Ang isang doktor ay walang kalayaang waling-bahala ang patiunang mga tagubilin ng pasyente [gaya ng Medical Directive/Release Card na taglay ng mga Saksi ni Jehova] ni malaya man kaya siyang waling-bahala ang mga tagubilin na ibinigay sa panahon ng emergency.” Idinagdag pa ng hukuman na “ang salinan ng dugo ang isang Saksi ni Jehova sa kabila ng kaniyang maliwanag na mga tagubilin na huwag siyang salinan . . . ay lumalabag sa kaniyang karapatan na pangasiwaan ang kaniya mismong katawan at nagpapakita ng kawalang-galang sa relihiyosong mga pamantayang kaniyang piniling pamuhayan.”
Bilang pag-apela ang hukom sa gayon ay gumawa ng isang matinding punto laban sa doktor na nagsasabing ang card ay walang halaga sa emergency na tulad nito. “Hindi ako sang-ayon . . . na ang card ng mga Saksi ni Jehova ay basta isang walang kabuluhang piraso ng papel lamang. . . . Ang mga tagubilin sa card ng mga Saksi ni Jehova ay nagsasaad ng mabisang pagbabawal sa emergency na paggamot na maibibigay kay Gng. Malette at hindi maaari ang pagsasalin ng dugo. . . . Ang kaniyang nasusulat na pangungusap ay maliwanag na nagsasabi ng kaniyang mga kahilingan kapag siya’y hindi puwedeng magsalita para sa kaniyang sarili.”
Sa kaniyang konklusyon binanggit ng hukom ang makatuwirang punto na kapag ang mga Saksi ay tumangging pasalin ng dugo, “dapat nilang tanggapin ang mga resulta ng kanilang pasiya. Sa dakong huli sila o ang mga umaasa sa kanila ay hindi maririnig na magsasabi na ang card ay hindi nagpapabanaag ng kanilang tunay na mga kagustuhan.”