Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g90 9/22 p. 8-10
  • Basurang Nuklear—Ang Nakamamatay na Basura

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Basurang Nuklear—Ang Nakamamatay na Basura
  • Gumising!—1990
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malaking Sakuna!
  • Nagiging Tambakan ng Basura ng Mayayamang Bansa ang Mahihirap na Bansa
    Gumising!—1995
  • Napagtatagumpayan Ba ang Pakikipaglaban?
    Gumising!—1996
  • Ang Bantang Nuklear—Tapos na ba sa Wakas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Pagbagsak ng Radyaktibong Materya—Isang Bagay na Dapat Ikabahala
    Gumising!—2001
Iba Pa
Gumising!—1990
g90 9/22 p. 8-10

Basurang Nuklear​—Ang Nakamamatay na Basura

ANG tumatabon na basurang galing sa bahay ay hindi siyang tanging peligro na nagsasapanganib na sakalin ang buhay dito sa mundo. Bale wala ito kung ihahambing sa mas malaki at mas nakamamatay na problema ng basura. Mula nang unang matutuhan ng tao na gamitin ang atomo sa paggawa ng mga sandatang nuklear at sa paggawa ng elektrisidad, ang mga siyentipiko ay naproblema sa kung ano ang pinakaligtas na posibleng paraan upang itapon ang lubhang radyoaktibong basurang nuklear na nagagawa ng mga sistema.

Libu-libong milyong dolyar ang ginastos sa pagsisikap na humanap ng mga paraan upang huwag mahawaan ang mga tao at ang kapaligiran sa darating na mga salinlahi ng nakamamatay na basurang ito. Isang mabigat na gawain nga, yamang ang radyoaktibong basura ay maaaring manatiling nakamamatay sa lahat ng nabubuhay na bagay sa loob ng libu-libong taon!

Sa loob ng mga dekada ang karamihan ng mga basurang ito ay basta itinambak sa mga libingang hukay at mga lawa sa paniniwalang ang mapanganib na mga bagay ay lalabnaw at magiging hindi mapanganib​—isang akala na napatunayang kapaha-pahamak sa mga epekto nito, gaya ng makikita natin. Angaw-angaw na galon ng lubhang radyoaktibong basura ang iniimbak sa napakalaking mga tangke sa ilalim ng lupa; ang ibang basura ay isinarang mahigpit sa mga bariles at iniimbak sa ibabaw ng lupa, isa pang paraan ng pagtapon ng basura na napatunayang mapanganib.

Gayon na lamang kapanganib at nakamamatay ang basurang nuklear na ito anupa’t isinasaalang-alang ng mga siyentipiko ang lahat ng bagay mula sa pagpapadala ng basura sa kalawakan tungo sa paglalagay nito sa ilalim ng yelo sa polo. Sinusuri ngayon ang posibilidad ng paghuhulog sa mga sisidlan ng basura sa gawing hilaga ng Pacific Ocean, kung saan ito’y inaasahang babaon ng tatlumpong metro sa putik sa ilalim ng sahig ng karagatan. “May mga bagay tayo sa planetang ito na kailangan nating pakitunguhan, sa lupa, sa tubig o sa ilalim ng tubig ng karagatan. Iyan lang ang mayroon tayo,” sabi ng bise presidente ng Woods Hole Oceanographic Institution.

Sa ngayon, bilang panghintong lunas hanggang sa masumpungan ang mas ligtas at mas permanenteng paraan ng pagtatapon ng basura, karamihan ng radyoaktibong mga bagay na ito ay itinatago sa mga pool na puno-ng-tubig sa loob ng nasarhang mga gusali. Ang Ontario, Canada, halimbawa, ay may 16 na nuclear reactor na nakagawa na ng mahigit 7,000 tonelada ng basurang radyoaktibo, ngayo’y nakatago sa gayong mga sisidlan. Nakakaharap din ng Britaniya ang nakalilitong problema ng kung ano ang gagawin sa kaniyang basura. Sa kasalukuyan, ang mataas-antas na basura ay iniingatan sa mga lugar sa ibabaw ng lupa, at ang patakarang ito ay inaasahang magpatuloy hanggang masumpungan at masubok ang mga lugar sa ilalim ng lupa na hindi tumatagas. Ang Pransiya, Alemanya, at Hapón ay nakikipagbuno rin sa kanilang problema sa basurang nuklear.

“Ang opisyal na patakaran sa Estados Unidos,” ulat ng The New York Times, “ay na ang pinakaligtas na paraan ay ibaon sa isang ‘malalim na geologong sisidlan,’ isang lugar na tuyo, matatag at iláng. Subalit mahirap makasumpong ng gayong dako.” Mahirap nga! Sang-ayon sa mga siyentipiko, dapat na ito ay tuyo at matatag na dako na maaaring pagtaguan ng materyal sa loob ng 10,000 taon. Bagaman ang ilan sa basurang atomikong ito ay nananatiling nakamamatay sa tinatayang 250,000 taon, ang mga dalubhasa ay naniniwala na ang napakaraming geolohikal na pagbabago ay magaganap sa mahigit 10,000 taon “anupa’t walang saysay na magplano para sa mas matagal na panahon.” “Wala akong nalalamang anumang huwarang pagtantiya sa balat ng lupa na makapagsasabi tungkol sa isang 1,000-taóng plano,” sabi ng isang kilalang eksperto sa radyasyon. Sinabi pa niya na “mahirap sabihin ang tungkol sa panganib sa kalusugan sa darating na 10,000 taon.”

Malaking Sakuna!

Nang maunawaan ng mga siyentipiko ang mga lihim ng atomo, inilabas nila ang isang kakaibang bagong kababalaghan na hindi nila handang pakitunguhan​—ang nakamamatay na polusyong kasunod nito. Kahit na pagkaraang babalaan tungkol sa potensiyal na panganib, sadyang winalang-bahala ng mga opisyal ng gobyerno ang mga babala. Habang ang mga sandatang atomiko ay naging pangunahin sa mga bansa na may kakayahan at mga materyal sa paggawa nito, ang pagsaalang-alang sa kalusugan at buhay ng mga tao at ang kalidad ng kapaligiran ay tinalikdan. Ang pabayang mga pamamaraan sa pag-iimbak ng nakamamatay na basura ay ginamit. Halimbawa: Sa isang pagawaan ng mga sandatang atomiko, “mahigit na 750 [bilyong] litro ng mapanganib na basura, sapat upang bahain ang Manhattan sa lalim na 12 metro, ay ibinuhos sa mga hukay at lawa,” sulat ng U.S.News & World Report ng Marso 1989. “Narumhan ng nakalalasong basura ang di-kukulanging 260 kilometro kudrado ng tubig sa ilalim ng lupa. Mga 170 milyong litro ng lubhang radyoaktibong basura ay iniimbak sa dambuhalang mga tangke sa ilalim ng lupa, at mahigit na 50 bombang sinlaki niyaong inihulog sa Nagasaki ang magagawa mula sa plutonium na tumagas sa mga sisidlang ito,” sabi ng magasin. Tinatayang ang paglilinis sa lugar na ito ay magkakahalaga ng mga 65 libong milyong dolyar.

Ang ibang mga tangkeng itinayo upang maglaman ng basurang nuklear ay naging napakainit dahil sa radyoaktibong init anupa’t ito’y nabitak. Tinatayang dalawang milyong litro ng radyoaktibong basura ang tumagas sa lupa. Ang iniinom na tubig ay nadumhan na ng radyoaktibong strontium-90 sa antas na isang libong beses ng mapapayagang takda para sa iniinom na tubig na itinakda ng Environmental Protection Agency. Sa isa pang pagawaan ng mga sandatang atomiko, “ang mga radyoaktibong bagay mula sa mga hukay ng basura na naglalaman ng 42 milyong litrong uranium . . . ay tumatagas sa tubig sa ilalim ng lupa at narumhan ang mga balon 0.8 kilometro timog ng pasilidad,” ulat ng The New York Times. Iniulat din ng pahayagan na sa Estado ng Washington, libu-libong milyong galon ng narumhang tubig ay ibinuhos sa lupa, at isang patuloy na daloy ng radyoaktibong tritium ay umaagos sa Ilog Columbia.

Sa Idaho ang mga bakas ng plutonium ay nakaalis mula sa mababaw na mga hukay ng basura sa Radioactive Waste Management Complex, ulat ng The New York Times. “Ito’y nagpupunta sa mga suson ng bato tungo sa pagkalawak-lawak na imbakan ng tubig sa ilalim ng lupa na tumutustos sa libu-libong maninirahan sa gawing timog ng Idaho.” Napasok na ng nakamamatay na elemento ang lalim na 70 metro, halos kalahati na ng distansiya patungo sa bukal ng tubig, sabi ng pahayagan.

Gaano kapanganib ang basurang plutonium na ito na bumuhos sa mga ilog at mga sapa at bumuga sa hangin? “Ang plutonium ay nananatiling radyoaktibo sa loob ng 250,000 taon,” ulat ng The New York Times, “at kahit na ang pagkaliit-liit na butil nito ay nakamamatay kung ito ay malanghap o malulon.” “Ang paglanghap ng kahit na maliit na butil ng alabok ng plutonium ay maaaring pagmulan ng kanser,” sabi ng magasing Newsweek.

Ang kagyat at pangmatagalang mga epekto ng basurang nuklear sa mga tao ay hindi alam. At maaaring hindi na malaman pa. Gayunman, sapat nang sabihin na sa isang pagawaang atomiko, 162 kaso ng kanser ang iniulat sa gitna niyaong mga nakatira mga ilang kilometro mula sa pasilidad. Ang mga tao ay natatakot uminom ng tubig, at ang takot ay totoong marami. “Magkakaroon sila ng mula anim hanggang 200 ekstrang kaso ng kanser,” sabi ng isang doktor sa unibersidad at kasangguni ng mga manggagawa sa planta. “Natatakot silang lahat. Nadarama nilang hindi na nila makontrol ang kanilang kapaligiran at ang kanilang buhay.”

At gayon nga. Maraming dantaon na ang nakalipas isang tapat na propeta ni Jehova ang nagsabi: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi para sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang.” (Jeremias 10:23) Tiyak na pinatunayang totoo ng kasaysayan ang mga salitang ito​—lalo na sa mga huling araw na ito. Ang lumalagong krisis ng basura ay isa lamang sa maraming kabiguan ng tao na may kapantasang patnubayan ang kaniyang mga hakbang.

Gayunman, huwag mawalan ng pag-asa. Maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na sa malapit na hinaharap ang kasalukuyang sistemang ito ng mga bagay ay aalisin at dadalhin ng Maylikha ang isang bagong sanlibutan. Hindi na niya ipahihintulot kung ano ang ginagawa ng tao sa lupa at sa kaniyang sarili kundi kaniyang “ipapahamak yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Pagkatapos, sa ilalim ng patnubay ng Diyos, matututuhan ng tao kung paano wastong pangangalagaan ang lupa at kung paano matalinong gagamitin ang mga yaman nito.​—Awit 37:34; 2 Pedro 3:​10-13.

[Blurb sa pahina 9]

Ang basurang nuklear ay maaaring manatiling nakamamatay sa loob ng 250,000 taon

[Blurb sa pahina 10]

“Ang paglanghap ng kahit isang maliit na butil ng alabok ng plutonium ay maaaring pagmulan ng kanser”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share