Isang Bagong Sanlibutang Wala Nang Paghihirap
“Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man. Ngunit magsaya kayo, kayong mga tao, at magalak kayo magpakailanman sa aking nililikha.”—Isaias 65:17, 18.
ANG makahulang mga salitang iyon ay kinasihan ng Diyos mahigit na 2,700 taon ang nakalipas. Sa bahagi, inilalarawan nito kung ano ang magiging buhay sa lupa sa hinaharap. Kailan? Pagkatapos wakasan ng Diyos ang kasalukuyang sistema ng mga bagay. Nililinaw ng maraming hula sa Bibliya na layunin ng Diyos na alisin ang kasalukuyang sistema ng mga bagay sa malapit na hinaharap at halinhan ito ng isang bagong sanlibutan na wala nang anumang paghihirap.
Anong laking pagkakaiba ng magiging buhay sa bagong sanlibutan kung ihahambing sa buhay sa buong nakaraang kasaysayan ng tao! Ang makahulang Salita ng Diyos ay nagsasabi sa atin na ito’y lubusang walang digmaan, krimen, karalitaan, at kawalang katarungan. Mawawala na magpakailanman ang sakit at kamatayan. Wala nang bumabahaging mga sistema ng gobyerno, relihiyon, o ekonomiya na napatunayang lubhang di-sapat. Mga luha ng kagalakan ang hahalili sa mga luha ng kalungkutan sapagkat mawawala na magpakailanman ang kabalakyutan at paghihirap.
Inilarawan sa mga Hula sa Bibliya
Pansinin kung paanong ang mga kalagayang iyon ay inilarawan sa mga hulang ito ng Bibliya:
Wala Nang Digmaan: “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa.” (Awit 46:9) “Ang mga bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
Katarungan para sa Lahat: “At gagawin kong katarungan ang pinaka-pising panukat at katuwiran ang pinaka-nibél.”—Isaias 28:17.
Kalayaan Mula sa Takot: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punong ubas at sa ilalim ng kaniyang punong igos, at walang tatakot sa kanila.” (Mikas 4:4) “Sila’y matitiwasay sa kanilang lupain.”—Ezekiel 34:27.
Aalisin ang Gutom: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis.” (Awit 72:16) “Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa mismo’y magsisibol ng ani niya.”—Ezekiel 34:27.
Wala Nang Pagtanda o Sakit: “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa laman ng isang bata; siya’y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”—Isaias 33:24.
Wala Na Magpakailanman ang Kamatayan, Dalamhati, at Hirap: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.”—Apocalipsis 21:4.
Hindi Apektado ng Nakaraan
Ang dumarating na bagong sanlibutan na gagawin ng Diyos ay magiging kasiya-siya anupa’t ang pagtatamasa ng buhay ng mga maninirahan sa lupa ay hindi mahahadlangan, kahit ng anumang hindi kaaya-ayang mga alaala ng nakaraang paghihirap. Ang maraming nakapagpapatibay na mga alaala at gawain na magiging pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao sa bagong panahong iyon ay unti-unting bubura sa nakalipas na masasamang alaala. Ang pangako ng Diyos ay: “Ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.” Ang mga tao’y “magagalak magpakailanman” sa kung ano ang ipakikilala ng Diyos sa buong lupa. “Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at naging tahimik. Ang mga tao’y naging masaya na may mga pag-awit.”—Isaias 65:17, 18; 14:7.
Ngayon, “ang pag-asa na nagluluwat ay nagpapasakit ng puso,” gaya ng sabi ng Bibliya. Subalit ang kalagayan ay mababaligtad sa bagong sanlibutan. Sa panahong iyon “ang bagay na ninanasa ay [magiging] isang punungkahoy ng buhay pagka dumating na iyon.” (Kawikaan 13:12) Wala nang sasamâ ang loob dahil sa paghihirap o sa di-natutupad na pangarap. Sa halip, sila’y masisiyahan at magagalak dahil sa maraming kamangha-manghang mga bagay na ibibigay ng Diyos para sa sambahayan ng tao.
Kakaibang Pamamahala
Sa halip na magkaroon ng di kasiya-siyang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos, ang bagong sanlibutan ay magkakaroon ng isang ganap na kakaibang pamamahala. Ang autoridad na mamahala ay aalisin sa mga tao. Sila’y hinding-hindi na muling papayagang mamahala na hiwalay sa Diyos.
Ang hula ng Bibliya ay nagsasabi: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon [mga pinunong nasa kapangyarihan ngayon] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan [palibhasa’y wala nang pamamahala ng tao]. Dudurugin at wawasakin niyon ang lahat ng mga kahariang ito [na umiiral ngayon], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na idalangin ang bagong pamamahala sa lupa nang sabihin niya: “Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Iyon ang magiging bagong gobyerno ng sangkatauhan—ang makalangit na pamamahala ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian sa mga kamay ni Kristo. At sa lupa, ang matapat na mga taong lingkod ng Diyos ang mangangasiwa ng mga bagay ayon sa patnubay ng Diyos. (Isaias 32:1) Binanggit ni apostol Pedro ang tungkol sa bagong kaayusang ito bilang “mga bagong langit at isang bagong lupa na hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Ang pamamahala ng Kahariang iyon ang pangunahing turo ng Bibliya.
‘Ang Sangnilalang ay Palalayain’
Lubusan ding susupilin ng bagong pamamahalang ito ang likas na mga puwersa ng lupa. Hindi na magsasapanganib ang ‘mga gawa ng kalikasan’ gaya ng lindol, bagyo, baha, o tagtuyot. Ipinakita mismo ni Jesus ang kaniyang kapangyarihan sa pag-uutos sa mga puwersang ito. Halimbawa, noong minsan nang ang bangkang sinasakyan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ay halos tumaob sa isang bagyo, pinayapa niya ang hangin at ang dagat. Ang namanghang mga alagad ay nagsabi: “Anong klaseng tao ito, na maging ang mga hangin at ang mga dagat ay nagsisitalima sa kaniya?”—Mateo 8:23-27.
Kaya ang lupa, pati na ang lahat ng nilalang na tao nito, ay makasusumpong ng walang katulad na kalayaan. “Ang sangnilalang ay palalayain mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Sapagkat alam natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggan ngayon.”—Roma 8:21, 22.
Nakatitiyak ba tayo na malapit nang magwakas ang pamamahala ng tao at na ang bagong gobyerno ng Diyos ang mamamahala sa lahat ng bagay sa lupa? Tayo’y nakatitiyak, sapagkat ang Soberano ng Sansinukob ang nangako: “ ‘Ang aking sariling payo ay tatayo, at gagawin ko ang aking buong kaluguran’; . . . aking sinalita; akin namang pangyayarihin. Aking pinanukala, akin namang gagawin.”—Isaias 46:10, 11.
“Takdang Panahon”
Paano mangyayari iyon? Kailan ito mangyayari? Sabi ng Salita ng Diyos: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon.” (Eclesiastes 3:1) Kasama rito ang takdang panahon para sa Diyos na sabihin ‘tama na!’ at wakasan ang kabalakyutan at paghihirap. Binanggit ni Daniel “ang takdang panahon ng kawakasan.” (Daniel 8:19) Binanggit din ni Jesus ang tungkol sa “takdang panahon.”—Marcos 13:32, 33.
Oo, ang Diyos ay nagtakda ng isang tiyak na panahon upang siya ay makialam sa mga gawain ng tao at alisin ang kahabag-habag na eksperimento sa pamamahala ng tao na hiwalay sa kaniya. “Hahatulan ng tunay na Diyos kapuwa ang matuwid at ang balakyot, sapagkat may panahon para sa bawat gawa roon.” (Eclesiastes 3:17) At ang katibayan ng katuparan ng hula ng Bibliya ay nagpapakita na ang itinakdang panahon ng Diyos para sa pagpapahintulot sa paghihirap ay malapit nang magwakas. Kapag dumating na ang takdang panahong iyon, kaniyang lilipulin ang di kasiya-siyang sistema ng pamamahala ng tao na nagdulot ng libu-libong taon ng katakut-takot na paghihirap sa sambahayan ng tao.—Mateo 24:3-14; 2 Timoteo 3:1-5, 13; Apocalipsis 19:11-21.
Kapag iginawad ng Diyos ang kaniyang hatol, pansinin kung ano ang mangyayari roon sa mga magpapasakop sa kaniyang pamamahala, kung ihahambing doon sa mga hindi magpapasakop: “Sapagkat sandali na lamang, at ang balakyot ay mawawala na; . . . ngunit ang maaamo ang siya mismong magmamay-ari ng lupa, at tunay na kanilang masusumpungan ang katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” “Ngunit ang lahi ng mga balakyot, sila’y mahihiwalay. Ang matuwid mismo ang magmamay-ari ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” “Malasin mo ang matuwid, sapagkat ang hinaharap ng taong iyon ay mapayapa. Ngunit ang mga mananalansang ay tiyak na malilipol na sama-sama.”—Awit 37:10, 11, 28, 29, 37, 38; tingnan din ang Kawikaan 2:21, 22; Mateo 5:5.
Subalit kumusta naman ang libu-libong milyong mga tao na namatay na? Paano sila makikinabang sa isang bagong sanlibutan? Sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli, isang pagsasauli sa buhay dito mismo sa lupa. Sila’y babangon mula sa libingan at sila’y bibigyan ng pagkakataon na magtamasa ng buhay magpakailanman. Ang Salita ng Diyos ay gumagarantiya: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Gawa 24:15) At ipinakita ito ni Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa mga patay, gaya ni Lazaro at ang anak na lalaki ng balo sa Nain.—Juan 11:38-44; Lucas 7:11-16.
“Kapalit”
Anong saya na malaman na layunin ng Diyos na wakasan ang paghihirap at magdala ng isang matuwid na bagong sanlibutan! Isip-isipin ang pamumuhay ng milyun-milyong taon—oo, magpakailanman—sa sakdal na kalusugan at kaligayahan sa gitna ng malaparaisong kapaligiran, kung saan ang kabalakyutan at paghihirap ay magiging lipas na bagay magpakailanman!
Hindi ka ba sasang-ayon na ang “kapalit” na ito ng Diyos sa sangkatauhan—nang walang-katapusan—ay nakahihigit sa ilang libong taon na pagpapahintulot niya sa paghihirap? At hindi ba nakahihigit rin ito sa 70 o 80 taon—o wala pa—ng paghihirap na indibiduwal na tiniis natin sa buong buhay natin?
Isang Pangmatagalang Pangmalas
Sa kaniyang pangmatagalang pangmalas ng mga bagay, nalalaman ng Maylikha na mahalagang lutasin muna ang mahahalagang bagay tungkol sa kaniyang karapatang mamahala bilang ang Pansansinukob na Soberano at ang pagiging matuwid na kaniyang pamamahala. At mahalagang lutasin ang bagay tungkol sa wasto at di-wastong gamit ng kalayaang pumili. Mahalaga ring ipakita na ang kaniyang nilalang ay sakdal sa bagay na ang mga taong matapat na nagpapasakop sa kaniyang matuwid na mga batas ay maaaring mag-ingat ng katapatan sa kaniya sa ilalim ng pag-uusig at pagsubok ng makasanlibutang mga pinuno, ang pinakatampok na halimbawa nito ay ang kaniya mismong Anak, si Jesus, samantalang nasa lupa.
Pagkatapos malutas ang lahat ng usapin, hindi papayagan ng Diyos na muling lumitaw ang kabalakyutan at paghihirap upang sirain ang mapayapang sansinukob. “Ang pagdadalamhati ay hindi titindig na ikalawa.”—Nahum 1:9.
Sa darating na walang-hanggan, magagamit ng Diyos kung ano ang nangyari sa nakalipas na libu-libong taon na ito na para bang ito’y isang pagsubok na kaso na pinagpasiyahan sa korte suprema. Ang pamarisan nito ay maikakapit sa anumang panahon sa hinaharap saanman sa sansinukob, kung sakaling bumangon muli ang paghamon tungkol sa pagkasoberano ng Diyos o ang wastong paggamit ng kalayaang magpasiya.
Ano ang Pipiliin Mo?
Mayroon tayong pagpili ngayon. Maaari nating gamitin ang ating kalayaang magpasiya sa isa sa dalawang paraan: Maaari nating piliing waling-bahala ang mga layunin ng Diyos, masiyahan sa di-sakdal na pamamahala ng tao at makibahagi sa sasapitin nito, o maaari nating gamitin ang ating kalayaang pumili upang alamin kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung ano ang kailangan nating gawin upang palugdan siya bilang tapat na mga sakop ng kaniyang Kaharian.
Sinabi ni Jesus sa Diyos sa panalangin: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Kaya kung nais natin ng buhay sa bagong sanlibutan, kailangang magsikap tayong alamin ang katotohanan tungkol sa Diyos, sa kaniyang mga layunin, at sa kaniyang mga kahilingan. Pansinin kung paano ang pagkakasabi rito ng Bibliya: “Si Jehova ay sumasa-inyo samantalang kayo’y sumasa-kaniya; at kung inyong hanapin siya, siya’y masusumpungan ninyo, ngunit kung pababayaan ninyo siya kaniyang pababayaan kayo.”—2 Cronica 15:2.
Paubos na ang panahon para sa matandang sanlibutang ito; malapit na ang isang bagong sanlibutan: “Ang sanlibutan ay lumilipas at ang pita niyaon, datapuwat ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Alin ang pipiliin mo—ang papaalis na matandang sanlibutan o ang dumarating na bagong sanlibutan?
Sabi ng Salita ng Diyos: “Aking inilagay sa harap mo ang buhay at ang kamatayan, ang pagpapala at ang sumpa; kaya’t piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong binhi, na ibigin mo si Jehova mong Diyos, makikinig ka sa kaniyang tinig at huwag kang hihiwalay sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kahabaan ng iyong mga araw.”—Deuteronomio 30:19, 20.
Nais mo bang tamasahin ang mga pagpapala na inilalaan ng Diyos sa mga iniaayon ang kanilang kalooban sa kaniyang kalooban? Ang mga tagapaglathala ng magasing ito o ang mga Saksi ni Jehova saanman sa daigdig ay magagalak na tumulong sa iyo, nang walang bayad, upang malaman ang higit pa tungkol dito.
[Blurb sa pahina 12]
Ang mga patay ay magkakaroon ng pagkakataong mabuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli mula sa libingan