Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g91 1/8 p. 3-6
  • ‘At Gumuho ang Pader’

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • ‘At Gumuho ang Pader’
  • Gumising!—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nagwakas ang “Cold War”?
  • Ang Demokrasya ay May Kabayaran
  • Napakahalagang mga Salita, Napakahalagang mga Pagbabago
  • Muling Pag-iisa ng Alemanya​—Isang Pagpapala o Sumpa?
  • Kung Paano Ka Maaaring Maapektuhan ng mga Pagbabagong Ito
  • Wakas ng Isang Panahon—Pag-asa ba Para sa Hinaharap?
    Gumising!—1996
  • Berlin—Isang Salamin ng Ating Daigdig?
    Gumising!—1990
  • Madulang Pag-unlad
    Gumising!—1991
  • Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1991
g91 1/8 p. 3-6

‘At Gumuho ang Pader’

“SINO ang maniniwala rito?” “Hindi ko akalaing masasaksihan ko ito sa buong buhay ko!” Ano ang nag-udyok sa mga komentong ito? Ang pagkawasak sa kahiya-hiyang Pader ng Berlin (Berlin Wall) at sa lahat ng kinakatawan nito, mula noong Nobyembre 1989.a Nagdagsaan ang mga taga-Silangang Berlin sa Kanlurang Berlin, ang ilan ay upang tikman ang mamahaling katuwaan ng kapitalismo at ang iba naman ay upang magsama-muli bilang mga pamilya.

Ang butas na iyon sa dike ang nagbukas sa pinto ng tubig. Inaakala ng marami na ang Silangang Europa ay hinding-hindi na magiging gaya ng dati.

Nagwakas ang “Cold War”?

Mas mahalaga pa sa pagguho ng Pader ng Berlin ay ang pagbagsak ng ideolohikal na pader na humihiwalay sa Silangan mula sa Kanluran. Walang anu-ano ay wala nang “Cold War.” Gaya ng isinulat sa Newsweek ng nagretirong koronel sa U.S. Army na si David Hackworth: “Tapos na ang cold war. Inaamin ngayon kahit na ng mga napopoot sa pumatay-ng-isang-komunista-para-kay-Inay na ito’y tapos na.”

Sang-ayon sa pahayagang Aleman na Stuttgarter Zeitung, kinilala kahit na ng NATO (North Atlantic Treaty Organization), sa isang miting na ginanap sa London noong Hulyo 1990, ang wakas ng Cold War. Sa ilalim ng pamagat na “Atlantic Alliance Says a Final Goodbye to Cold-War Era,” sinisipi ng The German Tribune ang pahayagan sa Stuttgart na nagsasabi: “Pagkatapos ng 41 taon ng komprontasyon [sa blokeng Sobyet na mga bansa] hinawi ng 16 na mga lider ng NATO ang daan para sa isang bagong estratehiya at nagpaalam sa panahon ng cold war. . . . Ang poot ay hinalinhan ng pagka-kasama. . . . Ang seguridad at katatagan . . . ay hindi na pangunahing tinitiyak sa pamamagitan ng militar na mga paraan kundi ng isang patakaran ng pagkakatimbang, talakayan at pagtutulungan ng buong Europa.” Ang tanghalan ng labanang nagsasapanganib-sa-kapayapaan ay lumipat na mula sa Europa tungo sa Gitnang Silangan.

Ang Demokrasya ay May Kabayaran

Ang demokrasya, ang tinatawag na malayang pagpili ng mga tao, ay pinakabagong kausuhan sa pulitika. At halos lahat ay gayon ang ginawa. Subalit may halagang dapat ibayad. Ang mas mainit na ugnayan sa pagitan ng Silangan at ng Kanluran at ng kapitalistikong demokrasya nito ay pinagbabayaran ng malaking halaga. Isang editoryal sa Asiaweek ay nagkomento: “Ang mga bansang hindi na matatawag na blokeng Sobyet ay magulo ang ekonomiya . . . Ang demokrasya ay may kabayaran. . . . Ang demokrasya ay maraming kagalingan, subalit ang sakdal na katatagan ay hindi isa rito.” Sino ang nagbabayad para sa mga pagbabagong ito tungo sa isang mas malaya, demokratikong lipunan, gaya ng tawag dito?

Natutuklasan ng angaw-angaw sa Poland, silangang Alemanya, at saanmang dako na ang paglipat mula sa ekonomiyang kontrolado ng estado tungo sa isang sistema ng malayang kompetisyon sa ekonomiya ay paunang nagdadala ng kawalan ng trabaho at kahirapan. Habang sinisikap ng mga industriya na maging makabago at maging mas makompitensiya, pumapasok naman ang kalabisan. Apektado rin ang ibang sektor ng lipunan​—ang militar at ang industriya ng mga sandata. Papaano?

Habang napapawi ang takot at malaking poot sa pagitan ng Silangan at Kanluran, umuunti rin ang pangangailangan para sa malalaking hukbo. Daan-daang libong sundalo at ang kanilang mga pamilya ay kailangan ngayong makibagay sa buhay sibilyan at sa lahat ng panggigipit nito. Ang mga badyet ng depensa ay maaaring bawasan. Ang mga pidido sa mga pagawaan ng armas ay maaaring tumumal, at baka kailanganin ng mga gumagawa ng armas na magbago ng negosyo. Ang mga manggagawa ay maaaring lumipat sa ibang dako at matuto ng bagong mga kasanayan.

Ang di kapani-paniwala at magulong pagbabagong ito sa Silangang Europa ay lumikha ng isang bagong internasyonal na kalagayan. Papaano nangyari ang lahat ng ito?

Napakahalagang mga Salita, Napakahalagang mga Pagbabago

Napakahalaga sa mga pagbabagong ito ay ang binagong saloobin ng hindi pakikialam na ipinakita ng Unyong Sobyet. Noon ang multo ng pananakop ng Sobyet sa Hungary (1956) at sa Czechoslovakia (1968) ay pumigil sa binagong mga puwersa sa Silangang Europa. Subalit ang karanasan ng Poland noong 1980’s sa paghamon ng kilusang Solidarity at ang dahan-dahang paglipat ng bansa tungo sa mas demokratikong rehimen ay nagpapakita na ang dating patakaran ng Sobyet na pakikialam ng militar ay nagbago na. Ipinakikita ng karanasan ng Poland na umiiral nga ang mga bitak sa monumento ng Komunismo at na ang mapayapa, unti-unting pagbabago ay matatamo, sa isang halaga. Subalit ano ang nagpangyari sa lahat ng ito?

Sang-ayon sa ilang pulitikal na mga komentarista, mahalaga sa lahat ng pagbabago sa Silangang Europa ay ang matigas na patakaran ng liderato ng Unyong Sobyet sa ilalim ng patnubay ng presidente ng U.S.S.R., si Mikhail Gorbachev. Noong Pebrero 1990 sabi niya: “Sinimulan ng Partido Komunistang Sobyet ang perestroika [pagtatayong-muli ng lipunan] at ginawa ang ideya at patakaran nito. Napakalaking rebolusyunaryong pagbabago na sumasaklaw sa lahat ng pitak ng buhay at sa lahat ng bahagi ng populasyon ang inilunsad batay rito sa bansa. . . . Ang mabilis na pagbabago, na pambihira sa saklaw at pagka-orihinal, ay nagaganap sa loob ng balangkas ng perestroika.”

Gaya ng komento ng Asiaweek: “Ngayon, sa kabila ng ilang mga hadlang, ang mga kampaniya [ni Gorbachev] para sa glasnost (pagiging bukás) at perestroika (pagtatayong muli) ay nagpasigla sa mga repormador sa Hungary, Poland at sa buong Blokeng Sobyet.” Ang dalawang napakahalagang salitang Ruso na ito, ang glasnost at perestroika, ay napasali sa bokabularyo ng daigdig mula nang malagay sa kapangyarihan si Gorbachev sa Unyong Sobyet noong 1985. Kinakatawan nito ang isang bagong saloobin sa gobyerno sa daigdig ng Komunista.

Ang komentarista sa pulitika na si Philippe Marcovici, na sumusulat sa konserbatibong babasahing Pranses na Le Quotidien de Paris tungkol sa mga pagbabago sa Czechoslovakia, ay nagsabi na nangyari iyon “dahil sa Moscow, sapagkat isang bagay ang malinaw: Hindi ito basta pinangyari ng mga Sobyet; tiniyak nila na ang Czechoslovakia, tulad ng demokrasya ng ibang bayan, ay kakawala sa pumipigil dito. . . . Kapuwa sa Prague at Silangang Berlin, ang malalaking demonstrasyon ang nag-udyok sa pagbabago; pinilit ng mga taong nagtutungo sa mga lansangan ang mga autoridad na sumuko ayon sa kasunduan at umalis.”

Ang resulta ay na, tulad ng isang pulitikal na sumasabog na Bundok ng St. Helens, ang demokrasya at kasarinlan ay sumabog sa buong Silangang Europa sa loob lamang ng ilang buwan​—Poland, Silangang Alemanya, Hungary, Czechoslovakia, Bulgaria, at Romania.

Muling Pag-iisa ng Alemanya​—Isang Pagpapala o Sumpa?

Iyan ang tanong na pinag-iisipan ng marami sa Europa. Ang dalawang Alemanya ay nagtatag ng pagkakaisa sa pananalapi noong Hulyo 1990 at nakamit ang pulitikal na pagkakaisa noong Oktubre. Bagaman ito’y nagpagalak sa angaw-angaw, pinanginig din nito ang marami sa Europa. Kabilang dito ang ilan sa silangang Alemanya na maaaring mapilitang isuko ang kanilang mga tahanan sa dating mga may-ari sa kanlurang Alemanya. Sa kabila ng mga pasubali na ipinahayag ng ilang Britanong lider, isang paulong-balita sa pahayagang Britano ang nagsabi: “Kailangang Pagkatiwalaan Natin ang Bagong-Silang na Alemanya.”

Palibhasa’y dumanas ng katakut-takot at magastos na mga pagsalakay sa kamay ni Napoléon (1812) at ni Hitler (1941), nais ng Unyong Sobyet sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig II na igarantiya ang kaligtasan nito sa pamamagitan ng isang neutral na dako sa Silangang Europa. Kaya, ang blokeng Sobyet ng walong bansa sa Komunistang Silangang Europa ay naitatag sa loob ng ilang taon noong 1945.b Ngayon ang Unyong Sobyet ay hindi na gaanong nakadarama na pinagbabantaan ng Alemanya o ng Estados Unidos, at ang kaniyang mahigpit na kapit sa dating sakop na mga bansa ay lumuwag. Para bang natunaw ang Kurtinang Bakal, na sinabi ni Churchill noong 1946, pinapayagang pumasok ang bagong liwanag.

Kung Paano Ka Maaaring Maapektuhan ng mga Pagbabagong Ito

Nabanggit na namin ang ilang ekonomikong bahagi ng mga pagbabagong ito para sa maraming bansa​—bagong trabaho, bagong kapaligiran, at bagong mga kasanayan para sa ilan. Para sa marami pang iba magkakaroon ng kawalan ng trabaho at pagpupunyagi. Iyan ang kakambal na produkto ng pilosopya ng daigdig ng malayang kompetisyon sa negosyo​—matirâ ang matibay.

Sa kabilang dako, ang pagbabago tungo sa pagiging demokrasya ay nagpapangyari sa isang mas malayang pagkilos ng mga tao. At iya’y nangangahulugan ng internasyonal na turismo. Gaya ng natuklasan ng ibang bansa (Espanya at Italya, halimbawa) sa nakalipas na 30 taon, ang turismo ng mga dayuhan ay mahalaga upang mabayaran ang mga pagkakautang ng anumang gobyerno. Milyun-milyon sa Kanluran ang sabik na madalaw ang makasaysayang mga lungsod sa Silangang Europa, mga lungsod na ang mga pangalan ay nagpapagunita sa lumipas na panahon ng kaluwalhatian​—Budapest, Prague, Bucharest, Warsaw, at Leipzig, upang banggitin lamang ang ilan. Nais ring malayang madalaw ng mga tao ang Leningrad, Moscow, at Odessa. Gayundin, nais din ng mga tao buhat sa Silangang Europa na madalaw ang Kanluran. Tiyak, ang internasyonal na turismo ay nagsisilbi upang alisin ang ilang hadlang gaya ng maling opinyon at kawalang-alam. Gaya ng natuklasan ng maraming turista, ang pagsasama ng tinatawag na dating mga magkaaway sa isang dalampasigan ay maaaring sandaling mag-alis ng poot.

Mayroon pang isang aspekto ng gumuhong Pader ang nakaaakit sa angaw-angaw na mga tao​—ang posibilidad na malayang makasalamuha ang kanilang mga kapuwa kapananampalataya sa ibang bansa. Sa anong lawak magiging posible ito? Anong mga pagbabago sa larangan ng relihiyon ang nagaganap sa Silangang Europa? Ito at ang iba pang mga tanong ay isasaalang-alang ng sumusunod na artikulo.

[Mga talababa]

a Ang Pader ng Berlin, 47 kilometro ang haba, na naghihiwalay sa Silangan at Kanlurang Berlin, ay itinayo ng Silangang Alemanya noong 1961 upang hadlangan ang pag-alis ng mga takas tungo sa Kanluran.

b Ang walong bansa ay ang Czechoslovakia, Hungary, Romania, Bulgaria, Poland, Silangang Alemanya, Albania, at Yugoslavia.

[Mapa sa pahina 5]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

ALEMANYA

Berlin

YUGOSLAVIA

HUNGARY

POLAND

ROMANIA

CZECHOSLOVAKIA

ALBANIA

BULGARIA

U.S.S.R.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share