Kung Bakit Gayon Kahirap Supilin ang Ilang Bata
“Ang henetikong mga impluwensiya, kimika sa utak, at paglaki ng utak ay lubhang nakaaapekto sa kung sino tayo bilang mga bata at kung magiging ano tayo bilang mga adulto.”—STANLEY TURECKI, M.D.
ANG bawat bata ay lumalaki sa ganang sarili niya sa walang-katulad, naiibang paraan. Ang mga bata ay nagpapakita ng napakaraming katangian at ugali na waring katutubo—mga katangian na maaaring bahagyang nasusupil o hindi masupil ng mga magulang. Totoo na ang magugulo, malilikot, at maliligalig na bata ay laging umiiral. Ang pinakamahusay na mga magulang ay maaaring magkaroon ng isang anak na mahirap palakihin.
Subalit bakit ba ang ilang bata ay mas mahirap supilin at isang hamon na palakihin? Dumarami ang mga batang nakararanas ng malulubhang suliranin sa paggawi. Nagkakaisa ang mga clinician at mga mananaliksik na mula sa 5 hanggang 10 porsiyento ng lahat ng mga bata ay lubhang di-mapakali at na ang kawalang-kaya ng mga batang ito na matamang makinig, magtuon ng isip, sumunod sa mga tuntunin, at supilin ang mga simbuyo ng damdamin ay lumilikha ng maraming problema sa kanila at sa kanilang pamilya, sa kanilang mga guro, at sa kanilang mga kaedad.
Tinukoy ni Dr. Bennett Shaywitz, propesor ng pediatrics at neurolohiya sa Yale University Medical School, kung ano ang maaaring pangunahing problema: “minanang depekto ng ilang kemikal sa neurotransmitter na sistema ng utak,” na siyang nagsasaayos sa kilos ng selula ng utak at pinadadali kung paano pamamahalaan ng utak ang paggawi. Anuman ang gumagawa sa bata na mahirap palakihin, dapat unahin ng mga magulang na maging dalubhasa sa mabisang pamamahala sa paggawi ng kanilang anak, nagbibigay ng pampatibay-loob at alalay sa halip ng pagpuna at hindi pagsang-ayon.
Noong panahon ng Bibliya, ang mga magulang ang may pananagutan sa edukasyon at pagsasanay ng kanilang mga anak. Batid nila na ang disiplina at pagtuturo ng mga batas ng Diyos ay magpapatalino sa kanilang anak. (Deuteronomio 6:6, 7; 2 Timoteo 3:15) Samakatuwid, bigay-Diyos na pananagutan ng mga magulang na gumugol ng maraming pagsisikap hangga’t maaari, sa kabila ng abalang iskedyul, upang matugunan ang mga pangangailangan ng isang bata, lalo na ang positibong pagtugon sa negatibong paggawi. Yamang ang karamihan ng mga problema sa paggawi na nakikita ng mga nagdadalubhasa sa mga sakit ng bata sa ngayon ay nagsasangkot ng mga batang sobrang likot, mapusok, o hindi matamang nakikinig, ang isang pagtalakay tungkol sa ADD at ADHD bilang mga salik sa mga batang mahirap-palakihin ay maaaring makatulong.a
Noong mga taon ng 1950, ang mga sakit na ito ay tinawag na “minimal brain dysfunction” o bahagyang pagkasira ng utak. Ang terminolohiyang iyan ay hindi na ginagamit, ayon sa pediatric neurologist na si Dr. Jan Mathisen, nang ang mga tuklas ay nagpakita na ang “ADD ay hindi pinsala sa utak.” Sabi ni Dr. Mathisen: “Ang ADD ay waring isang depekto sa ilang bahagi ng utak. Hindi pa rin kami nakatitiyak tungkol sa eksaktong mga problema ng kemikal sa utak na nasasangkot, subalit inaakala namin na may kinalaman ito sa isang kemikal sa utak na tinatawag na dopamine.” Naniniwala siya na ang problema ay may kinalaman sa pagkontrol sa dopamine. “Marahil hindi ito iisang kemikal, kundi isang ugnayan sa pagitan ng ilang kemikal,” susog niya.
Bagaman marami pang katanungan na hindi pa nasasagot kung tungkol sa sanhi ng ADD, ang mga mananaliksik ay karaniwang sumasang-ayon kay Dr. Mathisen na ang napakahinang pagkontrol ng matamang pakikinig, ng pagkamapusok, at ng pagkilos ng kalamnan ay galing sa utak. Natunton kamakailan ng isang pag-aaral na isinagawa ni Dr. Alan Zametkin at ng mga mananaliksik sa National Institute of Mental Health, sa Estados Unidos, ang ADD sa kauna-unahang pagkakataon sa isang espesipikong metabolikong abnormalidad sa utak, bagaman kinilala na “kailangan pa [nito] ang higit na pananaliksik upang marating ang mas tiyak na mga kasagutan.”
Ang Paaralan ay Naghaharap ng Isang Tunay na Hamon
Ang paaralan ay karaniwang napakahirap para sa mga batang labis na hindi matamang nakikinig, madaling magambala, mapusok, o sobrang likot, yamang ang pangangailangan para sa pagtutuon ng isip at sa pananatiling tahimik ay tumitindi sa kapaligiran ng silid-aralan. Sapagkat nasusumpungan ng gayong mga bata na napakahirap magtuon ng pansin sa anumang bagay sa loob ng mahabang panahon, ano pa nga ba ang gagawin nila kundi ang maglikot nang husto? Para sa ilan, ang kanilang kakulangan ng matamang pakikinig ay napakasidhi anupat hindi sila makapagpatuloy sa normal na pag-aaral, ito man ay sa tahanan o sa paaralan. Karaniwan nang sila’y tumatanggap ng disiplina dahil sa pagiging kilabot ng klase o payaso ng klase, yamang nahihirapan silang supilin ang kanilang paggawi at tantiyahin ang mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos.
Sa wakas, sila’y nagkakaroon ng mahinang paglalarawan sa sarili, marahil binabansagan ang kanilang sarili na “masama” at “mangmang” at kumikilos nang gayon. Ang pagkuha ng bagsak na mga marka gaano man ang pagsisikap na gawin nila, ang mga batang ito ay madaling tablan ng matinding kabiguang namamalagi sa sarili.
Naguguluhan, ang mga magulang ay lubhang nababalisa at nalilito sa maligalig na paggawi ng kanilang anak. Kung minsan, ito’y nagbubunga ng di pagkakasundo ng mag-asawa, sinisisi ng bawat magulang ang isa sa kalagayan. Maraming magulang ang gumugugol ng maraming panahon na galít na inuulit-ulit ang masasama at kinaliligtaan ang mabubuti. Kaya nga, ang kanilang mga tugon sa negatibong paggawi ay nagpapangyari ng higit pang negatibong pagtugon. Sa gayon ang pamilya, at sa ilang bahagi ang iba pa na nakikitungo sa bata, ay laging nagkakasalungatan sapagkat hindi nila inuunawa at sinusupil ang paggawi ng isang batang mahirap supilin—isang bata na mayroon, o wala, ng Attention Deficit Disorder.
Personal na Karanasan ng Isang Ina Kay Ronnie
“Mula nang isilang si Ronnie sa mundo, siya ay hindi kailanman maligaya kundi laging aburido at umiiyak. Dahil sa mga alerdyi, nagkaroon siya ng mga butlig sa balat, impeksiyon sa tainga, at palaging nagkukurso.
“Gayunman, mahusay ang maagang kasanayan sa pagkilos ng mga kalamnan ni Ronnie at mabilis siyang umupo, tumayo, at pagkatapos ay lumakad—o sabihin na nating tumakbo? Nagmamadali ako sa paggawa ng lahat ng aking gawain sa bahay kapag natutulog siya sapagkat kapag ang aking munting ‘buhawi’ ay magising, magiging abala ako sa pag-aalaga sa kaniya upang huwag niyang mapinsala ang kaniyang sarili at ang bahay habang siya ay nagtatatakbo at hinahawakan ang anumang bagay na magustuhan niya, at nagugustuhan niya ang halos lahat ng bagay!
“Napakaikli ng kaniyang attention span o pagbibigay-pansin sa isang bagay. Walang bagay na mapagtutuunan niya ng pansin sa loob ng mahabang panahon. Kinaiinisan niya ang maupo nang tahimik. Mangyari pa, ito’y isang problema kapag dinadala namin siya sa anumang lugar kung saan siya ay inaasahang maupo nang tahimik—lalo na sa mga pulong ng kongregasyon. Walang saysay na paluin siya dahil sa hindi pag-upo nang tahimik. Talagang hindi siya makaupo nang tahimik. Maraming may mabuting-intensiyong mga tao ang nagreklamo o nagbigay sa amin ng payo, subalit walang umubra.
“Si Ronnie ay matalino, kaya nang siya ay mga tatlong taóng gulang, sinimulan namin ang isang programa ng araw-araw na maiikling-sesyon ng pagbabasa sa kaniya. Nang siya ay limang taon na, mahusay na siyang bumasa. Pagkatapos siya’y nag-aral. Pagkalipas ng isang buwan, ako’y tumanggap ng isang kahilingan na pumunta at makipag-usap sa guro. Sinabi niya sa akin na nang una niyang makita si Ronnie, inakala niyang ito’y mukhang isang anghel, subalit pagkaraan ng isang buwan sa kaniyang klase, inaakala niya ngayong si Ronnie ay mula sa ibang dako! Ipinaalam niya sa akin na si Ronnie ay laging tumatalon, pinapatid ang ibang mga bata o hinihila sila. Hindi siya tumatahimik o nauupong tahimik, at ginagambala niya ang buong klase. Wala siyang pagpipigil-sa-sarili. Napansin din niya na unti-unting lumilitaw ang mapaghimagsik na saloobin. Iminungkahi na si Ronnie ay ilagay sa isang klase para sa pantanging edukasyon at na dalhin namin siya sa isang doktor upang makakuha ng reseta para sa isang gamot na magpapakalma sa kaniya. Kami’y nabigla!
“Ang gamot ay hindi angkop na mapagpipilian para kay Ronnie, subalit kami’y binigyan ng pediatrician ng ilang praktikal na mungkahi. Sa palagay niya si Ronnie ay matalino at nababagot; kaya nga, iminungkahi niya na panatilihing abala si Ronnie, na pag-ukulan namin siya ng pag-ibig at higit pang pag-ibig, at na kami’y maging matiyaga at positibo. Inaakala niya na si Ronnie ay hindi magiging gaanong problema habang siya ay nagkakaedad at sa pagbabago ng kaniyang pagkain.
“Natalos namin na ang aming anak na lalaki ay kailangang maingat na pakitunguhan, na kailangan siyang tulungan na matutuhang ituon ang kaniyang lakas sa isang positibong paraan. Ito’y nangangailangan ng maraming panahon; kaya nga, binago namin ang aming pang-araw-araw na mga iskedyul, gumugugol ng maraming oras sa paggawa na kasama niya sa gawain sa paaralan, matiyagang tinuturuan at ipinaliliwanag ang mga bagay sa kaniya. Inihinto namin ang paggamit ng negatibong mga salita o pagsisi sa kaniya dahil sa kaniyang kawalang-ingat at kapilyuhan. Ang aming tunguhin ay itaas ang kaniyang mababang pagpapahalaga sa sarili. Kami ay nag-uusap sa halip na nag-uutos at sapilitang humihingi. Kung may anumang pagpapasiyang kinasasangkutan niya, hinihiling namin ang kaniyang palagay.
“Ang ilang bagay na natural sa ibang bata ay hindi madali kay Ronnie. Halimbawa, kailangan niyang matutuhan kung paano magiging matiisin, kung paano magiging mahinahon, kung paano uupo nang tahimik, at kung paano susupilin ang kaniyang labis-labis na kalikutan. Subalit ito ay masusupil. Minsang maunawaan niya na kailangan niyang gumawa ng pagsisikap upang huminahon nang kaunti at pag-isipan ang tungkol sa kung ano ang ginagawa niya, o gagawin, naunawaan niya itong lahat. Sa gulang na 13, ang kaniyang paggawi ay normal. Nakatutuwa naman, ang lahat ay naging maayos buhat noon, kahit na noong panahon ng karaniwang mapaghimagsik na mga taon ng pagkatin-edyer.
“Ang mga pakinabang ng pag-uukol kay Ronnie ng saganang pag-ibig, at gayunding dami ng panahon at tiyaga, ay nagbunga rin ng maganda!”
[Talababa]
a Ang ADD ay tumutukoy sa Attention Deficit Disorder o sakit kung saan ang isa ay hindi matamang nakikinig, at ADHD na tumutukoy sa Attention Deficit Hyperactivity Disorder o sakit kung saan ang isa ay hindi matamang nakikinig at sobrang likot sa lahat ng mga artikulong ito.