Pagmamasid sa Daigdig
“Ligtas na Pagtatalik”—Hindi Lubusang Ligtas Para sa Kababaihan
Sa kabila ng maraming publisidad na pabor sa “ligtas na pagtatalik” at ang paggamit ng mga kondom upang maiwasan na mahawa ng AIDS, pinag-aalinlangan ng mga doktor ang katalinuhan ng gayong payo. Isang medikal na ulat na lumabas sa pahayagang Le Figaro sa Paris ang nagsasabi na bagaman ang mga kondom ay naglalaan ng proteksiyon sa kalalakihan sa paano man laban sa AIDS, ang mga ito’y naglalaan ng mas kakaunting proteksiyon sa kababaihan sapagkat madaling mahawahan ng kanilang nahawahang kapareha ang panlabas ng kondom. Ang mga babae ay lalo nang nanganganib na mahawahan sa panahon ng kanilang buwanang dalaw at kapag sila’y may anumang uri ng impeksiyon o sugat sa kanilang ari. Ayon sa estadistika, ang mga kondom sa ngayon ay waring wala pang 69 na porsiyento ang pagkamabisa upang maingatan ang mga babae laban sa AIDS. Nagkokomento hinggil sa huminang “pangkaligtasang” salik na ito, ganito ang sabi ng isang doktor: “Ano ang masasabi natin tungkol sa isang eroplano na mayroon lamang 69-na-porsiyentong tsansa na hindi babagsak sa isang taon?”
Ehersisyo ng Utak
“Ang isang mahinang memorya ay karaniwang hindi nagkataon lamang kundi dahil sa mahinang pagsasanay,” ulat ng DAK Magazin, isang lathalain sa kalusugan-seguro sa Alemanya. Kung paanong natutuyot ang mga kalamnan dahil sa kakulangan sa gawain, ang utak ay maaaring kalawangin at mag-imbak ng mas kakaunting impormasyon kung ito’y nagkakaroon lamang ng kaunting ehersisyo. Ito ba’y problema lamang ng mga may edad na? Hinding-hindi! “Yamang ang pag-iisip ay kalimitang ginagawang madali para sa atin o hindi na nga kailangan,” komento ng magasin, maging ang mga kabataan ay nanganganib din na magkaroon ng kinakalawang na memorya sa pamamagitan ng hindi wastong pagpapanatiling abala ng kanilang mga isip. Ano ang makatutulong? Iminungkahi ng magasin ang pag-eehersisyo sa utak, na gumagamit ng mga larong pangkaisipan, gaya ng mga puzzle na nagsasangkot ng mga numero at letra ng alpabeto, upang pasiglahin ang isip at memorya. Gayundin naman, “ang mga crossword puzzle ay makatutulong.”
Mensaheng nasa Rolyo ng Toilet Paper ng Tren
Hanggang sa higit pang makabagong kagamitan ang magawa, ang tanging paraan lamang upang ipagbigay-alam ng isang konduktor ng tren sa awtoridad ang isang di-inaasahang pangyayari sa halos anumang tren sa Italya ay magpapatuloy sa ganitong paraan: Sumulat ng kalatas, ilagay ito sa loob ng rolyo ng toilet paper, at ihagis ito mula sa tumatakbong tren sa susunod na istasyon ng tren, umaasa na ito’y matatagpuan at magbibigay-alam sa mga awtoridad. Ang sistemang ito, na “kasintanda na ng mga daang-bakal mismo,” ay iminumungkahi ng opisyal na mga alituntunin ng daang-bakal. Ito’y “nananatili pa ring mabisa, subok nang paraan,” sabi ng isang opisyal ng Italian State Railways, na kumikilala na “ang komunikasyon sa mga tren ay isang malubhang problema.” Napaharap sa may sakit na pasahero, isang pinaghihinalaang bagahe, isang pananalakay, o isang pagnanakaw, “ang tauhan ng State Railways sa paano man ay walang magawa,” sabi ng pahayagang Corriere della Sera sa Italya, yamang sila’y hindi awtorisado na makialam. Upang malutas ang suliranin ng komunikasyon, nilayon ng Italian State Railways na gamitin ang close-circuit na nabibitbit na mga telepono sa malapit na hinaharap.
Ang Kabalighuan ng Baril sa E.U.
Ang dumaraming bilang ng pagpaslang dahil sa baril sa Estados Unidos, kasama pa ang napakaraming lansakang mga pamamaril, ay nagdulot kapuwa sa mga nag-iisip na panahon na para alisan ng mga baril ang mga kriminal at sa mga nag-aakala na panahon na para sila mismo ay bumili ng baril. “Napakaraming tao, sa katunayan, ang maaaring parehong naiisip ang bagay na ito,” sabi ng magasing Time. At yamang may tumitinding panggigipit na hadlangan ang mga baril, mas maraming tao ang naghahanap at bumibili ng mga baril higit kailanman. Nang ipatupad ang batas na Brady (isang batas sa pagsugpo sa baril), iniulat ng mga negosyante ng baril ang napakalaking benta bago ito naipatupad. Mayroon ngayon halos 211 milyong baril sa Estados Unidos. Sa isang pagsisikap na bawasan ang dami, pinasimulan ang mga programa kung saan ang mga tao ay magsusuko ng armas at tatanggap ng $100 regalong sertipiko—nang walang kuskos balungos. Napalabas ng kampaniya ang daan-daang baril sa madla subalit nahimok din nito ang ilan na bumili ng murang mga baril upang kanilang maisauli ang mga ito at kumita rin naman. Ganito ang sabi ng isang may-ari ng tindahan ng baril: “Tinitiyak ko sa inyo, maraming tao na nagsuko ng mga baril sa umaga ang nagtataglay pa rin ng baril sa hapon.”
Lihim na Pakikinig sa Hapón
Tinagurian ang lihim na pakikinig sa Hapón bilang ang “pambansang libangan,” iniulat ng Mainichi Daily News na ang “Hapón ang isa sa pinakamalawak na lihim na napakikinggang bansa sa mundo, na may 60,000 naipagbiling maliliit na radyong may mikropono” bawat taon. Ang ilang bug (kagamitan sa lihim na pakikinig) ay napakaliit anupat ang mga ito’y maaaring magkasya sa mga panulat. May mga kagamitan na maaaring makatutop ng pag-uusap sa layong 15 metro at maihatid ito sa layong tatlong kilometro. Sinu-sino ang lihim na nakikinig sa Hapón? Ayon sa pahayagan, ang marami sa lihim na nakikinig ay basta “nagpipipihit sa dayal upang makasagap ng pinakanakaiintriga” na tsismis. Subalit ang marami ay “mga nagseselos na mangingibig na ibig na matiyak ang pagmamahal ng kanilang mga mahal, o mga ama na ibig sumubaybay sa ginagawa ng kanilang mga anak na dalaga.”
Nililipol ng AIDS ang Aprika
Ayon sa pagtaya ng World Health Organization, sa mahigit na 15 milyong kilalang kaso ng AIDS sa daigdig, ang halos 10 milyon ay nasa Aprika, ginagawa ito na pinakaapektadong kontinente sa daigdig. “Tila ito maliliit na dike ng buhangin na pumipigil sa umaapaw na mga ilog,” ganiyan ang paglalarawan ni Propesor Nathan Clumek sa mga pamamaraan ngayon na nagaganap upang sugpuin ang epidemya ng AIDS. Sa isang panayam na inilathala sa pahayagang Le Monde sa Paris, sinabi ni Propesor Clumek na hindi pa lubusang natatanto ng mga pinuno ng estado ng Aprika ang pagwasak na idudulot ng virus sa Aprika. Noong 1987, nang tayahin ni Propesor Clumek na 10 porsiyento ng kontinente ang mahahawahan ng AIDS, marami ang nag-akala na ito’y labis na pananalita. Sa ngayon ito’y tinataya na saanman mula sa 20 hanggang 40 porsiyento ng populasyon ng Aprika ang mahahawahan ng nakamamatay na virus.
Labis na Pangingisda ang Sumasaid sa mga Dagat
“ ‘Napakaraming isda sa dagat,’ ganiyan ang saad ng isang kasabihan sa Ingles. Subalit ito’y mali,” sabi ng The Economist. “Ang kasaganaan sa dagat ay labis-labis na nasaid.” Sapol ng pinakamaraming huli noong 1989, ang mga nahuling isda sa dagat sa daigdig ay umunti. Ang dahilan ay simple lamang: “Kaunting-kaunting isda ang naiwan sa dagat upang mapanatili ang dami ng itlog ng isda. Inuutang ng mga mangingisda ang kanilang kapital, inuubos ang isda na dapat sana’y pagmumulan ng kanilang mahuhuli.” Ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization, 13 mula sa 17 pangunahing karagatan ng pangingisda sa daigdig ang nanganganib—4 sa mga ito ang inuri na nasairan para sa komersiyal na pangingisda. Ang makabagong teknolohiya—gaya ng mga komunikasyon na sonar at satellite—ang gumawang posible para sa mga mangingisda na masumpungan ang mga isda kahit sa tagong mga lugar at makabalik sa tiyak na mga lugar na sagana sa isda. Ang malalaking trawler na may kagamitang pangproseso na kasinlaki ng laruan ng football, na may mas malalaki pang lambat, ang nakahuhuli ng napakaraming isda. Masisisi ang mga pamahalaan dahil sa pagkabulagsak, sabi ng The Economist, yamang 90 porsiyento ng mga huli sa daigdig ay nasumpungan sa loob mismo ng 370 kilometrong tubig ng ilang dalampasigan ng mga bansa, ang tubig na kung saan inaangkin nila ang pagkasoberanya. Pinalalayas ng mga pamahalaan ang sasakyan sa pangingisda ng ibang bansa subalit nagpapahintulot sa pambansang mga sasakyan sa pangingisda na magpalawak, at tumutulong pa nga sa mga ito sa pagkuha ng pondo.
Mas Mabubuting Pag-uugali sa Pagtulog
“Ang insomniya ay waring nakatutulong para sa maraming tao, subalit ang mga resulta ng pagkakait sa katawan ng mga oras ng pagtulog sa halip ay humahantong sa pagiging di-kapaki-pakinabang,” sabi ng magasing Exame sa Brazil. Ganito ang paliwanag ng neurologist na si Rubens Reimão: “Hindi malilimutan ng katawan ang mga oras ng pagtulog na utang ng tao rito. Sa kabaligtaran, lagi nitong maaalaala ito at biglang maniningil na maaaring mangahulugan ng paghina ng isip, mga suliranin sa pagtutuon ng isip, at mabagal na kakayahang mag-isip.” Upang maiwasan ang di-kinakailangang kabalisahan, ganito ang iminumungkahi ni Dr. Reimão: “Ihinto ang paglutas ng mga suliranin sa trabaho o ang pag-iisip sa mga ito kapag ikaw ay nasa trabaho.” Upang ikaw ay makapagpahingalay at makatulog nang mas mabuti, iminumungkahi ng Exame ang regular na ehersisyo, banayad na musika, malamlam na ilaw, at mabubuting kaisipan.
Katolikong Misa na Pinaglilingkuran ng mga Batang Babaing Sakristan
Ang paggamit ng mga batang babae upang tumulong sa mga pari sa panahon ng pagdaraos ng Misa ay, hanggang sa ngayon, pinahihintulutan ng ilang awtoridad ng simbahan. Sa isang sulat na sinang-ayunan ni Papa John Paul II at ipinadala sa mga pangulo sa mga komperensiya ng Katolikong mga obispo sa buong mundo, ang Congregation for Divine Worship and the Discipline of the Sacraments ay nagbigay sa indibiduwal na mga obispo ng mapamimilian na pahintulutan ang mga batang babaing sakristan na tumulong sa Misa. Ayon sa Corriere della Sera, habang kaniyang ipinatatalastas at upang “alisin ang kahit pinakabahagyang pag-asa sa mga hinahangad na karapatan ng kababaihan,” ang tagapagsalita ng Vatican na si Joaquin Navarro Valls ay maliwanag na nagsabi na ang bagong kaayusan ay hindi nagpapabago sa paano man sa saloobin ng simbahan hinggil sa mga babaing pari. Bakit, kung gayon, gumagamit ng mga batang babaing sakristan? “Hindi naman ito nakabibigla sa akin,” ang komento ng sosyologong si Franco Ferrarotti. “Ang Simbahan ay hindi makahanap ng mga pari, at waring hindi rin naman ito makahanap ng mga lalaking sakristan.”
Isang Kulto ng mga Bating
Iniulat ng Indian Express ng Bombay na sa India ay may mahigit sa isang milyong bating. Sa mga ito, 2 porsiyento lamang ang isinilang sa ganitong kalagayan. Ang nalabi ay kinapon. Ayon sa Express, ang guwapong mga lalaki ay inaakit o dinudukot at dinadala sa isa sa maraming lugar sa India kung saan sila’y ginagawang mga bating. Doon ang mga lalaki ay sumasailalim sa isang seremonya na lakip ang “tila prinsipeng pagtrato” at humahantong sa pag-aalis ng kanilang mga testicle. Pagkatapos, ang bagong ginawang bating ay inaampon ng mas nakatatandang bating, nagtatatag ng “ina-anak na babaing” ugnayan. Ang mga bating na ito ay binibigyan ng mga pangalang pambabae at sa gayon ay gumagawi at nagdaramit na gaya ng mga babae. Ang karamihan ng mga bating ay inoorganisa sa isang kulto na pinangungunahan ng pinakadiyos. Napakaraming templo sa buong India kung saan ang mga bating ay pinararangalan at itinuturing na banal na mga kinapal sa panahon ng taunang pagdiriwang.