Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/22 p. 20-22
  • “Ngayon ay si Mia at si Jehova na Lamang”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Ngayon ay si Mia at si Jehova na Lamang”
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Medikal na Paggamot
  • Maibiging Suporta
  • Panggigipit na Tumanggap ng Dugo
  • Nanganib ang Aking Buhay
  • Isang Malaking Pagbabago
  • Natuto ang mga Doktor sa Pagkabingit Ko sa Kamatayan
    Gumising!—1995
  • Nasagip sa Bingit ng Kamatayan ng Paggamot na Walang Dugo
    Gumising!—1992
  • Ang Tunay na Halaga ng Dugo
    Gumising!—2006
  • Pagharap sa Isang Medikal na Kagipitan
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/22 p. 20-22

“Ngayon ay si Mia at si Jehova na Lamang”

NOONG Mayo 1991, ang aking katawan ay nagbigay na ng tanda na mayroon itong diperensiya. Pagkatapos maglakad nang malayo o magbisikleta nang malayo, ako’y makadarama ng matitinding kirot sa aking mga braso at paa, at ang aking mga kasukasuan ay mamamaga. Nang ako’y dumalo sa kasal ng isa sa aking mga kapatid na lalaki noong Hulyo 1991, ako’y nagkasakit. Kasunod nito, ako’y malimit na naratay sa banig ng karamdaman, at ako’y tinubuan ng kakaibang batik-batik na pula sa aking mukha at sa aking katawan.

Ako’y dinala ng aking ina sa isang doktor, na nagsugod sa akin sa isang ospital na malapit sa aming tahanan sa Askim sa Norway. Ang kinalabasan ng pagsusuri ay huminang pagkilos ng bató at alta presyon. Ang antas ng aking hemoglobin ay 7.3 gramo lamang sa bawat decilitro, kung ihahambing sa normal na antas na 11.5 hanggang 16. Pagkaraan ng dalawang araw ako ay inilipat sa isang mas malaking ospital na may pantanging silid para sa paggamot ng sakit sa bató. Pagkatapos makita ang mga resulta ng ilang pagsubok sa dugo, ang doktor ay naghinuha na ako ay dumaranas ng systemic lupus erythematosus at na ang aking sistema ng imyunidad ay gumagawa ng mga antibody na sumasalakay sa aking dugo at mga himaymay ng bató. Ako’y binigyan ng mga corticosteroid at chemotherapy.

Yamang ang kapuwa sakit at ang ilang paggamot ay sumisira sa dugo, ang pagsasalin ng dugo ay naging isang isyu. Tinipon ko ang lahat ng lakas ko at sinabi ko: “Ako’y isang nag-alay at bautisadong Saksi, at ayaw ko ng dugo.” (Genesis 9:4; Gawa 15:28, 29) Pagkatapos ay kinausap ng doktor ang aking ina nang sarilinan, at ipinaliwanag ng aking ina na nais naming gumamit ng mga alternatibo sa pagsasalin ng dugo. Sinabi ng doktor na handa niyang igalang ang aking paninindigan at gagawin niya ang kaniyang makakaya upang tulungan ako.

Ang medikal rekord, na isang kopya ang tinanggap namin nang maglaon, ay nagsasabi: “Ang pasyente ay maygulang na at may malinaw na isipan at may kabatiran. Samakatuwid, kailangang igalang ang pangmalas ng pasyente.” Binabanggit din nito: “Ang medical ward ay determinadong igalang ang pasiya ng pasyente na huwag tumanggap ng dugo, kahit na magbunga ng kaniyang kamatayan.”

Medikal na Paggamot

Nang sumunod na mga araw, iba’t ibang paggamot ang sinubok upang ibaba ang presyon ng dugo ko at sa gayo’y bawasan ang pinsala sa mga bató. Ayaw tanggapin ng aking katawan ang paggamot, at ang natatandaan ko lamang noong panahong iyon ay ang paulit-ulit na pagsuka. Paminsan-minsan ako ay totoong nanlulumo, at kami ng aking mga magulang ay madalas na manalangin kay Jehova para sa tulong at lakas. Pagkatapos ng isang buwan sa ospital, ako ay pinayagang umuwi ng bahay sa dulo ng sanlinggo. Nang maglaon, noong ikalawang pag-uwi ko, ako’y dumanas ng matinding epileptikong panginginig na sinundan ng apat na bahagyang panginginig. Naaapektuhan ng sakit ang aking sentral na sistema nerbiyosa. Ako’y isinugod pabalik sa ospital.

Ang mga doktor ay nagpasiyang magbigay ng alternatibong paggamot. Ang plasma ay inalis mula sa dugo, kung kaya ang mga antibody na sumasalakay sa aking mga selula ng dugo at sa mga himaymay ng bató ay naalis. Saka ako binigyan ng mga iniksiyon ng Ringer’s solution na may kasamang albumin. Ipinakipag-usap ko na ang paggamot na ito sa mga doktor at binigyan ko sila ng nasusulat na pahintulot na isagawa ito.a Sa kabila ng paggamot na ito ay lumubha ang aking kalagayan. Binigyan ko rin sila ng pahintulot na gamutin ako sa pamamagitan ng mga immunoglobulin, subalit nang panahong iyon ay hindi nila isinagawa ito.b

Ang pagkilos ng aking bató ay lubhang nabawasan. Ang aking serum creatinine ay 682, kung ihahambing sa normal na 55 hanggang 110. Ang presyon ng dugo ko ay nanatiling mataas, at ang aking hemoglobin ay nanatili sa pagitan ng 5 at 6 na gramo sa bawat decilitro. Isang araw ang bilang ng mga platelet ay 17,000 sa bawat milimetro kubiko ng dugo (ang normal na bilang ay mula 150,000 hanggang 450,000), lubhang pinasisidhi ang panganib ng pagdurugo. Mabuti naman, ang bilang ng mga platelet ay agad na nagsimulang dumami. Nang sumunod na araw ang bilang ay 31,000, at ang pagdami ay nagpatuloy.

Maibiging Suporta

Ang mga kawani sa ospital ay humanga sa lahat ng mga bulaklak, sulat, card, at mga tawag sa telepono na tinanggap ko mula sa maibiging Kristiyanong mga kapatid na lalaki at babae sa buong Norway. Nagtataka sila kung paanong ang isang 18-anyos ay maaaring magkaroon ng napakaraming kaibigan. Ito ay nagbigay sa amin ng pagkakataon na sabihin sa kanila ang tungkol sa aming Kristiyanong pag-asa at sa maibiging organisasyon ni Jehova.​—Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4.

Samantala, ang Hospital Liaison Committee ng mga Saksi ni Jehova ay gumagawa nang puspusan upang magkaroon ng higit na impormasyon tungkol sa paggamot sa lupus. Mula sa tanggapang sangay namin sa Norway ay tumanggap kami ng isang artikulo na nailathala sa isang medikal na babasahin. Inilarawan nito ang dalawang masalimuot na mga kaso ng systemic lupus erythematosus kung saan ang mga immunoglobulin ay isinagawa sa dalawang dalaga​—taglay ang mabuting mga resulta. Noong panahon ng isang komperensiya sa mga doktor, hiniling ng aking mga magulang na basahin nila ang artikulo upang malaman kung ang impormasyon ay makatutulong sa aking kaso. Ang mga doktor ay may iba’t ibang opinyon tungkol sa kung ano ang gagawin. Halimbawa, may pagkabahala tungkol sa limitadong dami ng impormasyon tungkol sa masasamang epekto ng paggamot sa pamamagitan ng mga immunoglobulin.

Panggigipit na Tumanggap ng Dugo

Nang panahong iyon ako’y naospital sa loob halos ng walong linggo. Isang gabi ako ay nakadama ng matinding kirot sa aking tiyan, at may dugo sa aking dumi dahil sa panloob na pagdurugo. Isang seruhano ang tinawag. Sinabi niya na ako’y nangangailangan ng kagyat na operasyon at pagsasalin ng dugo, kung hindi ako ay mamamatay sa loob ng ilang oras. Sinabi ng seruhanong ito sa aking ate, na nagbabantay sa akin sa ospital, na makabubuting hikayatin niya ako na pumayag na pasalin ng dugo o siya’y mananagot sa aking kamatayan. Nakagalit ito sa akin, sapagkat ang pasiyang huwag pasalin ng dugo ay sarili kong pasiya.

Nais ng mga doktor na kausapin ako nang mag-isa upang tiyakin na ang pasiya ay talagang akin at na ako’y lubos na may kabatiran sa inaakala nilang mga kahihinatnan ng pagtangging pasalin ng dugo. Pagkaraan ng 15 minuto sila’y nakumbinsi na hindi ako magbabago ng aking isip. Sa halip na operahin, binigyan ako ng mga doktor ng mga antibiotic upang labanan ang impeksiyon.

Noong Setyembre 30, ang araw pagkatapos ng diskusyon sa mga doktor, ang bilang ng aking hemoglobin ay bumaba mula sa 6.5 tungo sa 3.5. Ako’y inilipat sa intensive care unit. Napakahina ko anupat kinailangan ko ng isang maskara ng oksiheno upang tustusan ako ng oksiheno. Bagaman ako sa paano man ay may malay sa buong panahon ng kritikal na panahong ito, wala akong maalaala. Kaya kung ano ang nangyari noong sumunod na ilang araw ay saka na lamang ikinuwento sa akin ng aking pamilya at ng dalawang Kristiyanong matatanda.

Nanganib ang Aking Buhay

Nang panahong ito ang mga doktor ay sumang-ayon na subukin ang paggamit ng mga turok ng immunoglobulin. Mula Oktubre 9 hanggang 11, ako’y binigyan ng isang dosis ng anim na gramong immunoglobulin sa isang araw. Hindi ko makontrol ang aking pag-ihi at pagdumi, kaya patuloy na pinapalitan ng mga nars ang mga sapin ng kama. Ang bilang ng aking hemoglobin ay patuloy na bumababa. Ang medikal na rekord ay nagsasabi: “Sa pinakamababa ang bilang ng kaniyang hemoglobin ay nasukat na 1.4, pagkatapos nito siya ay nagkaroon ng karagdagang melena [dumi na may dugo], at ipinasiyang itigil na ang pagkuha ng karagdagang mga pagbilang sa dugo. Nang panahong ito siya ay halos naghihingalo [mamamatay na].”

Nang panahong ito ang mga doktor ay nawalan na ng pag-asa ng paggaling, binabanggit na kung ako’y makaliligtas, ako’y magkakaroon ng pinsala sa utak at marahil magiging bahagyang paralisado. Sigurado sila na wala nang magagawa pa anupat noong Oktubre 12 ipinasiyang ihinto na ang lahat ng aktibong paggamot at bigyan na lamang ng mga likido. Ang aking ama, na patuloy na nagpapalakas-loob sa akin na patuloy na makipagbaka, ay nakaupo sa tabi ng aking kama, na nagsasabi: “Ngayon ay si Mia at si Jehova na lamang.”

Laging may isa buhat sa kongregasyon sa tabi ng kama na kasama ng aking pamilya noong kritikal na panahong ito. Isa sa kanila ay nagsabi: “Noong Sabado ng gabi, Oktubre 12, walang nag-aakalang makaliligtas si Mia nang gabing iyon. Subalit noong Linggo ng umaga ay buháy pa rin siya. Noong hapon ay hirap siyang huminga, at ang lahat ay nag-aakalang ito na ang wakas. Ang buong pamilya ay nagtipon sa paligid ng kaniyang kama. Siya’y huminga nang malalim at, pagkatapos ng tila ba walang-hanggan, ay huminga nang palabas. Ang kaniyang mga magulang ang dumanas ng pinakamatinding kirot na maaaring maranasan ng mga magulang​—ang makita ang kanilang mahal na anak na dahan-dahang namamatay. Ang kaniyang ama ay nagsabi na kami ay dapat na manalangin kay Jehova. Kami’y tahimik na nag-usap pagkatapos niyan, umaasang si Mia ay hindi na maghirap pa nang matagal.

“Subalit si Mia ay hindi namatay. Ang mga doktor at mga nars ay wala pang nakitang katulad nito​—isa na nabubuhay na may gayon kababang bilang ng dugo. Ang mga pagdurugo ay huminto, kaya ang kalagayan ay hindi lumala. Lumipas ang Linggo ng gabi, at si Mia ay buháy pa rin.”

Isang Malaking Pagbabago

Noong Lunes ng umaga, Oktubre 14, isa sa mga doktor ang dumalaw sa akin. Ako’y natutulog at hindi ko natatandaan ang pangyayari. Ang doktor ay tumayo sa tabi ng aking kama, at ang aking ina ay nagsabi: “Narito ang doktor upang magsabi ng magandang umaga.” Ang aking reaksiyon ay isang malakas na “kumusta.” Hindi niya inaasahan iyon, at siya’y nagulat at naantig.

Ang aking utak ay mabuti, at ako’y hindi paralisado. Ang paggamot ay ipinagpatuloy. Ako’y binigyan ng erythropoietin at iron dextran sa pamamagitan ng suwero, gayundin ng dalawang dosis ng immunoglobulin araw-araw. Unti-unti ang aking kalagayan ay bumuti. Noong Oktubre 16 ang bilang ng aking hemoglobin ay dumami tungo sa 2.6 at noong ika-17 ito ay naging 3.0. Patuloy akong bumubuti. Noong Nobyembre 12 ako ay pinalabas sa ospital na may bilang ng hemoglobin na 8.0.

Hindi namin nalalaman nang tiyak kung bakit huminto ang pagsira sa aking pulang mga selula ng dugo o kung bakit mabilis na dumami ang aking bilang ng dugo. Ang mga iniksiyon ng immunoglobulin, erythropoietin, at iron dextran ay malamang na gumanap ng malaking bahagi. Maaga noong Mayo 1992, ang bilang ng aking hemoglobin ay isang normal na 12.3, at nanatiling normal.

Ako ngayon ay nasa mantensiyon na paggamot upang panatilihin ang aking kalagayan na nasusupil, at ako naman ay mabuti. Noong Nobyembre 28, 1992, ako’y nag-asawa sa isang kapuwa Kristiyano, at kami ngayon ay magkasamang naglilingkod kay Jehova. Ang aking karamdaman, gayundin ang pagsunod sa batas ni Jehova tungkol sa dugo, ay nagpalapit sa akin kay Jehova. Ngayon ay inaasam-asam kong paglingkuran siya ng aking buong lakas hanggang sa walang-hanggan.​—Gaya ng inilahad ni Mia Bjørndal.

[Mga talababa]

a Ang pamamaraang ito ay kilala bilang plasmapheresis at nagsasangkot ng sirkulasyon ng dugo sa labas ng katawan. Ang pasiya na gamitin ang pamamaraang ito ay ipinauubaya sa budhi ng isa, gaya ng tinalakay sa Ang Bantayan ng Marso 1, 1989, mga pahina 30 at 31.

b Ang pasiyang gumamit ng mga immunoglobulin, na naglalaman ng katiting na dugo, ay ipinauubaya sa budhi ng isa, gaya ng tinalakay sa Ang Bantayan ng Hunyo 1, 1990, mga pahina 30 at 31.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share