Zanzibar—Ang “Isla ng Espesya”
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA KENYA
TATLUMPU’T LIMANG kilometro ang layo sa baybayin ng silangan-gitnang Aprika ang kinaroroonan ng isla ng Zanzibar. Napaliligiran ng mainit na asul na tubig ng Karagatang Indian, naguguhitan ng puting mga dalampasigan at nagagayakan ng alun-alon na mga burol at punong palma na umiindayog sa hanging amihan, ang Zanzibar ay tunay na isang magandang isla. Bagaman may kaliitan—85 kilometro ang pinakamahaba at 39 na kilometro ang lapad—ito’y gumanap ng isang malaking bahagi sa kasaysayan ng Aprika.
Sa loob ng mga dantaon ang mga Persiano, Arabe, Indian, Portuges, Britano, Asiano, taga-Hilagang Amerika, at, mangyari pa, mga Aprikano ay dumalaw sa Zanzibar. Ang pangunahing pang-akit noon ay ang pinakikinabangang kalakalan ng alipin. Dito rin kumukuha ng mga panustos ang mga mangangalakal at mga manggagalugad. Oo, karamihan ng Europeong mga manggagalugad ng Aprika noong ika-19 na siglo ay dumaan sa islang ito! Hindi kataka-taka na ito ay tinawag na Daan Patungo sa Aprika.
Mga Clavo at ang Kanilang Gamit
Nilisan ng Sultan ng Oman, si Sayid Said, ang kaniyang lupang tinubuan sa Gulpo ng Persia at nanirahan sa Zanzibar noong unang hati ng mga taóng 1800. Bilang pinuno ng islang ito, pinahinto niya ang mga Arabeng asindero sa pagtatanim ng mga niyog at sa halip ay magtanim ng mas kapaki-pakinabang na pananim: mga clavo. Sa wakas ng kaniyang buhay, ang mga kita sa clavo ay nahigitan lamang ng kalakalan ng alipin at garing. Kaya nang alisin ang kalakalan ng alipin, ang Zanzibar ay nakilala bilang ang Isla ng Espesya. Sa ngayon ito ang pangunahing pinagmumulan ng mga clavo sa daigdig.
Ang mga clavo sa katunayan ay pinatuyong mga usbong ng bulaklak ng isang tropikal na evergreen. Ang siyentipikong pangalan ng puno ay Eugenia caryophyllata. Sa Zanzibar, ang katamtamang puno ay halos 9 na metro ang taas. Ang mga usbong ng bulaklak ay karaniwang inaani kapag ito ay mamula-mulang kayumanggi sa kulay at halos 1.3 centimetro ang laki. Ang isang malusog na puno ay makagagawa ng hanggang mga 34 na kilo ng mga usbong. Pagkatapos maani ang mga ito ay ibinibilad upang matuyo sa mainit na tropikal na araw.
Dahil sa kanilang mabangong amoy at maanghang na lasa, ang mga clavo ay pangunahin nang ginagamit sa pagluluto. Ang lasa ng karne at gulay ay kadalasang sumasarap sa pamamagitan ng mga clavo. O maaari mong bahagyang durugin ang apat o limang usbong, idagdag ito sa kumukulong tubig, at gumawa ng isang matapang na tsaa! At sa isang malamig na araw ng taglamig, ang pulang alak ay maaaring maging isang nakarerepreskong inumin sa pamamagitan ng pag-iinit dito at pagdaragdag ng kaunting clavo. Ang ilan ay gumagamit ng mga clavo upang bumango ang kanilang banyo sa pamamagitan ng pagpapasak ng mga 20 clavo sa isang kahel at pagsasabit nito sa banyo sa loob ng mga isang linggo. Ginamit ng mga dentista ang langis ng clavo bilang isang lokal na pampamanhid upang paginhawahin ang kirot ng ngipin. Ang clavo ay ginagamit din sa mga pangmumog at mga pabango. Hindi kataka-taka na ang munting islang ito ay bantog sa espesyang ani nito!
Ang mga Tao
Ang tunay na “espesya” ng Zanzibar ay ang mga tao roon. Sa sandaling dumating ka sa isla, ikaw ay masiglang binabati ng mga Zanzibari. Sila’y waring totoong relaks at may panahon sa pakikipag-usap sa isa’t isa. Samantalang nag-uusap, sila ay maaaring paulit-ulit na nakikipagkamay, marahil tatlo o apat na beses sa loob ng sampung minuto. Ganito ang reaksiyon nila sa anumang sinabi na nakatatawa.
Kung dadalaw ka sa isa sa kanilang mga tahanan, ikaw ay pagpapakitaan ng kanilang kilalang pagkamapagpatuloy. Ang bisita ay dapat na laging bigyan ng pinakamahusay. Kung siya ay di-inaasahang dumating sa panahon ng pagkain, tiyak ito: Dapat siyang sumalo sa pagkain at magpakabusog. Ang gayong pagkamapagpatuloy ay nakapagpapagunita sa panahon ng Bibliya.—Ihambing ang Genesis 18:1-8.
Ang mga Zanzibari ay makulay at eksotiko rin sa hitsura. Ang kababaihan ay nagsusuot ng buibui—isang tulad-kapang damit na nagtatakip sa kanila mula ulo hanggang bukung-bukong—kapag nasa labas sa publiko. Kapansin-pansin, ito ay maaaring ipatong sa isang Kanluraning-istilo na damit. Tungkol naman sa kalalakihan, sila ay nakikitang nakasuot ng isang kanzu, isang puti o mapusyaw na kulay na bata. Sila’y nagsusuot ng kofia, isang itinirintas na gora.
Naglalakad sa makasaysayang bahagi ng lungsod ng Zanzibar na tinatawag na Stone Town, nadarama ng isa na para bang siya’y inihatid sa unang panahon. Ang nakalilitong mga kalye at mga eskinita ay walang bangketa. Ang mga pinto ng maraming tindahan ay nakabukas mismo sa kalye! Saka napakaraming nagtitinda sa lansangan, gaya niyaong nagtitinda ng Kahawa, isang matamis na kapeng Arabe, na tinimplahan ng luya.
Gayunman, hindi sapat na mailalarawan ng mga salita o ng mga larawan ang kagandahan ng Zanzibar. Ang reputasyon nito bilang isang “isla ng espesya” ay higit pa ang kahulugan.
[Mapa sa pahina 16]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ZANZIBAR
[Picture Credit Line sa pahina 17]
Aprika at mapa ng hangganan: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck