Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 2/22 p. 18-19
  • Ang Munting Maginoo na Nakaamerikanang Pelus na Itim

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Munting Maginoo na Nakaamerikanang Pelus na Itim
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Di-pangkaraniwang mga Pandamdam
  • Ang Pagkain at Tirahan
  • Dagang-lupa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Heled
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Mole People”
    Gumising!—1991
  • Ginagawang Kawili-wili ng Pagkakaiba-iba ang Buhay sa Mexico
    Gumising!—1992
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 2/22 p. 18-19

Ang Munting Maginoo na Nakaamerikanang Pelus na Itim

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA

ANG mga mole ay napakarami sa Hilagang Inglatera, subalit habang pinagmamasdan ko ang kaparangan lampas pa sa pintuan ng bakuran ng bukirin, kailanman ay hindi pa ako nakakita ng gayong pagkarami-raming tila mga burol na ginawa ng mga mole. Ang maliliit, kabubungkal na mga bunton ng lupa ay kalat-kalat sa kabukiran. Alam mo ba kung anong uri ng hayop ang mole at kung paano ito nabubuhay?

Kakaunting tao ang nakakita na ng mole, yamang ginugugol nito ang karamihan ng buhay nito sa ilalim ng lupa. Napakaliit nitong nilikha, halos labing-apat na centimetro ang haba. Ang lalaking mole ay tumitimbang ng wala pang sandaan at labintatlong gramo. Ang mole sa Britaniya ay may kulay itim na abuhin, halos itim, na balahibo at karaniwan na, magiliw pa nga, na tinatawag na munting maginoo na nakaamerikanang pelus na itim.

Ang buhok sa balahibo ng mole ay hindi maayos; iyon ay, ang mga ito ay nakatayo sa balat. Kaya naman kahit sa paanong paraan magpaikut-ikot o pumihit-pihit ang mole sa lupa, nagagawa nito nang napakadali. Mga taon na ang nakalipas ipinagbibili ng mga nanghuhuli ng mole ang balat nito para gawing damit, subalit “napakaraming balat ng mole ang kakailanganin upang makagawa ng isang amerikana,” ang may panunudyong sinabi ng isang nanghuhuli ng mole.

Ang katawan ng mole ay napakahusay ng pagkadisenyo para sa gawain nito na pagbubutas ng tunel. Ang mga paa nito sa harapan ay mahusay ang pagkakalagay sa unahan ng katawan nito na ang mga palad ay nakalabas. Ang limang daliri at isang karagdagang gasuklay na hugis na buto ang nag-aanyong dalawang mahuhusay na pala. Ang maliliit na binti nito sa likuran, mahina nga lamang kung ihahambing sa malalakas na paa nito sa harapan, ang tumutulong sa mole upang umusad. Ilagay mo ang isang mole sa ibabaw ng malambot na lupa, at mawawala itong pailalim sa loob ng limang segundo! Makapaglalakbay ito sa madilim, mamasa-masang mga tunel, o sa ibabaw ng lupa, sa bilis na tinatayang limang kilometro sa isang oras.

Di-pangkaraniwang mga Pandamdam

Ang mole ay hindi naman lubusang bulag, gaya ng iniisip ng ibang tao, subalit ang pagkaliliit na mata nito, nakatago sa balahibo, marahil ang nagbibigay na lamang ng sapat na paningin para sa nilikha upang mapag-iba nito ang liwanag mula sa kadiliman. Habang ang mole ay naghuhukay sa lupa, ang mahahabang buhok ay napupunta sa mga mata nito upang ingatan ang mga ito. Gayunman, higit na mahalaga pa kaysa paningin, ay ang napakasensitibong pang-amoy at pandamdam nito.

Ang mole sa Europa ay may libu-libong maliliit na nakausling tutsáng sa dulo ng kulay rosas na ilong nito, ang bawat isa ay may sarili nitong buhok na napakasensitibong makaramdam. Mayroon din itong mahahabang balbas sa iba’t ibang bahagi ng ulo nito at karagdagang sensitibong mga buhok sa dulo ng buntot nito. Napapakiramdaman ng mole ang mga presyon na tumitindi habang ito’y kumikilos sa tunel. Sa paraang ito nagagawa nitong matunton ang mga hadlang, gaya ng malalaking bato o maging ng mga maninila, at nakaiiwas sa mga ito.

Ang mole ay walang panlabas na mga tainga, subalit ang pandinig nito ay napakasensitibo. May kakayahan ito na makaramdam ng mga yanig sa lupa at tumutugon ayon sa mga ito. Ang mga tainga ng mole ay maaaring maisara sa pamamagitan ng mga kalamnang sphincter, na waring ang silbi ay upang huwag makapasok ang mga butil ng lupa sa maseselan na butas ng tainga.

Ang Pagkain at Tirahan

Nakatitig sa bukirin, napapansin ko ang daanan, o landas sa ilalim ng lupa, na madalas puntahan ng mga mole. Ang daanan ay kaunti lamang ang pagkakalubog sa lupa at bahagyang nakaumbok. Makikita rin ang bagong mga bunton ng lupa, nalikha nang bungkaling paitaas ng mga mole ang kahuhukay na lupa. Ang paghuhukay na ito ng lupa ay isang anyo ng pag-aararo, tumutulong upang alisan ng tubig ang lupa at mapanatili ang pagiging mataba nito.

Ang pangunahing pagkain ng mole ay mga bulati, at ito ang dahilan kung bakit ang mga mole ay naghuhukay ng mga tunel. Ang mga bulati, habang ang mga ito’y kumikilos sa lupa, ay pumapasok sa kawing-kawing na mga daanan ng mole. Pagkatapos, nagmamadali sa pagpasok nito sa madidilim na hukay, masusumpungan agad ng mole ang pagkain nito. Subalit ito’y kumakain din ng mga insekto, kasali na ang mga leatherjacket at mga wireworm. Ang mole ay kailangang kumain tuwing dalawang oras, kung hindi ay mamamatay ito.

Ang maliliit na bunton ng lupa na ginawa ng mole ay hindi dapat ipagkamali na tirahan ng mole. Ito’y mas malaki, halos tatlumpung centimetro ang taas at isang metro ang lapad. Ito’y karaniwang matatagpuan malapit sa lilim​—sa ilalim ng puno o sa tabi ng mga palumpon kung saan ang mga materyal para sa tirahan nito gaya ng damo, maliliit na sanga, at mga dahon ay madaling masumpungan.

Sa pasimula ng tagsibol kasindami ng pitong mga supling ang isinisilang ng isang mole. Ang mga supling na mole ay bulag at walang balahibo kapag isinilang at tumitimbang nang wala pang tatlong gramo. Pagkalipas ng limang linggo ang mga ito’y malalaki na para mabuhay sa ganang sarili nila at lumalayo na, marahil kasinlayo ng isa’t kalahating kilometro. Pagkalipas ng siyam na buwan ang mga ito’y handa nang maghanap ng kapareha. Ang katamtamang haba ng buhay ng mole ay tatlong taon. Gayunman, pinapatay ng mga maninila ang marami sa kanila bago pa man umabot ang mga ito ng tatlong taon.

Totoo, ang mole ay maaaring magdulot ng mga problema kapag naghuhukay ito para sa pagkain nito sa ilalim ng maayos at pantay na pantay na damuhan o sa laruan ng golf, subalit ang ating munting maginoo na nakaamerikanang pelus na itim ay nananatiling isang kahanga-hangang bahagi ng buhay sa kabukiran.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share