Pagmamasid sa Daigdig
Ang Misteryo ng “mga Pagpapatiwakal” ng Aso
Ang mga tao sa Rosario, Argentina, ay naghahanap ng kapani-paniwalang paliwanag para sa waring kausuhan ng tangkang “mga pagpapatiwakal” ng mga aso sa lungsod na iyan. Ang problema ay napansin pangunahin na sa bantog na parke sa Rosario na kilala bilang Parque de España. Ang pasyalan sa parkeng iyan ay umabot ng halos 90 talampakan sa itaas ng Ilog Paraná. Sa loob ng mahigit na isang taon, nagkaroon ng tinatayang halos 50 pagkakataon na ang mga aso ay biglang nagpumiglas sa kanilang mga may-ari, tumakbo patungo sa gilid ng bangin ng pasyalan, at tumalon sa tiyak na kamatayan. Gayunman, ayon sa mga dalubhasa, ang mga aso ay walang kakayahang magpasiya na patayin ang sarili mismo nito. Sa halip, inaakala ng mga beterinaryo na ang mga aso ay naaakit ng mga ultrasound o ng mga pagkilos ng mga ibon o mga bangka sa ilog. Ang mga ito’y sumusugod sa gilid ng bangin, subalit bago ito matanto, nasusumpungan ng mga ito ang mga sarili nila na nahuhulog sa bangin.
Mga Kagamitan Para sa Personal na Seguridad
Ayon sa The Toronto Star, mas maraming taga-Canada ang kumukuha ng nabibitbit na mga kagamitang panseguridad para sa proteksiyon. Kabilang sa popular na mga gamit ay ang “mga gumagawa ng ingay” o “mga tagasigaw”—personal na mga alarma na naglalabas ng napakatinis na mga tunog. Makukuha rin ang maliliit na botelya na naglalaman ng masangsang na kemikal na nilayon upang hadlangan ang sumasalakay at iniisprey na mga tina na nagpapadali upang makilala sa dakong huli ang sumalakay, na naispreyhan ng kulay berde. Gayunman, sinabi ng Star na “ang mga kagamitan para sa personal na seguridad ay hindi tumitiyak na ang isang tao ay hindi magiging biktima ng marahas na krimen. Ang likas na mga pag-iingat, ayon sa pulisya, ang higit na mahalaga kaysa teknolohiya.”
Mga Panganib sa Kalusugan sa Pagsasaka
Ang mga fungicide, herbicide, at mga pestisidyo ay nakatulong sa mga magsasaka upang mabawasan ang pinsala sa kanilang mga ani. Gayunman, sinasabi ng isang ulat ng International Labor Organization na ang mga kemikal sa agrikultura ang tuwirang may pananagutan sa mga pagkamatay ng halos 40,000 magsasaka sa bawat taon. Tinataya na ang mga kemikal na ito ang malubhang nakaapekto sa kalusugan ng karagdagang 3.5 milyon hanggang 5 milyon katao.
Ang Anglikanong mga Pari at ang Kanilang Gawang-Tao na Diyos
Kamakailan ay pinaalis ng Church of England ang isa sa mga klerigo nito. Ang pari ay lantarang nagtuturo ng kawalang-paniniwala sa isang sobrenatural na Diyos, sa awtoridad ng Bibliya, at kay Jesus bilang tagapagligtas. Sa kabila ng kaniyang lantarang pagwawalang-bahala sa mga turo ng Bibliya at mga doktrina ng simbahan, ang kaniyang pagkapaalis ay pumukaw ng simpatiya mula sa ibang mga pari. Lumiham ang pitumpu’t limang klerigo ng Church of England na humihiling na ang taong pinag-uusapan ay pahintulutang magpatuloy bilang isang pari. Sinasabi ng ilang pari na may daan-daang Anglikanong mga klerigo ang hindi naniniwala sa isang sobrenatural na Diyos.
Pandaigdig na Kawalang Katiwasayan
May kaugnayan sa nalalapit na World Summit for Social Development sa Marso 1995, inilabas ng UNDP (United Nations Development Program) ang isang newsletter na nagpapahayag ng pagkabahala nito sa katiwasayan ng sangkatauhan. Ang newsletter, na isinasalig ang ulat nito sa Human Development Report 1994, ay nagsabi na “sa pasimula ng dantaong ito, halos 90 porsiyento sa mga nasawi sa digmaan ay mga militar. Sa ngayon, halos 90 porsiyento ay mga sibilyan—isang kapaha-pahamak na pagbabago sa magkalabang panig.” Sinasabi ng UNDP na ang katiwasayan ng mga tao ay nanganganib saan ka man nakatira. Sinabi pa ng Human Development Report na ang “mga taggutom, etnikong hidwaan, pagbagsak ng lipunan, terorismo, polusyon at pagnenegosyo ng droga ay hindi na kakaibang pangyayari, nakakulong sa loob ng pambansang hangganan. Ang mga resulta nito ay laganap sa buong mundo.”
Gumagalang mga Pit Bull
Maraming lungsod sa Silangan sa Estados Unidos ang nakararanas ng sumisidhing problema sa mapanganib na mga pit bull na gumagala sa mga lansangan, ayon sa The New York Times. Si Tom Simon, isang opisyal sa Canine Control Office ay nagpaliwanag na hindi naman lahat ng pit bull ay mapanganib. Sinabi niya na “kung ang mga ito ay matuturuan nang husto, ang mga ito ay totoong magiging maamong aso at mainam na mga alagang hayop.” Subalit ang masaklap na katotohanan ay na ang mapanganib na mga aso na binanggit sa itaas ay pinarami at tinuruan upang maging mababangis na panlaban. Ang ilang aso ay may kalupitang pinahirapan “upang gawing ulol ang mga ito,” paliwanag ng isang dalubhasa. Pagkatapos na makasali sa marahas at mabangis na mga labanan ng aso, maraming aso ang hindi na nakalalaban pang muli. Kapag nangyari ito, kalimitang pinababayaan na lamang ng mga may-ari ang mga pit bull na gumala-gala sa mga lansangan.
Bagong Ekumenikal na Lupon ng Simbahan sa Australia
Noong 1946, binuo ng maraming simbahan sa Australia ang Australian Council of Churches. Ang Iglesya Katolika Romana ay hindi naging miyembro nito subalit nagkaroon ng mapagmasid na katayuan sa loob ng maraming taon. Ngayon, halos 50 taon na ang nakalipas, ang konsilyo ay binigyan ng bagong pangalan, ang National Council of Churches in Australia. Ang miyembro nito ay nadagdagan lamang ng isa—ang Iglesya Katolika. Ang Iglesya Luterano ay inanyayahang sumali sa bagong lupon, subalit ito’y tumanggi, yamang hindi sapat sa mga miyembro nito mismo ang sang-ayon sa pagkilos na ito. Sinabi ng The Sydney Morning Herald na si David Gill, na hinirang na maging panlahat na kalihim ng bagong konsilyo, ay nagsalita sa kanila na parang “may kabaliwang nananalangin,” at nagsabi pa: “Inaakala ko na ito mismo’y isang pagbabago.” Tinutukoy niya ang nakalipas na “tila makapulitikang kaanyuan” ng konsilyo. “Ang pagdiriin,” di-umano, “ay waring nakatuon sa panlipunang katarungan sa halip na sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita.” Sinabi pa ng pahayagan: “Ang pagkabigo na simulan ang tinatawag ng mga ebangheliko na ‘usapin sa ebanghelyo’ ay lumikha ng napakalaking agwat, na nananatili pa ring hindi nalulutas.”
Hindi Inaangking Bagahe
Ano ang nangyayari sa lahat ng hindi inaangking bagahe na naiwan sa malalaking kompaniya ng eruplano sa E.U.? Ito’y ipinagbibili sa isang kompaniya sa Scottsboro, Alabama, na tinatawag na Unclaimed Baggage Center. Doon ito’y binubuksan, nililinis, at sinusuri kung may pera, at ipinagbibili muli sa publiko. “Ang isang sulyap sa loob ng Unclaimed Baggage ay sapat na upang mapaniwala maging ang pinakanagtitiwalang nagbibiyahe sa himpapawid na magdala lamang ng nabibitbit na bagahe,” sabi ng The Wall Street Journal. “Ang apat na pagkalalaking mga palapag ng tindahan ay nagtatampok ng lahat ng bagay mula sa mga fur coat at mga panghuli ng isda hanggang sa mga T-shirt at kamera. . . . Makasusumpong ka rin ng mga toaster, kosmetiks, moose antler, mga tape ng katutubong musika sa Hungary, maging ng ataol.” Ang mga kompaniya ng eruplano ay nangangasiwa sa halos dalawang milyong bagahe sa isang araw, at bagaman nagkamali sila sa pagruruta o nailagay sa ibang lugar ang halos 10,000 hanggang 20,000 ng mga ito, mas kaunti pa sa 200 ang naibabalik sa may-ari nito. Ang mga naglalakbay ay binibigyan ng tatlong buwang palugit upang angkinin ang kanilang nawawalang bagahe bago ipagbili ang mga ito. “Bagaman sinasabi ng mga kompaniya ng eruplano na hindi nila masumpungan ang mga may-ari ng mga bagahe na ipinadala sa Scottsboro, sinasabi ng mga kawani na gumugugol sila ng maraming oras sa pagtuklap at pag-aalis ng mga pangalan at tirahan mula sa mga gamit bago ito lubusang ipagbili,” sabi ng Journal.
Ang Malaking Kita na Banal na Dako
Ang maliit, halos di-kilalang isla sa katimugang Hapón ay biglang naging bantog, dahil sa pangalan ng isang lokal na banal na dako ng Shinto. Ang pangalan nito, Hoto, ay nangangahulugang “biglang yaman,” at ang isang grupo ng mamamayan na nag-aanunsiyo ay ginamit ito na nagbunga nang labis kaysa inaasahan nila. Isinaayos nila na magbenta ng mga bag sa banal na dako kung saan mailalagay ng mga tao ang mga tiket para sa loterya. Ang paggamit ng “masusuwerteng bag” na ito na mabibili sa banal na dako, anila, ang tumitiyak ng suwerte sa loterya. Sa gayon, “ang mga tao na umaasa na magkakamal ng malaking salapi sa loterya ay humuhugos sa Banal na Dako ng Hoto,” sabi ng Asahi Evening News. Gayunman, hindi ang “humuhugos na mga tao,” kundi ang banal na dako, na nagbibili ng mga bag sa halagang $10 at $30 bawat isa, ang kumikita ng malaki.
Taglay ng Ehipto ang Pinakamatandang Sementadong Daan
Tinunton ng mananaliksik na mga heologo ang 12 kilometrong sementadong daan sa ibayo ng disyerto 69 na kilometro sa timog-kanluran ng Cairo. Ang sinaunang daan, nilatagan ng malalaking piraso ng batong apog, batong buhangin, at maging ng pinatigas na kahoy, ay may petsa na mga 2600 hanggang 2200 B.C.E., noong panahon ng Lumang Kaharian. Ito’y may katamtamang lapad na dalawang metro. Ang daan ay ginawa upang mapadali ang paglilipat ng mabibigat na bato mula sa malaking tibagan ng basalto patungo sa baybay ng sinaunang lawa na nakaugnay sa Nilo na ang taas ay nasa antas ng pagbaha nito. Ang lawa ay hindi na umiiral. Ang maiitim na bato ay nagustuhan ng sinaunang mga tagapamahala sa Ehipto para sa kanilang batong mga kabaong at para sa mga daanan sa loob ng mga templong libingan sa Giza. “Ito ang isa pang teknolohikal na tagumpay na maiuukol sa sinaunang Ehipto,” sabi ng propesor sa heolohiya na si Dr. James A. Harrell. Ang isang daanang bato sa Creta, na ang petsa ay mas maaga pa kaysa 2000 B.C.E., ang dating kilalang pinakamatandang sementadong daan.