Isang Muling Pagdalaw sa Russia
ISA SA PINAKAMALAKING PAGBABAGO SA DATING UNYONG SOBYET AY ANG KALAYAANG IPAKIPAG-USAP ANG RELIHIYON. GINAMIT NG MARAMING RUSO ANG KALAYAANG IYAN UPANG SURIIN ANG MGA TURO NG BIBLIYA. SA KATUNAYAN, ANG RESULTA AY ISANG MODERNONG-PANAHONG HIMALA.
ANONG laking sopresa ko noong Hulyo 28, 1993, nang damputin ko ang New York Times nang umaga at nakita ko sa unang pahina ang isang malaking larawan ng bautismo na kuha sa Moscow! Ito ay may pamagat: “Ang kalayaan sa relihiyon sa Russia ay nagdala ng mga kumberti sa Locomotive Stadium ng Moscow para sa lansakang bautismo bilang mga Saksi ni Jehova.”
Kami ng maybahay ko ay nagbalik mula sa Russia isang araw lamang bago niyan. Dinaluhan namin ang bautismo ng 1,489 katao. Ang pag-ibig Kristiyano na ipinakita ng mga Ruso at ang kanilang interes sa espirituwal na mga bagay ay tunay na hinangaan namin. Isang karanasan namin kasunod ng panghuling sesyon ng kombensiyon noong Linggo ng gabi ay nagpapatunay rito.
Pagbalik namin sa aming otel sa pamamagitan ng subwey na Metro, ako’y naupo katabi ng isang binatilyo na marahil ay 18 o 19 anyos. Inabot ko sa kaniya ang isang tract sa Bibliya, sa wikang Ruso, na Ano ang Pag-asa Para sa Namatay na mga Minamahal?a Pagkatapos na tingnan ito sumandali, ipinasa niya ito sa kaniyang ina. Kaya binigyan ko ang binatilyo ng isa pa. Sa pagkakataong iyon ay itinuro niya ang panimulang katanungan, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” at, sa isang tinig na nagpapahiwatig ng pag-aalinlangan, siya’y nagtanong sa Ingles, “Naniniwala ba kayo rito?”—Job 14:14, King James Version.
Tinititigan siya sa mata, at taglay ang matibay na paniniwala, ako’y tumugon: “Talagang pinaniniwalaan ko ito!” Agad kong isinusog: “Pag-isipan mo ito. Ang ating buhay bilang matalino, nag-iisip na mga tao ay isang himala. Tiyak na isang Nakatataas na Persona ang may pananagutan sa mga batas na tumitiyak sa ating paglaki bilang mga tao. Kaya ako’y naniniwala na ang Nakatataas na Isang ito ay maaari ring muling likhain ang isang patay na tao upang mabuhay muli.”
Agad na sinimulang basahin ng kabataan ang tract. Nang matapos na siya, iniabot ko sa kaniya ang brosyur, sa wikang Ruso, Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos?* Nais niyang matuto nang higit, subalit kami ay kailangan nang bumaba sa susunod na hintuan ng subwey. Kahit na ang kabataan at ang kaniyang ina ay kailangang sumakay ng tren nang gabing iyon, sila’y bumaba sa subwey na kasama namin upang makipag-usap pa ng ilang minuto. Pagkatapos ng maikling mga komento tungkol sa ating programa ng pag-aaral sa Bibliya, ipinakita ko sa kaniya ang isang direksiyon sa likod ng brosyur na maaari niyang sulatan para sa higit pang impormasyon.
Kami’y umalis ng Russia kinabukasan, subalit ang mga pagkakatagpong gaya nito ay gumagawa ng di-malilimot na impresyon.
Ang Russia sa Aming Isipan
Palagi kong naiisip ang tungkol sa hindi kapani-paniwalang bilang ng mga baguhan na nabautismuhan pagkatapos na ang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa dating Unyong Sobyet ay alisin sa wakas noong Marso 1991. Pitong kombensiyon ang agad na isinaayos para sa tag-araw ng 1991, at 7,820 ang inilubog sa tubig. Pagkatapos, sa mga kombensiyon noong tag-araw ng 1993—pati na ang isa na dinaluhan namin sa Moscow—11,238 ang inilubog sa tubig.
Ang sigasig sa pag-eebanghelyo ng mga Saksi sa Russia ay napansin ng marami sa mga Ruso. Kung iisipin ninyo ang tungkol sa pagtugon ng mga Ruso sa mga turo ng Bibliya, ang pagtugon ay para bang makahimala.
‘Paano naging posible ang gayong mabilis na pagsulong?’ tanong namin. ‘Gaano katatag talaga ang mga Rusong ito sa mga turong Kristiyano?’
Nang isang mag-asawang nakatira sa Moscow ay nagsabi na sila ang mag-aayos ng aming matutuluyan kung dadalaw kaming muli sa Russia, sinimulan namin ang paggawa ng mga plano sa paglalakbay. Ang aming pag-asam-asam para sa biyahe ay sumidhi nang matanggap namin ang karagdagang mga ulat tungkol sa pambihirang interes ng mga Ruso sa mga katotohanan ng Bibliya.
Isang Mapagmahal na Pamilyang Ruso
Kami’y dumating noong Hulyo 24 na may bitbit na mga maleta sa lugar na tutuluyan namin sa Moscow—isang dalawang-palapag na apartment na mga sampung-minutong lakad mula sa gusaling apartment ng aming mga kaibigan. Tungkol sa pamilyang titirhan namin, ang 15-taóng-gulang na si Katia lamang ang nasa bahay upang salubungin kami. Linggo ng gabi noon, at ang iba pa sa pamilya ay nasa labas pa sa ministeryong Kristiyano.
Di-nagtagal, ang iba pang mga miyembro ng pamilya ay umuwi na ng bahay—si Galina, ang ina; ang 13-anyos na si Zhenia, ang nakababatang anak na babae; at, sa wakas, si Viktor, ang ama. Wala sa kanila ang nakaaalam ng maraming Ingles, at ang aming kaalaman tungkol sa wikang Ruso ay mas kaunti pa kaysa alam nilang Ingles. Ang komunikasyon ay medyo madali kapag ang aming mga kaibigang nagsasalita ng Ingles ay naroroon bilang mga interprete subalit mahirap pag-alis nila. Gagamitin namin ang isang diksyunaryong Ruso-Ingles at mga kumpas na naglalarawan. Sina Katia at Zhenia ay mahusay sa pakikipagtalastasan, palibhasa’y natutuhan nila ang wika ng bingi.
Ang buong pamilya ay sabay-sabay na nabautismuhan, mga dalawang taon pa lamang ang nakalipas. Si Viktor ay isang ministeryal na lingkod sa kongregasyon, at ginagamit ng mga batang babae ang kanilang bakasyon sa paaralan upang gumugol ng higit na panahon sa ministeryo. Samantalang nag-aaral, sila’y hindi bantulot na ipakipag-usap ang tungkol sa kanilang pananampalataya. Sa katunayan, ang kanilang pangangaral ay nakatawag-pansin pa nga sa mga awtoridad sa labas ng kanilang distrito ng paaralan. Namangha kaming malaman na ang pamilya ay nagdaraos ng 28 lingguhang pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado!
Maliwanag, ang pokus ng bawat miyembro ng pamilya ay sa pag-aaral ng Bibliya at sa ministeryong Kristiyano, at nakikita namin na ang kanilang buhay ay lubhang pinagyaman. Sila’y nagpapabanaag ng kaligayahan.—Gawa 20:35.
Matatag sa Bibliya
Bago matulog sa gabi, tinanong ko ang pamilya tungkol sa mga teksto sa Bibliya. Una ay tinanong ko kung ano ang sinasabi ng Apocalipsis 21:3, 4. Karaka-raka, halos sabay-sabay, mauulit ito ng mga babae. Sumunod ay tinanong ko ang Isaias 2:4. Alam din nila ang isang iyon, gumagamit pa nga ng mga senyas upang ipahiwatig ang pagpukpok sa mga tabak upang maging mga sudsod.
Ipinagpatuloy ko ang mga kasulatan sa Isaias na nagsasabi tungkol sa pamamahala ng Kaharian at ang mga pagpapala sa bagong sanlibutan, alalaong baga, ang Isaias 9:6, 7; 11:6-9; 25:8; 33:24; 35:5, 6; at Isa 65:21, 22. Hindi tumitingin sa kanilang mga Bibliya, nasabi ng pamilya ang nilalaman ng bawat teksto. Paminsan-minsan ay ipakikita ng mga batang babae na nalalaman nila ang kasulatan sa pamamagitan ng naglalarawang mga senyas, gaya niyaong isang bata na umaakay sa isang leon.
Noong isang gabi naman ay isinaalang-alang namin ang mga kasulatan tungkol sa katangian ng Diyos, itinutuon ang pansin sa mga kasulatan na nagpapakitang si Jesus ay nakabababa sa Diyos at na ang Diyos at si Jesus ay hindi iisang persona kundi nagkakaisa. Nalalaman ng pamilya ang nilalaman ng mga kasulatan na gaya ng Juan 10:30, Juan 17:20, 21, at 1 Corinto 11:3. Kami ng maybahay ko ay namangha sa kung gaano nila kabisado ang kanilang mga Bibliya.
Noong Martes ng umaga mga labindalawa sa amin ang nagtipon at naglakbay na magkakasama sa Metro tungo sa isang magandang parke kung saan gumugol kami ng dalawa at kalahating oras sa pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa Bibliya. Hinati namin ang grupo at gumawa nang dala-dalawa. Isa sa aking kasama ay si Nadia, isang babaing Ruso na nagpakita ng katatagan sa paglapit sa mga tao at pakikipag-usap sa kanila. Magaling siya sa pagtuon ng pansin sa mga kaisipan ng Diyos na nasa Bibliya. Nasabi ko sa aking sarili, ‘Isa itong may karanasang mamamahayag.’ Pagkatapos ako ay namangha nang malaman kong siya ay 17 anyos lamang at dalawang buwan pa lamang na nababautismuhan!
Marami kaming gayong mga karanasan, na nagkintal sa aming isipan na ang kalagayan sa Russia ay natatangi. Mula nang bumagsak ang Komunismo, ipinakita ng mga Ruso na sila’y sabik na suriin ang mga turo ng Bibliya. Karamihan sa kanila ay mga edukado, at mahilig silang magbasa. Kahit na ang mga kabataan ay nagbabasa at nakauunawang mabuti, gaya ng nakita namin nang dumalaw kami sa isang pamilyang Ruso na natuto ng mga katotohanan sa Bibliya nang ang mga Saksi ay nasa ilalim pa ng pagbabawal.
Ang munting anak na lalaki ng mag-asawa ay nagsabi na nais niyang magtanong. Sa pamamagitan ng isang interprete, siya’y humiling. Ako’y labis na naantig nito anupat sinabi ko na kung isusulat niya ang kaniyang kahilingan, ipadadala ko ito sa mga tagapaglathala ng Gumising! Agad siyang umupo at sumulat ng isang liham. Ang sumusunod ay isang salin ng isinulat niya. Ang sulat ay makikita sa pahina 25.
“Si Serosha ay sumusulat mula sa Russia para sa Samahang Watchtower. Ako po’y pitong taóng gulang, at ako po’y nangangaral na kasama ni Tatay at ni Nanay. Gustung-gusto ko pong makipag-usap sa mga tao tungkol sa Kaharian ng Diyos. Mahilig rin po akong magbasa ng magasing Gumising! Ito po’y dumarating sa Russia sa wikang Ruso minsan lamang sa isang buwan subalit sa wikang Ingles ito po ay makalawa sa isang buwan. Nais ko po sanang ang magasing ito ay maging makalawa sa isang buwan ang labas, sapagkat gustung-gusto ko po ito. Pakisuyong gawin po ninyo ito.”
Ang pamamaalam sa mga kaibigan namin sa Moscow ay hindi madali. Sa maikling panahon, napamahal na sila sa amin.
Kung Ihahambing sa Sinaunang Kristiyanismo
Kami’y umalis patungong Tallinn, Estonia, sakay ng tren na maglalakbay sa magdamag. Doon ay nakita namin ang magandang bagong mga pasilidad kung saan ang gawaing pangangaral ay pinangangasiwaan ngayon sa dating republikang iyon ng Unyong Sobyet. Pagkalipas ng tatlong araw ay sumakay kami ng tren patungo sa St. Petersburg. Sa dalawang lugar na ito ang mga kapuwa Kristiyano ay nagtanong tungkol sa gawaing pangangaral sa Moscow. “Ang pagkanaroon at ang pagkakita sa pagsulong,” tugon ko, “ay nakatulong sa akin na higit na maunawaan ang nakasulat sa unang bahagi ng Gawa 17 at sa mga sulat sa mga taga-Tesalonica.”
Sa tuwina’y namamangha ako na maliwanag na isang kongregasyon ang naitatag sa Tesalonica sa loob lamang ng ilang linggo ng ministeryo roon ni apostol Pablo. Kahanga-hanga rin sa akin na sa loob ng isang taon o mahigit pa, si Pablo ay sumulat sa bagong mga Kristiyanong ito ng dalawang sulat tungkol sa malalalim na espirituwal na mga bagay na gaya ng pagkabuhay-muli at ang pagiging “aagawin sa mga ulap,” “araw ni Jehova,” ang pagsigaw ng “kapayapaan at katiwasayan!,” at “ang pagkanaririto ng ating Panginoong Jesu-Kristo.” (1 Tesalonica 4:13-17; 5:1-3; 2 Tesalonica 2:1, 2) Ang masigasig na gawain ng sinaunang mga Kristiyanong iyon, sa katunayan, ay nagpangyari sa isang unang-siglong himala—isang maygulang, malakas sa espirituwal na internasyonal na organisasyon ng mga mangangaral sa loob ng napakaikling panahon. Pagkalipas ng halos sampung taon, si Pablo ay sumulat na ang “mabuting balita” ay “ipinangaral sa lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit”!—Colosas 1:23.
Ang nangyayari sa Russia ay waring maihahambing sa nangyari noong unang siglo.
Ang Pagsisikap na Makaagapay sa Pagsulong
Ang Russia ang pinakamalaking bansa sa lupa, kaya ang paglalaan ng patnubay sa libu-libo roon na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ay maliwanag na isang malaking gawain.—Mateo 24:14.
Ang Bibliya ay nagsasabi tungkol sa mga nakarinig tungkol sa Kristiyanismo noong unang siglo: “Ang kamay ni Jehova ay sumasa kanila, at isang malaking bilang ng mga naging mananampalataya ang bumaling sa Panginoon.” (Gawa 11:21) Nasumpungan naming anong pagkaangkop nga ng mga salitang iyon sa ating Kristiyanong mga kapatid sa Russia! Harinawang ang bukirin sa Russia ay manatiling hinog para sa espirituwal na pag-aani, at harinawang libu-libo pa roon ang sumama sa mahalagang pribilehiyo ng pagtulong sa iba pa sa daan patungo sa buhay.—Isinulat.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Itaas: Ang pamilya na tinirhan namin. Itaas at kanan: Pagpapatotoo sa parke. Ibabang kanan: Si Serosha at ang kaniyang sulat
[Larawan sa pahina 26]
Bagong mga pasilidad ng Watch Tower sa Tallinn, Estonia