Gaano Kasustansiya ang Iyong Pagkain?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRAZIL
Paano mo pinipili ang iyong pagkain? Kapag bumibili ka ng pagkain, anong mga salik ang nakaiimpluwensiya sa iyo? Ito ba’y ang magandang pagkakabalot? Presyo? Bilis ng paghahanda? Mapanghikayat na mga sinasabi ng mga anunsiyo? O basta ang hitsura at lasa ng pagkain? Ang paggawa ng tamang mga pagpili ay makatitiyak kung baga ikaw ay kumakain ng masustansiyang pagkain o basurang pagkain, kung baga ang iyong kalusugan ay pinabubuti o pinipinsala ng pagkaing iyong kinakain.
ANG karukhaan ay isang pangunahing sanhi ng malnutrisyon. Bagaman para sa marami ang saganang pagkain ay pangkaraniwang bagay lamang, angaw-angaw na iba pa ay bihirang nagtatamasa ng isang masustansiyang pagkain. “Dito sa bahay kami ay kumakain ng anumang makukuha namin,” sabi ng isang naglalatag ng ladrilyo sa Brazil, ama ng anim na mga anak. Iyan ay karaniwan nang nangangahulugan ng lumang tinapay at hindi matapang na kape o kanin at mga balatong. Sa katunayan, ayon sa isang report ng Food and Agriculture Organization ng United Nations, 20 porsiyento ng populasyon ng daigdig ay dumaranas ng gutom. Bagaman may malaganap na taggutom sa ilang bansa sa Aprika, mas maraming nagugutom na tao sa Asia. Kahit sa Estados Unidos, 12 porsiyento ng populasyon, o 30 milyon katao ang iniulat na walang sapat na makain.
Hindi lamang nakasásamâ ang hindi mabuting pagkain kundi maaari rin itong pagmulan ng kamatayan. “Ang malnutrisyon na dulot ng hindi mabuting pagpapakain sa bata ay sumasawi ng mahigit na 10 ulit na dami ng buhay na gaya ng aktuwal na taggutom,” sabi ng mananaliksik na si William Chandler. “Kung sasamahan pa ng pagkatuyo ng tubig sa katawan dahil sa diarrhea, ang malnutrisyon ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa daigdig.” Ang UNICEF (United Nations Children’s Fund) ay nag-uulat: “Walang epidemya, walang baha, o anumang lindol o digmaan ang sumawi ng 250,000 bata sa loob lamang ng isang linggo.” Ngunit iyan ang bilang ng mga bata sa buong daigdig na namamatay dahil sa malnutrisyon at resultang mga karamdaman, ayon sa ahensiyang iyon ng UN. Sa katunayan, ang pinsalang dulot ng malnutrisyon ay hindi matantiya: Humihina ang kakayahan sa pagkatuto, umuunti ang bilang ng mga manggagawa, humihina ang produksiyon at kalidad ng paggawa.
Gayunman, madaraig ng pagkain ng wastong mga pagkain ang di-sapat na pagkain at ang masasamang epekto nito na gaya ng anemia at iba pang karamdaman. Ang tulong ng gobyerno na gaya ng mga pagkain sa paaralan at mga ahensiyang nagbibigay ng pagkain sa nangangailangan ay maaaring makabawas sa malnutrisyon sa ilang dako, subalit ayon sa mga opisyal ng UNICEF, $25 bilyon ang kinakailangan taun-taon upang mabawasan ang pagkamatay ng mga bata dahil sa diarrhea, pulmunya, at tigdas. ‘Iyan ay malaking halaga,’ maaaring sabihin ng ilan. Subalit iyan ang iniulat na halaga na ginugugol ng mga Amerikano sa sapatos na pang-isports at ang ginugugol ng mga Europeo sa alak sa isang taon. Isa pang hamon ay ang bawasan ang pag-aaksaya. Bagaman tinatayang 32 milyong taga-Brazil ang nagugutom, ang Ministri ng Agrikultura ng Brazil ay nag-uulat “na ang naaaksaya sa ani [na nagkakahalaga ng $1.5 bilyon] sa transportasyon o pag-iimbak ay 18 hanggang 20 porsiyentong kalugihan sa agrikultural na dami ng naaani ng bansa.” May malalaking problema sa agrikultura, patubig, pag-iimbak ng pagkain, at transportasyon sa maraming bansa; gayunman, ang lupa ay makapaglalaan pa rin ng sagana para sa lahat. Kaya paano mo mahaharap ang hamon ng pagpapakain sa iyong pamilya?
Hindi Sapat ang Pera
Sa nagpapaunlad na mga bansa ang mga tao ay kadalasang napapakain ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng pagkakaroon ng dalawa o tatlong trabaho. Sa Brazil 1.5 milyon taun-taon ang iniiwan ang pamilya o mga kaibigan upang mandayuhan sa malalaking lungsod sa paghahanap ng trabaho at pagkain. Bagaman ang kalusugan ay depende sa kung ano ang kinakain ng tao, ang malaking bahagi ng kanilang badyet ay napupunta sa pananamit, pabahay, at transportasyon.
Nakatutuwa naman, ang karaniwang pagkain, gaya ng kanin, balatong, mais, patatas, kamoteng kahoy, at saging, na sinasamahan ng mga karne at isda, ang pangunahing pinagmumulan ng pagkain ng mga pamilya sa buong daigdig. Ang dalubhasa sa nutrisyon sa Brazil na si José Eduardo de Oliveira Dutra ay nagsabi: “Ang mga balatong at kanin ay isang masustansiyang kombinasyon. Taglay ang gayong simple at mababang-halagang pagkain, posibleng wakasan ang taggutom sa [bansa].” Oo, ang mura at masustansiyang pagkain ay makukuha kung saan ka nakatira. O maaaring magtanim ka pa nga ng ilan sa iyong makakain.
Bagaman ikaw ay maaaring may sapat na salapi, ginagastos mo ba ito sa masustansiyang pagkain para sa iyong pamilya? O ikaw ba’y naiimpluwensiyahan ng tuso at paulit-ulit na pag-aanunsiyo na piliin ang matatamis o basurang pagkain at sa gayo’y kaligtaan ang pangangailangan para sa mga protina, mineral, at mga bitamina? Ang lasa ba ay mas nakaaakit kaysa pagiging masustansiya nito? Ang The World Book Encyclopedia ay nagsasabi: “Upang magtamo at mapanatili ang mabuting kalusugan, ang mga tao ay dapat na may saligang kaalaman tungkol sa katawan ng tao at kung paano ito kumikilos. Saka lamang nila matitiyak kung ano o kung ano ang hindi makatutulong o makasásamâ sa kanilang kalusugan. Ang pagkaalam tungkol sa kalusugan ay dapat na maging bahagi ng edukasyon ng bawat tao.”
Totoo, tayo’y hindi nabubuhay para lamang kumain, subalit ang pagkain ay isang mahalagang bahagi ng ating mga buhay. Binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa pagkaing mabuti bilang isang gantimpala para sa masikap na paggawa, na ang sabi: “Ang bawat tao rin naman ay marapat na kumain at uminom at magalak sa kabutihan sa lahat niyang puspusang paggawa. Ito’y regalo ng Diyos.” (Eclesiastes 3:13) Minamalas mo ba ang masustansiyang pagkain na mahalaga at kinakailangan? Kung gayon, pakisuyong suriin ang sumusunod na artikulo sa kung paanong ang wastong pagkain ay mapapakinabangan mo at ng iyong pamilya.