Ang Pangmalas ng Bibliya
Nalulugod ba ang Diyos na Makita Tayong Naghihirap?
NAGPUPUNYAGI sa pagbuhat ng isang malaking krus na kahoy, isang lalaki ang natutumba sa gitna ng karamihan habang tumutulo ang dugo mula sa isang korona ng mga tinik sa kaniyang ulo. Pagdating sa dako ng “pagbibitayan,” siya’y pinadipa sa krus; malalaking pako ang ibinaon sa kaniyang mga kamay. Siya’y namimilipit sa sakit habang ang pako ay tumatagos sa laman. Nang ang krus ay itayo, ang kirot ay lalo nang napakasakit. Ayon sa Panorama, isang magasin sa Pilipinas, ang gayong makirot na mga ritwal ay palaging itinatampok kung panahon ng Semana Santa sa Pilipinas.
Ang kalalarawan lamang ay isang modernong-panahong interpretasyon ng mga paghihirap ni Jesus. Subalit ang taong ito ay hindi lamang umaarte sa isang tagpo mula sa isang dula. Ang mga pako, ang dugo, ang kirot—ito’y pawang totoo.
Sa ibang dako, ang mga debotong Romano Katoliko ay makikita sa publiko na hinahagupit ang kanilang mga sarili sa kanilang pagnanais na maranasan ang mga paghihirap ni Kristo. Bakit? Ginagawa ito ng ilan sa paniniwalang ang kanilang mga paghihirap ay gagawa ng mga himala, gaya ng paggaling ng kanilang mga minamahal na may sakit. Ginagawa naman ito ng iba upang pagbayaran ang mga kasalanan na, ikinatatakot nilang, wala nang kapatawaran malibang mabubo ang kanila mismong dugo. Ang aklat na The Filipinos ay nagpapaliwanag: “Ang kirot ay isang mainam na tagapaglinis ng isip at kaluluwa. . . . Ang nagkasala ay ipinalalagay na lumalabas mula sa kirot na nalinis sa mga kasalanan at nabawasan ang mga pasan.”
Gayunman, ang kirot na pagpaparusa sa sarili ay hindi lamang totoo sa mga Katoliko sa Pilipinas. Ang mga tao mula sa iba’t ibang relihiyon at sa iba’t ibang bansa ay naniniwala na ang mga paghihirap na inilalapat sa sarili ay may merito sa Diyos.
Halimbawa, sa kaniyang paghahanap ng katotohanan, iniwan ng Buddha, si Siddhārtha Gautama, ang kaniyang asawa’t anak at nagtungo sa disyerto, kung saan siya’y namuhay ng buhay ng isang asetiko sa loob ng anim na taon. Isinagawa niya ang asiwa at makirot na mga posisyon sa loob ng ilang oras at nang maglaon sinasabing namuhay siya ng mahabang panahon sa pagkain lamang ng isang butil ng bigas sa isang araw, pumayat nang husto anupat nasabi niyang: “Ang aking tiyan ay lubhang umimpis dahil sa gutom.” Subalit gaano man karaming pagpapahirap na ipinataw sa sarili ay hindi nagdulot ng kaliwanagan na hinahanap niya.
Sa gayunding paraan, ang Hindung mga fakir ng India ay gumagawa ng iba’t ibang penetensiya na kung minsan ay napakatindi—paghiga sa pagitan ng mga apoy, pagtitig sa araw hanggang mabulag, pagtayo sa isang paa o sa ibang asiwang posisyon sa loob ng mahabang panahon. Ang kagalingan ng ilang asetiko ay inaakalang napakalaki anupat maiingatan nito ang isang lungsod buhat sa pagsalakay ng kaaway.
Gayundin, binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa mga mananamba ni Baal na hinihiwa ang kanilang mga sarili “ayon sa kanilang kaugalian ng sundang at mga sibat, hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila” sa walang-saysay na pagsisikap na matawag ang pansin ng kanilang diyos.—1 Hari 18:28.
“Papagdalamhatiin Ninyo ang Inyong mga Kaluluwa”
Bagaman totoo na pinag-utusan ni Jehova ang kaniyang piniling bayan: “papagdalamhatiin ninyo ang inyong mga kaluluwa,” ito ay karaniwang naunawaang nangangahulugan ng pag-aayuno. (Levitico 16:31) Ang gayong pag-aayuno ay isang kapahayagan ng dalamhati at pagsisisi sa mga kasalanan o ginawa sa ilalim ng masaklap na mga kalagayan. Kaya, ang pag-aayuno ay hindi isang anyo ng pagpaparusa na ipinapataw sa sarili kundi kumakatawan sa pagpapakumbaba ng isa sa harap ng Diyos.—Ezra 8:21.
Gayunman, may ilang Judio na may kamaliang inaakalang ang mismong hirap na nasasangkot sa pagpaparusa sa kaluluwa ay may merito at na inoobliga nito ang Diyos na gantihin sila ng isang bagay. Kapag walang gantimpalang dumarating, may kapangahasang hinihingi nila sa Diyos ang kabayarang inaakala nilang karapat-dapat sa kanila: “Ano’t kami ay nag-ayuno at hindi mo nakita, ano’t aming dinalamhati ang aming kaluluwa at hindi mo pinapansin?”—Isaias 58:3.
Subalit mali sila. Ang wastong relihiyosong pag-aayuno ay hindi nagsasangkot ng asetisismo, pinahihirapan ang katawan sa pamamagitan ng gutom na para bang ang kirot o sakit ng katawan sa ganang sarili ay may anumang merito. Ang matinding damdamin ay maaaring nagbawas sa kanilang gutom. Kung ang isip ay pinahihirapan ng mga problema, ang katawan ay maaaring hindi maghangad ng pagkain. Ipinahihiwatig nito sa Diyos ang matinding damdamin ng isa na nag-aayuno.
Nalulugod ba ang Diyos sa Paghihirap na Ipinapataw sa Sarili?
Nagkakaroon ba ng anumang kaligayahan ang maibiging Maylikha sa pagmamasid sa mga tao na pinahihirapan ang kanilang mga sarili? Bagaman totoo na kung minsan ang mga Kristiyano ay maaaring sapilitang maging “mga kabahagi sa mga pagdurusa ng Kristo,” hindi ito nangangahulugan na sila’y patuloy na maghahanap ng gulo o magpapakamartir.—1 Pedro 4:13.
Tunay, si Jesus ay hindi isang asetiko. Ang mga lider ng relihiyon ay nagreklamo sapagkat ang kaniyang mga alagad ay hindi nag-aayuno, at pinaratangan pa nga nila siya ng pagiging “isang taong matakaw at mahilig sa pag-inom ng alak.” (Mateo 9:14; 11:19) Si Jesus ay nagpakita ng pagiging katamtaman sa lahat ng bagay at hindi niya hinanapan ang kaniyang sarili o ang iba nang higit sa kung ano ang makatuwiran.—Marcos 6:31; Juan 4:6.
Wala tayong makikita saanman sa Kasulatan ng anumang saligan para sa asetisismo, na para bang pinagkakaitan ang ating mga sarili ng mga pangangailangan o maging ng mga kaginhawahan sa buhay na magdudulot ng pagsang-ayon ng Diyos. Pansinin ang mga salita ni apostol Pablo tungkol sa gayong masakit na mga gawain: “Ang mismong mga bagay na iyon ay tunay ngang nagtataglay ng kaanyuan ng karunungan sa isang kinusang anyo ng pagsamba at pakunwaring kapakumbabaan, isang marahas na pakikitungo sa katawan; subalit ang mga iyon ay walang halaga sa pakikipagbaka sa pagbibigay-kasiyahan sa laman.”—Colosas 2:23.
Si Martin Luther, nang siya’y isang monghe pa, ay literal na pinahirapan ang kaniyang sarili. Gayunman, nang maglaon, itinakwil niya ang mga gawaing iyon, sinasabing hinihimok nito ang idea ng dalawang daan patungo sa Diyos, isang nakatataas at isang nakabababa, samantalang ang mga Kasulatan ay nagtuturo lamang ng isang daan patungo sa kaligtasan—sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya kay Jesu-Kristo at sa kaniyang Ama, si Jehova. (Juan 17:3) Ang makirot na mga ritwal, sa kabilang dako, ay itinuturing ng ilan bilang isang anyo ng sariling-kaligtasan.
Ang aklat na Church History in Plain Language ay nagkokomento tungkol sa asetisismo: “Ang pagsuporta sa buong pagpupunyagi ay isang maling pangmalas tungkol sa tao. Ang kaluluwa, sabi ng mga monghe, ay nakatanikala sa laman gaya ng isang bilanggo sa isang bangkay. Hindi iyan ang pangmalas ng Bibliya tungkol sa buhay ng tao.” Oo, ang mismong idea na ang pagpapahirap na ipinapataw sa sarili ay nakalulugod sa Diyos ay hindi masusumpungan sa Kasulatan. Ito’y nasasalig sa Gnostikong maling akala na ang lahat ng nauugnay sa laman ay masama at dapat pagmalupitan hangga’t maaari upang ang isa ay magtamo ng kaligtasan.
Yamang nais ni Jehova na tayo’y maging maligaya, ang paglilingkod sa gayong kalugud-lugod na Diyos ay hindi nangangahulugan ng pagiging isang asetiko. (Eclesiastes 7:16) Sa gayon, wala tayong mababasa sa Kasulatan na nagsasabi sa atin na ang pagpapahirap na iyon na ipinapataw sa sarili ang daan tungo sa kaligtasan. Sa kabaligtaran, nililinaw ng Salita ng Diyos na ang dugo ni Kristo, pati na ang ating pananampalataya rito, ang siyang lumilinis sa atin mula sa lahat ng mga kasalanan.—Roma 5:1; 1 Juan 1:7.