Ang World Council of Churches—Sumasang-ayon na Maging Iba
NOONG Agosto 3 hanggang 14, 1993, tinanggap ng lungsod ng Santiago, Espanya, ang isang pambihirang grupo ng mga peregrino. Ang lungsod ang naglaan ng mga pasilidad para sa isang Pandaigdig na Komperensiya Tungkol sa Pananampalataya at Kaayusan, itinaguyod ng World Council of Churches. Ang tunguhin ng mga delegado ay isang mahirap na tunguhin—pasiglahin ang naantalang pagsisikap na pagkaisahin ang mga iglesya ng Sangkakristiyanuhan.
Ang kalagayan ay tahasang inilarawan na “ecumenical inertia” ni Desmond Tutu, arsobispong Anglikano mula sa Timog Aprika. “Inilulubog natin ang ating mga daliri ng paa sa tubig, subalit wala tayong lakas ng loob na tumalon,” hinagpis niya.
Ang paggawa ng ekumenikal na pagtalon ay hindi magiging madali. Ang mga pagkakabahagi sa gitna ng mga delegado ay lumitaw kahit noong panimulang seremonya sa Katolikong katedral sa Santiago. Ang “Hymn to St. James,” na inawit noong panahon ng serbisyo, ay binatikos bilang lumuluwalhati sa mga dantaon ng pagsalakay ng mga Katolikong Kastila laban sa mga Judio, Muslim, at Protestante, kahit na hinimok ng arsobispong Katoliko na si Rouco ang mga kalahok na ‘magpakita ng isang debotadong saloobin na kahawig niyaong sa mga peregrino at sikaping matamo ang muling pagkakasundo sa gitna ng mga Kristiyano.’
Mayroon bang anumang balangkas na magagamit upang muling papagkasunduin ang mga Katoliko, Ortodoxo, at Protestante? Iminungkahi ng isang study group na malasin ng iba’t ibang iglesya ang Kredo ng Nicene “bilang isang sentral na kapahayagan ng apostolikong pananampalataya.” Inaasahan nilang ang kredong ito ay magagamit “bilang isang paraan upang makamit ang pagkakaisa ng pananampalataya,” bagaman maaaring may “iba’t ibang kapahayagan.”
Ang “iba’t ibang kapahayagan” ay paulit-ulit na nakita sa panahon ng komperensiya. Ipinahahayag ng mga delegadong Ortodoxo at Katoliko ang kanilang mga pagtutol sa pasiya ng mga Anglikano kamakailan na pagsang-ayon sa ordinasyon ng mga babae. Ang isa pang pinagtatalunan ay ang pag-aagawan sa pagitan ng mga iglesyang Ortodoxo at Katoliko sa dating mga bansang Komunista. Si Arsobispo Iakovos ng Iglesya Griego Ortodoxo ay nagsasabing hindi wastong magsalita tungkol sa “muling-pagkumberti sa mga tao na mga Kristiyano na sa loob ng mga dantaon” subalit sa kasamaang-palad ay namuhay sa loob ng mga dekada sa ilalim ng ateismong Komunista. Sa katunayan, kinondena ng isang ulat sa komperensiya ang “proselitismo” bilang isang hadlang sa pagkakaisa, bagaman hindi nito inamin ang pangangailangan para sa isang ‘mas maliwanag na pagkaunawa tungkol sa misyonerong katangian ng simbahan.’
Malungkot na inilarawan ni Samuel B. Joshua, obispo ng Bombay, ang pagkakaisa ng mga iglesya bilang isang “utopianong idea.” Pagkatapos na personal na maranasan ang mga problemang nasasangkot sa pagsasanib ng anim na denominasyon sa India, sinabi niyang ang “mga pakinabang ay bahagya lamang” samantalang ang mga pasanin “ay naging napakabigat.” Naniniwala siyang ang pagkakaisang Kristiyano ay hindi dapat subuking matamo “may kinalaman sa mga doktrina at kaayusan ng iglesya.”
Subalit tunay na pagkakaisa ba ang pagkakaisa na niwawalang-bahala ang mga doktrina? Ang mga relihiyon kayang hindi pa rin ‘nakauunawa sa misyonerong katangian ng iglesya’ ay tunay na sumusunod kay Kristo? Sinabi ni Pablo na ang tunay na mga tagasunod ni Kristo ay dapat na magpatuloy sa “pag-iisip nang magkakasuwato.” (2 Corinto 13:11) Ang pagsang-ayon lamang na maging iba ay hindi nakaaabot sa pamantayang iyon.