Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 3/22 p. 12-15
  • Kapitan James Cook—Matapang na Manggagalugad ng Pasipiko

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kapitan James Cook—Matapang na Manggagalugad ng Pasipiko
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Taong si James Cook
  • Ang Tanawin ng Daigdig ng 1769
  • Nagsimula ang Paglalayag ni Cook
  • Ang Ikalawang Matagumpay na Paglalayag
  • Ang Malaking Kapahamakang Dulot ng Ikatlong Paglalayag
  • Lumitaw ang Isang Nagbagong Personalidad
  • Pamana ng mga Paglalayag
  • Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
  • Inalagaan Akong Mabuti ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Antarctica—Ang Huling Lupain Ukol sa Pagsusuri
    Gumising!—2000
  • Ang Pangalan ni Jehova sa Pasipiko
    Gumising!—2003
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 3/22 p. 12-15

Kapitan James Cook​—Matapang na Manggagalugad ng Pasipiko

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA

BUKOD sa Inglatera, Australia, New Zealand, Hawaii, at mga isla sa Pasipiko, ang pangalang Kapitan James Cook ay maaaring hindi nakikilala ng maraming tao. Gayunman, sa mga bansang nakalista sa itaas, halos lahat ng mag-aarál ay nakakikilala kay Kapitan Cook​—sa katulad na paraan na natututuhan ng mga batang Amerikano ang tungkol kay Christopher Columbus.

Gayunman, walang alinlangang kilalang-kilala sa Australia​—ang islang kontinente sa Timog Pasipiko—​at sa New Zealand ang manggagalugad ng dagat na ito, sapagkat ang pangalang Kapitan Cook ay makikita saanman. Isa pa, ang orihinal na bersiyon ng awit na “Advance Australia Fair,” na noong 1974 ay naging pambansang awit ng bansa, ay literal na umaawit ng papuri sa matapang na kapitang ito.

Ang Taong si James Cook

Si James Cook ay isang batang tagalalawigan, isinilang sa Yorkshire, Inglatera, noong Oktubre 1728. Bagaman malabo ang ulat tungkol sa kaniyang pagkabata, maliwanag na siya’y nakapag-aral sa nakatayo pa ring paaralang nayon ng Ayton. Nang maglaon siya’y naging aprentis sa isang tindahan sa daungang pangingisda ng Staithes. Mula roon, pagkatapos maranasang manirahan sumandali sa tabi ng dagat, binago niya ang kaniyang karera tungo sa pangangalakal ng karbón at natutong maglayag ng mga barko, nagtatrabahong malapit sa hinahampas ng hangin na mga baybayin ng Dagat Hilaga.

Hindi lamang ang mga sasakyang-dagat na nagdadala ng karbón ang naghanda kay Cook para sa kaniyang mga paglalayag sa dakong huli. Habang wala sa barko, ipinagpatuloy niya ang kaniyang mga pag-aaral sa matematika at sa wakas ay nagpatala sa Hukbong-Dagat ng Britanya noong 1755. Bagaman siya’y nagsagawa ng ilang aktibong paglilingkod sa hukbong-dagat, siya’y higit na nakilala sa kaniyang mga mapa at mga tsart ng Newfoundland, Nova Scotia, at Labrador.

Ang Tanawin ng Daigdig ng 1769

Ang Gran Britanya ay umahon noong 1763 bilang ang nangungunang kolonyal at komersiyal na kapangyarihang pandaigdig. Pagkaraan ng 200 taon ng kalat-kalat na digmaan, natalo niya ang Espanya, Holland, at Pransiya. Ang pinakahuli sa mga kalaban na ito, ang Pransiya, ay dumanas ng nakasisindak na mga pagkatalo. Ito ay isang madulang panahon. Mabilis na napanaigan ng kahanga-hangang tagumpay sa siyensiya ang pamahiin at lumikha ng malawakang pagkauhaw ukol sa kaalaman. Malaki rin ang isinulong ng mga pamamaraan sa nabigasyon. Ang Hukbong-Dagat ng Britanya at ang siyentipikong mga samahan ay masikap na naghahanap ng paglilingkod ng isang marino-siyentipiko na mangunguna sa isang ekspedisyon sa Pasipiko. Si James Cook ang napili para sa napakahirap na atas na ito.

Nagsimula ang Paglalayag ni Cook

Ang mga tagubiling tinanggap ni Cook para sa kaniyang unang paglalayag, 1768-71, ay para sa “Pagtuklas sa mga Bansang di pa kilala, at ang Pagtatamo ng Kaalaman tungkol sa malalayong Dako na inaakalang natuklasan na subalit hanggang sa ngayon ay bahagyang nagagalugad.” Sinasabi pa ng mga tagubilin sa kaniya na “may dahilan upang isipin na isang pagkalawak-lawak na Kontinente o Lupain, ang maaaring masumpungan Patimog” at na siya’y dapat na “tumuloy patimog upang tuklasin ang Kontinente.” Gayunman, ang unang atas ay obserbahan ang paglalakbay ng Venus sa mukha ng Araw sa pag-asang matiyak nang eksakto ang layo sa pagitan ng Lupa at ng Araw. Ito’y isasagawa sa Tahiti.

Ang haba ng unang paglalayag ay tatlong taon kulang ng 43 araw. Naisakatuparan ni Cook ang mga utos sa kaniya, at higit pa. Noong panahon ng unang paglalayag na ito ay nagawa niya ang kaniyang bantog na paglunsad sa Botany Bay, mga ilang milya lamang sa timog ng magandang Sydney Harbor, na natuklasan nang dakong huli. Natapos din niya ang sirkumnabigasyon sa dalawang isla ng New Zealand at naging ang unang Europeong nakagawa ng mapa ng silangang baybayin ng Australia. Mangyari pa, hindi niya natuklasan ang ipinalalagay na malaking kontinente sa timog.

Ang Ikalawang Matagumpay na Paglalayag

Noong kaniyang ikalawang ekspedisyon, 1772-75, si Cook ay inatasang dalhin ang dalawang bapor na Resolution at Adventure sa isang paglalayag na napatunayang isa pang matagumpay na sirkumnabigasyon, sa pagkakataong ito’y sa Antartika, pati na ang ilang pagkurba sa malawak na karagatan ng Timog Pasipiko. Subalit ang mga buwan ng nagyeyelong mga temperatura at napakalamig na hangin ay nakatulong upang kumbinsihin siya na walang mahirap hanaping kontinente sa katimugan. Ang kaniyang pagód na pagód na tripulante ay natutuwang makatakas sa malayelong karagatan at magbalik sa Tahiti.

Ang ikalawang paglalayag ni Cook ay itinuring at itinala bilang ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan. Ganito ang sabi ni Alan Moorehead sa kaniyang aklat na The Fatal Impact: “Sa pagtatapos ng Hulyo 1775 sila’y dumaong sa Plymouth. Sila’y naglayag ng tatlong taon at labingwalong araw. Sila’y naglayag ng mahigit na 20,000 league [60,000 milya nautikal]​—tatlong ulit ng sirkumperensiya ng lupa​—at apat lamang sa kaniyang tripulante ang namatay . . . Ang paglalayag na ito ang nagpatunay sa kaniya bilang isa sa pinakadakilang nabigante ng lahat ng panahon.”

Ang Malaking Kapahamakang Dulot ng Ikatlong Paglalayag

Ang ikatlong ekspedisyon ay upang manmanan ang baybaying Pasipiko ng Canada at hanapin ang ipinalalagay na Hilagang-kanlurang Daanan na nag-uugnay sa Pasipiko at sa Atlantiko sa pamamagitan ng Karagatang Artiko. Ito ang naging huling paglalayag ni Kapitan Cook. Siya’y naglayag mula sa Inglatera noong Hulyo 12, 1776, sakay ng inayos na barkong Resolution. Noong Enero 18, 1778, narating niya ang ngayo’y kilala bilang Kapuluan ng Hawaii, kung saan siya at ang kaniyang mga tauhan ay malugod na tinanggap. Sila’y muling nagkarga ng mga panustos sa magandang kapuluang iyon, pagkatapos ay ginugol nila ang tag-araw sa kahilagaan nang taóng iyon sa walang-saysay na pagsisikap na makasumpong ng isang daanan patungo sa Atlantiko. Pagkatapos sila’y bumalik sa Hawaii noong taglamig.

Hindi pa napagpapasiyahan ng mga mananalaysay kung ano ang dahilan ng waring pagbabago sa pag-uugali ni Cook sa puntong ito. May mga pag-aalinlangan pa rin kung tungkol sa kaniyang pagtrato sa mga taga-Hawaii sa kaniyang pagbabalik. Ang ilan ay nagsasabi na siya ngayon ay malupit na nagsamantala sa kanila. Ang iba ay nagtatanong kung baga nilabag niya ang kanilang mga siklo ng pagsamba. Anuman ang katotohanan tungkol sa bagay na ito, dito siya namatay noong Pebrero 14, 1779.

Paano siya namatay? Sa kanilang pagbabalik sa Kealakekua Bay noong Enero 17, ang mga manggagalugad ay sinalubong ng 10,000 taga-Hawaii. Ang mga tagapulo ay nagdiriwang ng kapistahan ng makahiki sa kanilang diyos na si Lono, ang diyos ng lupain. Para bang si Cook ay ipinaghanda bilang ang diyos na si Lono, at siya at ang kaniyang mga tauhan ay minsan pang pinagpakitaan ng kabaitan at pagkamapagpatuloy. Pagkaraan ng tatlong linggo, noong Pebrero 4, sila’y naglayag. Subalit apat na araw pa lamang silang naglalayag, sila’y hinampas ng isang matinding bagyo, at ang Resolution ay nawalan ng palo. Si Cook ay nagbalik sa Hawaii.

Sa pagtataka ni Cook, sa pagkakataong ito ang pagtanggap ay masamâ. Inaakala ng ilan na maaaring nakapag-isip-isip na ngayon ang mga taga-Hawaii at naghinuha na sila’y pinagsasamantalahan ni Cook at ng kaniyang mga tauhan. Ipinalalagay naman ng iba na ang pagbabalik ni Cook ay hindi kasuwato ng kaniyang pagiging isang “diyos.” Anuman ang dahilan, nakalulungkot na ang nalilitong mga tauhan ni Cook ay kumilos nang marahas. Ito’y humantong sa pagnanakaw ng isang bangka mula sa Discovery. Tinangka ni Cook na bawiin ang sasakyan sa pamamagitan ng pagkuha sa pinuno, si Kalaniopu’u, bilang bihag na panagot. Sinundan ito ng labanan, at si Cook ay sinaksak at saka binugbog hanggang mamatay sa dalampasigan.

Detalyadong inilalarawan ng talaarawan ng isang tripulante ng Resolution, isa na nagsasanay sa hukbong-dagat na si George Gilbert, ang huling mga sandali ng buhay ni Cook. “Kararating pa lamang ni Capt Cook sa gilid ng tubig at kumaway sa mga barko upang ihinto ang pagpapaputok, nang isa sa mga Pinuno na mas mapusok ang loob kaysa iba ang nagtungo sa likuran niya at sinaksak siya sa pagitan ng mga balikat sa pamamagitan ng isang Punyal na Bakal. Ang isa pa nang Pagkakataong iyon ay hinampas siya sa ulo ng isang pambambo na ikinatumba niya sa tubig; agad itong lumukso at pinanatili Siya sa ilalim ng tubig sa loob ng ilang minuto, pagkatapos ay hinila siya sa batuhan at hinampas ang ulo niya sa bato nang ilang ulit; anupat siya’y madaling namatay.”

Lumitaw ang Isang Nagbagong Personalidad

Maliwanag na ang huwaran ng pag-uugali ni Cook ay nagsimulang magbago noong ikatlong paglalayag, at hindi na siya nagpakita ng gayunding kahinahunan at pagpipigil na taglay niya noong kaniyang dalawang naunang mga paglalakbay sa Dagat Timog. Sa ikatlong paglalayag, ginamit niya ang latigo sa 37 porsiyento ng kaniyang mga tauhan, halos doble ang dami kaysa noong unang paglalayag. Sa pagkakataong ito ang pagtrato niya sa mga tagaisla ng Polynesia ay hindi rin makatao. Halimbawa, galít na ipinag-utos niya ang pagsunog sa mga bahay at ang pagsira sa mga bangka sa isla ng Eimeo sa Tahiti bilang pagganti sa pagnanakaw ng isang buntis na kambing. Pinaputol pa nga niya ang mga tainga ng mga tagaisla na nahuling nangungupit. Siya ba’y maysakit o pagód o basta malupit?

Pamana ng mga Paglalayag

Sinasabi ni Propesor Bernard Smith sa kaniyang aklat na Captain James Cook and His Times na “si Cook ay hindi isang tagatuklas ng bagong mga lupain sa anumang diwa ng salita.” Maaaring totoo ito, yamang ang karamihan ng mga lugar na nakita ni Cook ay may mga tao na. Gayunpaman, ganito ang sabi ni Grenfell Price: “Ang kaniyang mahalagang naitulong sa kaalaman sa heograpya ay ang pagkompleto sa balangkas na mapa ng Pasipiko sa pamamagitan ng pagtuklas sa mahabang silangang baybayin ng Australia, ang pagguhit ng New Zealand, ang pagsusuri sa mahabang mga bahagi ng baybayin ng Hilagang Amerika; ang pagtuklas ng ganap na bagong mga isla, gaya ng Hawaii at New Caledonia; at ang muling pagtuklas at wastong paglalagay sa mapa ng iba pang mga pangkat ng kapuluan. Si Cook ang tumatayo bilang ang nabigante na talagang nakatuklas . . . sa kontinente ng Antartika, samantalang nasa Artiko ay pinatunayan niya ang pagtuklas ni Bering ng kaniyang Strait.” Ang mga tsart at mapa ni Cook ay pinakinabangan nang matagal na panahon pagkatapos na siya’y maglayag sa karagatan ng Pasipiko.

Gayunman, nakalulungkot din na kabilang sa mga resulta ng paglalayag ni Cook ay ang mga tagapagparumi na sakit benereo, karahasan sa pamamagitan ng mga sandata, ang pagsira sa buhay-iláng sa Antartika, at ang pagsasamantala sa mga Tagaisla ng Pasipiko. Tungkol sa mga tuklas ni Cook sa Antartika, si Alan Moorehead ay sumulat: “Minsan pa ang kapalaran ni Cook ay nagdala ng kapahamakan sa kaniyang landas. Hindi sinasadyang nasumpungan niya ang kung ano marahil ang pinakamalaking kalipunan ng buhay-iláng na umiiral sa daigdig, at siya ang kauna-unahang tao na nagpaalám sa daigdig tungkol sa pag-iral nito. . . . Ang panghihimasok ni Cook sa Tahiti at sa Australia ay nakasamâ sa mga katutubong tao: para sa mga hayop sa Antartika ito ay isang ganap na pagkawasak.”

Kasunod ng nauunawaang ulat at mga tsart ni Cook, ang mga mangangaso at mga plota ng mga nanghuhuli ng balyena ay magtutungo sa rehiyon upang mangaso at pumatay. Si Moorehead ay nagpapatuloy: “Ang pagpatay ay nagpatuloy hanggang sa halos wala nang matira pa upang patayin, wala nang madali at mapakikinabangang patayin.”

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang marahas na kamatayan ni Cook sa Hawaii

Ang pagkatuklas niya sa Botany Bay, Australia

[Credit Line]

Mga guhit: Sa kagandahang-loob ng Australian International Public Affairs

[Picture Credit Line sa pahina 12]

Guhit ni John Weber/Dictionary of American Portraits/Dover. Background: The Complete Encyclopedia of Illustration/J. G. Heck

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share