Mga Seminar Upang Pagbutihin ang Relasyon ng mga Doktor at ng mga Saksi ni Jehova
ANG mga Kristiyano ay pinagbabawalan ng batas ng Diyos na kumain ng dugo sa anumang paraan. (Gawa 15:28, 29) Ang pagsunod sa utos na iyan kung minsan ay humantong sa mga hindi pagkakaunawaan anupat ang mga Kristiyano ay pinagkakaitan ng makukuha at mabisang alternatibong medikal na paggamot sa kanilang mga suliranin sa kalusugan.
Upang magkaroon ng mas mabuting pagkaunawa at upang tulungan ang mga doktor na manggamot nang hindi gumagamit ng dugo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatag ng isang nakatutulong na paglilingkod liaison. Ang Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova ay nagtatag ng Hospital Information Services (HIS) sa Brooklyn, New York, upang sanayin ang piniling matatandang Saksi upang kumilos sa mga Hospital Liaison Committee (HLCs). Nagsagawa ng medikal na pananaliksik at ang mga resulta ay iniharap sa mga seminar para sa HLCs. Pagkatapos, ang mga impormasyong ito naman ay inihaharap sa mga doktor at sa mga sentrong nangangalaga-sa-kalusugan. Gayundin, ang pagsangguni sa iba pang may karanasang mga doktor ay maaaring isaayos upang maiwasan ang komprontasyon.
Ang programa bang ito’y naging matagumpay? Talaga bang nakatutulong ang impormasyong inihaharap? Ano ang reaksiyon ng mga doktor tungkol dito? Ang sumusunod na mga impresyon na iniulat ng isang medikal na doktor na dumalo sa isang seminar ng HLC kamakailan ay nakapagtuturo at muling nagbibigay ng tiwala.
“Inaasahan kong masusumpungan ninyo ang mga impresyong ito na tahasan at kapaki-pakinabang.
“Una sa lahat, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo na isang pribilehiyo na mahilingang dumalo sa ikalawang Hospital Liaison Committee Seminar na iniharap ng mga kawani ng Hospital Information Services na buhat sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York. Ang mga inaasahan ko sa miting na ito ay hindi lamang natugunan kundi nahigitan pa. Ang panimulang pananalita ng tagapamanihala ay nagtatag ng panlahat na katangian para sa dalawang-araw na mga sesyon. Idiniin niya na ang HLC ay hindi lamang isang mekanismo para tugunan ang mga pangangailangan ng may sakit na mga Saksi sa panahon ng kanilang pagtigil sa ospital. Ang komite ay naglalaan ng isang ginintuang pagkakataon upang pasinungalingan ang maraming alamat na karaniwang pinaniniwalaan tungkol sa mga Saksi ng publiko at ng mga manggagamot, ng mga administrador ng ospital, at ng iba pang medikal na kawani.
“Isang nakapagpapamulat-mata sa marami sa mga taong ito na malaman na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi katulad ng mga Christian Scientist sa kanilang medikal na mga paniniwala. Ang mga Saksi ay hindi nagsasagawa ng ‘karapatang mamatay’ o nagsisikap man na magpakamartir. Ni ang usapin man tungkol sa dugo ay isang pahayag ng organisasyon kundi bagkus isang taos-pusong personal na paniniwala. Idiniriin ng mga pagsisiwalat na iyon ang edukasyonal na mga layunin ng HLC. Oo, bagaman tila di pangkaraniwan, maging ang mga manggagamot ay maaaring matuto at maraming dapat matutuhan tungkol sa medikal na mga alternatibo na hindi gumagamit ng dugo. Ako’y laging namamangha sa lawak at lalim ng pananaliksik na ibinibigay sa kaayusang ito, ang karamihan ay talagang bago sa akin. At ang edukasyonal na gawain ng HLC ay hindi natatapos dito. Pinararating nila ito sa mga administrador ng ospital, sa mga paglilingkod panlipunan, at maging sa mga opisyal ng batas at ng hukuman.
“Ang mga komite ay gumugugol ng higit sa pangkaraniwang pagsisikap sa paghanap, pakikipagkita, at paghingi ng tulong sa mga manggagamot na nakikipagtulungan sa mga paniwala ng Saksi. Mangyari pa, hindi lamang ang samahan ng mga manggagamot ang naaabot nito, yamang ang HLC ay nakikipag-ugnayan sa mga ospital, mga manggagawa na nangangalaga-sa-kalusugan, mga abugado, at gayundin sa mga hukom. Marahil ang pinakalitaw na mensahe na ipahahayag ay na ang mga Saksi ni Jehova ay makatuwirang mga tao, hindi mga panatiko, at humihingi lamang ng karapat-dapat na mga alternatibo sa dugo. . . . May malaking panganib sa paggamit ng dugo, at tiyak na tinutupad ng HLC ang isang tungkulin nito sa paglalantad sa mga panganib na ito at idiniriin sa medikal na samahan ang potensiyal na mga panganib ng dugo at ng mga produkto ng dugo.
“Ako’y laging namamangha sa impormasyong ibinibigay sa HLC ng Hospital Information Services at ng Samahang Watch Tower. Subalit gaya ng patutunayan ng sinumang taong naglalakbay, halos anumang gawain ay magagawa kung inilalaan ang tamang mga kasangkapan. . . . Nakatutuwang marinig ang tungkol sa mga kaayusan na ngayo’y kumikilos upang mabilis at mabisang tugunan ang halos anumang medikal na kagipitan. Ang bawat miyembro ng HLC ay sinanay na magkaroon ng mahalagang demograpikong impormasyon, agad na tantiyahin ang saloobin ng mga manggagamot at mga ospital, at may katumpakang tantiyahin ang antas ng kagipitan at potensiyal na panganib ng legal na pagkilos ng ospital na gaya ng mga utos ng hukuman para sa pagsasalin ng dugo.
“Siniyasat namin ang mga paraan upang malinawan ang mga pangangailangan at mga kahilingan ng mga pasyenteng Saksi, kung paano pangangasiwaan ang hindi sumasampalatayang mga kamag-anak, at kung paano pa nga tatanggihan ang mga manggagamot at ilipat ang pasyente sa alternatibong medikal na mga pasilidad na mas tumutugon sa mga pangangailangan ng Saksi. Ang pakikipagtulungan ng HLC sa media ay itinampok, at ang mga tuntunin ay inilaan, muling idiniriin ang pangunahing tampulan na ang mga Saksi ay hindi tumatanggi sa lahat ng medikal na pangangalaga, sa dugo lamang. Ito ay maaaring ituring na halos katumbas ng isang debotong Katoliko na tumatanggi sa aborsiyon subalit hindi sa lahat ng operasyon.
“Ang mga miyembro ng liaison committee ay sinanay na sagutin ang maraming karaniwang mga tanong na ibinabangon kapuwa ng mga ospital at mga manggagamot, kung minsan kahit ng mga Saksi mismo. Maaaring kabilang dito ang mga usaping gaya ng pagiging karapat-dapat ng mga immunoglobulin o albumin, ang paggamit ng cryoprecipitate o medikal na mga pamamaraang gaya ng hemodilution, extracorporeal circulation, ang cell saver, o hemodialysis.
“Nasisiyahan ako sa magandang talakayan tungkol sa legal na mga konsiderasyong nasasangkot sa pag-unawa at paggamit ng batas sa pagtatanggol sa mga Saksi at sa kanilang mga paniniwalang relihiyoso. Ang mga pasiya ng hukuman na nagiging saligan para sa pagtatanggol sa mga karapatan ng mga Saksi na malayang pumili ng medikal na paggamot ay mga saligan ng magandang talakayan. Sa ilan, ang gawain ng Hospital Liaison Committee ay maaaring tila kalabisan, hindi pa nga kailangan; ngunit sa katotohanan, ang ugnay-ugnay na suportang mga paglilingkod na ito ay napakahalaga. Araw-araw ay nakakikita ako ng mga pasyenteng Saksi na hindi pamilyar sa kapaligiran ng ospital at baka walang kabatiran sa maraming walang-dugong medikal na mga alternatibo. Isa pa, iilan lamang ang talagang nakaaalam sa dami ng nakikipagtulungang mga manggagamot na kilala ng komite o ang espesipikong legal na mga karapatan at mga pananagutan na taglay at nakakaharap ng bawat isa sa atin sa paghahanap ng medikal na paggamot nang walang dugo.
“Hayaan ninyong lumihis akong sandali sa paksa upang papurihan ang mga pagsisikap ng HIS. Bilang isang interventional cardiologist, nasusumpungan kong may kaunting panahon upang basahin ang maraming babasahin na may kaugnayan sa sakop ng aking espesyalidad, lalo pa ang mas malawak na larangan ng internal medicine. Magiging isang imposibleng atas na hanapin sa isang mandala ng mga literaturang pangmedisina ang mga reperensiyang iyon na maaaring magturo ng ilang espesipikong lunas sa mga problemang nakakaharap sa paggamot sa aking mga pasyente nang walang dugo. Minsan pa ang Samahan ay tumutulong sa akin sa paglalaan ng isang batubalani upang bunutin ang karayom ng nauugnay na pananaliksik mula sa sinasabing mandala ng mga artikulo sa mga babasahin.
“Ang patuloy na pag-update sa Brooklyn ay nagpapangyari sa akin na makaagapay sa anumang pinakabagong pagsulong na maaaring makaapekto sa aking paggagamot. Ang mga ito ay mas masusi at mabisa kaysa anumang journal-review na makukuha sa pamamagitan ng computer service na nalalaman ko. Mangyari pa, dapat lamang na magkagayon, kung isasaalang-alang na mga buhay ang nakataya.”—Ni Dr. Stephen E. Pope, isang kardiologo sa San Francisco Bay area, sa California, E.U.A.
[Kahon sa pahina 20]
• Sa Estados Unidos, mga 18,000 doktor ang nalulugod na makipagtulungan sa paglalaan sa mga Saksi ni Jehova ng walang dugong medikal na pangangalaga. Sa buong daigdig ang bilang ay 50,000.
• Sa Estados Unidos, may 45 medikal na mga sentro kung saan makukuha ang programang walang-dugong medisina at operasyon. Sa buong daigdig ang bilang ay 80.