Ang Matagumpay na Paghahanap Ko ng Layunin sa Buhay
NOON ay taóng 1951. Pagkarami-raming tao ang nakahanay sa mga lansangan para sumulyap sa maraming tanyag na mga bituin sa entablado at puting-tabing habang sunud-sunod na nagdaraan ang mga limousine patungo sa Fine Arts Theatre sa Beverly Hills, California. Ang okasyon ay ang unang pagpapalabas ng A Place in the Sun, salig sa kilalang nobela ng aking pinsan na si Theodore Dreiser na An American Tragedy. Ito’y pelikulang inilaban ng Paramount Pictures para sa Academy Award sa taóng iyon at ang direktor ay si George Stevens, isa sa kanilang pinakamahuhusay na direktor. Itinampok niyaon ang tatlo sa kilalang mga bituin nang panahong iyon, sina Elizabeth Taylor, Montgomery Clift, at Shelley Winters. Bakit ako naroon sa isa sa malalaking limousine na iyon, na dumaraan sa pulutong ng mga taong naghihiyawan? At bakit ba ako asiwang-asiwa sa kapaligirang iyon? Balikan natin ang simula upang maunawaan kung paano nangyari ang lahat ng ito.
Ako’y isinilang sa isa sa pinakamahalagang panahon sa buong kasaysayan—Oktubre 1914. Noong ika-20 araw ng buwang iyon bandang ikaapat at kalahati ng hapon, sa aming bahay sa Seattle, Washington, ako’y isinilang sa tulong ng doktor.
Noong mga panahong iyon ang aming pamilya ay nakatira sa Alki Beach sa bahagi na tinatawag na Bonair. Di-nagtagal ang aming pamilya ay naging lima, kasali na ang aking mga magulang, ang kuya ko at isang mas batang kapatid na lalaki, at ako. Nakatira kami sa isang malaki, magandang bahay na nakaharap sa dalampasigan, na nagbibigay ng pinakamagandang tanawin kung saan mapagmamasdan ng isa ang mga barko at lantsang pantawid na paroo’t parito sa tubig ng Puget Sound sa pagitan ng kabayanan ng Seattle at iba pang mga lungsod na madaraanan.
Pagkatapos ng pagbagsak ng stock-market noong 1929, ang pangkabuhayang kalagayan ay naging napakasamâ anupat aming ipinagbili ang aming bahay sa Alki Beach kapalit ng isang tindahan ng pagkain sa Highland Park na bahagi ng Seattle, na naglaan sa amin ng kaunting pagkakakitaan noong mga taon ng Depression.
Noong 1938 ang aking ina ay yumao, iniwang mag-isa ang aking ama upang magpatakbo sa tindahan. Sumama ako sa kaniya sa negosyo, at ginawa namin itong makabagong tindahan ng pagkain. Di-nagtagal ay nagkaroon kami ng lumalagong negosyo.
Pagkatapos ay sumapit ang pagsalakay sa Pearl Harbor noong Disyembre 7, 1941, at di-nagtagal ay nasumpungan ko ang aking sarili na napapaharap sa talaan ng sapilitang pagmimilitar at ng Digmaang Pandaigdig II. Kailangan naming ipagbili ang aming negosyo, na naglaan ng kaunting salapi para sa aking ama upang siya’y mabuhay, at ako’y nagboluntaryo sa hukbo ilang araw lamang bago ako naitala. Ang pagpunta sa hukbo ay nakaligalig sa aking budhi sa paano man, at natatandaan ko pa kung paano ako nanalangin sa Diyos na sana’y huwag akong makapatay ng sinuman. Pagkatapos ng panimulang pagsasanay, ako’y inatasan sa Transportation Corps. Sa wakas, ako’y inatasang maging ikalawang tinyente.
Ang Aking Pakikisama kay Theodore Dreiser
Ngayon ay 1945 na, at ako’y inatasan sa Los Angeles Port of Embarkation, kung saan ako ay naglingkod bilang opisyal ng kaligtasan ng mga kargo sa barko na inupahan ng hukbo upang maghatid ng mga suplay at ng ilang kawal sa mga lugar sa Pasipiko. Sa pagitan ng mga atas ako’y dumadalaw kung minsan sa aking pinsan na si Theodore Dreiser at sa kaniyang asawa, si Helen. Napakalaki ng kanilang bahay sa West Hollywood at napakamapagpatuloy sa akin sa gayong mga okasyon. Si Dreiser ay may mapanuring isipan at gustung-gusto akong tinatanong kung ano ang palagay ko sa mga lugar na aking nadalaw na.
Mangyari pa, batid ni Dreiser na ako’y pinsan din ni Kongresista Martin Dies ng Texas, tagapangulo ng Dies Committee, tagapagpauna sa Un-American Activities Committee. Marami sa manunulat at iba pang propesyonal sa industriya ng pelikula ay may kapaitang pinakikitunguhan dahil sa Komunistang pagkiling, at si Dreiser ay hindi naliban dito, yamang siya’y kilala na may simpatiya sa mga Ruso. Kaya sa panahon ng aking unang mga pagdalaw, tinanong niya ako: “Ang pangmalas mo ba’y katulad din ng pinsan mo, si Martin Dies?” Tiniyak ko sa kaniya na wala akong kaugnayan kay Martin o sa anupamang pulitikal na mga layunin niya, na nagpangyari namang maging mas malapit ang aking kaugnayan kay Dreiser.
Pagkatapos na sumuko ng Hapón, noong Setyembre 2, 1945, ipinasiya ko na manatili muna sa hukbo, dahil sa marami akong nakikitang magagandang lugar sa daigdig. Di-nagtagal ay nataas ang ranggo ko na maging unang tinyente at inatasan ako bilang opisyal na nangangasiwa sa komisaryo sa isa sa malalaking barko ng kawal. Habang nasa Hapón, ako’y lumiban muna at naglakbay sa Hapón mula sa Yokohama hanggang sa Hiroshima, kung saan niwasak ng bomba atomika ang lungsod.
Nang umagang ako’y dumating sa Hiroshima, nakakita pa rin ako ng mga taong natutulog sa parke dahil sa kakulangan ng matitirhan. Hindi na kailangang sabihin pa, asiwang-asiwa ako sa paglilibut-libot, yamang kitang-kita na halos ang sinuman na nakilala ko ay namatayan ng mga kamag-anak at mga kaibigan sa kalunus-lunos na holocaust na iyon. Ang paghihinagpis na nabanaag ko sa kanilang mga mukha, gayundin ang tunay o guniguning pagkapoot sa kanilang mga tingin sa amin na nakauniporme, ay bagay na nagpapabigat sa puso.
Sinimulan Ko ang Paghahanap ng Kahulugan
Dahil sa Hiroshima at sa maraming kaso ng sakit at karukhaan na nakita ko, nagsimula akong mag-isip tungkol sa kahulugan ng buhay. Ang pagsakay ko sa mga barko ay nagbigay sa akin ng maraming panahon para mag-isip tungkol sa gayong mga bagay. Kung minsan, ako’y nakikipag-usap sa kapelyan na nasa barko para matiyak ko kung masasagot niya ang ilan sa aking mga katanungan hinggil sa kawalang-katarungan ng buhay. Wala ni isa man sa mga kapelyan ang nagkaroon ng nakasisiyang mga sagot.
Si Theodore Dreiser ay namatay noong Disyembre 1945, pagkatapos na gugulin ang buong buhay niya sa paghahanap ng kahulugan ng buhay. Sa kaniyang sanaysay na pinamagatang “Ang Aking Maylikha,” sa wakas ay inamin niya na mas hindi siya napalapit sa solusyon kaysa pasimula. Si Helen Dreiser, ang kaniyang balong asawa, na pinsan ko rin, ang sumusulat noon tungkol sa kaniyang sariling talambuhay, na pinamagatang My Life With Dreiser. Hinihimok niya ako na pumunta sa Hollywood upang tulungan siya sa pag-aayos ng kaniyang manuskrito at upang mangasiwa sa ilang negosyo sa iba’t ibang larangan may kinalaman sa paglalathala ng mga akda ni Theodore, na ginagawa sa maraming bansa. Kaya noong Disyembre 1947, iniwan ko ang hukbo at nagkaroon ng kabuhayan dahil sa mga ari-arian ni Dreiser sa West Hollywood.
Subalit hindi ako huminto sa paghahanap ko sa kahulugan ng buhay. Si Helen Dreiser ay naghahanap din ng espirituwal na kaunawaan sa buhay, at kaya naman sinimulan naming dumalaw sa iba’t ibang grupo, na naghahanap ng bagay na makatuwiran. Wala ni isa man sa mga grupong iyon ang may anumang nakasisiyang mga kasagutan.
Nang maglaon, habang kami ay nasa Gresham, Oregon, dumadalaw sa ina ni Helen, ipinakilala ako sa isa sa mga Saksi ni Jehova na tumutugtog ng elektronikong organ sa ilang malalaking otel sa Portland. Napag-usapan namin ang tungkol sa relihiyon, at marami sa kaniyang sinabi ay waring makatuwiran. Nang imungkahi niya na isa sa kanilang mga ministro ay dadalaw kapag bumalik na kami sa Los Angeles, agad akong sumang-ayon.
Pagbalik namin sa Los Angeles, agad kaming dinalaw ng isa sa mga Saksi ni Jehova. Isinaayos niya na magkaroon kami ng lingguhang pag-aaral sa Bibliya kasama ng isa pang Saksi at ng kaniyang asawa, kapuwa sila mga payunir (buong-panahong mga ministro). Ang pag-aaral ay hindi naging madali sa pasimula dahil sa ilang nabuo sa isip kong mga idea, subalit ang mga ito di-nagtagal ay nabuwag sa pamamagitan ng makatuwirang paliwanag sa Bibliya.
Ngayon ay nasa pasimula na ng 1950, at marami nang nagkakainteres sa mga akda ni Dreiser sa panahong iyon. Nasa proseso na ang Paramount Pictures sa paggawa ng bersiyong pampelikula ng dalawa sa pinakahinahangaang nobela ni Dreiser: An American Tragedy, na tatawaging A Place in the Sun, na ipalalabas noong 1951, at Sister Carrie, para sa kasunod na paglalabas sa ilalim ng pamagat na Carrie sa pampelikulang bersiyon. Ang mga pelikulang ito ang inilaban ng Paramount sa Academy Award sa magkasunod na dalawang taon. Kaya napakahalagang taon nito para kay Helen, at dahil sa natapos na niya ang kaniyang manuskritong pinamagatang My Life With Dreiser, umalis siya patungong New York City, kung saan siya’y makikipagkita sa mga opisyal ng World Publishing Company, na siyang maglalathala ng kaniyang manuskrito.
Nakumbinsi Ako na Nasumpungan Ko ang Kahulugan ng Buhay
Habang siya’y wala pa, ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral ng Bibliya, sa pagsapit ng panahon ay natutuhan ko kung ano ang katulad ng pagpunta sa bahay-bahay na ipinakikipag-usap ang tungkol sa Bibliya. Sa panahong bumalik na si Helen Dreiser mula sa New York, natiyak ko na nasumpungan ko sa wakas ang kahulugan ng buhay, na siya kong hinahanap. Subalit nakagugulat nang sabihin ni Helen na hindi na siya interesado pa sa pag-aaral ng Bibliya! Maliwanag na ang kaniyang mga kasama sa New York ang kumumbinsi sa kaniya na ang kaniyang natututuhan sa Bibliya ay hindi kilala sa mundo. Basta sinabi niya: “Ipinagbabawal ng Bibliya ang maraming bagay sa buhay.” Kaya siya’y tumanggi nang makipag-aral ng Bibliya sa amin.
Sa ngayon ay maliwanag na hindi magiging kasuwato ng katotohanan kung mananatili ako sa reserbang hukbo. Ako’y naging determinado na magpabautismo bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. Isang pantanging bautismo ang isinaayos para sa akin sa bahay ng isang Saksi na may swimming pool. Dahil sa inialay ko na ang aking sarili kay Jehova, ako’y nabautismuhan noong Agosto 19, 1950. Pagkatapos ay sumulat ako sa hukbo na ipinaaalam sa kanila na yamang ako’y isa nang ordinadong ministro, hindi na ako maaaring maglingkod sa reserbang hukbo. Bagaman ang aking pagbibitiw ay tinanggihan noong una, pagkalipas ng ilang buwan, binigyan ako ng marangal na pag-alis sa tungkulin.
Samantala, halos ilalabas na ng Paramount Pictures ang A Place in the Sun, at kami ni Helen ay inanyayahan sa isang pribadong kainan na ipinaghanda ni George Stevens, ang direktor. Ipinaalam sa amin na ang patiunang pagpapalabas ay gaganapin sa Fine Arts Theatre sa Beverly Hills, at isinagawa ang mga kaayusan na pagdating namin sa teatro, si Helen, bilang ang asawa ng awtor, ay magsasalita sa pambansang radio hookup. Ito ang pinakamahalagang gabi para sa aking pinsan, at inaasahang sasamahan ko siya. Kaya sa itinakdang oras, umupa kami ng limousine, at bihis na bihis, nagtungo kami sa teatro. Dahan-dahan kaming dumaraan sa makapal na bilang ng mga tao, na nakahilera sa lansangan na umaasang makikita ang ilan sa sikat na mga artista na inaasahang darating para sa pagpapalabas.
Ano nga ba ang nadama ko sa mapagparangyang okasyon na iyon? Noon, nakakita ako ng gayong mga uri ng okasyon sa mga pelikula at inisip ko kung ano ang nadarama kapag nasa gayong kasikatan. Subalit ngayon, dahil sa taglay ko na ang kaalaman ng katotohanan, naaasiwa ako. Marahil ay nadarama ko ang di-pagsang-ayon ni Jehova sa gayong mga bagay may kinalaman sa sinasabi ng Bibliya sa 1 Juan 2:16: “Ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa . . . ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.” Kay daling makita na ang gayong ningning at kahali-halinang bagay ay di-kasuwato ng aking bagong Kristiyanong paraan ng pamumuhay. Bagaman nasiyahan ako sa napakahusay na pelikula, naginhawahan ako nang matapos na ang lahat.
Di-nagtagal, si Helen Dreiser ay inatake sa puso anupat siya’y bahagyang naparalisado. Pagkatapos ng ikalawang atake ay naging imposible na para sa kaniya na pangasiwaan pa ang anumang may kinalaman sa negosyo. Ang kaniyang kapatid na babae na si Myrtle Butcher ay nag-aplay para sa kapahintulutan na maging tagapag-alaga niya at ibig na dalhin siya sa sariling bahay niya sa Gresham, Oregon. Hindi ko tinutulan ang kapahintulutan, yamang batid ko na ito ang pinakamabuti para kay Helen, na nangangailangan ng gayong pangangalaga, na maibibigay ng kaniyang kapatid. Kaya ngayon ay nawalan na ako ng trabaho. Ano ang gagawin ko? Nagtitiwala ako sa pangako ni Jesus sa Mateo 6:33: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”
Yamang sarili ko na lamang ngayon ang aking aasikasuhin, ang aking ama ay namatay ilang buwan pa lamang ang nakararaan, ibig ko na paglingkuran si Jehova nang buong-panahon. Halos karaka-raka, ako’y ginantimpalaan ng isang alok na trabahong part-time, na nagbigay sa akin kung ano lamang talaga ang kailangan ko upang makapagsimulang paglingkuran si Jehova bilang isang buong-panahong mangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Gaya ng sinabi ni Jesus na magiging kalagayan, si Jehova ang kumalinga sa akin sa lahat ng ito sa mahigit na 42 taon na ako’y nasa buong-panahong paglilingkuran.
Noong tag-araw ng 1953, dinaluhan ko ang aking unang internasyonal na kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova, sa Yankee Stadium sa New York City, at anong nakagagalak na karanasan ito! Noon ay halos magtatapos na ang aking unang taon bilang isang payunir, at yamang ako’y galak na galak sa gawaing pag-eebanghelyo, may pagnanais ako na gumawa pa nang higit na pakikibahagi sa paglilingkuran sa Kaharian. Nauna rito ako ay nag-aplay para sa buong-panahong paglilingkuran sa punong-tanggapan ng Samahan, at ngayon sa kombensiyong ito ako ay nag-aplay rin para sa misyonerong pagsasanay sa Watchtower Bible School of Gilead. Di pa natatagalan pagbalik ko sa Los Angeles, nagulat ako na makatanggap ng paanyaya na maglingkuran sa punong-tanggapan ng Samahan, tinatawag na Bethel!
Taglay ang magkahalong damdamin pumasok ako sa Bethel noong Oktubre 20, 1953, iniisip ko kung ano ang magiging buhay ko at kung ako ba’y magiging maligaya roon gaya ng pagiging maligaya ko bilang isang payunir. Subalit sa buong 41 taóng nakalipas ng aking paglilingkuran sa Bethel, ni minsan ay hindi ko pinagsisihan ang aking pasiya. Ang maraming pribilehiyo na tinamasa ko habang narito sa Bethel ang nagdulot sa akin ng matinding kagalakan at kaligayahan kaysa naranasan ko sa anumang anyo ng paglilingkod sa Kaharian.
Noong 1955, si Helen Dreiser ay namatay, at itinalaga ako bilang tagapangasiwa at nang maglao’y katiwala ng kaniyang mga ari-arian. Habang sinusuri ko ang kaniyang testamento, iniwan ni Theodore Dreiser ang lahat sa kaniyang asawa, at ang pangangasiwa sa kaniyang ari-arian ay naglakip ng mga karapatan sa lahat ng kaniyang mga akda na may karapatan sa paglalathala. Sinabi ni Helen sa akin na si Dreiser ay isang regular na mambabasa ng Bibliya, at sa pagpunta ko sa kaniyang aklatan, napansin ko na kung minsan siya’y nagnonota sa gilid ng kaniyang Bibliya hinggil sa kahaliling pagsasalin ng isa sa ibang mga salin ng Bibliya.
Si Dreiser at ang mga Saksi ni Jehova
Mangyari pa, wala akong kaalam-alam sa mga Saksi ni Jehova nang kami ni Dreiser ay nagkausap noon, subalit di-nagtagal ay natuklasan ko na siya’y may kabatiran sa neutral na paninindigan ng mga Saksi ni Jehova. Sa kaniyang aklat na pinamagatang America Is Worth Saving, pinuri niya ang kanilang paninindigan hinggil sa usapin ng pagsaludo sa bandila. Si Dreiser ay hindi takot na manindigang matatag sa isang bagay na kaniyang pinaniniwalaan, at kung alam ko lamang sana noon ang Bibliya gaya ng alam ko sa ngayon, malamang na kami’y nagkaroon ng nakasisiyang mga talakayan.
Sa paggunita sa nakalipas na 45 taon sapol ng aking pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, totoong masasabi ko na talagang nasumpungan ko ang kahulugan ng buhay na hinahanap ko noon. Ang aking mga katanungan hinggil sa kawalang-katarungan sa buhay ay nasagot lahat sa pagkaalam na ang diyos at tagapamahala ng sanlibutang ito ay si Satanas na Diyablo, sa halip na ang mapagmahal, makapangyarihan-sa-lahat na Diyos, si Jehova. (Juan 14:30; 2 Corinto 4:4; 1 Juan 4:8) At anong laking nagdudulot ng kasiyahan na malaman na ang Kaharian ng Diyos ay naitatag sa mga langit noong Oktubre 1914 at ang malaman na di-magtatagal ay pamamahalaan nito ang lupa at lilipulin ang mga gawa ng Diyablo!—1 Juan 3:8; Apocalipsis 20:10.
Samantala, ang makilala ang Soberanong Panginoong Jehova, ang magkaroon ng personal na kaugnayan sa kaniya, at magkaroon ng makabuluhang buhay sa paglilingkod sa Kaharian ay maaaring ihalintulad sa perlas na nasumpungan ng mangangalakal sa kaniyang paglalakbay. Ang perlas na iyon ay may napakataas na halaga anupat naudyukan siyang ipagbili ang lahat niyang taglay upang makamit lamang ito.—Mateo 13:45, 46.
Dahil sa nasumpungan ko ang gayong kayamanan, pinahahalagahan ko ang mga pananalita ng salmistang si David, na nanalangin nang ganito: “Na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ni Jehova at masdan na may pagpapahalaga ang kaniyang templo.” (Awit 27:4)—Gaya ng inilahad ni Harold Dies.
[Larawan sa pahina 20]
Ang pagpunta sa hukbo ay nakaligalig sa aking budhi, sabihin pa
[Larawan sa pahina 23]
Paglilingkod sa Bethel sapol noong 1953