Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Magkulang ang Aking Magulang?
“Ang aking ama ay naging isang Kristiyano sa loob ng sampung taon. Subalit ngayon siya ay hindi aktibo. Hindi siya nag-aaral ng Bibliya, at hindi siya dumadalo nang regular sa mga pulong. Lagi niyang pinupuna ang kaniyang mga kapatid na Kristiyano sa kongregasyon. Mayroon siyang makasanlibutang mga pangmalas tungkol sa lahi at maraming-marami pang ibang paksa. Para sa akin marami siyang pagkukulang.”—Isang tin-edyer na babae.
WALANG magulang na sakdal. “Ang lahat ay nagkasala at nagkukulang sa kaluwalhatian ng Diyos,” sabi ng Bibliya. (Roma 3:23) Subalit talagang ibang bagay naman kapag ang ina o ama ng isa ay kumikilos na isang ulirang Kristiyano sa publiko at nagkakaroon ng di-kaayaayang pagbabago nang palihim. “Kapag kasama ng iba, napakahusay ng aking ama,” sabi ng isang kabataang babae. “Subalit ibang-iba siyang tao kapag wala nang nakakikita—napakabagsik niya! Mapamuna siya sa lahat ng ginagawa ko, at nililigalig ang lahat sa pamilya ko. Dumating ako sa punto na hindi na ako makasumpong ng anumang kagalakan sa buhay. Ang pawang nadarama ko para sa kaniya ay pagkapoot.”
Ang galit at sama ng loob ay maaaring lalong matindi sa mga kabataan na palihim na dumaranas ng mga anyo ng pag-abuso. Kaya isang babae na nagngangalang Mary ang sumulat tungkol sa “karahasan, kalapastanganan, at pag-abuso sa lahat ng anyo” na kaniyang dinanas sa kamay ng kaniyang ama—isang lihim na alkoholiko. “Ang mga tao ay lalapit sa aming mga anak at sasabihin sa amin na anong husay na ama mayroon kami at kung gaano kami kapalad,” may pagngingitngit na nagugunita niya.
Hinahatulan ng Bibliya ang lahat ng anyo ng pagpapaimbabaw. (Santiago 3:17) Binababalaan tayo nito na maging sa gitna ng tunay na mga mananamba ng Diyos, may ilang tao na “mapagkunwari.” (Awit 26:4; ihambing ang Judas 4.) Kaya naman, ang pagkaalam nito ay hindi nagpapangyaring maging madali ang mga bagay-bagay kapag ang mapagkunwari ay ang iyo mismong magulang—ang isa na dapat mong mahalin at igalang. Ang ilang kabataan ay nalilipos ng naglalabang damdamin na lumilitaw. “Kailangan ko ng tulong,” paghihinanakit ng isang kabataang babae. “Ang Bibliya ay nagsasabi na ‘parangalan ang inyong ama,’ pero hindi ko magawa.”
Kung Ano Talaga ang Kahulugan ng Pagpaparangal sa Kanila
Totoo na ang utos ng Bibliya na parangalan ang mga magulang ng isa ay hindi maaaring ‘takasan’ ng mga kabataan na nakadarama na ang kanilang mga magulang ay di-karapat-dapat para rito. (Efeso 6:1, 2) Gayunman, ang pagpaparangal sa isang magulang ay hindi nangangahulugan na sumasang-ayon ka sa kaniyang istilo ng buhay o na ikaw ay maligaya sa paraan ng kaniyang pagtrato sa iyo.a Sa Bibliya, ang “parangalan” ay maaaring basta nangangahulugan ng pagkilala sa iginawad na awtoridad.
Halimbawa, sumulat si apostol Pedro na ang mga Kristiyano ay dapat “magbigay-dangal sa hari.” (1 Pedro 2:17) Noon pa ma’y batid na ni Pedro na ang mga hari ay kalimitang may di-kanais-nais na mga pag-uugali. Halimbawa, ang hari na si Herodes Agrippa I ay isang pangahas at mapusok na tao. Pagkatapos na hirangin ng Roma na hari ng Palestina, nagbunsod siya ng pag-uusig laban sa mga Kristiyano. Kaniyang “pinatay si Santiago na kapatid ni Juan sa pamamagitan ng tabak. Nang makita niyang kalugud-lugod ito sa mga Judio, ipinagpatuloy niyang arestuhin din si Pedro.” (Gawa 12:1-3) Gayunman, hindi hinimok ni Pedro ang paghihimagsik. Sa halip, kaniyang itinaguyod ang pagsunod sa mga hari. At ginawa niya iyon taglay ang mabuting dahilan. Ang pagsunod sa mga namumuno ay kalooban ni Jehova. At noong kaarawan ni Pedro ang ilang hari ay may lubusang kapangyarihan at awtoridad. Ganito ang sabi ni Solomon: “Kaniyang ginagawa ang ano mang kaniyang kalugdan, sapagkat ang salita ng hari ay may kapangyarihan; at sino ang makapagsasabi sa kaniya: ‘Ano ba ang ginagawa mo?’ ”—Eclesiastes 8:3, 4.
Sa gayunding paraan, ang iyong magulang—anuman ang kaniyang mga pagkukulang—ang siya pa ring nagpapatnubay at may malaking kapangyarihan sa iyong buhay. Kung gayon, hindi talaga kapantasan na magrebelde o pakitunguhan siya nang may paghamak. Hindi lamang nito gagawing mas mahirap ang buhay para sa iyo kundi magpapangyari rin ito na iyong mawala ang pagsang-ayon ng Diyos. (Ihambing ang Kawikaan 30:17; Eclesiastes 10:4.) Sa kabilang dako, ang pakikipagtulungan sa pinakamabuting paraan na magagawa mo ay makatutulong sa iyo na mapanatili sa paano man ang bahagyang kapayapaan at katahimikan sa iyong kaugnayan sa iyong magulang.—Colosas 3:20.
Pakikitungo sa Galit at Sama ng Loob
Subalit, paano mo mapakikitunguhan nang may paggalang ang isa na nagdudulot ng sama ng loob at bumibigo sa iyo? Hindi madali iyan. Subalit ang palaging pag-iisip sa kaniyang mga pagkakamali at pagkukulang ay magpapatindi lamang sa iyong sama ng loob. Maaari kayang kailangan mo na higit na mag-isip nang positibo sa iyong magulang, ibigay ang nararapat na karangalan sa kaniya sa anumang mabubuting katangian na kaniyang tinataglay?
Pansinin ang sinasabi ng Kawikaan 19:11: “Ang malalim na unawa ng isang tao ay tunay na nagpapabagal ng kaniyang galit.” Ang pagsisikap na unawain ang iyong magulang ay magbibigay sa iyo ng bagong pangmalas sa bagay-bagay. Talaga bang napakasama ng kaniyang pag-uugali? O baka naman siya’y mahina lamang, nasisiraan ng loob, at nangangailangan ng tulong? Ang kaniya bang paggawi ay bunga ng sakit, panlulumo, kalungkutan, o kaigtingan sa trabaho? Kung gayon nga, ang pag-unawa sa mga problemang ito ay makatutulong sa iyo na higit na maging madamayin sa iyong magulang at marahil di-gaanong magalit.
Anuman ang kalagayan, makatutulong na ipakipag-usap ang iyong nadarama sa iba. (Kawikaan 12:25) “Dati-rati’y umiinom ang Tatay ko,” gunita ng isang kabataang babae. “Hindi ko masabi sa aking mga magulang kung ano ang nadarama ko, kaya kinimkim ko ang lahat ng ito.” Gayunman, hindi mo kailangang magdusa na mag-isa. Bagaman hindi naman ipinagpapalit ang iyong mga magulang, malaki ang magagawa ng mga maygulang sa Kristiyanong kongregasyon upang mapagtakpan ang anumang kakulangan ng pagmamalasakit sa tahanan. (Ihambing ang Marcos 10:30.) Ganito ang sabi ng Kawikaan 17:17: “Ang mga kaibigan ay laging nagpapakita ng kanilang pag-ibig. Para ano pa ang mga kapatid kung hindi magdadamayan sa problema?”—Today’s English Version.
‘Mababago Ko Siya’
Ang ilang kabataan ay nagdurusa ang damdamin dahil sa maling pagkadama ng pananagutan. Ganito ang nagugunita ni Mary sa kaniyang sarili at sa kaniyang mga kapatid: “Nabubuhay kami sa takot na matuklasan ng sinuman ang tungkol sa problema sa pag-inom ng aking ama.” Pinahihirapan naman ng iba ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng walang-saysay na pagsisikap na baguhin ang kanilang delingkuwenteng magulang.
Hangga’t may nadarama kang pag-ibig at pagmamalasakit sa iyong magulang, hindi ka naman masisisi dahil sa kaniyang mga pagkukulang. Siya ang ‘nagdadala ng kaniyang sariling pasan’ ng pananagutan sa harap ng Diyos. (Ihambing ang Galacia 6:5; Santiago 5:14.) Hindi mo pananagutan na subaybayan o supilin ang paggawi ng iyong magulang. Ang palaging paninisi o paghamak sa iyong magulang ay magpapayamot lamang sa kaniya.
Hindi ito nangangahulugan na wala ka nang magagawa. Sa paano man, ikaw ay maaaring “manalangin nang walang-lubay” na sana’y mabago ang puso ng iyong magulang. (1 Tesalonica 5:17) Ang palaging pagpapahayag ng iyong pag-ibig sa kaniya at pagbibigay ng taimtim na komendasyon, kung kinakailangan, ay maaaring makapagpalambot ng kaniyang saloobin. Bukod dito, ang tanging magagawa mo lamang ay pagtiisan ang kalagayan hangga’t makakaya mo.b
Mangyari pa, kung ikaw at ang iyong magulang ay mga Kristiyano at siya’y gumagawa ng malubhang pagkakasala, gaya ng pag-abuso sa alkohol o labis na magagalitin, likas lamang na mapilitan kang tiyakin na ang mga bagay ay maipakipag-usap sa mga elder sa kongregasyon. (Santiago 5:14) Hindi ito pagpapakita ng di-katapatan kundi isang mapagmahal na pagsisikap upang tiyakin na ang iyong magulang ay nakakukuha ng tulong na talagang kailangan niya. Sabihin pa, ang ilang magulang ay pagalit na itinatanggi ang anumang kasalanan at nalalapatan ng parusa nang palihim, subalit ang mga kabataan na ‘nagdurusa alang-alang sa katuwiran’ hinggil sa bagay na ito ay makatitiyak na sinasang-ayunan ni Jehova ang kanilang may tibay-loob na landasin at sa kaniyang takdang panahon, kaniyang ihahayag ang katotohanan.—1 Pedro 3:14; 1 Timoteo 5:24, 25.
Isagawa ang Inyong Sariling Kaligtasan
Si Solomon ay nagsabi: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagkapighati.” (Eclesiastes 7:7) Nakalulungkot sabihin, ang ilang kabataan ay sumasama ang loob dahil sa di-magandang halimbawa ng kanilang magulang at sila mismo’y gumawi na rin nang di-maganda. Ang ilan ay nagalit pa nga sa Diyos at iniwan ang Kristiyanong landasin! (Kawikaan 19:3) Ang Bibliya ay nagbababala: “Mag-ingat ka na huwag kang mailigaw ng iyong galit sa maling [mga gawa]. Mag-ingat ka na huwag kang mailigaw ng kasamaan.”—Job 36:18-21.
Sa halip na labis na mabahala tungkol sa kalagayan ng iyong magulang sa harap ng Diyos, kailangan mong ‘patuloy na isagawa ang iyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig.’ (Filipos 2:12) Noong sinaunang panahon, isang kabataang prinsipe na nagngangalang Hezekias ang gumawa ng gayon sa ilalim ng gayunding mga kalagayan. Ang kaniyang ama, si Haring Ahaz, ay nag-angking isang mananamba ni Jehova. (Isaias 7:10-12) Siya’y talagang isang mananamba ng paganong mga diyos, inihandog pa nga ang isa sa kaniyang sariling mga anak bilang isang taong hain! (2 Hari 16:1-4) Isip-isipin kung gaano nakababalisa ang nagaganap na apostasyang ito para sa kabataang si Hezekias! Ang Awit 119:28, na inaakala ng ilan na isinulat ng kabataang prinsipeng ito, ay nagsasabi: “Ang kaluluwa ko ay di-makatulog dahil sa pagdadalamhati. Iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.”
Gayon nga talaga ang ginawa ni Jehova! Habang may kataimtimang nananalangin at nag-aaral ng Salita ng Diyos si Hezekias, ang kaniya mismong espirituwalidad ay lumago sa kabila ng kaniyang kapaligiran. (Awit 119:97) Maingat din niyang binantayan ang kaniyang pakikisama. (Awit 119:63) Ang bunga? Sa kabila ng nakalulungkot na halimbawang ipinakita ng kaniyang mapagpaimbabaw na ama, si Hezekias mismo ay “nanatiling malapit kay Jehova.” (2 Hari 18:6) Magagawa mo rin iyon! Marahil ang iyong magulang ay gumagawi nang may pagpapaimbabaw, subalit hindi mo kailangang sundan ang kaniyang yapak. Manatiling malapit kay Jehova, at marahil ang iyong mahinahong halimbawa ng katapatan ay balang araw magpapakilos sa iyong magulang na magbago.
[Mga talababa]
a Alang-alang sa pagiging simple, tutukuyin namin ang mga magulang sa panlalaking kasarian.
b Hindi ito nangangahulugan na dapat pagbigyan ng isang kabataan ang pisikal o seksuwal na pag-abuso. Ang kabataan sa gayong kalagayan ay dapat na humingi ng tulong, kahit na iyon ay mangahulugan ng paghingi nito sa labas ng pamilya.
[Mga larawan sa pahina 25]
Hindi mo kailangang magkulang dahil ang iyong magulang ay nagkukulang