Sulit ba ang Mangutang?
“HUWAG na huwag mong gastusin ang iyong pera bago mo taglayin iyon.” Yamang ang pangungutang para sa maraming tao ay isang paraan ng pamumuhay sa ngayon, ang payo bang ito na ibinigay ng dating pangulo ng E.U. na si Thomas Jefferson ay tila makaluma?
Sa maraming bansa ang mga suweldo ay nananatiling mababa kung ihahambing sa mga presyo, at inuubos ng implasyon ang mga inimpok. Gayundin, apektado ng kapaligirang pangkabuhayan ang mga pagpapahalaga ng mga tao. Gayunman, mahalaga ang katapatan. Sapagkat ang pandaraya sa mga buwis at hindi pagbabayad ng mga utang ay palasak, isa ngang hamon na mag-ingat ng isang mabuting budhi. Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang ekonomiya ang pangunahing paksa ng usapan ng mga tao, at ang mga mungkahi tungkol sa pagtitipid o pagkita ng pera ay sagana sa mga pahayagan at mga magasin at sa telebisyon habang ang mga tao’y nagsisikap na magpasiya kung anong mga hakbang ang kukunin upang malutas ang masalimuot na mga suliraning pangkabuhayan. Kasabay nito, angkop lamang na ikaw ay mabahala sa kung paano paglalaanan ang iyong sarili at ang iyong pamilya.—1 Timoteo 5:8.
Yamang kakaunting tao ang nagtatamasa ng katatagan sa kabuhayan, ano ang magagawa mo upang maiwasan ang mga kahirapan para sa iyong pamilya? Unang-una, may mahalagang leksiyon na dapat isaisip.
Iwasan ang Labis na Pangungutang
Bakit nangungutang ang ilan? Ang pangungutang ay hindi naman laging dahil sa isang gipit na kalagayan, gaya ng karamdaman. Ang pagnanais na magkaroon ng materyal na mga bagay ay maaaring napakasidhi. Sa kabilang panig naman, ang panghihikayat na mangutang ay maaaring hindi masama sa ganang sarili. Sa katunayan, maaaring mas mabuting bayaran ang pagkakasanla ng bahay kaysa umupa, o baka kailangang bumili ng isang kotse. Nais ng nagtatrabaho na maging maligaya ang kaniyang pamilya. Nais niyang maging matagumpay bilang isang asawang lalaki at ama. Malamang, nadarama niyang siya’y may karapatang magtamasa ng maraming materyal na mga bagay na taglay ng iba.
Sabihin pa, maaaring nakatutuksong mangutang ng pera upang bilhin ang ninanais na hindi mahalagang bagay. Ang pagtatamo ng mga bagay ay nakabubuti sa pakiramdam, hindi ba? Sino ang hindi nasisiyahan sa isang magandang damit, sa isang bagong pares ng sapatos, o kahit na sa isang bagong kotse? At sino ang hindi nagnanais magkaroon ng mas magandang bahay? Gayunman, mag-ingat! Ang mga negosyante ay maaaring maging mapanghikayat, at malaking pera ang nakikita sa pagbebenta ng mga bagay na hindi kailangan at hindi kaya ng mga tao.
Tandaan din, na ang regular na pagbabayad ng utang ang maaaring pagmulan ng tensiyon sa mga kaugnayan ng pamilya. Maaaring magbunga ng di-pagkakaunawaan at galit. Ang dramaturgong si Henrik Ibsen ay tama nang sabihin niya: “Ang bahay ay humihintong maging tahanan at maganda kapag ito ay itinayo sa panghihiram at utang.” Kung hindi ka magbabayad sa panahon, ang iyong mabuting pangalan ay maaaring madungisan. Yamang mas madaling gastusin ang hiram na pera kaysa bayaran iyon nang may interes, natutuklasan ng marami na ang kanilang binili ay hindi nagdudulot ng kagalakan na inaasahan nila.
Karaniwan na, iginigiit ng mga pamahalaan ang pangungutang nang higit at higit, pinararami ang kanilang binabayarang interes. Bagaman ito ay maaaring maging normal, bakit mo tutularan ang mga bansang baon-sa-utang? Sa halip na lumikha ng mga kayamanan para sa mga tao, maaaring paramihin ng labis na pangungutang ang kahirapan at kawalan ng kasiguruhan. Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kawikaan sa Denmark, “mahirap bayaran ang tinapay na nakain na.”
Nakatutuwa naman, ang kaigtingan dahil sa pasanin ng pangungutang ay lubhang nababawasan kapag natuto kang gumasta nang may katalinuhan. Kaya maglaan ng panahon upang maingat na planuhin ang iyong pamimili upang maiwasan ang mga panggigipit na mangutang. Kahit sa mga bansang may matinding implasyon, may mga paraan upang makapagtipid ng salapi—sa pamamagitan ng pagbili ng mga baratilyo at pagbili ng mga kailangan lamang. Iyon ay humihiling ng pamumuhay ayon sa iyong makakaya, handang maghintay o ipagkait ang mga bagay na nais mo.
Tanungin ang iyong sarili: Ang pangungutang ko ba ay magdudulot ng kahirapan sa aking pamilya? Kumusta naman ang tungkol sa aking reputasyon kung hindi ko mabayaran ang utang? Maaaring kumuha ng mahabang panahon upang muling pagkatiwalaan! Sa bagay na ito, may praktikal, matatag na payo na makukuha. Bakit hindi suriin ang Bibliya upang makita kung matutulungan ka nga nito at ang iyong pamilya na pakitunguhan ang tungkol sa pangungutang?
Matutulungan Ka ba ng Bibliya?
Higit na mahalaga, ang Bibliya ay makatutulong sa ating lahat upang linangin ang lubos na pagtitiwala kay Jehova. Tiyak na kailangan natin ng tulong sa “mga panahong [ito na] mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Tayo’y pinapayuhan: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ Anupat tayo ay magkaroon ng lakas ng loob at magsabi: ‘Si Jehova ang aking katulong; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa ng tao sa akin?’” (Hebreo 13:5, 6) Anong pagkahala-halaga nga na magkaroon tayo ng matibay na pananampalataya sa Diyos bilang ating Tagapaglaan!
Bagaman hindi sinasabi ng Bibliya sa bawat tao kung paano gagawa ng ikabubuhay, ito’y nagbibigay ng mahusay na mga tuntunin. Hinimok ni Jesu-Kristo ang kaniyang mga tagapakinig na pangalagaan muna ang kanilang espirituwalidad: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan.” (Mateo 5:3) Tayo rin ay sinabihang magtakda ng mga tunguhin: “Na gawing inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain at gumawa sa pamamagitan ng inyong mga kamay, gaya ng iniutos namin sa inyo; upang kayo ay lumakad nang disente kung tungkol sa mga tao sa labas at hindi nangangailangan ng anuman.” (1 Tesalonica 4:11, 12) Upang mamuhay nang tahimik at magtamasa ng kapayapaan, hindi ba ito humihiling ng pamumuhay ayon sa ating makakaya?
Ang Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na baguhin ang ating pag-iisip. Ipinakita ng manunulat ng Kawikaan ang timbang na pangmalas sa paghiling sa Diyos: “Huwag mo akong bigyan ng karalitaan o kayamanan man. Pakanin mo ako ng pagkain na kailangan ko, upang huwag akong mabusog at aktuwal na ikaila kita at sabihin: ‘Sino si Jehova?’ at huwag nawa ako maging dukha at ako’y aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.” (Kawikaan 30:8, 9) Kaya huwag ikahiya kung kailangan mong matugunan ang iyong pangangailangan sa pamamagitan ng kaunti, pansamantala kahit paano. Huwag hayaang ang iyong kaligayahan ay depende sa materyal na mga bagay, gaya ng marami, inihahambing ang kanilang mga sarili sa iba o labis na nag-aalala tungkol sa materyal na mga pag-aari.—Mateo 6:31-33.
Isa pa, ang Bibliya ay makatutulong sa iyo na linangin ang mabubuting ugali. Matutong maging matipid nang hindi nagiging kuripot, nakasusumpong ng kasiyahan sa mga bagay na kaya mo. Kung ikaw ay isang kabataan, huwag umasang makukuha mo agad kung ano ang natamo ng mga adulto sa mga taon ng paggawa. Iwasang magpaalipin sa materyalismo. Angkop naman, ang Bibliya ay nagbababala sa atin, hindi sa salapi, kundi sa “pag-ibig sa salapi,” na nagsasabi: “Yaong mga determinadong maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa silo at sa maraming walang-kabuluhan at nakasasakit na mga pagnanasa, na nagbubulusok sa mga tao sa pagkapuksa at pagkasira. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ang kanilang mga sarili ng maraming kirot.” (1 Timoteo 6:9, 10) Gaano kahalaga nga na kilalanin mo ang pagkakaiba sa pagitan ng kung ano ang talagang kailangan mo at kung ano ang gusto mo lamang!
Gayunman, inaakala mo bang ang iyong kita ay napakaliit? Totoo, hindi madaling pagtiisan ang mga kasalatan nang hindi nasisiphayo. Gayunpaman, maging handang mamuhay nang wala ang ilang di-mahalagang mga bagay kaysa mangutang para sa mga ito, na maaaring magdulot sa iyo ng mabibigat na pasanin at pinansiyal na pagkalugi pa nga. Maingat na magplano, at maging matipid. Maaari kang kumuha ng praktikal na mga mungkahi sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang may karanasang kaibigan. Makatutulong ba ang pag-aaral ng isang bagong kasanayan upang dagdagan ang iyong kita? Tandaan: Ang pagsunod sa mga simulain ng Bibliya, pag-una sa espirituwal na mga bagay, at lubusang pagtitiwala kay Jehova ay mahalaga—anuman ang kalagayan.—Filipos 4:11-13.
Oo, ang pangungutang ay hindi sulit. May kasabihang: “Ang taong nangungutang ay nasilo sa isang lambat.” Ang pasanin ng utang ay maaaring maging nakapipinsala sa buhay, kalusugan, at espirituwalidad ng pamilya. Lalo pang pinahihirap ng utang ang mangungutang. Ganito ang sabi ng Kawikaan 22:7: “Ang mayaman ay siyang nagpupuno sa mga dukha, at ang manghihiram ay alipin ng taong nagpapahiram.” Kaya nga, iwasan ang di-kinakailangang pangungutang. Maaari pa rin tayong makinabang sa simulaing nasasangkot sa iminungkahi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano: “Huwag kayong magkautang kaninuman ng anumang bagay, maliban sa ibigin ang isa’t isa; sapagkat siya na umiibig sa kaniyang kapuwa ay nakatupad na sa batas.”—Roma 13:8.
Anuman ang kalagayan ng ekonomiya ng inyong bansa, buong pagtitiwalang umasa sa bagong sanlibutan ng Diyos. Di na magtatagal ang sangkatauhan ay hindi na mahahati sa mga nagpapautang at mga manghihiram. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, wala nang magiging mahirap. Ang pangako ni Jehova ay matutupad: “Kaniyang ililigtas ang mahihirap na humihingi ng tulong, at ang nagdadalamhati at sinumang walang katulong. Siya’y maaawa sa dukha at sa mahirap, at ang mga kaluluwa ng mahihirap ay kaniyang ililigtas.” (Awit 72:12, 13) Sa halip na nagpupunyagi lamang upang mabuhay, sa panahong iyon ang mga maninirahan sa lupa ay “makasusumpong ng katangi-tanging kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
[Larawan sa pahina 12]
Thomas Jefferson
[Credit Line]
Guhit ni Gilbert Stuart. Sa kagandahang-loob ng Bowdoin College Museum of Art/Dictionary of American Portraits/Dover
[Larawan sa pahina 13]
Ang mabaon sa pangungutang ay maaaring magpahirap sa iyong pag-aasawa