Pagdalaw sa Bilihan ng Kamelyo sa Omdurman
“NASAAN ang Mowaleeh?” tanong namin. Dinala kami ng aming four-wheel-drive na sasakyan mula sa kabiserang lungsod, Khartoum, tungo sa kanluran sa bandang gilid ng matandang Omdurman, ang pinakamalaking siyudad sa Sudan.
Walang mga karatula sa daan, tanging paikut-ikot na buhanginang daan. Kaya naitanong namin ito sa ilang lalaki na nakasakay sa kanilang mga asno. Ang kanilang mga hayop na pantrabaho ay may kargang mga drum ng inuming tubig. Ang mga nakasakay ay matulungin naman at itinuro kami sa tamang daan. Paglagpas ng walong kilometro, dinala namin ang aming sasakyan sa mataas na hangganan ng buhangin at nakita namin ang kapansin-pansin na tanawin, ang bilihan ng kamelyo sa Omdurman, ang Mowaleeh.
Bakit Dito?
Ito’y ibang-iba mula sa naka-aircon na mga shopping mall sa Kanluran. Ang bilihan ay isinasagawa sa labas ng napakainit na Sahara Desert. Mga tatlong kilometro kuwadrado ang laki, walang makikitang mga hangganan, wala itong mga puno o mga halaman. Sa katunayan, halos ang matatanaw mo ay buhangin. Subalit makikita mo rin ang daan-daang kamelyo at mga pastol na nakasuot ng karaniwang pambansang kasuutan na tinatawag na jalabeeya.
Habang pinagmamasdan namin ang hihip ng manilaw-nilaw na alikabok sa napakalawak na disyerto, napag-isip-isip namin, ‘Bakit nila inilagay ang bilihan dito?’ Di-nagtagal naging maliwanag ang sagot. Para maiba mula sa walang kabuhay-buhay na tanawin, isang pagkalaki-laking tangke ng tubig na nakasabit na tinutustusan ng tubig mula sa isang poso artesyano ang makikita. Ang pinagmumulan ng mahalagang tubig na ito ang nagpapangyari na maging mabuting lugar ito para sa gayong bilihan. Mula rito, karamihan sa mga hayop ay iluluwas ng bansa patungo sa Ehipto at Libya.
Habang kami’y papalapit, sinalubong kami ng nakangiting mga pastol na Arabe. Tinitipon ng bawat may-ari ng kamelyo ang kaniyang mga kamelyo. Napansin namin na marami sa hayop ay nakatali ang kanilang kaliwang binti na nakabaluktot. Bakit nila ginagawa ang pansamantalang paglumpo sa kanilang mga hayop? May pamahiin na ang kaliwang binti ay pag-aari ni Satanas! Kung isasantabi ang pamahiin, ang pagtatali sa isang binti ay nagpapanatili sa hayop na huwag gumala-gala at ginagawa nitong mas madali para sa mga mamimili na suriin ang mga ito.
Mabiling-mabili
Bakit gayon na lamang kabili ang kamelyo? Sapagkat ito ay totoong nasasangkapan para sa mahirap na mga kalagayan sa disyerto; ito’y nagsisilbing transportasyon sa tigang na rehiyong ito. Ang mahaba, tulad hiwang ilong nito ay agad na sumasara sa alimpuyo ng disyerto. Ang mga tainga nito ay nasa likuran ng ulo nito at punô ng naglawitang mga buhok na humahadlang sa pagpasok ng buhangin. Ang malaking umbok nito, na puro taba, ay nagsisilbing taguan ng pagkain sa panahon ng mahahabang biyahe. Ang makakapal na sapin na balat nito sa dibdib at mga tuhod ang nag-iingat dito mula sa mainit na buhangin at nakapipinsalang mga insekto. Higit pa, makakain ng mga kamelyo ang pinakamatitigas at pinakamatitinik na halaman sa disyerto na masusumpungan ng isa at makapaglalakbay sa loob ng ilang araw nang hindi umiinom ng tubig.a
Kapansin-pansin na maraming kamelyo ay hindi nagsisilbing transportasyon. Ang ilan ay binibili lamang bilang pagtutubuan ng salapi. Aba, hanggang sa ngayon, ang mga kamelyo ay ginagamit bilang dote sa mga pag-aasawa! Marami sa hayop na ito ang kinakain pa nga. Sa Omdurman mismo, maraming kainan ang espesyal na naghahanda ng inihaw na karne ng kamelyo. Isa pang kilalang pagkain, ang inasnang pagkain na kamelyo na tinatawag na basturma, ay kalimitang gawa mula sa karne ng kamelyo at itinuturing na pambihirang pagkain sa Ehipto at sa iba pang mga bansa sa Gitnang Silangan.
Hindi nga kataka-taka na ang bilihan ng kamelyo sa Omdurman ay pinagkakaguluhan kapag ang mga kamelyong Arabe na ito na may isang umbok ay dinadala makalawang beses sa isang linggo, karamihan mula sa kanlurang Sudan. Ang mga mamimili ay dinudumog ng mga pastol na Arabe na mahilig ipagparangalan ang kani-kanilang kawan.
Matinding Tawaran
Ang isang inaasahang mamimili ay magsusuri muna sa mga hayop nang maingat at masinsinan. Hihipuin niya ang umbok upang makita kung maraming ipon na taba. Gayunman, ang mga kamelyo ay pinipresyuhan ayon sa laki at gulang nito. Ang mga kamelyong isang-taóng-gulang ay tinatawag na heowar, ang dalawang-taóng-gulang ay tinatawag na mafrood, at wad laboon ang taguri sa tatlong-taóng-gulang na mga kamelyo. Subalit, ang pinakamahal na mga hayop ay yaong nakaabot na sa pagiging waring dalaga o binata ng mga ito. Ang mga babaing kamelyo ay nakaaabot dito sa edad na halos apat na taon, at ang mga lalaki naman ay halos walong taon. Ang mga ito’y tinatawag na heek at sudaies alinsunod sa pagkakasunod. Kapag ipinakita ang isa sa hayop na ito na husto na ang laki, ang inaasahang mamimili ay magsusuring mabuti sa mga ito upang matiyak kung ang hayop ay nakaabot nga talaga sa pagiging dalaga o binata nito.
Minsang nagustuhan ng mamimili ang kamelyo, mag-uumpisa na ang tawaran. Ang kakayahang tumawad ay napakahalagang kasanayan sa Gitnang Silangan! “Be esm Allah” (Sa ngalan ng Diyos) ang unang mga salitang babanggitin. Ngayon magsisimula ang tawaran sa presyo. Mahinahong pag-uusapan ito, nang hindi nagsisigawan, at hindi nagmamadali. Kung ang bumibili at nagbibili ay hindi magkasundo, sila’y magtatapos sa basta pagsasabing “Yeftaah Allah” (Ang Diyos ay magbubukas ng iba pang pagkakataon).
Gayunman, pumunta kami upang magmasid at hindi bumili. Dahil sa hindi kami nagtagal sa napakatinding init, handa na kaming umuwi. Subalit, hindi man lamang alintana ng mga kamelyo ang init. Kaya naman, naalaala namin kung gaano kasanay ang mga ‘bapor [na ito] ng disyerto’ sa kanilang kapaligiran. Walang alinlangang ito’y nangangahulugan ng patuloy na negosyo dito sa kahali-halinang bilihan ng kamelyo sa Omdurman!
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Kamelyong Arabe—Ang Maraming-Gamit na Sasakyan sa Aprika” sa labas ng Hunyo 8, 1992, ng Gumising!