Manatiling Handa Para sa Masayang Kinabukasan
“MANATILING handa,” payo ni Jesus. (Lucas 12:40) Kung mananatili tayong handa, pagdating ni Kristo “taglay ang kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian,” tayo’y makatutugon nang may kagalakan sa kaniyang utos na: “Tumindig kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat ang inyong katubusan ay nalalapit na.”—Lucas 21:27, 28.
Anong uri ng katubusan? Aba, ang uri ng katubusan na tinamasa ni Noe at ng kaniyang sambahayan—oo, sa katapusan ng sanlibutang ito! “Ang sanlibutan ay lumilipas,” sulat ni apostol Juan, “ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Sa bagong sanlibutan ni Jehova, ang makalupang mga sakop ng Hari, si Jesu-Kristo, ay magtatamasa ng buhay na walang-hanggan. “Ang matuwid ang magsisipagmana ng lupa,” sabi ng Bibliya, “at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Anong kamangha-manghang kinabukasan ang ipinangangako ng Diyos para sa kaniyang bayan! “Ang Diyos mismo ay sasakanila,” sabi ng kaniyang Salita. “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Ito ang tunay na hula!—Apocalipsis 21:3, 4.
Subalit, upang tamasahin ang kinabukasang ito, dapat kang kumilos. Ang pagkakaroon ng kaalaman ang unang mahalagang bagay. Ang Bibliya ay nagpapaliwanag: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3.
Kailangan ka ring regular na makipagtipon sa iba na naghahanap ng kaalamang ito, gaya ng payo ng apostol: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon . . . at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Tunay, nakikita ng bayan ni Jehova ang araw ng katubusan tungo sa bagong sanlibutan ng Diyos na papalapit nang papalapit, kaya sila’y nagiging kilala sa kanilang pagtitipong sama-sama.
Nagkokomento tungkol sa isang pagtitipon sa isang malaking istadyum, ang Sunday Telegraph ng London ay nag-ulat: “Wala roong kalungkutang karaniwang nauugnay sa mga naghahayag na ‘Malapit Na ang Wakas.’ Maaaring malapit na ang wakas. Samantala ang lahat ay waring nasisiyahan sa isang mahinahon, matuwid, maka-Diyos ngunit masayang paraan.” Sinabi pa ng pahayagan: “Kung ang kasalukuyang sistema ng sanlibutan ay talagang guguho, ang mga Saksi sa Twickenham ay waring handang organisahin ang isang bagong sanlibutan.”
Ang pananatiling handa ay nangangahulugang pananatiling abala, gumagawa ng isang gawain na gaya ng ginawa ni Noe, na naglingkod noong mga kaarawan bago ang Baha bilang “isang tagapangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Ang pananatiling handa ay nangangahulugan din ng pakikibahagi sa “banal na mga paggawi at mga gawa ng maka-Diyos na debosyon.” Kayo ay inaanyayahan, oo, hinihimok, na sumama sa bayan ni Jehova sa ‘paghihintay at pag-iingat na malapit sa isipan ang pagkanaririto ng araw ni Jehova.’—2 Pedro 3:11, 12.