Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 6/22 p. 17-19
  • Pagnanakaw—Bakit Hindi Dapat?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagnanakaw—Bakit Hindi Dapat?
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Bakit Sila Nagnanakaw
  • Ikinukubling Kirot ng Damdamin?
  • Mga Kasama at ang Kanilang mga Panggigipit
  • Pag-unawa sa Pangmalas ng Diyos
  • Paglaban sa Tukso
  • Pagnanakaw
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Binibigyang-matuwid ba ng Karalitaan ang Pagnanakaw?
    Gumising!—1997
  • Bakit ang Pagnanakaw ay Dumarami?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Bakit Nang-uumit sa Tindahan ang mga Tao?
    Gumising!—2005
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 6/22 p. 17-19

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Pagnanakaw​—Bakit Hindi Dapat?

“Ako’y 16 na taóng gulang at may napakalaking problema. Kamakailan, napakarami kong ninakaw. Nagpunta lamang ako sa shopping mall at nakapagnakaw na ako ng pitong pares ng hikaw. Natatakot ako na sabihin kaninuman ang tungkol sa problema ko. Pakisuyong tulungan ninyo ako!”

GAYON ang sulat ng isang ligalig na tin-edyer na babae sa isang tudling sa magasin na nagpapayo. Ganito ang iniulat ng isang manunulat: “Tinataya na halagang sampung bilyong dolyar ng mga bilihin ang . . . ninanakaw, dinarambong, dinurukot, o kinukupit mula sa mga tindahan bawat taon [sa Estados Unidos]. Ang mga tin-edyer ang may pananagutan sa halos kalahati sa lahat ng salang pang-uumit.”

Ayon sa pinakahuling surbey, mahigit na sangkatlo ng mga estudyante sa haiskul (paaralang sekundarya) ang umamin ng pang-uumit. At ayon sa isa pang surbey, na isinagawa ng mga mananaliksik na sina Jane Norman at Myron Harris, “halos lahat ng [kabataan] ay umaamin na sila’y may kinuha nang hindi binabayaran ito noong minsan.”

Kung Bakit Sila Nagnanakaw

Ang isang magnanakaw ay isa na sadyang kumukuha ng pag-aari ng iba nang walang pahintulot. Kung minsan ang pagnanakaw ay waring nabibigyang-katuwiran dahil sa personal na pangangailangan. “Gipit ako noon,” gunita ng isang naghihirap na kabataan. “Pumupunta ako sa likuran ng isang [fast food restaurant] at sisipain ko ang pinto upang mabuksan at kukuha ako ng ilang piraso ng manok. Iyon lang. Ginawa ko lang iyon dahil sa gutom na ako.”

Isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya’y nagnanakaw upang busugin ang kaniyang kaluluwa pagka siya’y gutom.” Magkagayon man, ang pagnanakaw ay maling asal. Kaya ipinakita ng sumunod na talata sa Bibliya na kahit na ang isang gutom na magnanakaw ay kailangang “magpakabuti” sa pagbabayad nang makapito.​—Kawikaan 6:30, 31.

Kaya, kapansin-pansin na kakaunting tin-edyer na mga magnanakaw ang nagnanakaw dahil sa mahigpit na pangangailangan. Pangkaraniwan ang kabataang gaya ni Mary Jane na umamin: “Oo, nang-umit ako at talagang malaking kalokohan iyon, dahil hindi ko alam kung bakit ko ginawa iyon. Binibigyan ako ng pera ng mga magulang ko para sa lahat ng kailangan ko. Wala na akong kailangan pa.”a Gayundin ang iniulat ng magasing Seventeen: “Sa isang surbey na isinagawa ng National Crime Prevention Council, ang pinakakaraniwang dahilan na ibinigay ng mga nagkasala ay na ibig nila ng isang bagay na libre.” Binibigyang-katuwiran pa nga ng ilang kabataan ang pagiging malikot ng kanilang kamay sa pamamagitan ng pangangatuwiran na ‘napakamahal kasing sumingil [ng mga tindahan]’!

Para sa maraming kabataan, ang pagnanakaw ay isang paraan lamang upang maibsan ang pagkabagot. “Para lang may magawa pagkatapos ng klase,” paliwanag ng dating magnanakaw na nagngangalang Jeremy. Ang pagnanakaw ay waring nagsisilbi ring isang uri ng mapanganib na isports; gustung-gusto ng ilan ang nadarama nilang katuwaan habang kanilang isinisilid ang ninakaw na blusa sa isang bag o inilalagay ang isang compact disc sa knapsack.

Ikinukubling Kirot ng Damdamin?

Mangyari pa, mayroong mas ligtas na mga paraan upang mapaglabanan ang pagkabagot kaysa makipagsapalarang mabilanggo. Kung gayon, maaari kayang mayroon pang nasa likod ng gayong katuwaan kaysa pagnanais ng kaunting kasiyahan lamang? Maraming dalubhasa ang naniniwala na mayroon nga. Sinabi ng Ladies’ Home Journal na “nahihirapan [ang ilang kabataan] na pakitunguhan ang mga panggigipit ng paglaki. Ang pakikipagtalo sa kanilang mga magulang, ang pagkakasira ng pagkakaibigan, ang mababang marka sa pagsusulit, ay maaaring magpangyari sa kanila na mawalan ng kontrol sa kanilang buhay; ang paglabag sa mga tuntunin ay nagpapanauli sa kanila ng pagkadama ng kapangyarihan.”

Oo, sa likod ng pagtatapang-tapangan ng isang magnanakaw ay maaaring nakakubli ang matinding kirot at sakit. Gaya ng sabi ng Bibliya, “maging sa pagtawa man ang puso ay nagiging mapanglaw.” (Kawikaan 14:13) Ipinakikita ng katibayan na ang paulit-ulit na pang-uumit ay maaaring tanda ng panlulumo. Ang ilang kabataang magnanakaw ay natuklasan pa ngang nakaranas ng pang-aabuso noong sila’y mga bata pa. Anuman ang sanhi ng kirot, ang katuwaan sa pagnanakaw ay waring sumusugpo sa kirot na ito​—pansamantala, kahit paano.b Kunin na lamang na halimbawa ang isang Amerikanong kabataan na nakakatuwaan ang pagnanakaw ng mga kotse at dinadala ang mga ito para mag-joyride. “Ang sarap ng pakiramdam,” sabi niya. “Nadarama mong para bang natatakot ka, na parang tuwang-tuwa ka.”

Mga Kasama at ang Kanilang mga Panggigipit

Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang masasamang kasama ay sumisira ng kapaki-pakinabang na mga kinaugalian.” (1 Corinto 15:33) Ang katotohanang ito ay kinikilala nang lubusan. Ganito ang sabi ng isang manunulat na si Denise V. Lang: “Bihira na mapasuong ang isang kabataan sa gulo sa ganang sarili lamang niya.” Kalimitan, ang magkakaedad ay naghahamunan sa isa’t isa para magnakaw ng isang bagay. Nakalulungkot sabihin, maraming kabataan ang nagpapadala sa panggigipit.

“Nasangkot ako sa isang grupo ng mga kabataang babae noong ikatlong taon ko sa haiskul,” sabi ng kabataang si Kathy. Ang kabayaran ng pagiging miyembro sa kanilang eksklusibong samahan? Ang magnakaw ng isang mamahaling pangginaw. “Gusto kong mapasali sa grupong iyon, kaya pumunta ako sa isang tindahan at ninakaw ko ang isang pangginaw,” ang pagtatapat niya.

Pag-unawa sa Pangmalas ng Diyos

Ang pag-asam ng pagkakaroon ng mga bagay na di mo kayang bilhin, ng kasiyahan sa mapanganib na mga katuwaan, o ng pagtanggap ng mga kaedad ay maaaring magpangyari na tila kaakit-akit ang pagnanakaw. Gayunman, isa sa Sampung Utos sa Bibliya ay: “Huwag kang magnanakaw.” (Exodo 20:15) Si apostol Pablo ay sumulat na ‘ang mga magnanakaw ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.’ (1 Corinto 6:10) Ang pangmalas ng Diyos ay dapat na lalong makabahala sa mga kabataan na pinalaki bilang mga Kristiyano. Anong kapaimbabawan nga na mag-anyong may kabanalan at palihim na kumikilos na isang magnanakaw! Ganito ang sabi ni apostol Pablo: “Gayunman, ikaw ba, ang isa na nagtuturo sa iba, ay hindi nagtuturo sa iyong sarili? Ikaw, ang isa na nangangaral na ‘Huwag magnakaw,’ nagnanakaw ka ba?”​—Roma 2:21.

Ang nakahihiyang pagkaaresto ay isang sapat na dahilan upang iwasan ang masamang ugali ng pagnanakaw. Pagkatapos na mahuli, isang kabataang magnanakaw ang nagsabi: “Gusto ko nang mamatay.” Ang pagkaalam na ‘kinamumuhian [ni Jehova] ang pagnanakaw’ ang pinakamatinding dahilan upang iwasan na mapadala sa simbuyo ng damdamin​—o sa panggigipit​—na magnakaw. (Isaias 61:8) Kahit na maitago pa ng isa ang kaniyang pagnanakaw mula sa mga opisyal ng tindahan, pulis, at mga magulang, hindi makapagtatago ang isa mula kay Jehova. Ang pagsisiwalat ay hindi maiiwasan.​—Isaias 29:15.

Tandaan din na nagpapatigas sa isang tao ang kasalanan. (Hebreo 3:13) Ang maliliit na pagnanakaw ay maaaring humantong sa mas pangahas at walang-taros na mga gawain. Halimbawa, pinasimulan ng kabataang si Roger ang buhay niyang may masamang gawa sa pamamagitan ng pagnanakaw ng pera sa pitaka ng kaniyang ina. Di-nagtagal ay nanununtok na siya ng matatandang babae at nang-aagaw ng kanilang mga pitaka!

Paglaban sa Tukso

Totoo naman, kung ang isa ay namihasa na magnakaw nang palihim, ang paghinto ay hindi madali. “Para ba itong pagkasugapa,” pag-amin ng isang kabataan. Ano ang maaaring makatulong sa isang kabataan upang mabago ang kaniyang mga pag-uugali?

Ipagtapat ang iyong kasalanan sa Diyos. Siya’y “malayang makapagpapatawad” sa mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakasala at tahasang nagtatapat sa kaniya.​—Isaias 55:7.

Humingi ng tulong. Maraming mambabasa ng magasing ito ang nakaaalam sa Kristiyanong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa kanilang lugar. Sila’y maaaring lumapit sa lokal na Kristiyanong mga tagapangasiwa at humingi ng espirituwal na tulong at pagtutuwid. (Santiago 5:14, 15) Ang mga magulang na may mabuting moral na mga simulain ay maaari ring pagmulan ng tulong at suporta. Kung ang sakit ng damdamin, kirot, o basta pagkabagot ang nasa likod ng maling paggawing ito, ang pakikipag-usap ng mga bagay-bagay sa isang madamaying tagapakinig ay makatutulong nang malaki.​—Kawikaan 12:25.

Magbayad-pinsala. Sa ilalim ng Batas Mosaiko, ang mga magnanakaw ay hinihilingang magbayad sa mga ninakaw na may interes. (Levitico 6:4, 5) Ang paggawa ng gayon ay hindi lamang tumutulong upang maging malinis ang budhi ng isa kundi inilalagay rin sa isip ng isa ang hirap na idinudulot ng pagnanakaw sa iba. Ang Bibliya ay nangangako na kapag ang isang tao ay ‘nagsauli ng kinuha sa pagnanakaw, at lumakad sa panuntunan ng buhay . . . siya’y walang pagsalang patuloy na mabubuhay. Siya’y hindi mamamatay.’​—Ezekiel 33:15.

Sugpuin ang damdamin ng pagkainggit at kasakiman. Ang huli sa Sampung Utos ay, “Huwag mong imbutin . . . ang anumang bagay ng iyong kapuwa.” (Exodo 20:17) Kung may bagay na talagang kailangan mo​—o ibig mo​—subalit hindi mo kaya, marahil ay maaari kang maghanap ng paraan upang kumita ng pera upang mabili ito. Ganito ang payo ni apostol Pablo: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap, na gumagawa sa pamamagitan ng kaniyang mga kamay ng mabuting gawa.”​—Efeso 4:28.

Bantayán ang iyong mga kasama. “Kung kasama mo ang isang kaibigan o isang grupo ng mga kaibigan na gumagawa ng mali o nagkakasala,” ang paalaala ng manunulat na si Denise Lang, “ikaw ay maituturing din na may sala dahil lamang sa pagiging naroroon na kasama nila.” Magkaroon ng lakas na tumanggi kung ang iyong mga kasama ay nagmumungkahi na gumawa ng bagay na ipinagbabawal.​—Kawikaan 1:10-19.

Isaalang-alang ang pinsala na magagawa ng pagnanakaw sa iba. Ang isang magnanakaw ay nag-iisip lamang sa kaniyang sarili. Subalit si Jesus ay nagpapayo sa atin: “Lahat ng mga bagay, kung gayon, na ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang dapat ninyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Kapag natutuhan ng isa na magmalasakit sa ibang tao, ang isa ay di-gaanong mahihilig na gumawa ng bagay na makapipinsala sa iba.

Isipin ang kahihinatnan nito para sa iyo. (Galacia 6:7) Sa halip na isipin kung gaano kainam na maangkin ang makináng na alahas o gamit na iyon na hindi mo kayang bilhin, isipin kung gaano kahiya-hiya na mahuli at malitis; isipin ang kahihiyan na maidudulot mo sa iyong mga magulang at sa Diyos mismo! Tiyak na maipapasiya mo na ang pagnanakaw ay hindi talaga magandang idea.

[Mga talababa]

a Ang ilang pangalan ay pinalitan.

b Hindi natin tinatalakay rito ang kleptomania​—isang sakit sa isip na napagkikilanlan sa pamamagitan ng masidhing pagnanais na magnakaw. Sinasabi ng mga doktor na bihira ang kleptomania, nararanasan ng wala pang 5 porsiyento ng kilaláng mga nang-uumit. Ang sakit ay kalimitang nilulunasan sa pamamagitan ng gamot.

[Larawan sa pahina 18]

Ang mga nang-uumit ay kalimitang nagdaranas ng kahihiyan dahil sa pagkahuli

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share