Kung Paano Ako Nakinabang Mula sa Pangangalaga ng Diyos
NOONG umaga ng Mayo 18, 1963, nagising akong mas maligaya kaysa karaniwan. Ito ang pasimula ng isang maganda, mainit at masayang araw. Ngunit bago ko ipaliwanag kung bakit ang araw na iyon ay napakaespesyal sa akin, hayaan mong ikuwento ko sa iyo ang kaunti tungkol sa akin.
Ako’y ipinanganak sa Philadelphia, Pennsylvania, E.U.A., noong Mayo 20, 1932, ang bunsong babae sa isang pamilya ng apat na anak na babae. Ang aking nanay ay namatay nang ako’y dalawang taóng gulang, at si Tatay ay muling nag-asawa nang ako ay limang taon. Nang maglaon, anim na mga kapatid na lalaki at babae ang naparagdag sa aming pamilya. Kami’y mga Baptist, at noong minsan ay naisip ko pa nga ang tungkol sa pagiging isang guro sa Sunday-school.
Ako’y isinilang na may rheumatoid na artritis, na siyang dahilan ng napakahirap na pagkabata. Nang ako’y siyam na taon, sinabi sa akin ng isang doktor na lalo pa akong lálalâ sa paglipas ng panahon. Nakalulungkot nga, ang kaniyang hula ay nagkatotoo. Noong ako’y 14, hindi na ako makalakad. Sa wakas ang aking mga kamay, paa, at mga binti ay lubusang nalumpo, at ang aking mga balakang ay naging matigas at makirot. Ang aking mga daliri sa kamay ay pumangit nang husto anupat nahirapan akong sumulat o basta dumampot ng mga bagay. Dahil sa aking kalagayan, hindi na ako nakabalik sa paaralang bayan.
Nang ako’y maospital sa gulang na 14, ako’y maligaya sapagkat pinayagan ako ng mga nars na gumawa ng mumunting bagay upang tumulong sa kanila. Gustung-gusto ko ang trabahong ito. Nang maglaon, hindi na ako makaupo nang mag-isa. Sinabi ng mga doktor sa aking mga magulang na wala na silang magagawa sa akin, kaya pagkatapos gumugol ng tatlong buwan sa ospital, ako’y pinauwi.
Nang sumunod na dalawang taon, hanggang nang ako’y 16, wala akong gaanong ginawa kundi ang mahiga sa kama. Isinagawa na ako’y paturuan sa bahay, ngunit nang panahong iyon lumalâ ang aking kalagayan. Nagkaroon ako ng ulser sa aking kanang bukungbukong, gayundin ng rheumatic fever, anupat kailangan kong bumalik sa ospital. Doon ako naging 17. Minsan pa ay nanatili ako sa ospital nang tatlong buwan. Pag-uwi ko ng bahay, hindi na ako puwedeng paturuan sa bahay.
Nang ako’y malapit nang maging 20, napakamiserable ko at ginugol ko ang maraming panahon ko sa pag-iyak. Alam kong may Diyos, at maraming ulit na ako’y nanalangin sa kaniya na tulungan ako.
Isang Pag-asa sa Hinaharap
Samantalang nasa Philadelphia General Hospital upang gamutin pa nang husto ang aking bukungbukong, nakasama ko sa isang kuwarto ang isang batang babaing nagngangalang Miriam Kellum. Kami’y naging magkaibigan. Kung dumalaw ang kapatid ni Miriam na si Catherine Miles, binabahaginan ako ni Catherine ng impormasyon mula sa Bibliya. Nang ako’y lumabas ng ospital, sa paano man ay nagawa kong patuloy na makipagtalastasan kay Catherine, na isang Saksi ni Jehova.
Nakalulungkot naman, ayaw na ayaw sa akin ng aking madrasta. Nang ako’y 25, ako’y lumipat na kasama ng isa sa aking nakatatandang kapatid na babae, at nagkataon namang si Catherine ay lumipat sa isang bahay sa kanto. Tinawagan ko siya, at sinimulan niyang makipag-aral ng Bibliya sa akin na ginagamit ang aklat na Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat bilang pantulong sa pag-aaral. Anong laking kagalakan na malaman na hindi ako laging magiging lumpo at na balang araw lahat ng kabalakyutan ay mawawala na! (Kawikaan 2:21, 22; Isaias 35:5, 6) Ang mga katotohanang ito ay nakaakit sa akin, pati na ang pag-asa ng pagkabuhay-muli at ang pag-asang muling makita ang aking ina.—Gawa 24:15.
Agad akong dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Bubuhatin ako ng asawa ni Catherine sa kanilang kotse at dadalhin ako sa Kingdom Hall. Kapag ako’y nagtutungo sa mga pulong, ako’y napatitibay ng pag-ibig na ipinakikita sa akin.
Pagdaig sa mga Hadlang
Nakalulungkot nga, ang aking kapatid na babae at ang kaniyang asawa ay naghiwalay, na nangailangan na ako minsan pa ay pumisan sa aking ama at madrasta. Yamang ang aking madrasta ay totoong salansang sa mga Saksi ni Jehova, kailangan kong mag-aral ng Bibliya nang palihim mula noong 1958 hanggang 1963. Hindi niya pinapayagan ang sinumang Saksi ni Jehova na pumunta sa bahay. Ako’y nakikipag-aral sa iba’t ibang kapatid sa pamamagitan ng telepono o kung ako’y nasa ospital.
Ang isa pang hadlang ay na kung minsan hindi ako pinakakain at pinaliliguan ng aking madrasta. Minsan ay hindi niya pinaliguan ang aking buhok sa loob ng walong buwan. Hindi rin niya ako pinapayagang bumasa ng anumang sulat na hindi niya muna sinasang-ayunan. Gayunman, kitang-kita ang pangangalaga ni Jehova, sapagkat pinayagan ako ng aking kapatid na lalaki na sa kaniyang bahay bumagsak ang aking sulat. Ang kaayusang ito ay nagpangyari kay Pat Smith, isang Kristiyanong kapatid na babae na naging kasulatán ko, na makipag-ugnayan sa akin at magbigay sa akin ng pampatibay-loob mula sa Kasulatan. Ipupuslit sa akin ng aking kapatid na lalaki ang mga sulat ni Pat; sasagutin ko naman ang mga ito, at ipupuslit naman ng aking kapatid na lalaki ang aking mga sulat palabas.
Noong 1963, kailangan kong bumalik sa ospital, at ipinagpatuloy ni Pat Smith ang pakikipag-aral sa akin doon. Isang araw ay tinanong niya ako: “Nais mo bang magpabautismo sa ating pansirkitong asamblea?”
“Oo!” ang tugon ko.
Ako’y nasa rehabilitation ward at maaari akong makakuha ng isang pases para sa isang araw. Noong araw ng pansirkitong asamblea, sinundo ako ni Pat, kasama ng iba pang mga Saksi. Kinailangang buhatin ako ng mga kapatid sa isang partisyon at ibinaba ako sa tubig upang ako’y mabautismuhan. Ngayon isa na akong lingkod ni Jehova! Iyon ay noong Mayo 18, 1963, isang araw na hinding-hindi ko malilimutan.
Labas-Pasok sa mga Nursing Home
Noong Nobyembre, ako’y palabas ng ospital. Ayaw ko nang bumalik sa bahay sapagkat alam kong ang aking paglilingkod kay Jehova ay matatakdaan doon. Kaya gumawa ako ng mga kaayusan na pumasok sa isang nursing home. Doon ay nagsimula akong makibahagi sa ministeryo sa pamamagitan ng pagsulat sa mga taong mahirap matagpuan ng mga Saksi sa bahay-bahay na ministeryo. Binabasa ko rin ang mga pitak na obituwaryo sa pahayagan at sumusulat sa mga kamag-anak niyaong namatay kamakailan, na naglalakip ng nakaaaliw na mga kasulatan buhat sa Bibliya.
Pagkatapos, noong Mayo 1964, ako’y lumipat sa New York City upang tumira na kasama ng aking ate at ng kaniyang asawa. Binilhan niya ako ng aking unang silyang de gulong, at ako’y nagsimulang dumalo ng mga pulong. Anong laking kagalakan iyon na iharap ang aking unang pahayag sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro noong nasa New York City!
Maaga noong 1965, hiniling ng ilang kaibigan sa Philadelphia na magbakasyon ako ng dalawang linggo sa kanila. Noong ako’y naroon sa Philadelphia, ang kapatid kong babae ay sumulat at sinabi niya sa akin na ayaw na niyang tumira ako sa kaniya at na manatili na lamang ako sa aking kinaroroonan. Isinaayos ko na muling pumasok sa isang nursing home. Noong nakatira ako roon, patuloy akong dumadalo sa mga pulong at nagpapatotoo sa mga tao sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham. Noong panahong ito ay napalawak ko ang aking ministeryo sa pamamagitan ng pakikibahagi sa gawain na nakikilala bilang auxiliary pioneer.
Tumatanggap ng Maibiging Pangangalaga
Isa pang tanda ng pangangalaga ni Jehova ang tulong na ibinigay sa akin ng West Congregation ng mga Saksi ni Jehova sa Philadelphia. Bukod pa sa pagdala sa akin sa Kristiyanong mga pulong, binibigyan nila ako ng papel na susulatan at iba pang panustos na kailangan ko para sa aking ministeryo.
Noong 1970 isa pang katibayan ng pangangalaga ni Jehova ang nangyari nang gumawa ng mga kaayusan para ilipat ako na kasama ni Maude Washington, isang Kristiyanong kapatid na babae at retiradang nars. Bagaman siya ay malapit nang maging 70 anyos nang panahong iyon, handa siyang alagaan ako nang sumunod na dalawang taon hanggang sa hindi na niya kayang gawin.
Noong ako’y kasama ni Maude, ang mga kapatid sa Ridge Congregation sa Philadelphia ay gumawang puspusan upang tiyakin na akadadalo ako sa lahat ng mga pulong. Ito’y nangailangan ng pagbubuhat sa akin paakyat at pababa ng tatlong sunud-sunod na hagdan tatlong beses sa isang linggo. Anong laki ng pasasalamat ko sa mga matapat na nagbuhat upang tulungan akong makadalo sa mga pulong!
Noong 1972, nang hindi na ako kayang pangalagaan ni Sister Washington, nagpasiya akong umupa ng sarili kong apartment. Ang pagbabagong ito ay hindi magiging posible kung wala ang mapagsakripisyo-sa-sarili na tulong at pag-ibig ng Kristiyanong mga kapatid na babae sa Ridge Congregation. Gumawa sila ng mga kaayusan upang pakanin ako, paliguan ako, at pangalagaan ang aking personal na mga pangangailangan. Ang iba ay tumulong sa pamamagitan ng pamimili at pag-aasikaso sa iba pang mahalagang mga bagay.
Tuwing umaga ang mga kapatid na babae ay dumarating upang pakanin at bihisan ako para sa araw na iyon. Pagkatapos akong tulungan na makaupo sa aking silyang de gulong, itutulak nila ako hanggang sa aking mesa sa isang munting sulok ng apartment, malapit sa isang bintana. Doon ako mauupo, makikibahagi sa ministeryo sa paggamit ng telepono at sa pagsulat ng mga liham. Tinawag ko ang dakong ito ng aking apartment na paraisong sulok, palibhasa’y dinekorasyunan ko ito ng maraming teokratikong mga tanawin. Gugugulin ko ang maghapon sa aking ministeryo hanggang may dumating sa gabi at pahigain ako sa kama.
Noong 1974 ang aking kalusugan ay nangailangan na ako’y maospital. Noong ako’y naroon, sinikap ng mga doktor na gipitin akong magpasalin ng dugo. Pagkaraan ng halos isang linggo, nang bumuti na ang aking kalagayan, dalawa sa mga doktor ang dumalaw sa akin. “Oh, natatandaan ko kayong dalawa,” sabi ko sa kanila. “Kinumbinsi ninyo akong magpasalin ng dugo.”
“Oo,” sagot nila, “ngunit alam naming hindi ito magtatagumpay.” Nagkaroon ako ng pagkakataong magpatotoo sa mga doktor tungkol sa pangako ng Bibliya na pagkabuhay-muli at tungkol sa Paraisong lupa.—Awit 37:29; Juan 5:28, 29.
Noong unang sampung taon na ako’y namuhay na mag-isa, ako’y nakadalo sa Kristiyanong mga pulong. Lagi kong dinadaluhan ito maliban na lamang kung ako’y maysakit. Kung masama ang panahon, babalutin ng mga kaibigan ang aking mga paa ng kumot at tatakpan ito upang panatilihin itong tuyo. Paminsan-minsan ay dumadalaw sa akin ang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Noong panahon ng kaniyang mga pagdalaw, “sinasamahan” niya ako sa isang pag-aaral sa Bibliya na idinaraos ko sa paggamit ng telepono. Ito ang mga panahon ng malaking kagalakan para sa akin.
Pakikitungo sa Lumalaláng Kalagayan
Noong 1982, umabot na ako sa kalagayang hindi na ako makabangon sa higaan. Hindi na ako makadalo sa mga pulong, ni makapagpayunir, na patuloy kong nagawa sa loob ng 17 taon. Ang mga kalagayang ito ay nagpangyari sa akin na maging napakalungkot, at ako’y madalas na umiiyak. Gayunman, kitang-kita ang pangangalaga ni Jehova—isinaayos ng Kristiyanong matatanda na idaos ang Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat sa aking maliit na apartment. Anong laki ng pasasalamat ko hanggang ngayon sa paglalaang ito!
Palibhasa’y hindi na ako makaalis sa aking kama sa buong araw at hindi na ako makapunta sa aking mesa, nagsimula akong magsanay na sumulat sa isang pirasong papel na nasa dibdib ko. Sa umpisa, ang aking pagsulat ay hindi mabasa, ngunit dahil sa maraming pagsasanay, nababasa na ito. Sa loob ng ilang panahon nagawa ko na namang magpatotoo sa pamamagitan ng pagsulat ng mga liham, at ito’y nagdulot ng kagalakan sa akin. Nakalulungkot naman, ang aking kalagayan ay lalo pang lumalâ, at hindi na ako makabahagi sa aspektong ito ng ministeryo.
Bagaman pisikal na hindi na ako nakadadalo ng pandistritong kombensiyon mula noong 1982, sinisikap kong magkaroon ng espiritu ng okasyon kung panahon ng kombensiyon. Isang Kristiyanong kapatid na babae ang nagdadala sa akin ng isang lapel card at ikinakabit ito sa aking bata. Gayundin, binubuksan ko ang telebisyon sa isang laro ng baseball sa Veteran’s Stadium sa Philadelphia at iniisip ko kung saan ako nakaupo kung panahon ng mga kombensiyon doon. Karaniwan na, may nagrerekord ng programa ng kombensiyon upang mapakinggan ko ang lahat ng ito.
Hindi Sumusuko
Bagaman hindi ko na nagagawa ang marami sa dati kong nagagawa sa ministeryo, palaisip pa rin ako sa pakikipag-usap sa mga tao tungkol sa mga katotohanan ng Bibliya. Ang makapagpayunir ako at makatulong sa maraming interesado na mag-aral ng Bibliya ay naging pinagmumulan ng kagalakan. Bagaman hindi madali na mamuhay nang mag-isa sa nakalipas na 22 taon, nagtamasa ako ng kalayaan na maglingkod kay Jehova nang walang sagabal, na hindi ko sana nagawa kung nanatili ako sa bahay.
Nakita ko rin ang pangangailangang gumawang puspusan upang baguhin ang akin mismong personalidad. Kung minsan ang aking mga pananalita ay hindi laging magiliw kapag nagbibigay ng direksiyon sa mga nagboboluntaryong tumulong sa akin. (Colosas 4:6) Patuloy akong nananalangin kay Jehova na tulungan akong sumulong sa bagay na ito. Talagang nagpapasalamat ako sa matiyaga at mapagpatawad na espiritu na ipinakita niyaong nagtiis sa akin sa nakalipas na mga taon dahil sa pag-ibig. Ang kanilang maibiging tulong ay isang pagpapala na ipinagpapasalamat ko sa kanila at kay Jehova.
Bagaman pisikal na hindi na ako nakadadalo sa mga pulong sa loob ng mga taon—hindi na ako makaalis sa aking apartment sa lahat ng panahon maliban nang minsan upang magtungo sa ospital—ako’y nagagalak at maligaya pa rin. Totoo, ako’y nanlulumo kung minsan, ngunit tinutulungan ako ni Jehova na makaraos dito. Ako ngayon ay nasisiyahang makinig sa mga pulong sa pamamagitan ng hookup sa telepono sa Kingdom Hall. Sa pagtitiwala kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin at pananalig sa kaniya, kailanma’y hindi ko nadamang ako’y nag-iisa. Oo, talagang masasabi kong ako’y nakinabang sa pangangalaga ni Jehova.—Gaya ng inilahad ni Celeste Jones.
[Larawan sa pahina 24]
Tinawag ko ang dakong ito kung saan nakikibahagi ako sa ministeryo na paraisong sulok