Nakakita Ka Na ba ng “Thylacine”?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA AUSTRALIA
‘NAKAKITA ako ng ano?’ baka maitanong mo. ‘Ni hindi ko nga alam kung ano ang thylacine.’
Ang totoo, ang “thylacine” ay pinaikling anyo ng buong soolohikal na pangalang Thylacinus cynocephalus at ang pangalan ng kahali-halinang hayop sa Australia, ang Tasmanian tiger, o Tasmanian wolf.
Ang thylacinus cynocephalus ay literal na nangangahulugang “asong may lukbutan na may ulo ng lobo,” subalit ang hayop ay binigyan ng iba’t ibang mas simpleng pangalan ng sinaunang Europeong mga nanirahan sa Tasmania, ang maliit na islang estado ng Australia. Ang mga pangalang gaya ng zebra opossum, hyena, zebra wolf, at dog-headed opossum ang pangkaraniwan. Ang mga Aborigine (katutubo), na naroroon na sa Tasmania bago pa man din dumating ang mga puti noong halos 200 taóng nakalipas, ang tumawag sa thylacine sa pangalang corinna.
Ang Tasmanian tiger ay itinuturing ngayon na lipol na, subalit ng mga ispesimen na pinatigas ay masusumpungan sa mga museo. Ang huling alam na nabubuhay na thylacine ay namatay noong 1936 sa isang zoo sa Hobart, ang kabisera ng Tasmania. Gayunman, may mga nagsasabi na mayroon pa ring nabubuhay na mga thylacine na nagtatago sa iláng ng Tasmania, at patuloy na may nag-uulat na may nakakita.
Bagaman talagang hindi kapamilya ng tigre, ang pangalang Tasmanian tiger ay malamang na bumangon dahil sa ito’y kapuwa guhitang hayop at dahil sa ito’y kumakain ng karne. Ang litaw-na-litaw, maitim na kayumangging kulay, halos itim, na mga guhit ang nasa likod nito at pababa sa mahaba, matigas na buntot nito. Ang isa pang kahali-halinang bagay rito ay na ang thylacine ay isang marsupial—iyon ay, ang babae ay may lukbutan. Ang mga anak ay isinisilang na maliit, di pa husto ang paglaki, at walang paningin subalit umaakyat ang mga ito sa lukbutan ng kanilang ina, kung saan sila’y sumususo hanggang sa mahusto ang paglaki at malakas-lakas na para humiwalay. Ang munting bagong silang ay nananatili sa lukbutan ng inang thylacine sa loob ng mga tatlong buwan bago makipagsapalaran. Subalit, minsang makalabas sa lukbutan, di-matatagalan ang bunsong thylacine ay bubuntut-buntot sa ina sa paghahanap niya ng pagkain.
Sinasabi na ang thylacine ang napag-alaman na pinakamalaking kumain-ng-karne na marsupial sa kasalukuyang panahon. Di-gaya ng mga marsupial na gaya ng kangaroo, ang babaing thylacine ay may lukbutan na ang bukás ay paharap sa dulo ng katawan. Maaari itong magkarga at magpasuso ng apat na batang thylacine nang sabay-sabay.
Gaano Karami Ito?
Bagaman ang pinta ng mga Aborigine sa bato, mga fossil, at pinatuyo at embalsamadong mga ispesimen ng thylacine ay natagpuan sa maraming bahagi ng Australia, ang pangunahing tirahan ng thylacine ay waring sa Tasmania. Kahit doon ito’y hindi kailanman dumami. Ang mga tao ang pangunahing dahilan ng pagkalipol nito. Ang Tasmanian tiger ay isang maninila mismo, subalit hindi nito kaya ang tuso at sakim na mga mangangaso na pinatunayan ng ilang puting nanirahan doon. Dahil sa mausisa at totoong di-takot sa tao, ang thylacine ay madaling mabaril at masila.
Maraming magbubukid ang nagsasabi na ang Tasmanian tiger ay pumapatay ng tupa, kaya ang nakatutuksong pabuya ay inialok ng malalaking kompanya gayundin ng pamahalaan ng Tasmania. Ang buháy na mga ispesimen na nahuli ay agad na kinuha ng mga zoo sa ibang bansa. Bagaman ang bilang ng thylacine ay walang alinlangang naapektuhan ng malubhang di-kilalang sakit na sumalot sa karamihan ng mga hayop sa iláng sa Tasmania maraming taon na ang nakalipas, di-palak ang napakalaking bilang ng napatay ay gawa ng tao.
Pambihirang mga Paraan ng Panghuhuli
Ang thylacine ay karaniwang nanghuhuli nang mag-isa subalit kung minsan ay magkapares. Ang paraan nito ay puntiryahin ang isang hayop, gaya ng maliit na kangaroo, pagkatapos ay dadambahin ito, tutugisin ito. Minsang manghina at mapagod ang hayop na nasila, lulundagan at papatayin ito ng thylacine sa pamamagitan ng malalakas na panga nito. Ang isa pang pambihirang bagay sa di-pangkaraniwang hayop na ito ay ang pagbuka ng mga panga nito, ang nakagugulat na 120 digris!
Ang ugali nito sa pagkain ng ilang bahagi lamang ng patay na hayop—karaniwan na ang laman-loob lamang—ay nagpangyari sa iba na tagurian itong walang-taros na pumapatay. Subalit upang mapakinabangan ang waring pagsasayáng na ito, isa pang mas maliit, kumakain-ng-karne na marsupial, ang kumakain-ng-bulok na Tasmanian devil (na umiiral pa rin) ang susunud-sunod sa tigre at agad na tatapos sa lahat ng natira—mga buto, balahibo, at lahat ng iba pa.
Waring ang thylacine ay hindi panganib sa tao. Walang katibayan na kailanma’y nanila ng tao ang mga ito. Nagugunita pa ng isang matanda na gabing-gabi na noon, maraming taon na ang nakalipas, siya’y nakaupo sa harap ng apuyan na gamit sa kamping, na nagbabasa, nang sa likod ng apoy ay nakita niyang biglang lumitaw ang isang Tasmanian tiger na gumagapang, nanunubok at may pagbabantang papalapit sa kaniya. Dahil sa natatakot na salakayin, dahan-dahan niyang inabot ang kaniyang baril, maingat na itinutok sa apoy, at bumaril. Kakatwang napabaligtad ang thylacine subalit waring hindi naman nasaktan, dahil sa ito’y tumalon at naglaho sa dilim. Saka sinuri ng lalaki ang anumang bakas ng dugo, para makita kung gaano kalubhang nasaktan niya ang tigre. Sa harap mismo ng apoy, natuklasan niya ang isang malaking opossum na tinamaan ng bala niya. Iyon pala ang palihim na minamanmanan ng thylacine!
Kumusta Naman ang Iniuulat na Nakikita?
Napakaraming iniulat na nakakita sa thylacine sapol nang mamatay ang huling nahuli noong 1936, subalit hanggang sa ngayon kakaunting katibayan ang nailabas upang kumbinsihin ang mga soologo na mayroon pang nabubuhay. Waring tanging aktuwal na larawan o buháy na huli ang makakukumbinsi sa mga opisyal na ang mga thylacine ay nabubuhay pa.
Maraming matatandang tao na naninirahan sa mga lalawigan sa Tasmania ay nagsasabing hindi nila sasabihin kung may nakita silang isang Tasmanian tiger. Sila’y nababahala sa bagay na maaga noong kapanahunan nila, ang ibang tao ang may pananagutan sa waring pagkalipol ng pambihirang hayop na ito. Kung may mga thylacine man na umiiral pa rin, ibig ng mga taong yaon na huwag nang gambalain pa ang mga ito.
Kaya kapag sila’y tinanong, “May nakita ka bang thylacine kamakailan?” ang kanilang sagot—totoo man o hindi—ay, “Wala!”
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Tom McHugh/Photo Researchers