Ano ang Ilan sa mga Problema?
Mga lolo’t lola, mga magulang, at mga apo—tatlong salinlahi na mga ilang dekada lamang ang pagitan, gayunman kung tungkol sa takbo ng pag-iisip ay ga-bangin ang pagitan.
MARAMING lolo’t lola ang nakaranas ng nakatatakot na karanasan ng ikalawang digmaang pandaigdig, taglay ang lahat ng mapangwasak na mga bunga nito. Ang kanilang mga anak ay malamang na bata pa noong panahong iyon ng mga protesta at ng biglang paglakas ng negosyo noong dekada ng 1960. Ang kanilang mga apo ngayon ay nabubuhay sa isang daigdig na salát sa mga pamantayan. Palibhasa’y mabilis na nagbabago ang mga kilalang huwaran sa ngayon, hindi madali para sa isang salinlahi na ipasa sa susunod na salinlahi ang isang pagpapahalaga sa karanasan nito mismo. May isang bagay na kulang, isang bagay na maghihikayat sa mga tao ng ibang salinlahi na makipagtulungan at igalang ang isa’t isa. Ngunit ano nga ba ito?
Kadalasan, ang mga lolo’t lola na may mabuting-intensiyon ay nakikialam sa mga suliranin ng pamilya ng kanilang may-asawang mga anak, nagrereklamo na ang mga magulang ay tila alin sa napakahigpit o napakaluwag sa mga apo. Sa kabilang panig naman, isang kasabihang Kastila ang nagsasabi: “Ang parusa mula sa mga nuno ay hindi nagbubunga ng mababait na apo”—yamang ang mga lolo’t lola ay mahilig maging mapagpalayaw. Marahil sila’y nakikialam sapagkat nais nilang maiwasan ng kanilang mga anak ang ilang pagkakamali na, dahil sa kanila mismong karanasan, nakikita nilang malinaw. Gayunman, maaaring hindi nila muling natatantiya at nauunawaan ang nagbabagong mga kaugnayan sa kanilang may-asawang mga anak sa isang timbang na paraan. Ang mga anak, na dahil sa pag-aasawa ay nagkaroon na ng malaong-hinahangad na kalayaan, ay hindi handang magparaya sa pakikialam. Ngayon na sila’y nagtatrabaho upang itaguyod ang pamilya, ayaw nilang tanggapin ang mga panghihimasok sa kanilang karapatang magpasiya para sa sarili. Ang mga apo, na nag-aakalang alam na nila ang lahat, ay nagagalit sa mga tuntunin at mga regulasyon at marahil ay itinuturing ang kanilang mga lolo’t lola na di-alumana ang kasalukuyang mga katotohanan ng buhay. Sa modernong lipunan, ang mga lolo’t lola ay para bang nawalan ng kanilang pang-akit. Ang kanilang karanasan ay madalas na niwawalang-bahala.
Kapag Huminto Na ang Pag-uusap
Kung minsan ang di-malagusang hadlang ng kawalan ng pagkakaunawaan sa isa’t isa ay naghihiwalay sa mga lolo’t lola sa iba pa sa pamilya kahit na kung sila’y kapisan ng kanilang mga anak. Nakalulungkot nga, ito’y nangyayari sa mismong panahon kung kailan, dahil sa katandaan, kailangan ng mga lolo’t lola higit kailanman ang pagmamahal. Ang isang tao ay hindi kailangang maging nag-iisa upang madama na siya’y nag-iisa. Kapag huminto na ang pag-uusap, kapag ang paggalang at pagmamahal ay nahahalinhan ng paghamak o pagkayamot, ang mga resulta ay ganap na paglayo ng damdamin at matinding pagkasiphayo sa bahagi ng mga lolo’t lola. Masamang-masama ang kanilang loob. Ang tagapagturong si Giacomo Dacquino ay sumulat: “Ang pag-ibig sa loob ng pamilya, na inihalintulad kamakailan sa isang matanda, lumang modelo, ay siya pa ring pinakamahusay na lunas. Ang isang maunawaing bukás ng mukha, isang mabait na ngiti, isang nakapagpapatibay na salita, o isang haplos ay malaki ang nagagawa kaysa maraming gamot.”—Libertà di invecchiare (Kalayaang Tumanda).
Malaki ang Magagawa ng Iyong Halimbawa
Ang tensiyon na bunga ng humihinang mga kaugnayan sa pamilya ay sanhi rin ng patuloy na mga reklamo ng isang salinlahi laban sa isa. Maaaring akalain ng isang miyembro ng pamilya na anuman ang ginagawa ng isa ay mali. Ngunit ang masasamang resulta ay nadarama ng lahat. Napapansin ng mga anak kung paano pinakikitunguhan ng kanilang mga magulang ang mga lolo’t lola at, ano naman ang reaksiyon ng kanilang mga lolo’t lola. Sa kalakhang bahagi, bagaman ang matatanda na ay maaaring nasasaktan nang hindi ipinakikita ang kanilang damdamin, naririnig, nakikita, at natatandaan ito ng mga apo. Sa gayon ang kanila mismong huwaran ng paggawi sa hinaharap ay naiimpluwensiyahan. Bilang mga adulto, malamang na pakitunguhan nila ang kanilang mga magulang kung paanong pinakitunguhan nito ang mga lolo’t lola. Imposibleng iwasan ang simulain ng Bibliya na: “Anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
Kung nakikita ng mga apo ang mga magulang na tinatrato ang mga lolo’t lola sa mapanghamak na paraan—pinagtatawanan sila, walang-galang na sinasawata sila, o pinagsasamantalahan pa nga sila—maaaring ganito rin ang gawin nila sa mga magulang nila kapag ang mga ito’y tumanda na. Hindi sapat na panatilihin ang larawan ng mga nuno na nakakuwadro sa istante—sila’y kailangang igalang at mahalin bilang mga tao. Balang araw, gayunding pagtrato ang maaaring ibigay ng mga apo. Sinasabing ang patalandaan ng mga nunong minamaltrato ay higit at higit na nagiging palasak. Sa ilang bansa sa Europa, ang mga linya ng telepono na maaaring tawagan kapag ang isa ay may problema ay ininstala upang mamagitan alang-alang sa minaltratong mga may edad na tao, kahawig niyaong ginagamit nang linya sa telepono para sa proteksiyon ng mga bata.
Ang kasakiman, pagmamataas, at kakulangan ng pag-ibig ang pinagmumulan at nagpapalalâ sa kawalan ng pang-unawa. Kaya, ang bilang niyaong nagsisikap na mapaalis ang kanilang mga lolo’t lola sa pamamagitan ng paglalagay sa kanila sa mga pahingahang tirahan ay dumarami. Ang ilan ay handang gumastos ng malaking halaga upang mapalaya ang kanilang mga sarili sa problema ng pangangalaga sa mga matanda na, ipinagkakatiwala sila alin sa pantanging mga center na nasasangkapan ng lahat ng pinakabagong teknolohiya o sa mga nayon para sa mga nagretiro gaya niyaong sa Florida o California, E.U.A., kung saan may napakaraming supermarket at mga libangan ngunit salát pa rin sa ngiti at haplos ng mga minamahal at yakap ng mga apo. Lalo na kung panahon ng bakasyon, marami ang naghahanap ng lugar na mapag-iiwanan nila kina lola at lolo. Sa India ang kalagayan kung minsan ay maaaring masahol pa kung saan ang ilang lolo’t lola ay basta pinababayaan at saka iniiwan upang mamuhay sa ganang sarili.
Ang mga problema sa pagpapanatiling malapit ng mga kaugnayan ng pamilya ay pinasisidhi pa ng diborsiyo. Tanging 1 Britanong pamilya sa 4 ang may tatay at nanay pa na kapisan ng pamilya. Ang diborsiyo ay dumarami sa buong daigdig. Sa Estados Unidos, may mahigit na isang milyong diborsiyo sa bawat taon. Kaya di-inaasahang nasusumpungan ng mga lolo’t lola ang kanilang mga sarili na nakakaharap ang mga suliranin sa pag-aasawa ng kanilang mga anak at ang resultang malaking pagbabago sa mga kaugnayan sa kanilang mga apo. Karagdagan pa sa kahihiyan sa pakikitungo sa isang dating manugang na lalaki o sa isang dating manugang na babae ang problema “ng biglang pagdating ng ‘namanang’ mga apo” kung, gaya ng iniulat ng pahayagang Italyano na Corriere Salute, “ang bagong kabiyak ng kanilang anak na lalaki o babae ay may mga anak sa naunang pag-aasawa.”
“Isang Pampasigla sa Aming Buhay”
Gayunman, ang isang magiliw, mapagmahal na kaugnayan sa mga lolo’t lola, sila man ay kapisan ng pamilya o hindi, ay kapaki-pakinabang sa lahat. “Ang paggawa ng isang bagay para sa aming mga anak at mga apo,” sabi ni Ryoko, isang lola mula sa Fukui, Hapón, “ay sapat na upang magbigay ng isang pampasigla sa aming buhay.” Ayon sa mga resulta ng pananaliksik na inilathala ng Corriere Salute, isang grupo ng mga dalubhasa mula sa E.U. ang iniulat na nagsabi: “Kapag ang mga lolo’t lola at mga apo ay may mabuting karanasan ng pagtatamasa ng isang matindi at mapagmahal na kaugnayan, ang pakinabang ay malaki hindi lamang sa mga bata kundi sa buong pamilya rin.”
Kung gayon, ano ang magagawa upang mapagtagumpayan ang personal na mga di-pagkakaunawaan, mga agwat sa salinlahi, at likas na mga hilig sa kasakiman na nagkakaroon ng negatibong impluwensiya sa mga kaugnayan ng pamilya? Ang paksang ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 6]
“Ang hindi magandang bagay tungkol sa pagtanda ay ang hindi ka pinakikinggan.”—Albert Camus, nobelistang Pranses