Ano ang Magagawa Mo Tungkol sa Mabahong Hininga?
Sinasabing ito ang isa sa pinakakaraniwang reklamo sa daigdig, na nagpapahirap sa mahigit na 80 porsiyento ng mga adulto sa iba’t ibang kalagayan. Ito’y maaaring maging sanhi ng pagkapahiya, pagkabigo, at pagkahapis.
SA LARANGAN ng medisina, ito’y kilala bilang halitosis, mula sa salitang Latin na halitus, nangangahulugang “hininga,” at ang hulapi na -osis, na tumutukoy sa abnormal na kalagayan. Tinatawag din ito ng ilan na di-kanais-nais na amoy ng bibig. Subalit ito’y basta kilala ng nakararaming tao bilang mabahong hininga!
Ikaw ba’y may mabahong hininga? Bagaman hindi ka mahihirapan na mabatid ang mabahong hininga ng ibang tao, maaaring imposible na mapansin mo ito sa iyong sarili. Isang babasahin para sa American Dental Association, ang JADA, ay nagpapaliwanag na may tendensiya tayo na masanay sa mismong mabahong hininga natin anupat maging ang mga tao “na napakabaho ng hininga ay hindi na mapapansin ang kanila mismong problema.” Sa gayon, karamihan sa atin ay nakababatid ng mismong mabahong hininga natin kapag itinawag pansin na lamang ito ng iba sa atin. Anong laking kahihiyan!
Ang bagay na ito’y karaniwang problema ay hindi nakapagpapalubag-loob. Ang mabahong hininga ay karaniwang itinuturing na kahiya-hiya at di-kanais-nais. Sa ilang kalagayan, maaari pa nga itong maging sanhi ng malubhang sugat sa emosyon. Ganito ang paliwanag ni Dr. Mel Rosenberg, pinuno ng Laboratory of Oral Microbiology sa Tel Aviv University sa Israel: “Ang di-kanais-nais na amoy ng bibig, ito man ay tunay o nasa isip lamang, ay maaaring humantong sa pagkahiwalay sa lipunan, pagdidiborsiyo, at maging ng pag-iisip na magpatiwakal.”
Ano ba ang Batid Tungkol sa Mabahong Hininga?
Ang mga dalubhasa sa kalusugan ay matagal nang kumilala sa mabahong hininga bilang isang potensiyal na pahiwatig ng di-mabuting kalusugan. Sa dahilang iyan, sapol noong unang panahon ay pinag-aralan na ng mga doktor ang mga amoy sa bibig ng tao.
Halos dalawang daan taon na ang nakalipas, inimbento ng kilalang kimikong Pranses na si Antoine-Laurent Lavoisier ang panuri sa hininga upang mapag-aralan ang mga bagay na bumubuo sa hininga ng tao. Sapol noon, ginawa ng mga siyentipiko ang pinasulong na mga modelo. Sa ngayon, ang mga laboratoryo sa Canada, Israel, Hapón, at sa Netherlands ay gumagamit ng halimeter, na siyang sumusukat sa antas ng di-kanais-nais na amoy sa bibig. Sa New Zealand, gumawa ang mga siyentipiko ng mga plaque-growth station, kilala rin bilang artipisyal na mga bibig. Ginagaya nito ang kalagayan ng karaniwang bibig ng tao, na may laway, plaque, baktirya, at maging ng mabahong hininga.a
Sa tulong ng makabagong teknolohiya, napag-alaman ng mga siyentipiko ang maraming bagay hinggil sa ating hininga. Halimbawa, ayon sa magasing Scientific American, “nakilala ngayon ng mga mananaliksik ang halos 400 sumisingaw na halong elementong organiko sa normal na hininga ng tao.” Subalit, hindi lahat ng halong elementong ito ay nagdudulot ng mabahong amoy. Ang pangunahing nagdudulot ng mabahong hininga ay ang hydrogen sulfide at methyl mercaptan. Di-umano ang mga gas na ito ang nagbibigay ng amoy sa ating hininga na kagaya ng amoy ng skunk.
Ang bibig ng tao ang tinitirhan ng mahigit na 300 uri ng baktirya. Ganito ang sabi ng Tufts University Diet & Nutrition Letter: “Dahil sa madilim, mainit, at mamasa-masa, ang bibig ang pinakaangkop na kapaligiran upang mabuhay ang baktirya na nagdudulot ng amoy.” Subalit apat lamang na uri ang pangunahing dahilan ng mabahong hininga. Ang mga ito ay nasa iyong bibig, subalit malamang na hindi mo alam ang pangalan ng mga ito. Ang mga ito ay ang Veillonella alcalescens, Fusobacterium nucleatum, Bacteroides melaninogenicus, at Klebsiella pneumoniae. Ang mga ito ay nanginginain sa mga tinga, patay na selula, at iba pang bagay sa bibig. Ang gawain ng baktiryang ito ang nagdudulot ng mabahong mga gas. Ang proseso ay katulad ng nangyayari kapag ang basura ay nabubulok. Angkop naman, ganito ang paliwanag ng babasahing tungkol sa ngipin na J Periodontol: “Sa karamihan ng kaso, ang mabahong hininga ay nagmumula mismo sa bibig, bilang resulta ng pagkabulok na likha ng mikrobyo [pagkabulok ng organikong mga bagay].” Kung hindi bibigyang pansin, ang proseso ay maaaring humantong sa pagkabulok ng ngipin at sakit sa gilagid.
“Magandang Umaga! Kumusta ang Iyong Hininga?”
Ang prosesong ito ng pagkabulok sa bibig ay mabilis sa panahong tulog. Bakit? Kung araw, ang bibig ay palaging nahuhugasan ng sagana sa oksiheno at medyo maasidong laway, inaalis ang baktirya. Gayunman, ang oras-oras na pagkakaroon ng laway ay nababawasan ng hanggang halos 1/50 ulit kaysa normal na bilis kung tulog. Gaya ng sabi ng isang magasin, ang tuyong bibig “ay nagiging mabahong lawa ng mahigit na 1,600 bilyong baktirya,” na lumilikha ng kilalang “pang-umagang hininga” na may kasamang masamang lasa.
Ang nabawasang pagdaloy ng laway ay maaari ring pinasisimulan ng kaigtingan kapag ikaw ay gising. Halimbawa, ang isang ninenerbiyos na tagapagsalita sa madla ay maaaring matuyuan ng bibig habang nagsasalita at maaaring humantong sa masamang kalagayan ng mabahong hininga. Ang panunuyo ng bibig ay masamang epekto rin o sintoma ng ilang sakit.
Subalit ang masamang hininga ay hindi laging bunga ng gawain ng baktirya sa bibig. Sa katunayan, ang di-kanais-nais na amoy sa bibig ay kalimitang sintoma ng iba’t ibang kalagayan at mga sakit. (Tingnan ang kahon sa pahina 22.) Sa dahilang ito, sa mga kaso ng di-maipaliwanag na pamamalagi ng mabahong hininga, makabubuting magpagamot.
Ang mabahong hininga ay maaari ring magmula sa tiyan. Gayunman, kabaligtaran sa karaniwang paniwala, bihirang mangyari ito. Mas malimit, ang di-kanais-nais na mga amoy ay umaabot sa iyong bibig mula sa mga baga. Paano? Pagkatapos na matunaw ang ilang pagkain, gaya ng bawang o sibuyas, pumapasok ang mga ito sa daluyan ng dugo at naililipat sa mga bagà. Sa gayon ang naghalong mga amoy ay inihihingang palabas sa daluyan ng palahingahan na labas-pasok sa iyong bibig at ilong. Ayon sa magasing Health, “ipinakita ng mga pagsusuri na ang mga tao ay nag-aamoy bawang kahit na ang mga bawang ay ipinahid lamang sa mga talampakan ng kanilang mga paa o nilulon nang hindi nginuya.”
Ang pag-inom ng mga inuming de alkohol ay maaari ring magdulot ng amoy ng alkohol sa iyong dugo at mga bagà. Kapag nangyari ito, wala ka talagang magagawa para maituwid ang kalagayan kundi ang maghintay. Ang ilang amoy ng pagkain ay tumatagal sa iyong katawan hanggang sa 72 oras.
Kung Paano Maiiwasang Magkaroon ng Mabahong Hininga
Ang mabahong hininga ay hindi malulunasan ng basta pagnguya lamang ng tulad-kending pampabango ng hininga. Tandaan na ang mabahong hininga ay kalimitang resulta ng gawain ng baktirya sa bibig. Dapat na isaisip lagi ng isa na ang mga tinga na nananatili sa bibig ay pinagpipiyestahan ng milyung-milyong baktirya. Kaya naman, ang isang mahalagang paraan upang masugpo ang mabahong hininga ay panatilihing malinis ang iyong bibig, sa gayo’y binabawasan ang pagdami ng baktirya. Ito’y ginagawa sa pamamagitan ng laging pag-aalis ng mga tinga at plaque sa iyong ngipin. Paano? Ang pagsisipilyo ng iyong ngipin pagkatapos kumain at bago matulog ay mahalaga. Subalit ang pagsisipilyo ay isa lamang sa mga hakbang.
May mga ngipin na hindi naaabot ng sipilyo. Kaya ang paggamit ng floss nang minsan sa isang araw ay mahalaga. Iminumungkahi rin ng mga dalubhasa ang banayad na pagsisipilyo ng iyong dila, na siyang paboritong tinataguang lugar at kung saan nagpaparami ang baktirya. Ang pana-panahong pagpapasuri at pagpapakutkot ng ngipin sa dentista at isang dental hygienist ay kailangan din. Ang pagwawalang-bahala sa mga hakbang na ito ay maaaring magbunga ng mabahong hininga at, pagdating ng araw, malulubhang sakit sa ngipin at gilagid.
May ilang pansamantalang mga hakbang na maaaring gawin upang mapabango ang hininga. Uminom ng maraming tubig, ngumuya ng di-matamis na gum—gumawa ka ng bagay na maglalaway ka. Tandaan na ang laway ay kumikilos bilang likas na panghugas ng bibig na nag-aalis ng baktirya at lumilikha ng kapaligirang hindi nila matitirhan.
Ang mga nabibiling pangmumog ay makatutulong, subalit ipinakita ng kamakailang mga pagsusuri na hindi ka dapat lubusang umasa sa mga ito kapag sinusugpo ang mabahong hininga. Sa katunayan, ang malimit na pagmumumog ng mga pangmumog na may alkohol ay maaaring makapagpatuyo ng bibig. Ang ilan sa pinakamabisang mga produkto na pangmumog na nakukuha ng mamimili ay nakapag-aalis ng 28 porsiyento lamang ng plaque. Kaya pagkatapos na magmumog na mabuti ng inyong paboritong pangmumog, nagtataglay ka pa rin sa iyong bibig ng mahigit na 70 porsiyento ng dating dami ng baktirya. Ipinaliliwanag ng magasing Consumer Reports na sa isang sunud-sunod na eksperimento, “ang mabahong hininga ay karaniwang bumabalik sa pagitan ng 10 minuto at isang oras pagkatapos magmumog” ng pangmumog. Maging ang matatapang na pangmumog, na makukuha sa maraming bansa kung inihahatol lamang, ay nakababawas ng plaque nang 55 porsiyento lamang. Sa loob ng mga oras, bumabalik din ang baktirya sa dating bilang ng mga ito.
Maliwanag, kung may kinalaman sa paghadlang sa mabahong hininga, ang pabayang saloobin ay dapat iwasan. Sa halip, dapat mong ituring ang iyong bibig at ngipin bilang mahahalagang kagamitan na kailangan ng palaging pagmamantini. Ang responsableng mga karpentero at mga mekaniko ay nag-iingat ng kanilang mga gamit mula sa pangangalawang, pagkaagnas, at iba pang sira sa pamamagitan ng pagsunod sa espesipikong mga paraan ng pagmamantini sa tuwing natatapos ang bawat gawain. Ang iyong ngipin at bibig ay higit na mahalaga kaysa gawang-taong mga gamit. Kaya ibigay ang kailangang pag-iingat at pangangalaga sa mga ito. Sa paggawa nito, mababawasan mo ang baho ng hininga, kasama na ang kabiguan at pagkapahiya. Higit na mahalaga, mas magiging malinis at malusog ang iyong bibig.
[Mga talababa]
a Ang plaque ay isang malagkit na materyal na namumuo sa ibabaw ng ngipin. Ito’y binubuo ng halos baktirya na nakasisira sa iyong ngipin at gilagid.
[Kahon sa pahina 22]
Ano ang mga Sanhi ng Mabahong Hininga?
Ang sumusunod ay ilan sa maraming kalagayan, sakit, at kaugalian na maaaring maging sanhi ng mabahong hininga:
Brongkitis
Malalang gastritis
Diabetes
Pag-inom ng inuming de alkohol
Panunuyo ng bibig
Empyema
Pagdighay
Sakit sa gilagid
Hiatal hernias
Sakit sa bato
Sakit sa atay
Buwanang Dalaw
Mga singaw sa bibig
Obulasyon
Di-mabuting kaugalian sa kalinisan sa bibig
Sinusitis
Paninigarilyo
Ilang uri ng kanser
Ilang uri ng gamot
Sirang ngipin
Tuberkulosis
Mga sugat mula sa operasyon sa bibig
[Kahon sa pahina 24]
Ang Iyong Dila ay Nangangailangan Din ng Pansin
Magtungo ka sa pinakamalapit na salamin, at tingnan mong mabuti ang iyong dila. Punô ba ito ng maliliit na bitak? Normal ito. Subalit ang mga bitak na ito sa ibabaw ng iyong dila ay maaaring maglaan ng mabuting tirahan para sa milyun-milyong baktirya. Kapag hindi nagagalaw, ang baktirya ay maaaring lumikha ng patuloy na problema ng mabahong hininga at iba pang maruming kalagayan. Gayunman, kalimitang nakaliligtaan ng mga tao ang dila kapag nagsasagawa ng paglilinis sa bibig.
Sinasabi ng mga dentista na ang regular na pagsisipilyo sa dulo sa ibabaw ng dila nang may malambot na buhok ng sipilyo ang siyang lunas sa mabahong hininga. Iminumungkahi ng ilang dalubhasa ang paggamit ng pangkaskas ng dila. Sa India, matagal nang ginagamit ng mga tao ang pangkaskas ng dila bilang paraan upang maiwasan ang mabahong hininga. Mga ilang taon na ang nakalipas ang mga ito ay yari sa metal, subalit ngayon mas karaniwan ang plastik na mga pangkaskas. Sa ilang lugar, bakâ kailangan mong magpatingin sa iyong dentista upang magkaroon ka ng isang pangkaskas.
[Mga larawan sa pahina 23]
Kasali sa mabuting kaugalian sa kalinisan sa bibig ay ang paggamit ng floss gayundin ang pagsisipilyo sa ngipin at dila
[Picture Credit Line sa pahina 21]
Life