Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Batang Mahirap Supilin Taglay ko ang taos-pusong pagpapasalamat dahil sa nabasa ko ang mga artikulo ng Nobyembre 22, 1994, tungkol sa “Pag-unawa sa mga Batang Mahirap Supilin.” Ang aking anak na lalaki ay mayroong ADHD (Attention Deficit Hyperactivity Disorder). Sa loob ng maraming taon iniisip ko kung ano ang kasalanang nagawa ko para magkaroon ng napakahirap supiling anak. Inaralan ko siya ng Bibliya at ibinigay ang lahat ng kaniyang kailangan, pero bawat araw ay natatakot akong gisingin siya sa umaga at sunduin siya sa hapon mula sa paaralan. Inaasahan ko na ang impormasyon ay tutulong sa lahat na nakakaharap ang mga batang may ADHD.
E. W., Estados Unidos
Mayroon akong sampung-taóng-gulang na anak na lalaki na napakahirap supilin. Kung minsan ay nakadarama ako ng panlulupaypay, panlulumo, pag-iisa, at hindi nauunawaan. Maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng pag-asa—at maraming praktikal na mga mungkahi.
H. S., Timog Aprika
Iyak ako nang iyak habang binabasa ko ang mga artikulo. Ang aking anak na lalaki ay may ADD (Attention Deficit Disorder). Napakahirap ng buhay para sa mga batang ito. Gayunman, sila’y mahalaga at karapat-dapat sa paggalang at, higit sa lahat, pag-ibig.
B. W., Estados Unidos
Natuklasan namin anim na buwan na ang nakalilipas na ang aming anak na lalaki ay may ADHD. Sa edad na dalawang taon, napakaligalig niya, hindi mapakali sa Kristiyanong mga pulong, isinasalya ang iba, nagtatatakbo, at laging nasasaktan ang kaniyang sarili. Ang ilan ay lumayo sa amin, at maging ang aming mabubuting kaibigan ay walang magawa kundi ang makapagbitiw na rin ng masasakit na komento kung minsan. Salamat sa paglalarawan sa mga problema sa gayong maunawaing paraan.
R. F., Alemanya
Ako’y 15 taóng gulang at may ADHD. Nakaaaliw malaman na nauunawaan at matutulungan kami ni Jehova. Palagi akong naggagamot, at malaki ang naitutulong nito. Higit akong nakapagtutuon ng aking isip sa gawain sa paaralan, sa gawain sa bahay, at sa pag-aaral sa Bibliya. Pinahahalagahan ko ang mga artikulo sapagkat ipinakita ninyo sa iba na ang sakit na ito ay totoo at hindi nauusong sakit lamang.
S. K., Estados Unidos
Ang mga artikulong ito ay nakatulong sa aming mag-asawa na ipanatag ang aming loob sa pagkadama ng kakulangan bilang mga magulang. Ipinalagay ng aming mga kaibigan na may mabuting layunin na ang aking anak na lalaki, na may ADHD, ay laki sa layaw o “nangangailangan lamang na paluin.” Ang mga artikulo ay maaaring makatulong sa kanila na maunawaan ang mahirap na kalagayan na dinaranas ng maraming magulang.
T. G., Estados Unidos
Paglikha ng mga Trabaho Salamat sa inyong artikulo na “Paglikha ng mga Trabaho sa Nagpapaunlad na mga Bansa.” (Oktubre 22, 1994) Sa ngayon ako ay nag-aaral at nagpaplano na maging isang payunir (buong-panahong ebanghelisador) kapag natapos ako. Ang pinakamalaking problema ay ang paghahanap ng trabaho. Hanggang sa ngayon ang ibig ko ay trabahong nakaupo lamang na hindi ko kailangang magbanat ng buto nang husto, subalit nahiya ako sa sarili ko nang malaman ko na ang aking mga kapatid na Kristiyano sa nagpapaunlad na mga bansa ay nagtatrabaho ng kahit anong magagawa nila. Ngayon ay magtatrabaho ako ng kahit ano na magpapahintulot sa akin na makapagpayunir.
Y. T., Hapón
1914 Kababasa ko pa lamang ng inyong mga artikulong “1914—Mga Putok ng Baril na Yumayanig Pa Rin sa Ating Daigdig.” (Nobyembre 8, 1994) Ibig kong ipaabot sa inyo na hindi pa ako kailanman nakabasa ng impormasyon na napakaliwanag at simple tungkol sa gayong mainit na usapin. Ang mga paaralan sa aming bansa ay hindi tumatalakay nang husto sa kasaysayan ng mga digmaan sa daigdig, subalit ang pagtatamo ng unawa sa paksang ito ay napakalaking kapakinabangan sa pag-unawa sa mga pangyayari sa daigdig.
W. S., Venezuela
Mga Crossword Puzzle Nais kong sabihin kung gaano ako nasisiyahan sa inyong mga crossword puzzle, lalo na ang nasa labas ng Disyembre 8, 1994. Inudyukan ako nito na magsaliksik pa nang higit sa Bibliya. Ang mga himaton ay nakasulat sa paraan na nagtutulak sa akin na suriin ang nabanggit na kasulatan—bagaman alam ko na ang sagot. Salamat sa gayong kapaki-pakinabang at nakasisiyang mga puzzle!
D. S., Estados Unidos