Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Talaga Bang Maaari Akong Maging Kaibigan ng Diyos?
MAAARI akong maging kaibigan ng Diyos? Imposible, ang palagay ng 20-taóng-gulang na si Doris. “Ako’y isang hamak lamang at totoong hindi karapat-dapat para magustuhan ninuman,” ang daing ng kabataang babaing ito. “Iniiwasan ko pa ngang manalangin sa Diyos na Jehova dahil inaakala kong hindi ako karapat-dapat sa kaniyang harapan.” Sa kaibuturan, nadarama ng ilang kabataan ang pagiging lubusang di-karapat-dapat sa pakikipagkaibigan ng Diyos. Bagaman maaaring pinakaaasam nila ang idea ng pagiging kaibigan ng Diyos, inaakala nila na hindi nila maaabot iyon. Ganiyan din ba ang iyong nadama?
Kung minsan, ang sarili mismong kahinaan ng isang kabataan ang magpapangyari sa isang kabataan na makadama pa nga na hindi siya karapat-dapat lumapit sa Diyos. Kuning halimbawa ang kabataang si Michael. Sinabi niya na bago niya napahalagahan ang maka-Diyos na mga paraan, siya’y “lipos ng halos lahat ng makasalanan at masamang kaisipan at gawa na mayroon.” Gayunman, ang kaniyang natutuhan mula sa kaniyang pag-aaral ng Bibliya ang nagpangyaring matanto niya ang hapis at kabiguan na idinudulot niya sa Diyos. Ganito ang paliwanag niya: “Pinalilitaw sa bawat pagpupulong sa kongregasyon ang di-kukulangin sa isa sa aking mga pagkukulang. . . . Hindi ko makita ang pagpapatawad ni Jehova sa waring walang katapusang mga kasalanan ko yamang hindi ko mismo mapatawad ang aking sarili.”
Sa ibang mga kalagayan, kung paano pinakikitunguhan ng iba ang isang kabataan ay maaaring magpadama sa kaniya na hindi siya karapat-dapat sa pakikipagkaibigan ni Jehova. Halimbawa, si Doris, na sinipi sa pasimula, ay pinabayaan ng kaniyang ina nang siya’y maliit pa. Ganito ang kaniyang pagsisiwalat: “Sa palagay ko’y walang nagmamahal sa akin. Kung ang sarili ko mismong ina at pamilya ay iniwan ako, posible ba na may magmalasakit pa sa akin?” Kapag ang isang kabataan ay pinakitunguhan sa isang mapanghamak at mapang-abusong paraan mula sa pagkabata, bakâ totoong maniwala siya na hindi siya kailanman iibigin ng Diyos na maging kaibigan.
Sa kabilang panig naman, ang isang kabataan ay maaaring naging kaibigan ng Diyos subalit, dahil sa kahinaan, ay nahulog sa paggawa ng malubhang kasalanan. Ito ang nangyari kay Tracy. “Hiyang-hiya ako,” ang paghihinagpis ng 21-taóng-gulang na ito, “ang kirot at pagkadama ko ng kasalanan ay hindi ko makayanan. Labis kong nasaktan ang aking Ama, si Jehova.”
Marahil ay nasumpungan mo ang iyong sarili sa isang kalagayang gaya ng nabanggit. Subalit may pag-asa pa: Maaari mong maging kaibigan ang Diyos!
Kung Bakit Ka Maaaring Maging Kaibigan ng Diyos
Totoo na ang makasalanang mga gawa ay maaaring makahadlang sa isa mula sa pagiging kaibigan ng Diyos. Nakatutuwa naman, ang ating maibiging Ama ang unang kumilos upang tulungan tayo. “Inirerekomenda ng Diyos ang kaniyang sariling pag-ibig sa atin sa bagay na, samantalang tayo ay mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay para sa atin,” sulat ni apostol Pablo. (Roma 5:8) Sa pamamagitan ng kaniyang kamatayan, nagbayad si Jesus ng pantubos upang mailigtas ang mga taong nagpapahalaga mula sa lubusang pananaig ng kasalanan. (Mateo 20:28) Kaya, sinabi pa ng apostol: “Tayo’y mga kaaway ng Diyos, subalit ginawa niya tayong mga kaibigan niya sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.”—Roma 5:10, Today’s English Version.
Bago nagpahalaga sa mga pamantayan ni Jehova, ang ilang kabataan, gaya ni Michael na nabanggit sa pasimula, ay maaaring nasangkot sa malubhang pagkakasala. Subalit, sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesus, ang isa ay mapatatawad mula sa mga nagawang kasalanan, gaano man kalubha ang mga ito. Ang Bibliya ay nagbibigay ng nakapagpapasigla sa puso na katiyakan: “Kung ipahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at matuwid upang patawarin tayo sa ating mga kasalanan at linisin tayo mula sa lahat ng kalikuan.” (1 Juan 1:9) Gayunman, ang isang tao ay dapat na gumawa ng mga hakbang upang ipakita sa Diyos na pinahahalagahan niya ang gayong paglilinis. Sinabi ni apostol Pablo ang isang simulain na maaaring ikapit: ‘“Tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay,” sabi ni Jehova, “at tatanggapin ko kayo. At ako ay magiging isang ama sa inyo.”’ (2 Corinto 6:17, 18) Anong nakagagalak na bagay na malaman na kung ang isang tao ay tatalikod sa paggawa ng kasalanan at tunay na magsisisi, handa siyang pagkalooban ng Diyos ng Kaniyang pagsang-ayon bilang isang kaibigan.
Kumusta naman ang mga kabataan na pinalaki sa isang mapang-abusong kalagayan? Tandaan na hindi itinuturing ng Diyos ang mga tao na maysala sapagkat sila’y ginawan ng mga bagay na labag sa kanilang kalooban. Ang mga taong iyon ay mga biktima sa halip na mga nakibahagi sa kasalanan. Tandaan din na ang iyong halaga bilang isang tao ay hindi nakasalig sa paghatol ng ibang tao. Si Jehova ay maaari mong maging Kaibigan sa kabila ng iyong mga kalagayan. Si Maureen ay pinalaki ng isang Kristiyanong ina sa isang tahanan na lipos ng karahasan dahil sa kaniyang alkoholikong ama. Subalit sinabi niya: “Sa gitna ng ganitong kaguluhan, kahit paano ay nagkaroon ako ng kaugnayan kay Jehova. Nakilala ko siya bilang Isa na hindi ako kailanman iiwan.”
Paano Kung Nakagawa Ka ng Malubhang Pagkakasala?
Si Doug, na pinalaki ng maka-Diyos na mga magulang, ay nasangkot sa seksuwal na imoralidad sa edad na 18. Ito’y dahil sa kaniyang masasamang kasama. “Alam kong mali ito, pero patuloy kong ginawa ito sapagkat gusto kong mag-good time,” ang pag-amin ni Doug. Nang maglaon, naunawaan ni Doug ang kahangalan ng kaniyang landas. Ganito ang inamin niya: “Napag-unawa ko na ang lahat ng di-umano’y mga kaibigan ko ay ginagamit lang ako upang magkapera o mag-good-time.” Sa gayo’y gumawa siya ng mga hakbang upang matamo muli ang pakikipagkaibigan kay Jehova. Subalit napakalaking sagwil ang humadlang sa kaniyang pagsulong.
“Ang pangunahing bagay na nagpahirap sa akin na makabalik ay na nadama kong ako’y totoong hindi karapat-dapat,” ang pagtatapat ni Doug. “Nadama ko na ang lahat ng nagawa ko ay masama sa paningin ni Jehova. Ang pagkaalam kung gaano siya kabuti at kung gaano niya ako pinagtiisan, para bang wala nang paraan para mapatawad niya ako dahil sa napakasama ko.” Subalit, napagtagumpayan ni Doug ang balakid na ito sa tulong ng isang elder sa kongregasyon at sa pamamagitan ng maingat na pagsasaalang-alang ng ulat sa Bibliya tungkol kay Manases.
Sino si Manases? Isang hari ng sinaunang Juda. Sinasabi ng Bibliya na siya’y tinuruan ng kaniyang maka-Diyos na ama, si Hezekias, na ibigin si Jehova. Subalit pagkamatay ng kaniyang ama at siya’y naging hari sa edad na 12, inakala niya na magagawa niya ang balang maibigan niya. Ipinagpalit niya ang pagsamba kay Jehova sa pagsamba kay Baal. Ang gayong pagsamba ay kinakitaan ng napakalaswa at walang-habas na seksuwal na mga gawain. Si Manases ay “gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ni Jehova, upang mungkahiin siya sa galit.” Sa pamamagitan ng isang tapat na tagapagsalita, “si Jehova ay patuloy na nakipag-usap kay Manases at sa kaniyang bayan, ngunit niwalang-bahala nila siya.” Pagkatapos, bilang kapayahagan ng paghatol ni Jehova, si Manases ay dinalang bihag sa Babilonya.—2 Cronica 31:20, 21; 33:1-6, 10, 11.
Nang pag-isipan ni Manases ang kaniyang nakalipas na mga gawa at ihambing ang mga ito sa kung ano ang naaalala niya sa mga batas ni Jehova, siya’y nalipos ng pagkadama ng pagkakasala at nagsumamo sa paghingi ng kapatawaran. Nagpakumbaba siya sa harapan ng Diyos at ‘siya’y patuloy na dumalangin sa Kaniya.’ At “hinayaan [ng Diyos] na siya’y magsumamo at dininig Niya ang kaniyang paghingi ng pabor at ibinalik siya sa Jerusalem sa kaniyang pagkahari.” Oo, “ang Ama ng magiliw na mga awa” ay handang payagan ang nagsisising makasalanang ito na lumapit na muli sa kaniya. Pagkatapos tumanggap ng gayong awa, si Manases ngayon, mula sa sariling karanasan, ay “nakilala na si Jehova ang tunay na Diyos.”—2 Cronica 33:12, 13; 2 Corinto 1:3.
Kung matatanggap na muli ni Jehova si Manases, tiyak na hahayaan rin niya ang isang suwail na kabataan na muling magkaroon ng kaugnayan sa Kaniya kung ang kabataan ay nagpapakita ng nagsisising saloobin. Si Doug ay tumugon sa tulong ng espirituwal na mga pastol sa kaniyang kongregasyon. Natulungan siyang makita nang maliwanag na ang Diyos ay “hindi patuloy na maghahanap ng kasalanan sa lahat ng panahon, ni tataglayin man niya ang kaniyang galit magpakailanman.”—Awit 103:9.
Manatiling Kaibigan ng Diyos
Minsang maging Kaibigan mo ang Diyos, dapat mong pakamahalin ang kaugnayang ito upang maingatan ito. Isang 18-anyos na bautisadong babae ang naging isang dalagang-ina. Magkagayon man, siya’y natulungang ituwid ang mga bagay sa harapan ni Jehova. (Tingnan ang Isaias 1:18.) Ang malaking pagbabago sa kaniyang paggaling? “Natutuhan ko na si Jehova ay isang maibiging Ama at hindi isang tagapuksa,” aniya. “Natanto ko na siya’y nasaktan sa aking ginawa. Napakahalaga na umasa sa Diyos bilang isang Kaibigan, isa na may mga damdamin, at hindi lamang isang mahirap-unawaing Espiritu na pag-uukulan ng pagsamba ngunit hindi kailanman tunay na iniibig.” Tulad ni Manases, siya’y napakilos na lubusang masangkot sa pagsamba kay Jehova. (2 Cronica 33:14-16) Ito ay naging isang proteksiyon sa kaniya. Siya’y nagpapayo sa iba pang kabataan: “Patuloy na sikaping purihin si Jehova kahit na kung maging mahirap ang kalagayan. Minsan pang maibiging itutuwid ni Jehova ang iyong mga landas.”
Mahalaga rin na hanapin mo ang pakikipagkaibigan sa mga kaibigan ng Diyos. Subalit, iwasan na parang salot yaong maliwanag na walang paggalang sa maka-Diyos na mga simulain. (Kawikaan 13:20) Ang kabataang si Linda ay nasangkot sa seksuwal na imoralidad sa isang kabataang ang pakikipagkaibigan ay naging “mas mahalaga kaysa anumang bagay.” Nang siya’y gumaling sa espirituwal, inamin ni Linda: “Maaari mong sirain ang iyong buong buhay kung walang personal na kaugnayan sa pagitan mo at ni Jehova.”
Mayroon ka ba ng gayong kaugnayan? Kung wala, kumilos ka upang magkaroon nito. Binubuod ni Linda ang halaga ng pakikipagkaibigan sa Diyos sa pagsasabing: “Ang pinakamahalagang bagay sa buong daigdig ay ang isang mabuting personal na kaugnayan kay Jehova. Walang lalaki o babae o ano pa mang bagay sa daigdig na ito ang mas mahalaga kaysa riyan. Kung walang pakikipagkaibigan kay Jehova, kung gayon ay walang kabuluhan ang lahat ng bagay.”
[Larawan sa pahina 15]
Inaakala ng ilang kabataan na sila’y hindi karapat-dapat na maging kaibigan ng Diyos