Nakagalit Nang Labis sa Klerong Anglikano ang Ordinasyon ng mga Babae
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
NOONG NOBYEMBRE 1992, pinagtibay ng Panlahat na Sinodo ng Church of England ang isang panukala na ordenan ang mga babae bilang mga pari. Bunga nito, halos 150 hindi nasisiyahang mga klerigong Anglikano ang nagpahayag ng kanilang balak na magbitiw sa 1995. Marami sa kanila ang nagbabalak na umalis at lumipat sa Iglesya Katolika Romana. Isang nakatataas na klerigo ang nagnanais na isama ang kaniyang buong parokya—pati na ang gusaling simbahan! Ang The Sunday Times ng London ay nakaalam antimano na ang ordinasyon ng unang pangkat (na sa wakas ay nangyari noong Marso 1994) ay magiging “ang pinakakontrobersiyal na seremonya sa 450-taóng kasaysayan ng Church of England.”
Bakit nagalit nang labis ang maraming klerigo? Inaakala ng ilan na hindi angkop para sa mga babae na manungkulan bilang mga pari. Nangangamba ang iba na ang pasiya ng sinodo ay nakapipinsala sa mga pagsisikap kamakailan na pagkaisahin ang Church of England sa mga relihiyong Katoliko at Ortodokso. Oo, isang tagapagsalita ng Vaticano ang nagpahayag na itinuturing mismo ng papa ang pasiya ng Church of England na “isang malaking hadlang sa lahat ng pag-asa ng muling pagsasama.”
Gayunman, ang indibiduwal na parokya ng Church of England ay maaari pa ring bumoto na hadlangan ang mga babaing pari. Maaari pa nga silang magpasiyang tangggihan ang kanilang obispo at ihalili ang isang naglalakbay na klerigo na, ayon sa New York Times, “magbibigay ng pastoral na pangangalaga sa mga tumatangging tanggapin ito mula sa mga babaing pari.”
Anong laking pagkakaiba nga mula sa payo ni Pablo sa unang-siglong mga Kristiyano na “kayong lahat ay dapat magsalita nang magkakasuwato, at na hindi dapat na magkaroon ng mga pagkakabaha-bahagi sa gitna ninyo, kundi na kayo ay lubos na magkaisa sa iisang pag-iisip at sa iisang takbo ng kaisipan.” (1 Corinto 1:10) Habang sumisidhi ang kontrobersiya, maraming miyembro ng parokya ang gumagawa ng kanilang sariling pasiya. “Tila ba wala nang anumang bagay ang natitira pa upang paniwalaan dito sa Church of England,” sabi ng isang babae. “Ang tanging nadarama ko ay galak at ginhawa sa pag-alis.”