Isang “Elektronikong Pagsalakay sa Utak”
ANG telebisyon ay maaaring maging nakalilibang at nakapagtuturo. Gayunman, si Propesor Moshe Aronson ng Tel-Aviv University ay nagbababala na ang labis na panonood ng TV ay maaaring maging mapanganib sa iyong kalusugan. Paano?
Ang walang-kibong manonood, sabi ni Aronson, ay nakararanas ng pagtindi ng tensiyon na hindi maaaring mapawi samantalang nakaupo sa harap ng telebisyon. Ito’y gumagawa ng mga stress hormone na sa matataas na antas ay maaaring makasira sa mga selula ng nerbiyos sa hippocampus—isang dako sa utak na napakahalaga sa memorya. Bagaman napapansin na higit pang pag-aaral ang kinakailangan, si Aronson ay naghihinala na ang paghinang ito ay maaaring pagmulan ng dementia (pagpurol ng isip), marahil ginagawa pa nga ang isa na malamang na magkaroon ng Alzheimer’s disease sa dakong huli ng buhay. Sa paano man, tinatawag ng magasing New Scientist ang labis-labis na panonood ng telebisyon na isang “elektronikong pagsalakay sa utak.”
Kabaligtaran ng panonood ng TV, ang pagbabasa ay nagpapasigla sa imahinasyon at pumupukaw sa isip na mangatuwiran—malayung-malayo sa walang-kibong gawain! Samantalang ang bawat tanawin at tunog ay binibigyan-kahulugan para sa manonood ng TV, ang mambabasa ay lumilikha ng sarili niyang tanawin at mga tunog. Ang malikhaing gamit na ito ng mga kakayahan ng isip ay humahadlang sa hindi pag-unlad ng isip, sa gayo’y kapaki-pakinabang sa kalusugan ng isa. Dahil dito, hindi ba makabubuting takdaan ang dami ng oras na ginugugol mo sa harap ng telebisyon?