Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 7/22 p. 4-8
  • Ang Pakikibaka ng Tao Laban sa mga Sakuna

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Pakikibaka ng Tao Laban sa mga Sakuna
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Pagbabago ng Isip
  • Paglalagay ng mga Tunguhin
  • Maligalig na Kausuhan
  • Bakit Dumarami?
  • Hindi Maiiwasan o Mababawasan?
  • Kung Ano ang Iyong Magagawa at Hindi Magagawa
  • Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Likas na mga Sakuna?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Kapag Sumapit ang Likas na Kasakunaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Likas na mga Kapahamakan—Kagagawan ba ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Likas na mga Sakuna—Bakit Napakarami?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 7/22 p. 4-8

Ang Pakikibaka ng Tao Laban sa mga Sakuna

TATLONG taon ang lumipas, at ang panlahat-na-kalihim ng UN na si Boutros Boutros-Ghali ay hindi nagsasaya. “Hindi tayo kumilos nang mabilis,” sabi niya sa isang pangkat ng mga dalubhasa maaga noong 1993. “Sa paghiling sa inyo na magtipon ngayon kaysa dakong huli, ang layon ko ay makita kung makababawi tayo sa nawalang panahon.” Nawalang panahon? Ano ang nasa isip niya? Limang titik: IDNDR. Ano ang ibig sabihin nito? At bakit ang pagaapura?

Isa sa mga dalubhasang dumadalo sa miting na iyon ay si Frank Press, isang heopisiko at ang “ama” ng IDNDR. Labing-isang taon na ang nakalipas, sinimulan ni Dr. Press na himukin ang pandaigdig na siyentipikong pamayanan na pasidhiin nito ang pakikibaka laban sa likas na mga sakuna. Pagkalipas ng limang taon, noong Disyembre 1989, ang United Nations ay tumugon sa kaniyang panawagan na wakasan ang kawalang-sigla sa pagpili mula sa mga taóng 1990 hanggang 2000 bilang ang International Decade for Natural Disaster Reduction, o IDNDR. Ano ang layon nito?

Kailangan ang Pagbabago ng Isip

Ang Brazilianong propesor sa heolohiya at miyembro ng Scientific and Technical Committee ng IDNDR, si Umberto G. Cordani, ay nagsabi sa Gumising! na ang IDNDR ay isang pagsamo sa internasyonal na pamayanan na tipunin ang kaalaman at mga talino nito at gumawang sama-sama upang bawasan ang paghihirap, pagkawasak, pagkalansag, at pinsala sa buhay dala ng likas na mga sakuna. “Ang pag-abot sa tunguhing iyan,” diin ni Propesor Cordani, “ay nangangailangan ng pandaigdig na pagbaling ng pansin mula sa reaksiyon pagkatapos ng sakuna tungo sa pagkilos bago ang sakuna.”

Gayunman, ang pagbabago sa pangglobong kaisipan ay mas mahirap kaysa bansagan ang isang dekada, para sa “mga tagagawa ng pasiya,” sabi ng UNESCO Environment and Development Briefs, “waring ang pansin ay itinutuon sa pagtulong pagkatapos ng sakuna kaysa paghadlang sa sakuna.” Halimbawa, sa lahat ng perang ginugol ngayon sa pamamahala sa likas na panganib sa Latin Amerika, mahigit na 90 porsiyento ang napupunta sa tulong para sa panganib at wala pang 10 porsiyento sa paghadlang sa panganib. Tutal, sabi ng babasahin ng IDNDR na Stop Disasters, ang mga pulitiko “ay nakakukuha ng mas maraming suporta sa pag-aliw sa mga biktima ng sakuna kaysa sa paghiling ng mga buwis para sa hindi gaanong madulang mga hakbang na maaari sanang nakahadlang o nakabawas sa sakuna.”

Paglalagay ng mga Tunguhin

Upang baguhin ang huwarang ito ng paggasta, binanggit ng United Nations ang tatlong tunguhin sa dekada. Sa taóng 2000, lahat ng bansa ay dapat na handa na sa kanilang (1) pagtatasa sa mga panganib na dulot ng likas na mga panganib, (2) matagalang mga plano sa paghahanda at paghadlang, at (3) mga sistema sa pagbababala. Bumuo ng pambansang mga komite upang ilipat ang pilosopya at mabubuting layon ng IDNDR tungo sa tiyak na mga plano, at noong Mayo 1994, ang Hapón ang punong-abala sa World Conference on Natural Disaster Reduction na itinaguyod ng UN. Taglay ang lahat ng isinaplano o pinaplanong mga bagay, bakit hindi kontento si Boutros-Ghali? Dahil sa isang nakababahalang kausuhan.

Maligalig na Kausuhan

Sa isang panig, ang mga pagsisikap ng IDNDR ay nagtatagumpay. Ang kabatiran ng mga siyentipiko tungkol sa pagbawas ng sakuna ay dumami, at ang ilang hakbang, tulad ng pinagbuting mga sistema sa pagbababala, ay nagliligtas ng mga buhay at nagbabawas ng mga pinsala. Gayunman, sa kabila ng mga pakinabang na ito, ganito ang sabi ni Dr. Kaarle Olavi Elo, patnugot ng tanggapan ng mga kalihim ng IDNDR, “ang bilang at lawak ng mga sakuna ay patuloy na lumalago, naaapektuhan ang higit at higit na mga tao.” Nakita natin ang “tatlong-ulit na pagdami mula noong mga taon ng 1960 hanggang mga taon ng 1980,” tiniyak ng isa pang dalubhasa ng UN, “at higit pang pagtaas sa dekada 90.” Tunay, noong 1991, 434 na malalaking sakuna ang sumawi ng 162,000 katao sa buong daigdig, at noong 1992, ang mga pinsala ay lumampas nang $62 bilyon (U.S.). Ang daigdig, hinuha ng administrador ng UNDP (United Nations Development Program) na si James G. Speth, ay naging “isang makinang sakuna, gumagawa ng mga krisis na may nakababahalang pagkapalagian.” (UNDP Update, Nobyembre 1993) Ano ang nasa likuran ng nakababahalang kausuhang ito?

Bakit Dumarami?

Upang masagot, pansinin muna ang pagkakaiba sa pagitan ng isang likas na panganib at ng isang likas na sakuna. Ang una ay isang likas na pangyayari​—gaya ng isang baha o isang lindol​—na may potensiyal na maging sakuna subalit hindi naman laging gayon. Halimbawa, ang mga baha sa walang-taong lunas ng Amazon sa Brazil ay likas na mga pangyayari na may kaunting pinsala. Gayunman, ang mga baha ng humahampas sa Bangladesh sa mataong delta ng Ganges ay pinagmulan ng malaganap na pinsala sa tao, materyal, at kapaligiran. Kadalasan ang mga pinsalang iyon ay totoong kapaha-pahamak anupat hindi makayanan ng mga pamayanang nasalanta kung walang tulong mula sa ibang dako. Sa kasong iyan, ang likas na panganib ay naging isang likas na sakuna. Kung gayon, bakit nga dumarami ang kapaha-pahamak na mga banggaang ito sa pagitan ng tao at ng kalikasan?

Ang dalubhasa sa sakuna na si James P. Bruce ay bumabanggit na “isang kausuhan tungo sa mas malubha at madalas na mga panganib” ay maaaring maging “isang sanhi.” Gayunman, siya at ang iba pang siyentipiko ay nagkasundo na ang pangunahing dahilan sa pagdami ng mga sakuna ay hindi ang pagdami ng likas na mga panganib kundi ang pagdami ng pagkahantad ng tao sa mga panganib na ito. Ang pagdami ng pagkahantad na ito, sabi ng magasing World Health, ay dahil sa isang “pinagsamang demograpiko, ekolohikal at teknolohikal na mga kalagayan.” Anu-ano ang ilan sa mga sangkap ng halong ito na pinagmumulan ng sakuna?

Ang isa ay ang dumaraming populasyon ng daigdig. Habang patuloy na lumalaki ang pamilya ng tao, mas malamang na isang likas na panganib ay makaapekto sa 5.6 na bilyon katao sa mundo. Isa pa, palibhasa’y dumarami ang populasyon, angaw-angaw na mahihirap na tao ang napipilitang tumira sa di-ligtas na mga gusali sa mga dakong lubhang apektado ng regular na mga pagsalakay ng kalikasan. Ang resulta ay hindi kataka-taka: Mula noong 1960, ang populasyon ng daigdig ay dumoble, subalit ang mga pinsala dahil sa sakuna ay tumaas nang halos sampung ulit!

Ang mga pagbabago sa kapaligiran ay nakaragdag pa sa mga problema. Mula sa Nepal hanggang sa Amazon at mula sa mga kapatagan ng Hilagang Amerika hanggang sa mga isla sa Pasipiko, kinakalbo ng tao ang mga kagubatan, labis na sinasaka ang lupa, sinisira ang mga bahura sa baybayin, at nag-iiwan ng landas ng iba pang ekolohikal na bakas​—na may malaking halaga. “Habang idiniriin natin ang kakayahan ng ating kapaligiran na magbata at baguhin ang katangian nito,” sabi ng isang dating patnugot ng IDNDR, si Robert Hamilton, “mas malamang na ang isang likas na panganib ay maging isang sakuna.”

Gayunman, kung ang mga kilos ng tao ay nakatutulong sa dumaraming paglitaw ng mga sakuna sa mga ulong-balita ngayon, kung gayon ang kabaligtaran ay totoo rin: Sa pagkuha ng panghadlang na mga hakbang, maaaring baguhin ng tao ang mga ulong-balita bukas. Ang kamatayan at pagkawasak ay maaaring bawasan. Halimbawa, 90 porsiyento ng mga kamatayan dahil sa mga lindol, sabi ng mga dalubhasa, ay maaaring iwasan. Subalit, bagaman nakahihikayat ang mga paliwanag para sa paghadlang, patuloy pa ring itinuturing ng maraming tao ang mga sakuna na hindi maiiwasan. Ang negatibong pangmalas na ito, ulat ng UNESCO Environment and Development Briefs, ay “ang kaisa-isang pinakamalaking hadlang sa pagbawas ng sakuna.” Saang panig ng hadlang ka ba?

Hindi Maiiwasan o Mababawasan?

Lalo na sa nagpapaunlad na mga bansa, ang damdaming ito ng kawalang-kaya ay laganap​—at hindi naman kataka-taka! Sa lahat ng taong nasawi dahil sa likas na mga sakuna noong nakalipas na 50 taon, 97 porsiyento ang nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa! Sa ilan sa mga bansang ito, sabi ng Stop Disasters, “ang dalas ng mga sakuna ay napakataas anupat mahirap makita ang wakas ng isang sakuna sa pasimula ng isa pang sakuna.” Sa katunayan, 95 porsiyento ng lahat ng mga sakuna ay nangyayari sa nagpapaunlad na mga bansa. Idagdag pa rito ang walang katapusang siklo ng personal na mga sakuna​—karalitaan, kawalan ng trabaho, malupit na mga kalagayan sa pamumuhay​—at makikita mo kung bakit nilalamon ng kawalang-kaya ang mga dukha na parang tumataas na tubig. Tinatanggap nila ang mga pinsala na dulot ng paulit-ulit na mga sakuna bilang isang mapait ngunit itinadhanang bahagi ng buhay. Subalit, ang mga pinsala bang ito ay hindi maiiwasan?

Kung Ano ang Iyong Magagawa at Hindi Magagawa

Totoo, hindi mo masusupil ang dalas o tindi ng likas na mga panganib, ngunit hindi ka ginagawa niyan na ganap na walang-kaya. Maaari mong bawasan ang pagkalantad mo sa mga pangyayaring ito. Paano? Pag-isipan ang paghahambing na ito.

Sabihin natin na nais ng isang tao na takdaan ang kaniyang pagkalantad sa araw (ang likas na pangyayari) upang huwag magkaroon ng kanser sa balat (ang sakuna). Anu-anong hakbang ang maaari niyang kunin? Maliwanag, hindi niya masusupil ang pagsikat at paglubog ng araw (ang dalas ng pangyayari). Ni mababawasan man niya ang tindi ng sikat ng araw na dumarating sa kaniyang kapaligiran (ang tindi ng pangyayari). Subalit ginagawa ba siya nito na walang-kaya? Hindi, maaari niyang bawasan ang pagkalantad niya sa araw. Halimbawa, maaari siyang manatili sa loob ng bahay sa pinakamainit na bahagi ng araw, o kung hindi posible iyan, maaari siyang magsuot ng isang sumbrero at pananggalang na damit samantalang nasa labas. Dinaragdagan nito ang kaniyang proteksiyon laban sa araw (ang pangyayari) at binabawasan ang kaniyang panganib na maging biktima ng kanser sa balat (ang sakuna). Ang kaniyang pangontrang mga kilos ay mahalaga!

Sa katulad na paraan, ikaw man ay maaaring kumuha ng mga hakbang na magdaragdag ng iyong proteksiyon laban sa epekto ng ilang likas na panganib. Sa gayong paraan, mababawasan mong ikaw ay masaktan at mapinsala kapag humampas ang isang sakuna. Para sa mga nakatira sa maunlad na mga bansa, ang mga tip sa kahon na “Ikaw ba’y Handa?” ay maaaring makatulong. At kung ikaw ay nakatira sa nagpapaunlad na mga bansa, ang mga halimbawa sa kahon na “Murang mga Pagpapahusay na Mabisa” ay maaaring magbigay sa iyo ng idea tungkol sa uri ng payak na mga hakbang na makukuha ngayon. Ang mga ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa pagliligtas ng mga buhay at sa pagbabawas ng mga pinsala. Dahil sa makukuhang teknolohiya ngayon, ganito ang paalaala ng heopisikong si Frank Press, “ang pagiging negatibo ay hindi na tinatanggap.” Walang alinlangan, pagdating sa likas na mga sakuna, ang paghadlang ay tiyak na mas maigi kaysa lunas.

[Kahon sa pahina 6]

Ikaw ba’y Handa?

ANG U.S. Federal Emergency Management Agency ay nagmumungkahi ng maraming paraan upang matagumpay na madaig ang mga panganib. Ang sumusunod ay ilan sa mga tampok na bahagi.

Kumuha ng impormasyon. Makipagkita sa tanggapan ng emergency management sa inyong lugar at alamin kung aling sakuna ang maaaring humampas sa inyong pamayanan. Maaaring nalalaman mo ang ilan, ngunit ang iba ay maaaring makagulat sa iyo. Kung malaman mo na ang inyong bahay ay nakalantad sa likas na mga panganib:

◻ Tipunin ang iyong pamilya at talakayin ang mga uri ng panganib na maaaring nagbabanta sa inyo. Ipaliwanag kung ano ang gagawin sa bawat kalagayan.

◻ Planuhin kung paano makikipag-alam sa isa’t isa ang iyong pamilya kung maihiwalay ng gayong pangyayari. Pumili ng dalawang dakong tagpuan: isa sa labas ng inyong bahay kung may biglang di-inaasahang pangyayari, gaya ng sunog, at isa pa sa labas ng bahay sa inyong pook kung sakaling hindi ka makabalik ng bahay.

◻ Hilingin ang isang kaibigan na maging kontak ng pamilya upang kung hindi ka makarating sa inyong isinaayos na dakong tagpuan, matatawagan ng lahat ng miyembro ng pamilya ang kontak na ito at sabihin kung nasaan sila. Pumili ng isang kaibigan na nakatira nang malayo sa inyong lugar sapagkat pagkatapos ng isang sakuna kadalasan nang mas madaling tumawag sa telepono nang long-distance kaysa tumawag sa malapit na lugar na apektado ng sakuna. Turuan ang mga bata kung paano tatawagan ang kaibigang ito. Ipakipag-usap kung ano ang gagawin kapag kailangan ninyong lumikas. Isaalang-alang kung paano kayo tutulong sa inyong mga kapitbahay na maaaring nangangailangan ng pantanging tulong. Planuhin kung paano aasikasuhin ang inyong mga alagang hayop.

◻ Magkabit ng emergency na mga numero ng telepono sa bawat telepono.

◻ Hanapin ang pangunahing kahon ng piyus ng kuryente, pangunahing tubo ng tubig, at pangunahing tubo ng gas. Ipakita sa responsableng mga miyembro ng pamilya kung paano at kung kailan isasara ang mga ito, at panatilihin ang kinakailangang mga kasangkapan na malapit sa pangunahing mga suwits.

◻ Maghanda para sa sunog. Magkabit ng mga smoke detector, lalo na sa malapit sa mga silid tulugan.

[Kahon sa pahina 8]

Murang mga Pagpapahusay na Mabisa

WALA pang kalahati ng populasyon ng daigdig, ulat ng World Bank, ang nabubuhay sa limang dolyar sa isang linggo o mababa pa rito. Kahit na kung ikaw ay nasa ganiyang kalagayan, sabi ng mga dalubhasa, may napatunayang mga hakbang na maaari mong ikapit. Alamin mo mismo ang tungkol dito, sapagkat ang edukasyon, idiniriin ng dalubhasa sa sakuna na taga-Peru na si Alberto Giesecke, “ang pangunahing murang hakbang na nakababawas ng sakuna.” Narito ang dalawang halimbawa mula sa Timog Amerika:

Ang manwal ng UN na Mitigating Natural Disasters ay nagpapaliwanag kung ano ang maaaring gawin upang magtayo ng mas mahusay na mga bahay na yari sa adobe, o putik:

◻ Sa lupaing bulubundukin, hukayin ang lupa upang magkaroon ng isang plataporma para sa bahay.

◻ Ang parisukat na mga bahay ang pinakamatibay; kung kailangan mo ang isa na hugis parihaba, magtayo ng isang dingding na dalawa at kalahating ulit na mas mahaba kaysa isa.

◻ Gumamit ng bato o kongkretong mga pundasyon upang bawasan ang mga pagyanig.

◻ Magtayo ng magkatulad na mga dingding na may iisang timbang, lakas, at taas. Panatilihin itong manipis at mababa. Ang mga bahay na naitayo sa ganitong paraan ay hindi gaanong napipinsala sa panahon ng mga lindol kaysa karaniwang mga bahay na yari sa putik.

Ang tradisyunal na salá-saláng gawa (quincha) na pagtatayo ay isa pang napatunayang paraan. Ang mga bahay na quincha, sabi ng Stop Disasters, ay may balangkas ng hinabing mga tambo at maliliit na sanga na may suporta ng pahalang at patayong mga tikin at mayroon lamang kaunting panambak na lupa. Ang uring ito ng gusali, na may 10- hanggang 15-centimetrong kapal na mga dingding, ay nagpapangyari sa mga bahay na yumanig sa panahon ng isang lindol, at kapag huminto ang lindol, ang mga gusali ay bumabalik sa kanilang dating mga posisyon. Nang humampas ang isang lindol noong 1991, lahat ng gayong mga bahay ay nanatiling nakatayo samantalang 10,000 ibang mga bahay, na may matibay na 1 metrong mga dingding, ay nagiba, na sumawi ng 35 katao. Ayon sa arkitekto ng UNESCO na si John Beynon, ang mga lindol ay hindi pumapatay ng mga tao; ang gumuguhong mga gusali ang pumapatay ng mga tao.

[Mga larawan sa pahina 7]

Sa ilang dako, walang-taros na kinakalbo ng tao ang mga kagubatan, binubuksan ang daan para sa higit pang likas na mga sakuna

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share