Nagtagumpay ang Pakikibaka Laban sa mga Sakuna
ANG mga pagsisikap ng United Nations at ng indibiduwal na mga pamahalaan na bawasan ang mga epekto ng likas na mga sakuna ay tiyak na kapuri-puri. Ang mga proyektong gaya ng International Decade for Natural Disaster Reduction ay nagpapahiwatig na ang sangkatauhan ay hindi kailangang mawalan ng kaya sa harap ng gayong mga kalamidad. Kung ang mga indibiduwal, pamayanan, at mga pamahalaan ay gagawa ng nararapat na mga hakbang, maililigtas ang mga buhay.
Ito’y totoong kawili-wili, sapagkat sinasabi sa atin ng Bibliya na malapit nang magkaroon ng isang pagbabago sa pangangasiwa sa pamamahala sa sangkatauhan. Mula noong mga kaarawan ni Jesus, ipinanalangin na ng mga Kristiyano ang Panalangin ng Panginoon (ang “Ama Namin”), na kalakip ang pananalitang: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:9, 10) Ang Kaharian ng Diyos ay isang totoong pamahalaan. Ayon sa hula ng Bibliya, hindi na magtatagal at “dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito [ng tao], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.” (Daniel 2:44) Gunigunihin ang lahat ng sangkatauhan sa ilalim ng isang sakdal na pamahalaan. Anong laking pagbabago nga niyan!
Kung nakikita ng kasalukuyang mga pamahalaan ang pangangailangang kumilos upang ang likas na mga panganib ay huwag maging likas na mga sakuna, makapagtitiwala tayo na titiyakin ng pamahalaan ng Diyos na ang mga sakop nito ay hindi kailanman magdurusa sa ganitong paraan. Ang Kaharian ng Diyos ay magdadala ng walang-hanggang kapayapaan sa planetang ito sa kauna-unahang pagkakataon mula nang patayin ni Cain si Abel. Sa ilalim ng Kahariang iyon, “ang maaamo mismo ay magmamana ng lupain, at sila’y lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Tuturuan ng Kaharian ang sangkatauhan anupat literal na ‘lahat ng tao ay tuturuan ni Jehova, at sasagana ang kanilang kapayapaan.’—Isaias 54:13.
Sa ngayon, karamihan ng mga biktima ng likas na mga sakuna ay mga dukha. Gayunman, dahil sa sakdal na pangangasiwa at wastong edukasyon, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang sangkatauhan ay hindi na pahihirapan ng matitinding kirot ng karukhaan. Inihuhula ang mga kalagayang iyon sa paraan na mauunawaan ng mga tao noong kaniyang panahon, ang propetang si Isaias ay sumulat: “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan, sa bundok na ito, ng kapistahan ng matatabang bagay, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon, sinala.” (Isaias 25:6) Oo, isang kapistahan ng mabubuting bagay! Inilalarawan pa ang buhay sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang salmista ay sumulat: “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay may labis-labis. Ang kaniyang bunga ay magiging gaya ng Libano, at silang tagalungsod ay mamumukadkad na gaya ng pananim sa lupa.”—Awit 72:16.
Maliwanag, ang pakikibaka ng tao laban sa likas na mga sakuna ay magwawakas na. Dahil sa patnubay ng espiritu ng Diyos at sa pangangasiwa ng Kaharian ng Diyos, mapagtatagumpayan ng may-takot sa Diyos na mga tao ang pakikibakang iyon. Anong laking ginhawa nga niyaon!