Ang Hayop sa Likod ng Napakamahal na mga Sungay na Iyon
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA TIMOG APRIKA
WALANG anu-ano, ang rhinoceros ay buong tulin na dumaluhong. Inihagis ng lalaki ang kaniyang sarili sa isang tabi at kumaripas ng takbo tungo sa kalapit na maliit na puno. Subalit ang rhino ay umikot taglay ang kahanga-hangang bilis, hindi siya binibigyan ng panahon upang mangunyapit tungo sa kaligtasan. Siya’y hinabol paikot sa puno nang ilang ulit bago siya nasunggaban ng sungay nito at inihagis sa himpapawid. Bumagsak ang kawawang lalaki, tumalbog muna sa mga balikat ng rhino bago bumagsak sa lupa. Nakahiga siya roon, inaasahang yuyurakan o susuwagin sa kamatayan. Habang lumalapit ang rhino, itinaas ng lalaki ang paa niya, ngunit inamoy lamang ito ng rhino at nagpatakbu-takbo palayo!
Ito ang itim na rhino ng Aprika—mausisa, palaaway, madaling magalit. Kung ang ekselenteng pangamoy o pandinig ng rhino ay nagbababala rito sa isang bagay na hindi nito nakikita (mahina ang paningin nito), biglang dumadaluhong ito sa pinagmumulan—ito man ay isang tren o isang paru-paro. Bagaman sumusukat ng mga isa’t kalahating metro ang taas hanggang sa balikat at tumitimbang ng hanggang 1,000 kilo, maaari pa rin itong kumaskas ng mga 55 kilometro isang oras at biglang pumihit!
Kung minsan ang pagdaluhong nito ay pananakot lamang o katuwaan pa nga. Si Yuilleen Kearney, dating nagmamay-ari ng isang batang itim na rhino na tinatawag na Rufus, ay nagkukuwento na “mientras mas maalikabok, lalong natutuwa si Rufus.” Magiliw niyang nagugunita noong minsan nang si Rufus ay dumating na “sumisingasing, humihingal at kumakalabog” sa palumpon, “dumadaluhong sa hardin at biglang huminto sa harap ng beranda, lumakad nang marahan sa mga baitang at nahiga sa tabi ng [kaniyang] upuan.”
Ang pagmamahal na ito para sa itim na rhino ay nararanasan ng marami na nag-aral sa mga ito. Subalit, silang lahat ay sumasang-ayon na ang mga pag-uugali ay nagkakaiba sa mga rhino kung paanong nagkakaiba rin ang mga tao. Kaya nga, mag-ingat sa magagaliting rhino! Isang popular na field guide sa mga hayop sa timog Aprika ay nagbababala na ang itim na rhino “ay hindi dapat pagkatiwalaan, at nararapat bigyan ng makatuwirang distansiya.” Nakalulungot nga, ang panliligalig ng tao ay kadalasang siyang dahilan ng pananalakay nito. Si Propesor Rudolf Schenkel, ang nakaligtas sa pagdaluhong ng rhino na inilarawan kanina, ay naghihimutok sa bagay na ginawa ng tao ang kaniyang sarili na ang tanging kaaway ng rhino.
Kumusta naman ang tungkol sa iba pang rhino sa Aprika, ang puting rhino? Ang pagiging tahimik nito ay gumagawa ritong isang kabaligtaran ng maingay nitong pinsan. Ito ay halos doble rin ng laki ng itim na rhino, ang ikatlo sa pinakamalaking hayop sa daigdig. Ang pagkalaki-laking ulo nito ay napakabigat anupat nangangailangan ng apat na lalaki upang buhatin ito! Gayunman, kasinliksi rin ito ng kaniyang itim na pinsan.
Kapag nakaharap ng tao sa iláng, ang puting rhino ay karaniwang natatarantang tumatakas pagkakita, pagkarinig, o pagka-amoy sa isang tao. Gayunman, sa kanilang aklat na Rhino, sina Daryl at Sharna Balfour ay nagbabala laban sa pagpapalagay na ganito ito kumilos. “Mas maraming napinsala ang puting rhino kaysa itim na rhino sa nakalipas na mga taon,” sulat nila, sinasabi pang ito marahil ay dahilan sa “kakulangan ng paggalang” dito ng tao.
Paboritong Libangan
May partikular na kinagigiliwan ang mga rhino sa Aprika. Ito ang pagkahilig sa putik—marami nito! Bibilisan ng marami ang kanilang lakad samantalang papalapit sa kanilang paboritong lubluban at papalahaw sa katuwaan sa kung ano ang naghihintay sa unahan. Ang mga Balfour, na madalas na nakapapansin dito, ay nagkukuwento na habang ang rhino ay dahan-dahang lulubog sa putik, “maririnig ang buntunghininga, at ang nasisiyahang hayop ay mahihiga sa isang tabi sa loob ng ilang minuto . . . bago magpatuloy sa paglilinis nito, madalas na nagpapagulung-gulong, ang mga paa’y sumisipa paitaas.”
Ang dalawang uri ng rhino kung minsan ay naglulubalob sa iisang lubluban at tatalikdan ang lahat ng dignidad dahil sa kanilang hilig sa maputik na libangan. Ang batang rhino na si Rufus, nabanggit kanina, ay tuwang-tuwa sa kaniyang paligo sa putik anupat “siya kung minsan ay lumulukso bago pa ito matapos, upang magtatakbo sa paligid ng hardin, umaalma na parang isang bronco, bago magbalik sa lubluban upang minsan pang masiyahan.”
Gayunman, ang putik ay nagsisilbi rin sa mga bagay bukod pa sa nakatutuwang pagpapalayaw. Naglalaan ito ng isang dako para sa sosyal na mga pagtitipon na kasama ng ibang rhino at ibang hayop na mahilig sa putik, nagpapaginhawa sa rhino nang bahagya sa nakayayamot na mga kagat ng langaw, at nagpapalamig sa kanilang mga katawan mula sa init ng araw. Kaya hindi kataka-taka na ang rhino kung minsan ay maaaring makita na nagtatagal sa kanilang maputik na kama sa loob ng mga ilang oras nang walang likat.
Alin ang Puti at Alin ang Itim?
Paano makikilala ng isang tao kung aling rhino ang puti at itim? Ang isa ba ay talagang itim at ang isa ay puti? Hindi. Ang mga ito ay kapuwa kulay abo—ngunit magkaibang kulay ng pagkaabo—kung may makita ka mang kulay abo. Ang aktuwal na makikita mo ay ang kulay ng putik na huli nilang pinaglubluban, na ngayo’y nakabalot sa balat.
Ngunit ang hugis ng bibig ay agad na magsasabi sa iyo kung alin ang puti at alin ang itim. Ang itim na rhino, na kumakain ng mga usbong at mga dahon ng puno, ay may matulis na itaas na labi na ipinupulupot nito o ikinakawit sa mga dahon at mga siit ng mga palumpon. Kaya nga ang mas tumpak na pangalan nito ay hook-lipped rhino. Sa kabilang dako, ang puting rhino naman ay isang manginginain ng damo. Kaya, ang nguso nito ay pahalang, anupat natatabas nito ang damo na gaya ng isang pantabas ng damo. Hindi kataka-taka, ang mas tumpak na pangalan nito ay square-lipped rhino. Subalit sa ilang kadahilanan ang pagkakakilanlang itim-o-puti, na tila nagmula sa sinaunang maninirahang mga Olandes sa gawing timog ng Aprika, ang nanatili.
Ang Napakamahal na mga Sungay na Iyon
Ang pangalang rhinoceros ay mula sa dalawang Griegong salita na nangangahulugang “sungay-sa-ilong.” At yari sa ano ang mga sungay ng rhino? Inilalarawan ito ng ilang tao na isang kumpol ng dikit-dikit na mga buhok, yamang ang mga ito ay parang naghihimulmol sa malapit sa pinaka-puno. Gayunman, hindi ito tunay na buhok, sabi ni Dr. Gerrie de Graaff, siyentipikong tagapayo sa National Parks Board ng Timog Aprika, kundi mga “pagkaliliit na tulad-kuko ng mga hayop na may kuko.”
Ang sungay ay patuloy na humahaba, gaya ng mga kuko sa daliri. Isang bantog na itim na rhino na nagngangalang Gertie ay may sungay na mahigit na uno punto kuwatro metro ang haba, at isang sungay ng puting rhino ay umabot nang dalawang metro ang haba! At kung maputol ang sungay, gaya ng nangyayari kung minsan, papalitan nito ang sungay sa bilis na halos walong centimetro sa isang taon.
Bakit napakamahal ng mga sungay ng rhino? Ginagamit ito ng maraming tao na gamot, at tinatamasa naman ng iba ang prestihiyo ng pagtataglay ng isang punyal na ang tatangnan ay yari sa sungay ng rhino. Napakalaki ng pangangailangan dito, at napakalakas na negosyo, anupat libu-libong rhino ang pinatay niyaong mga sakim sa pakinabang.
Ang puting rhino, minsa’y nanganib na malipol, ay nakabawi na ngayon, dahil sa puspusang pagsisikap ng mga tagapangalaga. Subalit hindi gayon kung tungkol sa itim na pinsan nito. Iba’t ibang pakana ang isinasagawa upang sugpuin ang ilegal na pangangaso kasali na ang pag-aalis ng sungay ng hayop. Ngunit ang napakalaking atas na ito ay limitado ang halaga. Palibhasa ang mga sungay ng rhino ay nagkakahalaga ng hanggang $2,000 isang kilo, inaakala ng ilegal na mga mangangaso na kahit na ang mga paa ng rhinong naalisan ng sungay ay sulit lukubín. Gayunman, makaaasa tayo na ang kasakiman ng tao ay hindi magtatagumpay, upang ang mga salinlahi rin sa hinaharap ay makasumpong ng kasiyahan na makilala ang kahali-halinang hayop na ito.
[Blurb sa pahina 27]
Paano mo makikilala ang itim na rhino sa puting rhino, yamang sila kapuwa ay kulay abo?
[Larawan sa pahina 26]
Puting rhino at ang kaniyang anak
[Credit Line]
National Parks Board of South Africa