Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 8/22 p. 13-15
  • Kung Bakit Nanahimik ang mga Relihiyon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Bakit Nanahimik ang mga Relihiyon
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Bahagi ng Iglesya Katolika
  • Sino Pa ang Nanahimik, Sino ang Hindi
  • Kung Bakit Sila Nanahimik
  • Pagkilala sa Tunay na mga Tagasunod ni Kristo
  • Ang Relihiyon ay Pumapanig
    Gumising!—1994
  • Ang Nazismo ay Tinanggihan—Nino?
    Gumising!—1985
  • Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi
    Gumising!—1998
  • Ibinunyag ang mga Kabuktutan ng Nazismo
    Gumising!—1995
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 8/22 p. 13-15

Kung Bakit Nanahimik ang mga Relihiyon

NOONG Disyembre 8, 1993, si Dr. Franklin Littell ng Baylor University ay nagsalita sa Holocaust Memorial Museum sa Estados Unidos tungkol sa isang maligalig na “tiyak na katotohanan.” Ano ba ito?

Ang katotohanan, sabi ni Littell, ay na “anim na milyong Judio ang naging tudlaan at sistematikong pinatay sa sentro ng Sangkakristiyanuhan, ng bautisadong mga Romano Katoliko, Protestante, at Silanganing Ortodokso na hindi kailanman sinaway, ni itiniwalag.” Gayunman, isang tinig ang walang tigil na nagbunyag tungkol sa pagkasangkot ng mga klero sa rehimen ni Hitler. At gaya ng nakita natin, ang tinig ay yaong sa mga Saksi ni Jehova.

Si Hitler ay isang bautisadong Romano Katoliko, gaya ng maraming lider ng kaniyang pamahalaan. Bakit hindi sila itiniwalag? Bakit hindi hinatulan ng Iglesya Katolika ang mga kasindak-sindak na ginawa ng mga lalaking ito? Bakit nanahimik din ang mga relihiyong Protestante?

Talaga bang nanatiling walang imik ang mga relihiyon? May katibayan ba na itinaguyod nila ang mga pagsisikap ni Hitler sa digmaan?

Ang Bahagi ng Iglesya Katolika

Ang Katolikong mananalaysay na si E. I. Watkin ay sumulat: “Masakit mang aminin, hindi natin maikakaila o maaaring waling-bahala alang-alang sa huwad na kaliwanagan o madayang katapatan ang makasaysayang katotohanan na walang pagbabagong itinaguyod ng mga obispo ang lahat ng digmaang ipinakipaglaban ng pamahalaan ng kanilang bansa. . . . Kung ang pag-uusapan ay ang naglalabang nasyonalismo, sila’y naging mga tagapagsalita ni Cesar.”

Nang sabihin ni Watkin na “itinaguyod [ng mga obispo ng Iglesya Katolika] ang lahat ng mga digmaang ipinakipaglaban ng kanilang bansa,” isinama niya ang mga digmaan ng pananalakay ni Hitler. Bilang Romano Katolikong propesor ng kasaysayan sa Vienna University, si Friedrich Heer, ay nagsabi: “Sa hindi maikakailang mga katotohanan ng kasaysayang Aleman, ang Krus at ang swastika ay lalong naging malapít sa isa’t isa, hanggang ipahayag ng swastika ang mensahe ng tagumpay mula sa mga tore ng mga katedral sa Alemanya, ang swastikang mga bandila ay lumitaw sa mga altar at ang Katoliko at Protestanteng mga teologo, pastor, mga nagsisimba at estadista ay nakipagkasundo kay Hitler.”

Lubusang itinaguyod ng mga lider ng Iglesya Katolika ang mga digmaan ni Hitler anupat ang Romano Katolikong propesor na si Gordon Zahn ay sumulat: “Ang Katolikong Aleman na umaasa sa mga lider ng kaniyang relihiyon para sa espirituwal na pag-akay at patnubay may kinalaman sa paglilingkod sa mga digmaan ni Hitler ay tumanggap ng katulad na mga sagot na matatanggap niya mula sa pinuno mismo ng Nazi.”

Ang bagay na matalimahing sinunod ng mga Katoliko ang patnubay ng mga lider ng kanilang relihiyon ay dokumentado ni Propesor Heer. Aniya: “Sa halos tatlumpu’t dalawang milyong Katolikong Aleman​—labinlima at kalahating milyon dito ay mga lalaki​—pito lamang ang tahasang tumanggi sa paglilingkod militar. Anim sa mga ito ay mga taga-Austria.” Ang mga katibayan kamakailan ay nagpapakita na tinanggihan ng ilang Katoliko, gayundin ng ilang Protestante ang Estadong Nazi dahil sa relihiyosong mga paniniwala. Ang ilan ay nagbuwis pa nga ng kanilang buhay, samantalang kasabay nito ay ipinagkakanulo sila ng kanilang espirituwal na mga lider sa Third Reich.

Sino Pa ang Nanahimik, Sino ang Hindi

Gaya ng nabanggit kanina, isinama ni Propesor Heer ang Protestanteng mga lider sa mga “nakipagkasundo kay Hitler.” Totoo ba iyan?

Maraming Protestante ang naligalig dahil sa may pananagutan sila sa pananahimik noong panahon ng mga digmaan ng pananalakay ni Hitler. Halimbawa, 11 nangungunang mga klerigo ang nagtipon noong Oktubre 1945 upang gumawa ng tinatawag na Stuttgart na pag-amin ng pagkakasala. Sabi nila: “Pinararatangan namin ang aming sarili dahil sa hindi pagiging mas matibay ang loob na sabihin ang aming mga paniniwala, mas matapat sa pagsasabi ng aming mga panalangin, mas maligaya sa pagpapahayag ng aming pananampalataya, at mas masigasig sa pagpapakita ng aming pag-ibig.”

Ang History of Christianity ni Paul Johnson ay nagsabi: “Sa 17,000 Ebanghelikong pastor, wala pang limampu ang nagsisilbi ng mahahabang sentensiya [dahil sa hindi pagsuporta sa rehimeng Nazi] sa anumang panahon.” Kung ihahambing ang mga pastor na iyon sa mga Saksi ni Jehova, ganito ang sulat ni Johnson: “Ang pinakamatapang ay ang mga Saksi ni Jehova, na nagpahayag ng kanilang tahasang pagtutol sa doktrina mula sa pasimula at nagdusa ng naaalinsunod dito. Sila’y tumangging makipagtulungan sa estado ng Nazi.”

Noong 1939, ang taon nang magsimula ang Digmaang Pandaigdig II, sinipi ng Consolation si T. Bruppacher, isang ministrong Protestante na nagsasabi: “Yamang nabigo ang mga taong tinatawag ang kanilang mga sarili na mga Kristiyano sa mga pagsubok na tumitiyak kung ang isa ba’y isang Kristiyano o hindi, ang di-kilalang mga saksi ni Jehova na ito, bilang mga Kristiyanong martir, ay matatag na tumutol sa pamimilit sa budhi at sa idolatriyang pagano. Dapat kilalanin ng mananalaysay sa hinaharap na hindi ang malalaking relihiyon, kundi ang mga taong sinisiraang-puri at nililibak, ang unang nanindigan laban sa mabangis na galit ng demonyong Nazi . . . Sila’y tumangging sumamba kay Hitler at sa Swastika.”

Sa katulad na paraan, si Martin Niemoeller, isang lider ng relihiyong Protestante na napiit mismo sa isang piitang kampo ng Nazi, nang maglaon ay nagsabi: ‘Totoong magugunita na ang mga relihiyong Kristiyano, sa lahat ng panahon, ay laging sumasang-ayon na basbasan ang digmaan, mga sundalo, at mga sandata at na nananalangin sila sa totoong hindi maka-Kristiyanong paraan para sa pagkalipol ng kanilang kaaway.’ Sabi niya: “Lahat ng ito ay kasalanan natin at kasalanan ng ating mga ama, ngunit maliwanag na hindi ito kasalanan ng Diyos.”

Pagkatapos ay idinagdag pa ni Niemoller: “At kung iisipin lamang na tayong mga Kristiyano sa ngayon ay mahihiya sa tinatawag na sekta ng seryosong mga iskolar ng Bibliya [mga Saksi ni Jehova], na ang daan-daan at libu-libo ay napiit sa mga kampong piitan at namatay dahil sa sila’y tumangging maglingkod sa digmaan at tumangging bumaril ng mga tao.”

Natuklasan ni Susannah Heschel, isang propesor ng Judaic studies, ang mga dokumento ng simbahan na nagpapatunay na ang mga klerong Lutherano ay handa, oo sabik, na itaguyod si Hitler. Sinabi niya na sila’y nagmakaawa para sa pribilehiyo na itanghal ang swastika sa kanilang mga simbahan. Ipinakikita ng kaniyang pananaliksik, na ang karamihan ng mga klerigo ay hindi pinilit na makipagtulungan kundi masiglang mga tagapagtaguyod ni Hitler at ng kaniyang mga mithiing Aryan.

Bilang isang tagapaglektyur, si Heschel ay madalas na tanungin ng mga miyembro ng relihiyon, “Ano sana ang maaaring ginawa namin?”

“Maaari sana kayong naging tulad ng mga Saksi ni Jehova,” sagot niya.

Kung Bakit Sila Nanahimik

Ang dahilan kung bakit ang mga relihiyon ay nanahimik ay maliwanag. Ito’y dahilan sa tinalikdan na ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan at ng kanilang kawan ang mga turo ng Bibliya pabor sa pagtaguyod sa pulitikal na estado. Noong 1933 ang Iglesya Katolika Romana ay gumawa ng isang kasunduan sa mga Nazi. Ang Romano Katolikong kardinal na si Faulhaber ay sumulat kay Hitler: “Ang pakikipagkamay na ito sa Papado . . . ay isang dakilang gawa ng di-masukat na pagpapala. . . . Ingatan nawa ng Diyos ang Kansilyer [si Hitler] ng Reich.”

Oo, ang Iglesya Katolika gayundin ang iba pang relihiyon ay naging mga katulong ng buktot na pamahalaan ni Hitler. Bagaman sinabi ni Jesu-Kristo na ang kaniyang tunay na mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan,” ang mga relihiyon at ang mga miyembro ng kanilang parokya ay naging mahalagang bahagi ng sanlibutan ni Hitler. (Juan 17:16) Bunga nito, hindi nila ibinunyag ang mga kakila-kilabot na mga bagay na ginawa ng mga Nazi sa mga tao sa kanilang mga kampo ng kamatayan.

Tunay, ilang may tibay-loob na mga indibiduwal mula sa Katoliko, Protestante, at iba pang mga relihiyon ang nanindigan laban sa Estado ng Nazi. Subalit bagaman ang ilan sa kanila ay nagbuwis ng kanilang buhay, ang kanilang espirituwal na mga lider, na nag-aangking naglilingkod sa Diyos, ay naglilingkod bilang mga tau-tauhan ng Third Reich.

Gayunman, may isang tinig na walang likat na nagbunyag. Sa kabuuan, bagaman hindi pinansin ng news media ang pangunahing bahagi ng mga relihiyon sa drama ng Nazi, nadama ng mga Saksi ni Jehova na kailangan nilang ibunyag ang kataksilan at pagpapaimbabaw ng mga klero, pati na ang mga detalye ng kanilang lihim na mga kasunduan. Sa mga pahina ng tagapagpauna ng magasing ito gayundin ng iba pang publikasyon noong dekada ng 1930 at 1940, inilimbag nila ang matitinding pagsasakdal ng relihiyosong mga organisasyon na naging mga katulong ng Nazismo.

Pagkilala sa Tunay na mga Tagasunod ni Kristo

Ang mga Saksi ni Jehova ay ibang-iba sa mga relihiyon ng sanlibutan. Palibhasa’y hindi bahagi ng sanlibutan, hindi sila nakikibahagi sa mga digmaan ng mga bansa. Bilang pagsunod sa mga tagubilin ng Diyos, ‘kanilang pinukpok ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod.’ (Isaias 2:4) Oo, bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Kristo, sila’y nag-iibigan sa isa’t isa. (Juan 13:35) Ito’y nangangahulugan na hindi sila kailanman makikipagdigma at sadyang sasaktan ang isa’t isa.

Pagdating sa pagkilala sa tunay na mga mananamba ng Diyos, ang Bibliya ay napakaliwanag sa pagsasabing: “Ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo ay makikilala dahil sa katotohanang ito: Ang bawat isa na hindi nagpapatuloy sa katuwiran ay hindi nagmumula sa Diyos, ni siya man na hindi umiibig sa kaniyang kapatid. Sapagkat ito ang mensahe na inyong narinig buhat pa nang pasimula, na magkaroon tayo ng pag-ibig sa isa’t isa; hindi tulad ni Cain, na nagmula sa isa na balakyot at pumatay sa kaniyang kapatid.”​—1 Juan 3:10-12.

Oo, ipinakikita ng kasaysayan na ang mga Saksi ni Jehova ay laging nagpapamalas ng pag-ibig sa kanilang kapuwa, kahit na sa harap ng matinding panggigipit. Nang itaguyod ni Hitler ang digmaan sa buong Europa, ang mga Saksi ay nanindigang matatag sa harap ng malupit na mga pagsisikap ng mga Nazi na pilitin silang sumali sa walang habas na pagpatay. Mainam na binuod ni Propesor Christine King ang bagay na ito: “Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsalita. Nagsalita sila mula sa pasimula. Sila’y nagkakaisang nagsalita. At sila’y nagsalita taglay ang matinding tibay ng loob, na may mensahe para sa ating lahat.”

Hanggang sa ang daigdig na ito ay maging ligtas sa ilalim ng maibiging pamamahala ng pamahalaan ni Jehova at malaya mula sa digmaan at kabalakyutan, ang mga Saksi ni Jehova ay patuloy na magsasalita. Hangga’t kalooban ng Soberanong Panginoong Jehova, ibubunyag ng magasing ito ang mga kabuktutan ng satanikong daigdig na ito at ipahahayag nito ang tanging pag-asa para sa sangkatauhan, ang Kaharian ng Diyos.​—Mateo 6:9, 10.

[Mga larawan sa pahina 13]

Ang pahayagan sa E.U. ay nagpapatunay na itinaguyod ng simbahan ang Nazismo

New York Post, Agosto 27, 1940, Blue Final Edition, pahina 15

The New York Times, Disyembre 7, 1941, Late City Edition, pahina 33

The New York Times, Setyembre 25, 1939, Late City Edition, pahina 6

[Larawan sa pahina 15]

Di-tulad ng mga relihiyon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagsalita laban sa Nazismo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share