Ang Pangmalas ng Bibliya
Ang Bahagi Mo sa Iyong mga Panalangin
SA ISANG gilid ng bundok na nakatunghay sa lungsod, ang nakubkob na hari ay humintong sandali upang pag-isipan ang kaniyang maharlikang palasyo, ang malawak na kabisera, at ang malungkot na kalagayan ng kaniyang sambahayan. Isang malaking hukbo ang nagtipun-tipon sa timog at ngayo’y nagmamartsa patungo sa lungsod. Ang matataas na opisyal ng pamahalaan ay umalis, at ang karamihan ng mga tao ay sumuporta sa mga rebelde. Nasisiraan ng loob, ang hari ay nanalangin sa Diyos. Isang lubhang relihiyosong tao, ang kaniyang pagtitiwala ay sumisidhi na diringgin ng Diyos ang kaniyang pagsamo at bibiguin ang mga balak ng mga nagsasabwatan. Pagkatapos, lumalayo mula sa kaniyang maningning na lungsod, bumaba siya ng bundok at nagpatuloy pahilaga sa direksiyon ng iláng sa kabila ng ilog. Ano pa ang magagawa niya? Ang kalagayan ay nasa mga kamay na ngayon ng Diyos.
Sa katulad na paraan, ang mapakumbabang mga mananampalataya ngayon ay bumabaling sa Diyos sa panalangin kung panahon ng kahirapan taglay ang nakaaaliw na katiyakan na bukod sa paglalaan ng malinaw na mga tuntunin sa kung paano mananalangin, isinisiwalat ng Bibliya na ang Diyos na Jehova ang “Dumirinig ng panalangin.” (Awit 65:2) Tayo’y nakatitiyak na lahat ng tapat-pusong humahanap sa Diyos ay diringgin niya.
Gayunman, sapat na ba ang pananampalataya at panalangin? Anong bahagi ang ginagampanan natin sa kalalabasan ng ating mga panalangin?
Paano Tayo Makatutulong?
Ang haring nabanggit sa simula ay si Haring David ng sinaunang Israel. Palibhasa’y nakakaharap niya ang sabwatan ng kaniyang nakikipagsabwatang anak na si Absalom at ang kaniyang mapagpaimbabaw na tagapayo na si Ahitophel, minabuti niyang tumakas sa Jerusalem at manganlong sa nakukutaang iláng na lungsod ng Mahanaim sa gawing silangan ng Ilog Jordan. Malamang na pinahihirapan ng kabiguan, panlulumo, at pagkabalisa, siya’y nagsumamo kay Jehova sa panalangin, na nagsasabi: “Isinasamo ko sa iyo, pakisuyo, gawin mong kamangmangan ang payo ni Ahitophel, O Jehova!” (2 Samuel 15:11-15, 30, 31) Subalit, higit pa sa pananalangin lamang ang ginawa ni David. Siya’y kumilos sa positibong paraan upang maging matagumpay ang kalalabasan ng kaniyang panalangin. Paano?
Ang kaniyang pagkilos ay nagsimula bago pa man niya nakaharap ang mga pagsubok. Sa loob ng maraming taon, bago pa man siya naging hari, pinatunayan ni David ang kaniyang sarili na isang tapat na mananamba ni Jehova. (1 Samuel 16:12, 13; Gawa 13:22) Naging malapít siya sa Diyos. Kaya nga, nang siya’y dumanas ng pagsubok si David ay nanampalatayang diringgin ni Jehova ang kaniyang panalangin at tutugon sa angkop na paraan.
Gayundin sa ngayon. Kadalasan ang pangunahing paraan ng pagtulong sa kalalabasan ng ating mga panalangin ay sundin ang payo ng Bibliya bilang isang regular na bahagi ng buhay. Ang gayong matapat na pagsunod sa bigay-Diyos na mga simulain ay nagbubunga ng isang malapít na kaugnayan sa kaniya. Ang pagiging malapít na ito sa Diyos at di-nagbabagong pananampalataya ay dapat na naroroon na bago pa magsimula ang mga pagsubok. Ito’y dapat na maging gaya ng isang matibay na pundasyon na pagtatayuan ng bahay; ito’y dapat na naroroon na bago pa itayo rito ang gusali. Kaya nga tayo ay may magagawa—kahit na ngayon, bago pa dumating ang mga pagsubok—sa matagumpay na kalalabasan ng marami sa ating mga panalangin.
Magkaroon ng Aktibong Bahagi!
Bagaman totoo na ang kaugnayan ni David sa Diyos ay gumanap ng isang mahalagang bahagi, kinilala rin niya na hindi siya maaaring magsawalang-kibo na lamang sa kalalabasan ng kaniyang panalangin. Sa kabaligtaran, si David ay gumanap ng aktibong bahagi gaya ng makikita sa matalinong pagkilos na kasunod ng kaniyang panalangin.
Kabilang sa tapat na mga kaibigan ni David ay isang Arkitang nagngangalang Husai. Nakasalubong ni Husai ang tumatakas na hari sa Bundok ng Olibo. Bagaman nais niyang sumama kay David sa pagkabihag, si Husai ay sumunod sa pakiusap ni David na siya’y manatili sa lungsod. Siya’y magkukunwang tapat kay Absalom, upang sikaping biguin ang traidor na payo ng tagapayong si Ahitophel, at palaging ipagbigay-alam kay David ang mga pangyayari. (2 Samuel 15:32-37) Gaya ng inaasahan, si Husai ay naging matagumpay sa pagkakamit ng pagtitiwala ni Absalom. Ngayon si Jehova ay mamamagitan.
Ang matalino, subalit manlilinlang, na si Ahitophel ay nagmungkahi ng isang matalinong plano. Hinimok niya si Absalom na magbigay sa kaniya ng 12,000 lalaki upang salakayin si David nang gabing iyon mismo samantalang si David ay tumatakas, hindi organisado at mahina—isang wakas na titiyak ng isang matagumpay na rebolusyon! Subalit, sa pagtataka ng marami, hiniling ni Absalom ang payo ni Husai tungkol sa bagay na ito. Ipinayo niya kay Absalom na gumugol ng ilang panahon upang tipunin ang malaking hukbo ng kalalakihan, sa ilalim ng pangunguna mismo ni Absalom. Sa patnubay ni Jehova, ang payo ni Husai ay tinanggap. Maliwanag na sa pagkabatid na ang pagsunod sa payo ni Husai ay nangangahulugan ng tiyak na pagkatalo, si Ahitophel ay umuwi sa kaniyang bahay at nagpakamatay.—2 Samuel 17:1-14, 23.
Walang alinlangan na sinagot ni Jehova ang panalangin ni David—gaya ng ipinanalangin niya. Ang halimbawa ni David tungkol sa paggawa na kasuwato ng kaniyang panalangin ay nagbibigay ng mahalagang leksiyon para sa lahat ng humihingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin.
Gagawin ni Jehova ang Kaniyang Bahagi
Tunay, tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin para sa kanilang araw-araw na pagkain at nangako siya na kung uunahin nila ang mga kapakanan ng Diyos, Kaniyang ibibigay ang kanilang mga pangangailangan. (Mateo 6:11, 33) Halimbawa, kung ang isang tao ay walang trabaho, dapat siyang kumilos na kasuwato ng kaniyang panalangin para sa kabuhayan sa pamamagitan ng paggawa ng lahat ng magagawa niya upang makasumpong o magkaroon ng trabaho.
Anuman ang paksa ng ating mga panalangin, ang ating kakayahan sa paggawa o pagkilos para sa kalalabasan ay iba-iba. May mga panahon na marami ang magagawa natin at may mga panahon na kaunti ang magagawa natin, kung mayroon man tayong magagawa. Ang mahalagang bagay ay hindi kung ano ang magagawa o hindi natin magagawa kundi kung ginagawa ba natin ang pinakamabuting magagawa natin.
Makatitiyak tayo na alam ni Jehova ang ating mga kalagayan at mga kakayahan. Lubusang natatalos niya kung ano ang posibleng magagawa natin, at hindi niya kailanman hihilingin sa atin na gumawa nang higit kaysa magagawa natin. Malaki man o maliit ang magagawa natin, si Jehova ang bahalang magpunô sa anumang pagkukulang. Pinahahalagahan niya at sinusuportahan ang ating mga pagsisikap at tutulungan tayo na magawa natin ang pinakamabuting resulta sa lahat ng nasasangkot.—Awit 3:3-7.
Sa gitna ng kahirapan, may pagtitiwalang masasabi ni Haring David: “Pagliligtas ay ukol kay Jehova. Ang iyong pagpapala ay sumaiyong bayan.” (Awit 3:8) Harinawang ang ating pagtitiwala sa kapangyarihan ni Jehova pati na ang pagkilos natin, malaki man o maliit, ay umakay sa matagumpay na kalalabasan ng ating mga panalangin.