Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Dapat Ko Bang Matutuhan ang Pagtatanggol-sa-Sarili?
“Talagang may masamang gang sa paaralan,” sabi ni Jesse. “Kapag nakita ka nila sa pasilyo at naibigan nila ang iyong sneakers, jacket, o pati na ang iyong pantalon, kukunin nila ito. Kung magsusumbong ka, sasalakayin ka nilang muli.”
ANG pakikitungo sa karahasan ay nagiging isang paraan ng buhay para sa maraming kabataan. Ganito ang sabi ng magasing USA Today: “Halos isa sa bawat limang mag-aaral sa haiskul ang nagdadala ng baril, patalim, labaha, pambambo, o iba pang sandata sa tuwina. Dinadala ng marami ang mga ito sa paaralan.” Isang tin-edyer na lalaking nagngangalang Jairo ang nakaaalam nito. “Ang aming paaralan ang una [sa New York City] na nagkaroon ng mga metal detector,” sabi niya, “ngunit hindi niyan nahahadlangan ang mga bata sa pagdadala ng mga patalim at mga baril. Ewan ko kung paano nila ito naipapasok, ngunit naipapasok nila ito.”
Nauunawaan naman, ang banta na masalakay ay nagpapangyari sa maraming kabataan na mag-isip kung paano nila mabibigyan ng proteksiyon ang kanilang mga sarili. Ganito ang sabi ng kabataang si Lola: “Pagkatapos masaksak at mamatay ang isang batang babae dahil sa kaniyang mga hikaw, nagsimula silang magturo ng mga kurso sa pagtatanggol-sa-sarili sa paaralan. Halos lahat ay nagpatala.” Ang ibang kabataan ay bumaling sa pagdadala ng kemikal na mga isprey at iba pang sandata. Ang tanong ay, Talaga bang naipagsasanggalang ka ng mga pamamaraan ng pagtatanggol-sa-sarili?
Ang “Martial Arts”
Ipinakikita nila ito sa TV sa lahat ng panahon—mga eksperto sa martial arts na pumapaltik sa himpapawid, sumisipa at sumusuntok taglay ang galing ng isang mananayaw. Sa loob ng ilang segundo ang mga bandido ay bagsak sa lupa na walang kakilus-kilos. Kahanga-hanga! Wari bang ang martial arts ang sukdulang proteksiyon. Subalit, sa totoo, ang buhay ay hindi tulad sa mga pelikula. Isang lalaking may ilang taóng karanasan na sa karate ang nagsabi: “Isang bala lang ang kailangan. Kung ang isang tao sa malayo ay may baril, wala kang panalo. Kung masyado ka namang malapit na wala ka nang magalawan, hindi rin ito mabisa.”
Tantuin din na upang maging magaling sa martial arts, ang isa ay kailangang gumugol ng maraming salapi at sumailalim sa mga taon ng puspusang pagsasanay. At malibang manatili ka sa pagsasanay, ang iyong kakayahang gawin ang pantanging mga kilos na iyon ay maaaring manganib na mangalawang sa sandaling panahon. Gayundin ang masasabi tungkol sa iba pang anyo ng pagtatanggol-sa-sarili, gaya ng boksing. Isa pa, ang pagkakaroon ng reputasyon na marunong kang lumaban ay malamang na makatawag ng di-kinakailangang pansin. Ang mga manggugulo ay maaaring magpasiyang lumaban sa iyo bilang isang hamon.
Subalit, may higit pang panganib sa pagkatuto ng martial arts. Ganito ang iniulat kamakailan ng magasing The Economist: “Karamihan, kung hindi man lahat, ng martial arts ay pawang nauugnay sa tatlong pangunahing relihiyon sa Silangang Asia, ang Budismo, Taoismo at Confucianismo.” Ganito pa ang sabi ng isang aklat: “Ang lahat ng ginagawa sa karate—bawat kilos, bawat damdamin—ay matutunton sa ilang simulain ng Zen.” Ang Zen ay isang sekta ng Budismo na nagdiriin sa relihiyosong pagbubulay-bulay. Ang relihiyosong mga pinagmulang ito ay nagiging isang malubhang problema para sa mga Kristiyano dahil sa pananalita sa Bibliya sa 2 Corinto 6:17: “ ‘Kaya nga lumabas kayo mula sa gitna nila [mga huwad na mananamba], at ihiwalay ninyo ang inyong mga sarili,’ sabi ni Jehova, ‘at tumigil kayo sa paghipo sa di-malinis na bagay.’”
Paggamit ng mga Sandata
Kumusta naman ang pagdadala ng isang baril o patalim? Ang paggawa ng gayon ay maaaring magpalakas ng iyong loob. Ngunit ang pagtitiwalang iyan ay maaaring maging nakamamatay kung ikaw ay kukuha ng di-kinakailangang panganib o maghahanap ng gulo. Ganito ang babala ng Bibliya: “Siyang humahanap ng masama, ito ay darating sa kaniya.” (Kawikaan 11:27) Kung magkaroon ng di-inaasahang gulo, ang paglalabas ng isang sandata ay magpapalala lamang sa away. Maaari kang mapatay—o makapatay. Paano mamalasin ng Diyos, ang Bukal ng buhay, ang iyong mga pagkilos kung naiwasan mo sana ang pagiging marahas?—Awit 11:5; 36:9.
Totoo, ang ilan ay talaga namang walang layon na gamitin ang nakamamatay na lakas. Maaaring sabihin nila na sila’y nagdadala ng isang sandata upang takutin lamang ang mga nanliligalig. Ngunit ganito ang sabi ng magasing Health: “Ang mga tagapagturo tungkol sa mga sandatang pumuputok ay sumasang-ayon: Huwag kang bumili ng baril kung hindi ka handang gumamit nito. Ang pagkakaway ng isang baril bilang isang panakot ay maaaring makatakot sa ilang sumasalakay, ngunit maaari ring makagalit lamang ito sa iba.”
Kumusta naman ang tungkol sa “mas ligtas” na mga sandata, gaya ng mga kemikal isprey? Bukod sa bagay na ang mga ito ay ilegal sa ilang lugar, ang mga sandatang ito ay may malubhang mga disbentaha. Sa halip na mapahinto ang isang lango sa droga na sumasalakay, maaari lamang nitong inisin siya. Posible pa ngang itaboy ng hangin ang kemikal sa iyong mukha sa halip na sa sumasalakay—ipagpalagay nang nailabas mo ang isprey. Sa pagkakita sa iyo na hinahalughog mo ang iyong mga bulsa o pitaka, maaaring ipalagay ng sumasalakay na inaabot mo ang isang baril at magpasiya siyang maging mapusok. Kaya nga isang tiktik na pulis ang nagkokomento: “Walang garantiya na ang mace [isang kemikal na isprey], o anumang iba pang sandata, ay uubra. O na may panahon kang ilabas ito karaka-raka. Ang mga sandata ay hindi kailanman nakatutulong sa isang kalagayan. Ang mga tao ay naglalagak ng labis na pagtitiwala sa mga ito.”
Mga Sandata—Ang Maka-Diyos na Pangmalas
Ang banta ng karahasan ay tunay noon pa mang kaarawan ni Jesus. Isa sa kaniyang kilalang parabula, karaniwang tinatawag na ang parabula ng Mabuting Samaritano, ay naglalahad ng isang pangyayaring kinasangkutan ng marahas na pagnanakaw. (Lucas 10:30-35) Nang hilingin ni Jesus ang kaniyang mga alagad na sangkapan ang kanilang mga sarili ng mga tabak, ito’y hindi para sa proteksiyon. Sa katunayan, ito’y umakay sa pagsasabi niya ng simulaing: “Ang lahat niyaong kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”—Mateo 26:51, 52; Lucas 22:36-38.
Samakatuwid, hindi sinasangkapan ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang mga sarili upang saktan ang kanilang kapuwa. (Ihambing ang Isaias 2:4.) Sinusunod nila ang payo ng Bibliya sa Roma 12:18: “Kung posible, hangga’t nakasalalay sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.” Nangangahulugan ba ito ng pagiging walang-depensa? Hindi naman!
Karunungan—Mas Maigi Kaysa mga Sandata
Sa isang panahon kung saan waring may kagamitan para sa lahat ng bagay, maaaring magtaka kang malaman na mayroon kang depensa na mas mabisa kaysa anumang gawang-taong kagamitan. Sa Eclesiastes 9:18, mababasa natin: “Karunungan ay maigi kaysa mga sandata sa pakikidigma.” Ang karunungang ito ay higit pa sa tinatawag ng ilan na “abilidad sa lansangan.” Ito’y ang pagkakapit ng mga simulain ng Bibliya, at madalas na makatutulong ito sa iyo na maiwasan ang mararahas na kalagayan sa simula pa.
Si Jairo, halimbawa, na naglarawan kanina ng kaniyang marahas na paaralan, ay lumalayo sa gulo sa pamamagitan ng pagkakapit ng pananalita sa Bibliya sa 1 Tesalonica 4:11: “Gawing inyong tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain.” Sabi ni Jairo: “Kung alam mong magkakaroon ng away, asikasuhin mo ang iyong sariling gawain at umuwi ka. Ang iba ay umiistambay pa, kaya sila’y nasasangkot sa gulo.”
“Ang pagsasabi sa iba na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova ang aking pinakamabuting proteksiyon,” sabi ni Lola. “Hindi ako ginagambala ng mga tao yamang alam nila na hindi ako magiging isang banta sa kanila.” “Higit pa ito kaysa pagsasabi lamang na ikaw ay isang Saksi,” susog pa ni Eliu. “Dapat nilang makita na ikaw ay naiiba.” Ang mga Kristiyano ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Ngunit mag-ingat na huwag magpakita ng isang mapagmataas na saloobin. (Kawikaan 11:2) Ganito ang pagkakasabi ng isang kabataan: “Huwag kang lumakad sa mga pasilyo na para bang pag-aari mo ang lugar.” Ito’y maaaring pagmulan ng galit. Ganito naman ang sabi ng isang kabataang Kristiyano na nagngangalang Luchy: “Ako’y palakaibigan, at ako’y nakikipag-usap sa aking mga kaklase; ngunit hindi ako gumagawing katulad nila.”
Mahalaga rin kung paano ka nananamit. “Maingat ako kung kaya hindi ako nagsusuot ng mga bagay na makatatawag ng pansin,” sabi ng isang kabataan. “Naisip ko na hindi ko kailangang magsuot ng pinakamahal na mga kasuutan upang maging maganda.” Ang pagsunod sa payo ng Bibliya na magdamit nang may kahinhinan ay makatutulong sa iyo na manatiling hindi kapuna-puna at makaiwas sa gulo.—1 Timoteo 2:9.
Kung Makaharap Mo ang Karahasan
Gayunman, kumusta naman kung sa kabila ng iyong mga pagsisikap na lumayo sa gulo, ikaw ay pinagbabantaan ng karahasan? Una, sikaping ikapit ang simulain sa Kawikaan 15:1: “Ang isang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng poot, ngunit ang nakasasakit na salita ay humihila ng galit.” Gayon ang ginawa ng kabataang si Eliu nang siya’y nasa paaralan. Aniya: “Kung minsan huwag ka lang maging masyadong maramdamin sa mapupusok na pananalita. Sa karamihan ng kaso, kung paano ka tumutugon ang siyang pinagmumulan ng gulo.” Sa pamamagitan ng hindi ‘pagganti ng masama sa masama,’ maaaring masawata mo ang situwasyon upang huwag na itong lumaki.—Roma 12:17.
Subalit, kapag hindi umubra ang diplomasya, dapat kang gumawa ng mga hakbang upang pangalagaan ang iyong sarili. Kung hilingin sa iyo ng isang pangkat ng mga kabataan na ibigay mo sa kanila ang iyong sneakers o ilang mahalagang ari-arian, ibigay mo ito! Ang iyong buhay ay mas mahalaga kaysa mga bagay na iyong tinataglay. (Lucas 12:15) Kung para bang malamáng na mangyari ang karahasan, lumayo ka—mas mabuti pa, tumakbo ka! “Bago pa magkaroon ng away, umalis ka na,” sabi ng Kawikaan 17:14. (Ihambing ang Lucas 4:29, 30; Juan 8:59.) Kung imposibleng tumakas, maaaring wala kang mapagpipilian kundi ang iwasan ang karahasan hangga’t maaari. Pagkatapos, tiyaking ipaalam sa iyong mga magulang kung ano ang nangyari. Marahil ay makatutulong sila sa ilang paraan.
Gaya ng inihula ng Bibliya, tayo’y nabubuhay sa mararahas na panahon. (2 Timoteo 3:1-5) Subalit ang pagdadala ng baril o pag-aaral ng mga sipa sa karate ay hindi gagawa sa iyo na ligtas. Maging napakaingat. Gamitin ang maka-Diyos na karunungan kapag may problema. At higit sa lahat, magkaroon ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova. Tulad ng salmista, may pagtitiwalang makapananalangin tayo: “Mula sa taong marahas ay ililigtas mo ako.”—Awit 18:48.
[Larawan sa pahina 13]
Ang martial arts ay hindi siyang lunas para sa mga Kristiyano