Pagsisiyasat sa mga Hiwaga ng Pandarayuhan
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ESPANYA
MAY isang lumang awit na nagsasabi tungkol sa pagbabalik ng mga layang-layang sa lumang Mission San Juan Capistrano sa San Juan Capistrano, California, E.U.A. Sinasabing tiyak na, sa ika-19 ng Marso sa bawat taon, ang mga ito’y nagbabalik sa kanilang mga pugad doon.
Ang mga layang-layang sa Europa ay sumusunod din sa katulad na talaorasan. Inihuhula ng isang kasabihang Kastila na sa ika-15 ng Marso ang awit ng layang-layang ay minsan pang maririnig.
Sa Hilagang Hemispero, laging kinikilala ng mga taganayon ang pagbabalik ng mga layang-layang, isang tradisyonal na tagapagbalita ng tagsibol. Subalit nagtatanong din ang ilang mausisa kung nasaan kaya sila nang panahong wala sila noong taglamig. Inakala ng iba na sila’y nagparaan ng taglamig sa pagtutulóg. Sinabi naman ng iba na sila’y nagpunta sa buwan—may nagtantiya na ang mga ito’y makalilipad doon sa loob ng dalawang buwan. Isang Swekong arsobispo noong ika-16 na siglo ang nagsabing ginugol ng mga layang-layang ang taglamig sa ilalim ng tubig, nagsisiksikan sa ilalim ng mga lawa at mga latian. Ang kaniyang akda ay naglalaman pa nga ng isang ilustrasyon na naglalarawan sa mga mangingisda na hinahatak ang isang lambat na punô ng mga layang-layang. Maaaring kakatwa ang mga ideang ito sa ngayon, ang katotohanan ay kakatwa na gaya ng kathang-isip.
Noong siglong iyon nilagyan ng mga ornitologo (dalubhasa sa mga ibon) ng mga anilyo ang mga paa ng libu-libong layang-layang. Isang maliit, ngunit mahalaga, na persentahe ng mga ibong ito na may anilyo ang nakita sa kanilang mga tirahan kung taglamig. Bagaman tila hindi kapani-paniwala, ang mga layang-layang mula sa Britanya at Russia ay nasumpungang nagpapalipas ng taglamig na magkakasama libu-libong milya ang layo mula sa kanilang tahanan—sa dulung-dulo ng timog-silangan ng Aprika. Ang ilan sa kanilang mga katulad sa Hilagang Amerika ay lumilipad nang malayo patimog sa Argentina o Chile. At hindi lamang ang mga layang-layang ang gumagawa ng gayong malalayong paglalakbay. Daan-daang milyong ibon mula sa Hilagang Hemispero ay nagpapalipas ng taglamig sa Timugang Hemispero.
Ang mga ornitologo ay nagtaka na matuklasan na ang isang ibon na kasinliit ng layang-layang ay makapaglalakbay nang balikan ng 22,500 kilometro bago magbalik sa pugad ding iyon sa susunod na tagsibol. Ang pagkaalam kung saan nagpupunta ang mga layang-layang ay nagbabangon lamang ng mas masalimuot na mga katanungan.
“Layang-layang, Bakit Mo Iniiwan ang Iyong Pugad?”
Ano ang nagpapangyari sa isang ibon na maglakbay sa kabilang dulo ng globo? O, gaya ng pagkakasabi rito ng isang kasabihang Kastila, “Layang-layang, bakit mo iniiwan ang iyong pugad?” Dahil ba sa lamig o upang humanap ng pagkain? Walang alinlangan, ang kanilang pangangailangan para sa isang maaasahang panustos ng pagkain ang sagot sa halip na ang pagdating ng panahon ng taglamig, yamang maraming maliliit na ibon na nahihirapang maligtasan ang lamig ng taglamig ay hindi nandarayuhan. Subalit ang pandarayuhan ng ibon ay hindi lamang isang paggala upang humanap ng pagkain. Di-tulad ng mga mandarayuhang tao, ang mga ibon ay hindi naghihintay hanggang maging masama ang panahon bago umalis.
Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mas maiikling araw ang siyang nag-uudyok sa pandarayuhang ito. Sa taglagas ang mga ibong nakakulong ay hindi mapalagay kapag umiikli ang mga oras ng liwanag sa araw. Totoo ito kahit na kung ang epekto ng liwanag ay artipisyal na ginagawa at kung ang mga ibon ay inalagaan ng mga imbestigador. Ang ibong nakahawla ay pumapaling pa nga sa direksiyon na likas na nalalaman nitong dapat nitong kunin sa panahon ng pandarayuhang paglipad nito. Maliwanag, ang simbuyo na mandayuhan sa isang espesipikong panahon ng taon at sa isang tiyak na direksiyon ay likas.
Paano matagumpay na naglalayag ang mga ibon sa malalayong distansiya? Marami ang nandarayuhan sa mga karagatan at mga disyerto na walang anumang makita roon, at ginagawa nila ito sa araw at sa gabi. Sa ilang uri ang mga batang ibon ay naglalakbay sa ganang sarili nila nang walang tulong ng may karanasang mga adulto. Sa paano man sila’y nananatili sa kanilang ruta sa kabila ng mga bagyo o sigwá.
Ang paglalayag—lalo na sa pagkalawak-lawak na karagatan o disyerto—ay hindi madali. Ang tao ay nangailangan ng libu-libong taon upang maunawaan ito nang lubos. Tiyak, hindi kailanman makikipagsapalaran si Christopher Columbus nang napakalayo sa karagatan nang walang mga pantulong sa paglalayag na gaya ng astrolabe at ng magnetikong kompas.a Magkagayon man, sa pagtatapos ng kaniyang unang paglalayag, ang mga ibon ang nagturo sa kaniya ng daan patungo sa Bahamas. Sinusunod ang kaugalian ng sinaunang mga marino, binago niya ang kaniyang landas na daraanan patungo sa timog-kanluran nang makita niya ang nandarayuhang mga ibong-katihan na lumilipad sa direksiyong iyon.
Ang matagumpay na paglalayag ay nangangailangan ng isang sistema sa pagpapanatili ng isang di-nagbabagong landas na daraanan at gayundin ng isang paraan ng pagtiyak sa kinaroroonan. Sa simpleng pananalita, kailangan mong malaman kung nasaan ka na may kaugnayan sa iyong patutunguhan at kung anong direksiyon ang iyong kukunin upang makarating doon. Tayong mga tao ay hindi nasasangkapan upang pangasiwaan ang gayong atas nang walang mga kagamitan—subalit ang mga ibon ay maliwanag na nasasangkapan nito. Buong tiyaga, pinagtagni-tagni ng mga siyentipiko ang mga impormasyon na nagpapaliwanag kung paano nalalaman ng mga ibon ang tamang direksiyon na liliparin.
Ang Ilang Kasagutan
Ang mga kalapating bumabalik sa pinanggalingan ang napili ng mga siyentipiko para sa eksperimento upang malutas ang mga hiwaga ng nabigasyon ng ibon. Ang mahaba-ang-pasensiyang mga kalapati ay nilagyan ng frosted na babasaging “mga salamin sa mata” upang hindi nila makita ang espesipikong mga palatandaan. Ang iba ay nilagyan ng magnetikong mga backpack upang hadlangan sila sa paggamit sa magnetic field ng lupa para magturo sa kanila ng daan. Ang ilan ay pinatulog pa nga samantalang naglalakbay sa dakong pagpapakawalan sa kanila, upang matiyak na hindi nila nalalaman ang pabalik na ruta. Napagtagumpayan ng mapamaraang mga kalapati ang bawat sagabal nang magkakahiwalay, bagaman ang kombinasyon ng ilang sagwil ay hindi nakahadlang sa kanila na matagumpay na makauwi. Maliwanag, ang mga ibon ay hindi dumidepende sa isa lamang sistema ng nabigasyon. Anu-anong pamamaraan ang ginagamit nila?
Ipinakikita ng mga eksperimento na gumagamit ng artipisyal na mga araw o kalangitan sa gabi na ang mga ibon ay maaaring maglayag sa pamamagitan ng araw kung araw at sa pamamagitan ng mga bituin kung gabi. Kumusta naman kung ang langit ay maulap? Ang mga ibon ay maaari pa ring gumawa ng isang ruta na ginagamit ang magnetic field ng lupa, na para bang mayroon silang katutubong kompas. Upang makabalik sa pugad o atik na tirahan ding iyon, dapat na makilala rin nila ang pamilyar na mga palatandaan. Bukod pa riyan, nasumpungan ng mga mananaliksik na ang mga ibon ay mas sensitibo kaysa tao sa mga tunog at amoy—bagaman hindi nila nalalaman kung hanggang saan nila ginagamit ang kakayahang ito sa nabigasyon.
Ang Hiwaga ng “Mapa ng Ibon”
Bagaman ang lahat ng pananaliksik na ito ay malaki na ang nagawa upang patunayan kung paano makalilipad ang mga ibon sa isang tiyak na direksiyon, nananatili pa rin ang isang nakalilitong problema. Isang bagay ang pagkakaroon ng isang maaasahang kompas, ngunit upang makauwi, kailangan mo ng isang mapa—una’y upang matiyak kung nasaan ka at pagkatapos ay markahan ang pinakamabuting ruta.
Anong “mga mapa ng ibon” ang ginagamit ng mga ibon? Paano nila nalalaman kung nasaan sila pagkatapos na dalhin sa isang di-kilalang lugar daan-daang milya mula sa kanilang bahay? Paano nila natatantiya ang pinakamabuting ruta, yamang maliwanag na wala silang mga mapa o mga posteng pananda upang pumatnubay sa kanila?
Ang biyologong si James L. Gould ay nagsasabi na ang “pagkaunawa [ng ibon] sa mapa ay malamang na panatilihin ang katayuan nito bilang ang pinakamailap at pinakanakapagtatakang hiwaga sa gawi ng hayop.”
Ang Isip sa Likuran ng Hiwaga
Ang napakaliwanag na bagay ay na ang pandarayuhan ay katutubong gawi. Maraming uri ng ibon ang henetikong naiprograma upang mandayuhan sa tiyak na mga panahon ng taon, at sila’y isinilang taglay ang mga kasanayan at mga pandamdam na kinakailangan upang matagumpay na maglayag. Saan galing ang katutubong kakayahang iyon?
Makatuwiran naman, ang katutubong karunungang ito ay maaari lamang manggaling sa isang matalinong Maylikha, na maaaring “magprograma” ng henetikong kodigo ng mga ibon. Tahasang tinanong ng Diyos ang patriyarkang si Job: “Natututo bang lumipad ang uwak sa pamamagitan mo kapag iniuunat nito ang mga pakpak nito sa dakong timog?”—Job 39:26, Today’s English Version.
Pagkaraan ng sandaang taon ng masugid na pananaliksik tungkol sa pandarayuhan ng ibon, iginalang ng mga siyentipiko ang maliliit na utak ng mga ibon. Pagkatapos markahan ang pangunahing mga ruta sa pandarayuhan, walang magawa ang mga siyentipiko kundi ang mamangha sa hindi kapani-paniwalang distansiyang nalalakbay ng ilang ibon. Sa paglipas ng mga salinlahi, sa tagsibol at taglagas, milyun-milyong nandarayuhang mga ibon ang tumatawid sa globo. Sila’y naglalayag sa pamamagitan ng araw kung araw at sa pamamagitan ng mga bituin kung gabi. Sa maulap na panahon ginagamit nila ang magnetic field ng lupa, at mabilis nilang nakikilala ang pamilyar na mga palatandaan. Posible pa ngang ginagawa nilang bihasa ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng amoy o mga infrasonic wave.
Kung paano nila ginagawan ng “mapa” ang kanilang mga paglalakbay ay nananatiling isang hiwaga. Alam natin kung saan nagpupunta ang lahat ng mga layang-layang; hindi natin alam kung paano sila nakararating doon. Gayunpaman, kapag nakita natin ang mga layang-layang na naglalangkay na magkakasama sa taglagas, maaari tayong huminto sandali upang hangaan ang karunungan ng Diyos na nagpangyari ng kanilang pandarayuhan.
[Mga talababa]
a Ang astrolabe ay ginamit para sa pagtantiya ng latitúd.
[Kahon sa pahina 18]
Kampeong mga Mandarayuhan sa Daigdig
Distansiya. Noong tag-araw sa hilaga ng 1966, isang arctic tern ay nilagyan ng anilyo sa Hilagang Wales, Gran Britanya. Noong Disyembre nang taon ding iyon, ito’y lumitaw—angkop lamang—sa New South Wales, Australia. Ito’y lumipad ng mahigit na 18,000 kilometro sa loob ng anim na buwan. Ang gayong kahanga-hangang gawa ay malamang na lubhang karaniwan lamang para sa mga arctic tern. Sa loob ng isang taon, ang ilan sa mga ibong ito ay regular na naglalayag sa buong globo.
Bilis. Ang mga golden plover ng Amerika ang marahil pinakamabilis na mga mandarayuhan. Tinawid ng ilan sa mga ibong ito ang 3,200 kilometro ng karagatan na naghihiwalay sa Hawaii mula sa Aleutian Islands, Alaska, sa loob lamang ng 35 oras—sa katamtamang bilis na 91 kilometro isang oras!
Pagbabatá. Ang mga blackpoll warbler ng Hilagang Amerika, na tumitimbang lamang ng dalawampung gramo, ang pinakamagaling na mga marathon flier. Sa kanilang paglalakbay sa Timog Amerika, sila’y lumilipad ng 3,700 kilometro nang walang hinto sa Atlantiko sa loob lamang ng tatlo at kalahating araw. Ang pambihirang pagsubok na ito sa pagbabatá ay inihambing sa isang tao na tumatakbo ng 1 kilometro sa loob ng apat na minuto nang 1,900 beses nang hindi humihinto. Ang paglipad ay pangarap din ng mga taong palaisip sa kanilang timbang—sinusunog ng warbler ang halos kalahati ng timbang ng katawan nito.
Kahustuhán sa Oras. Bukod sa layang-layang, ang siguana o stork (makikita sa itaas) ay may reputasyon din sa kahustuhán sa oras. Inilarawan ni propeta Jeremias ang siguana bilang isang ibon na “nalalamang mainam ang kaniyang mga takdang kapanahunan” at ang panahon ng “pagdating” niyaon. (Jeremias 8:7) Halos kalahating milyong siguana ang dumaraan pa rin sa Israel tuwing tagsibol.
Mga Kasanayan sa Nabigasyon. Para sa mga manx shearwater ay wala nang lugar na gaya ng tahanan. Isang babaing ibon na kinuha mula sa kaniyang pugad sa Gran Britanya ay pinakawalan mga 5,000 kilometro sa Boston, E.U.A. Tinawid niya ang Atlantiko sa loob ng 12 1/2 araw at nakarating ng bahay bago dumating ang airmail na sulat na nagbibigay ng mga detalye tungkol sa pagpapakawala sa kaniya. Lalo pa ngang kahanga-hanga ang pambihirang bagay na ito sapagkat ang mga ibong ito ay hindi kailanman tumatawid sa Hilagang Atlantiko sa kanilang pandarayuhang mga paglalakbay.
[Larawan sa pahina 16]
Ang siguana ay nasa oras na bumabalik taun-taon sa pugad nito
[Larawan sa pahina 17]
Nandarayuhang mga tagák sa isang karaniwang pormasyong-V
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Larawan: Caja Salamanca y Soria