Ang Kayumangging Kuwago Sa Pader ng Hadrian
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA BRITANYA
ISANG manipis na ulap ang nakalambong sa taas na kapantay ng puno nang isang papalakas na kaayaayang himig ang bumasag sa katahimikan ng pagbubukang-liwayway. Kadarating pa lamang ng mga mandarayuhan ng tag-araw sa hilaga ng Inglatera upang ilakip ang kanilang mga awitin sa mga nakatira roon na mga blackbird at mga pipit.
Sinundan ko ang malumot na sapa na tinatalunton ang daan nito sa pagitan ng mga pampang na punô ng primrose at wood violet patungo sa sinaunang tahanan ng kayumangging kuwago sa Pader ng Hadrian.a Alam kong halos isang milya ang layo pasalunga sa agos, ito’y malapit sa katawan ng matanda nang puno ng elm, nagbabantay sa kaniyang apat na inakay. Ang mga ito’y magiging maginhawa at ligtas sa walang laman na tuod ng puno ng ash.
Ang kuwago—anong kahanga-hangang nilalang! Ang paningin nito sa gabi ay sandaang ulit na mas tumpak kaysa sa tao. Maging sa maulap na liwanag ng buwan, maaaring dagitin ng kuwago ang hayop na sisilain nito. Ang mga mata ng tao ay may mga selula na tinatawag na mga cone na naghihiwalay sa mga kulay at mga selula na tinatawag na mga rod na nagtitipon ng liwanag, subalit ang mata ng kuwago ay siksik sa mga rod na nagtataglay ng kemikal na kilala bilang visual purple. Ginagawa nito ang pinakamalabong sinag ng liwanag na maging kemikal na hudyat na nagbibigay ng may anyong paningin sa ibon, samantalang nakikita lamang ng mga tao ang basta liwanag.
Hindi napaiikot ng mga kuwago ang mga mata nito sa mga socket nito na gaya ng nagagawa ng karamihan sa mga nilikha. Ang bawat mata ay permanente na gaya ng mga ilaw sa unahan ng kotse. Para matumbasan ito, ang kuwago—dahil sa kahanga-hangang madaling maikot na leeg—ay makapagpapaikot ng ulo nito sa halos 270 digris para makita ang lahat ng direksiyon!
Sinabi diumano na mula sa dinadapuan nito na 15 metro ang taas sa puno, hindi lamang nakikita ng kuwago ang daga kundi naririnig din ang kaluskos nito sa damo. Ang kahanga-hangang kakayahan nito sa pandinig ay dahil sa disenyo ng mga tainga nito. Kung pagmamasdan mo ang mukha ng kuwago, makikita mo na ito’y pinaikutan ng matigas na baluktot na mga balahibo na nagtitipon at naghahatid ng tunog sa tainga, pinaaalingawngaw ang tunog sa may pinakamalaking salamin ng tainga sa daigdig ng mga ibon. Ang mga tainga ay nakalagay na mas mataas nang kaunti ang isa, na nagpapahintulot sa kuwago na makilala nang may katumpakan ang tunog.
Minsang masumpungan ng kuwago ang sisilain nito—ito ma’y sa pamamagitan ng paningin o pandinig—tahimik itong sasalimbay. Ang katawan ng kuwago ay punô ng mga balahibo na gayon na lamang kalambot anupat ang tunog ay napahihina. Maging ang mga balahibo sa pakpak ay may malambot na gilid upang maalis ang pagaspas kapag lumilipad. Sa madilim na gabi, ang mga taganayon kung minsan ay natatakot dahil sa nagliliwanag na anyo ng kuwago na sumasalimbay nang mababa sa daan. Lingid sa kanilang alam ang kuwago ay lumiliwanag taglay ang nagpapaliwanag na bagay na nakikiskis sa mga balahibo nito mula sa nagniningning na fungi na tumutubo sa nabubulok na kahoy sa pugad nito.
Patuloy akong sumalunga sa sapa at di-nagtagal ay narating ko ang pilipit na tuod ng matandang puno. Ang init ng umaga ang nagpalabas sa isa sa mga inakay sa hungkag na pasukan upang magbilad sa pahilig na sinag ng araw habang ito’y tumatagos sa madahon na kulandong sa itaas. Doon ito’y naupo, kumukurap-kurap ang mga mata nito sa sumasabog na liwanag ng araw—isang kaayaayang tanawin!
Nakatago saanmang dako sa mga sanga sa itaas, ang matandang kayumangging kuwago ay nakadapo na kasama ng kaniyang kabiyak, sinusuri ang lahat sa abot ng kaniyang natatanaw na bahagyang nakapikit ang mga mata. Alam kong maingat niyang binabantayan ang kaniyang inakay hanggang sa kaya nang mapangalagaan ng mga ito ang mga sarili nila taglay ang likas na karunungang ipinagkaloob sa kanila ng kanilang Dakilang Maylikha.
[Talababa]
a Sa utos ng Romanong Emperador Hadrian, sa pagitan ng 120 at 130 C.E., ang Pader ng Hadrian ay itinayo bilang pananggalang sa di-malupig na mga tribo ng Caledonia sa hilaga ng Inglatera. Ito’y may haba na mahigit na 117 kilometro mula sa wawa ng Solway sa kanluran ng Inglatera hanggang sa bunganga ng Ilog Tyne sa silangang baybayin ng Inglatera.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Sa kagandahang-loob ng English Heritage