Mula sa mga Bote Tungo sa Magagandang Abaloryo
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA NIGERIA
NAGMAMADALI ka. Inabot mo ang bote sa mesa, subalit dumulas ito mula sa pagkakahawak mo, bumagsak sa sahig, at nabasag. Napabuntong-hininga ka, niwalis ang basag na mga piraso, at ibinasura ang mga ito. Sa abot ng iyong nalalaman, iyan ang katapusan ng bagay na iyan.
Kung ikaw ay nakatira sa Bida, Nigeria, maaaring iyan ang pasimula. Bakit? Dahil sa gitna ng mga taong Nupe na nakatira roon, maaaring kunin ng mga artisano ang basag na bote at mula rito’y makagawa ng magandang tuhog ng mga abaloryo. Ito’y isang sining na naipamana sa sali’t salinlahi—isang sining na hindi gaanong nagbago sa loob ng mga dantaon.
Ang Paggawa ng Abaloryo sa Bida
Ang pagawaan ay maliit lamang, bilog na kubo na yari sa pinatuyong putik. Sa gitna ng sahig ay may nakatayong palayok na hurno. Sa hurno, naglalagay ang mga artisano ng piraso ng mga kahoy, na pinagdidingas nila. Ang apoy ay pinagliliyab sa manu-manong alulusan. Habang mas maraming kahoy ang inilalagay, ang mapulang apoy ay pumapaitaas sa ibabaw ng hurno. Ang isang bote ay isinasabit sa isang baras sa itaas ng hurno, at di-magtatagal ang bote ay lumalambot at nakabitin nang tunaw.
Isa-isa kung gumawa ng abaloryo ang mga gumagawa nito. Maglalagay siya ng matulis na baras sa apoy katabi ng baras na pinagsasabitan ng bote. Kapag nagbaga na ang dulo ng baras, ililipat niya ito sa nakabitin na tumpok ng tunaw na bote. Pagkatapos, sa pagpihit ng baras, magpupulupot siya ng kaunting bote na sinlaki ng abaloryo.
Susunod, ginagamit ang mahaba, malapad na itak, kaniyang pakikinisin at huhubugin ang bote na maging abaloryo. Kung siya’y bihasang-bihasa, maaari siyang makagawa sa iba’t ibang kulay ng bote, makapagkakalupkop ng disenyo sa bawat abaloryo na ginagawa niya. Sa kahuli-hulihan, ginagamit niya ang kutsilyo upang dahan-dahang alisin ang abaloryo mula sa baras patungo sa kawali ng abo kung saan ito’y palalamigin. Gawa na ngayon ang abaloryo. Ang butas na likha ng baras ang nagiging butas na ginagamit upang tuhugin ang abaloryo. Ang gagawin na lamang ay hugasan ang abaloryo at tuhugin ito na kasama ng iba pang abaloryo upang makagawa ng kuwintas.
Ang Pagkatuto ng Sining
Paano natututuhan ng isa ang sining ng paggawa ng abaloryo? Ang mga batang Nupe ay nagsisimula sa panonood. Sa panahong sila’y sumapit sa edad na sampung taon, sila’y tumutulong sa pagtitipon at pagsibak ng panggatong na kahoy.
Ang susunod na hakbang ay maging bihasa sa paggamit ng alulusan. Ang alulusan ay magkadikit na bag na yari sa tela, ang bawat isa ay nakaugnay sa patpat. Upang magamit ang alulusan, dapat tanganan ng “tagahihip” ang patpat sa magkabilang kamay at mabilis na binobomba ito nang pababa’t pataas. Kailangan niya kapuwa ang lakas at koordinasyon. Siya’y dapat na malakas upang patuloy na makapagbomba sa alulusan sa buong panahon ng paggawa ng abaloryo, at ang panahon ng paggawa ng abaloryo ay maaaring tumagal ng mga oras!
Siya’y dapat ding magkaroon ng koordinasyon upang mapanatili ang mabilis, iisang ritmo, sa pagbomba ng alulusan sa wastong bilis. Kung siya’y bobomba nang mabagal, ang init ng apoy ay hindi sapat na makapagpapalambot sa bote para gumawa. Kung mabilis naman siyang bobomba, ang init na malilikha ay magpapangyari sa tunaw na bote na lumagpak sa apoy mula sa baras.
Karaniwan na, makakasanayan ng baguhang gumagawa ng abaloryo ang alulusan sa loob ng limang taon. Sa wakas, matututuhan niyang hubugin ang mga abaloryo. Ang isang bahagi ng hamon sa trabahong ito ay matutong pagtiisan ang init mula sa apoy, na, nakadaragdag pa sa tropikal na init ng araw, maaaring maging isang pagsubok.
Patuloy siyang natututo. Pagkatapos na tumulong sa isang bihasang gumagawa ng abaloryo sa paghawak ng mga baras, natututong humugis ang baguhan ng maliit, simpleng mga abaloryo. Sa kalaunan, susulong siya sa paggawa ng mas malalaking abaloryo at mga abaloryo na napalalamutian na may kalupkop na disenyo ng bote na may ibang kulay. Para bang kaydali-dali ng trabaho para sa mga bihasang gumagawa ng abaloryo, subalit panahon ang gugugulin upang maging bihasa sa kinakailangang kasanayan upang makagawa ng tuhog ng mga abaloryo, isa-isang abaloryo, lahat ay pare-pareho ang laki, hugis, at disenyo.
Ang paggawa ng abaloryo ay nakasisiyang sining. Ang mga gumagawa ng abaloryo ay nasisiyahang makita ang mga tao sa buong bansa na napalalamutian ng makukulay na abaloryo—maliliit na abaloryo na suot ng mga bata, maselan ang pagkakagawang mga abaloryo na suot ng kababaihan, at mabibigat na panseremonyang mga abaloryo na suot ng kalalakihan. May kasiyahan din sa panahon ng pagdiriwang kapag ang mga tao ay nagtitipun-tipon sa pagawaan upang mag-awitan at magsayawan sa ritmo ng mga alulusan.
Ganito ang sabi ng aklat na History of West Africa: “Ang masining na paggawa ng mga Nupe ng . . . abaloryo . . . ang pinakamagaganda pa rin sa kontinente.” Sumasang-ayon ang iba. Ganito ang sabi ng isang Kristiyanong misyonero: “Bumili kami ng mga abaloryo sa Bida gayundin sa ibang lugar upang ibigay sa aming mga kaibigan at pamilya kapag kami’y nagbakasyon. Nang dumating kami sa Estados Unidos, mas gusto ng aming mga kaibigan ang mga abaloryo mula sa Bida sa tuwina!”
[Larawan sa pahina 26]
Pagpapainit ng bote sa hurno