Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g95 11/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nakamamatay na mga Misyon sa Kapayapaan
  • Sakit sa Isip sa Gitna ng mga Bata
  • Pagwawalang-bahala sa mga Ilaw-Trapiko
  • Karahasan ng mga Tin-edyer
  • Pagbawi sa Bautismo sa Patay
  • Kaigtingan sa Hong Kong
  • Elektrikal na mga Kagamitan na Pinaghihinalaan
  • Ang Alamat ng “Missing Link”
  • Pornograpya sa Computer na Makikita ng mga Bata
  • Nagugulumihanang mga Pari
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Pangunahing mga Lungsod ng Komersiyo
    Gumising!—1994
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1996
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1995
g95 11/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

Nakamamatay na mga Misyon sa Kapayapaan

Hanggang sa kasalukuyan, mahigit na sanlibong tao ang napatay habang ang United Nations ay nasa pangkapayapaang mga misyon, ulat ng pahayagan sa Alemanya na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Hindi kasali sa bilang na ito ang nagbuwis ng kanilang buhay sa panahon ng labanang mga misyon ng UN, gaya sa Gulf War. Mula sa 1,000 pagkamatay, mahigit na 200 ang naganap noong 1993 lamang. Bakit napakarami? Ipinaliliwanag ng pahayagan na ang United Nations ngayon ay nasasangkot sa iba’t ibang uri ng digmaan. Samantalang sa nakalipas ang United Nations ang namagitan at sumubaybay sa pag-aayos ng mga alitan sa pagitan ng mga bansa, ang organisasyon ay nasasangkot sa ngayon sa “gera sibil, kung saan ang awtoridad ng pamahalaan ay nagkakabaha-bahagi at maging ang mga partido na nasasangkot sa digmaan ay nabigong ingatan ang tauhan ng UN.”

Sakit sa Isip sa Gitna ng mga Bata

Ayon sa The Sunday Times, sa mga paaralan sa Gran Britanya, mahigit na 1,000 bata na wala pang 10 taon ang edad at halos 1,200 sa pagitan ng 10 at 14 na taon ang edad ay ginagamot dahil sa psychoses, labis na panlulumo, o mga sakit na nauugnay sa pagkain; at ang bilang ng pagpapatiwakal ay tumataas din, sa mga bata na kasimbata ng anim na taóng gulang na nagtatangkang kitlin ang kanilang buhay. Ipinalalagay ng ilang dalubhasa sa kalusugang pangkaisipan na ang isa sa dahilan ay ang kawalan ng makabuluhang pag-uusap sa pagitan ng mga bata at ng kanilang mga magulang. Sinabi nila na marami sa mga bata ang nabubuhay sa mga kalagayan sa tahanan na nangingibabaw ang telebisyon. Bilang resulta, hindi naipakikipag-usap at nasasabi ng mga bata ang kanilang mga kabalisahan sa kanilang mga magulang. Isang dalubhasa ang nagsabi na ang kawalan ng komunikasyon sa pagitan ng mga magulang at mga bata ang maaaring maging sanhi ng “kanilang mga pagkabalisa [na] lumalala at humantong sa isang di-maligayang bata.”

Pagwawalang-bahala sa mga Ilaw-Trapiko

Sa Argentina, ayon sa pahayagang Clarín sa Buenos Aires, nagkaroon ng 7,700 malulubhang aksidente sa sasakyan noong 1994. Malubhang pininsala ng mga aksidenteng ito ang 13,505 katao at pumatay ng 9,120 katao. Isiniwalat ng isang pagsusuri na isinagawa ng ahensiya ng pamahalaan na ang 90 porsiyento ng lahat ng aksidente sa sasakyan ay dahil sa mga paglabag ng tsuper at mga tumatawid sa mga batas trapiko. Ang pinakamalimit na mga aksidente sa lungsod ay mga banggaan sa tagiliran na resulta ng pagwawalang-bahala sa pulang ilaw ng trapiko. Sinabi ni Eduardo Bertotti, isang opisyal ng pamahalaan, na samantalang sa ibang bansa ay hindi man lamang maisip ang pagwawalang-bahala sa pulang ilaw ng trapiko, sa Argentina “ito’y hindi lamang malimit na pangyayari kundi may mga tao na ipinagmamalaki pa nga ang paggawa nito.”

Karahasan ng mga Tin-edyer

Sa loob ng tatlong sunud-sunod na taon, naranasan ng Estados Unidos ang pagbaba sa bilang ng iniuulat ng malulubhang krimen. Gayunman, ang bilang ng mga tin-edyer na may pananagutan sa mga krimen ay tumataas, lalo na sa gitna ng mga kabataan na nasa edad na 14 at 17. Inihuhula ng ilang dalubhasa na ang marahas na krimen ay lalala habang ang bilang ng mga tin-edyer ay tumataas. Isang dalubhasa, si James Alan Fox, ng College of Criminal Justice sa Northeastern University sa Boston, ay nagsabi na “ang bilang ng mga kabataan sa Estados Unidos ay biglang tataas sa susunod na ilang taon, na may 23 porsiyentong kahigitan ng mga tin-edyer sa 2005,” ulat ng The New York Times. Nagbabala si Fox na “malibang kumilos tayo ngayon, habang ang ating mga anak ay bata pa at madali pang hubugin, totoong magkakaroon tayo ng pagdanak ng dugo dahil sa karahasan ng tin-edyer sa taóng 2005.”

Pagbawi sa Bautismo sa Patay

Kamakailan ang mga nakaligtas sa Judiong Holocaust ay nagitla nang malaman na ang ilan sa kanilang mga kamag-anak ay nabautismuhan bilang mga Mormon pagkamatay nila. Iniulat ng The New York Times ang gawain “kung saan ang mga patay ay binautismuhan bilang mga Mormon ng nabubuhay na mga miyembro ng relihiyon na tumatayong kahalili nila.” Kinuha ng mga Mormon ang mga pangalan ng ilang 380,000 Judio na namatay sa mga kampong piitan o ang mga naging biktima ng Holocaust. Pagkatapos, sa loob ng isang yugto ng panahon, binautismuhan nila sila sa mga seremonya kung saan ang mga miyembro ng relihiyon ay inilulubog sa tubig bilang mga kahalili samantalang ang mga pangalan ng yumao ay binabasa. Tinutulan ng ilang Judiong organisasyon ang paraang ito. Bilang resulta, sumang-ayon ang mga lider ng Mormon na alisin sa kanilang listahan ng mga bautisadong Mormon ang mga pangalan ng mga Judiong biktima ng Holocaust na nagawan ng gayong seremonya.

Kaigtingan sa Hong Kong

Isiniwalat ng kamakailang surbey sa 5,000 kataong kinapanayam mula sa 16 na iba’t ibang bansa na ang Hong Kong ay itinuturing na pinakamaigting na lungsod sa daigdig, ulat ng The Medical Post. Para sa karamihan, ang kaigtingan ay may kaugnayan sa trabaho. Ang mananaliksik na si Dr. David Warburton, ng University of Reading sa Inglatera, ay nagsabi na “halos 70% ng kalalakihan sa Hong Kong at 64% [ng] kababaihan ang dumaraing ng kaigtingan sa trabaho, kung ihahambing sa 54% ng mga tao sa buong daigdig.” Ipinalalagay ng halos 41 porsiyento sa mga kinapanayam mula sa Hong Kong na ang kanilang trabaho ay nakababagot kung ihahambing sa 14 na porsiyento sa ibang bansa. Sinabi pa ng Post na “isa sa lima katao sa Hong Kong (kung ihahambing sa wala pang isa sa 10 sa buong daigdig) ang nagsabi na ang pangunahing dahilan ng kaigtingan sa trabaho ay hindi nila gusto ang kanilang amo.”

Elektrikal na mga Kagamitan na Pinaghihinalaan

Ayon sa FDA Consumer, isang magasin ng U.S. Food and Drug Administration, ang medikal na kagamitan ay maaaring masira kapag inihantad sa electromagnetic interference, gaya ng mula sa kalapit na cellular phone. “Ipinagbawal ng ilang ospital sa Europa ang mga cellular phone sa kanilang mga gusali, hinimok ng FDA ang mga ospital sa Estados Unidos na isagawa ang gayon kung ipag-uutos,” sabi ng magasin. Ang electromagnetic interference ang pinaghihinalaan sa maraming aksidente kung saan nasira ang nagliligtas-buhay na mga medikal na kagamitan gaya ng mga pacemaker at mga apnea monitor. Ganito ang babala ng FDA Consumer: “Ang mga pasyente at doktor na karaniwan nang gumagamit ng sensitibong mga medikal na kagamitan ay dapat na magkaroon ng kabatiran sa problema at isaisip na ilayo ang mga cellular phone mula sa kanilang kagamitan.” Ang electromagnetic interference ay maaari ring sanhi ng mga walang kawad na mga kawing sa computer, hudyat ng microwave, mga transmitter ng radyo at telebisyon, pager, at iba pang mga elektrikal na kagamitan. Tinutuklas ng mga mananaliksik ang mga paraan upang mabawasan ang panganib.

Ang Alamat ng “Missing Link”

Matagal nang pinaghahanap ng mga ebolusyonista ang fossil na katibayan upang patunayan ang teoriya na ang tao ay nagmula sa bakulaw. Gayunman, sinasabi ng pahayagang Le Monde sa Paris na “ang mga teoriya tungkol sa pinagmulan ng tao ay nagulo” ng natuklasan sa Ethiopia na magkakasunod na 90 buto na kumakatawan sa inaakala ng mga paleontologo na mga labí ng adultong kalansay ng tao. Ang problema, ayon sa mga paleontologo, ay na hindi umaakma ang bagong mga fossil sa anumang mga teoriya na nagsisikap na ipakita ang kaugnayan sa pagitan ng mga tao at mga bakulaw. Sa halip, ang mga fossil ay nagbangon ng higit na katanungan kaysa kanilang nasagot. Hininuha ng ilang mananaliksik na ang diumano’y missing link (ipinalalagay na nagdurugtong na anyo sa tao at sa hayop) sa pagitan ng tao at bakulaw ay maaaring “wala kundi isang alamat lamang,” sabi ng Le Monde.

Pornograpya sa Computer na Makikita ng mga Bata

Habang ikinokonekta ng mga paaralan sa Australia ang pandaigdig na network ng impormasyon ng Internet, iniuugnay rin nila ang masasabing mina ng moralidad. Ayon sa pahayagang The Sydney Morning Herald, maaari nilang makita ang “X-rated na mga larawan ng hubad na mga bata, mahahalay na gawain, mga video clip mula sa magkakasunod na bahay-aliwan, isang ‘katipunan ng mga karapatan’ para sa mga tao na nagnanais makipagtalik sa mga hayop​—at impormasyon kung paano makipag-usap sa pamamagitan ng computer at magsagawa ng masturbasyon.” Ganito pa ang sabi ng artikulo: “Ang mga password o katibayan ng edad ay hindi kailangan​—basta isang karaniwang koneksiyon sa pamamagitan ng modem.” Sinasabi ng mga dalubhasa na imposible na masensura ang network “dahil sa ang kayarian nito ay dinisenyo . . . ng US Defense Department upang makaligtas sa isang digmaang nuklear.” Ang data ay hindi tipón na matatagpuan sa isang lugar kundi masusumpungan sa libu-libong data base sa buong mundo. Kamakailan isang Swekong mananaliksik ang nakabilang ng 5,651 mensahe o displey sa iskrin tungkol sa pornograpya sa bata sa apat na grupo lamang ng gumagamit ng computer sa isang linggo.

Nagugulumihanang mga Pari

“Limampung porsiyento ng mga pari na nagtutungo sa akin para magpagamot dahil sa mga kaligaligan sa isip ay may mga problema tungkol sa sekso,” sabi ni Valerio Albisetti, isa isa pinakakilalang Italyanong Katolikong sikologo, ayon sa pahayagang La Repubblica. Higit sa anupaman, ang seksuwal na pagnanasa at ang pangangailangan sa pagiging ama ay mga bagay na nagpapahirap sa mga lalaking ito, na ang obligasyon ng hindi pag-aasawa ay tinalakay kamakailan ni John Paul II. Sinabi ni Albisetti na himukin ang kalalakihan na magpari kapag nasa maygulang na edad na at itaas ang edad sa pagpasok sa mga seminaryo. Sinabi niya na “lubos na nakapipinsala sa mental na kalusugan at pagiging timbang sa isip ng magiging pari” na gugulin ang kaniyang pagbibinata “sa loob ng nakatakdang kaayusan ng organisasyon na walang babae.” Maliban pa sa mga problemang nauugnay sa seksuwalidad, kinomento ni Albisetti na “kalimitang nakararanas ang mga pari ng panlulumo, matinding damdamin ng kaligaligan sa sekso at bulimia.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share