Ang Pangmalas ng Bibliya
Si Maria ba ang “Ina ng Diyos”?
“KAMI’Y NANGANGANLONG SA ILALIM NG PANGANGALAGA NG INYONG MGA KAAWAAN, O INA NG DIYOS; HUWAG PO NINYONG TANGGIHAN ANG AMING MGA PAGSAMO SA PANGANGAILANGAN KUNDI ILIGTAS MO PO KAMI SA PAGKAPAHAMAK NG KALULUWA, O KAYO NA BUKOD NA PINAGPALA.”
BINUBUOD ng gayong panalangin ang damdamin ng milyun-milyong lalaki at babaing deboto kay Maria, ang ina ni Jesu-Kristo. Sa kanilang pangmalas siya ang mabait na ina na namamagitan sa Diyos para sa kanila at sa ilang paraan ay pinahihinahon ang kaniyang mga kahatulan sa kanila.
Subalit, si Maria nga ba ang “Ina ng Diyos”?
Si Maria—“Lubhang Kalugud-lugod” sa Diyos
Si Maria ay walang alinlangang “lubhang kalugud-lugod”—sa katunayan, lalong pinagpala kaysa sinumang babae na nabuhay kailanman. (Lucas 1:28, The Jerusalem Bible) Si anghel Gabriel ay nagpakita sa kaniya at nagpaliwanag kung anong laking pribilehiyo mayroon siya. “Makinig ka!” sabi niya. “Ikaw ay maglilihi at manganganak ka ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng Kataas-taasan.” Paano maaaring mangyari ang makahimalang pangyayaring ito? Si Gabriel ay nagpatuloy: “Bababâ sa iyo ang Espiritu Santo, . . . at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos.”—Lucas 1:31, 32, 35, JB.
“‘Ako’y alipin ng Panginoon,’ sabi ni Maria, ‘mangyari sa akin ang iyong sinabi.’” (Lucas 1:38, JB) Kaya si Maria ay mapakumbabang sumang-ayon sa banal na patnubay na ito at nang maglaon ay nagsilang kay Jesus.
Subalit, sa sumunod na ilang siglo, siya’y itinaas ng kaniyang mga deboto mula sa pagiging isang mababang “alipin ng Panginoon” tungo sa posisyon na “inang reyna” taglay ang napakalaking impluwensiya sa kalangitan. Siya’y opisyal na ipinahayag ng mga pinuno ng simbahan na “Ina ng Diyos” noong 431 C.E. sa Konseho ng Efeso. Ano ang nagpangyari sa pagbabagong ito? Ipinaliliwanag ni Papa John Paul II ang isang salik: “Ang tunay na debosyon sa Ina ng Diyos . . . ay lubhang nag-uugat sa Misteryo ng Pinagpalang Trinidad.”—Crossing the Threshold of Hope.
Kaya nga, ang pagtanggap kay Maria bilang ang “Ina ng Diyos” ay depende sa paniniwala sa Trinidad. Gayunman, isa bang turo ng Bibliya ang Trinidad?a Pakisuyong suriin kung ano ang isinulat ni apostol Pedro sa Bibliya. Siya’y nagbabala na “ang mga huwad na guro . . . ay may katusuhang magpapakilala ng mapanganib na mga hidwang paniniwala [at] sisikaping pagsamantalahan kayo sa pamamagitan ng huwad na mga pangangatuwiran.” (2 Pedro 2:1, 3, The New Testament in Modern English, ni J. B. Phillips) Isa sa mga hidwang paniniwalang iyon ay ang turo ng Trinidad. Minsang iyan ay tanggapin, ang idea na si Maria ang “Ina ng Diyos” (Griego: Theotokos, ibig sabihin “tagapagdala-sa-Diyos”) ay lubhang makatuwiran. Sa kaniyang aklat na The Virgin, binanggit ni Geoffrey Ashe na “kung si Kristo ay Diyos, ang Ikalawang Persona ng Trinidad,” gaya ng pangangatuwiran ng mga Trinitaryo, “kung gayon ang kaniyang ina sa kaniyang pagpapakita bilang tao ang Ina ng Diyos.”
Kung si Jesus ang “ganap at lubusang Diyos,” gaya ng binabanggit ng bagong Catechism of the Catholic Church, kung gayon si Maria ay makatuwirang tawaging “Ina ng Diyos.” Subalit, dapat malaman na nasumpungan ng maraming sinaunang Trinitaryo na mahirap tanggapin ang turong ito nang ito’y unang imungkahi—gaya ng ginagawa ng Trinitaryong mga Protestante sa ngayon. Ito’y tinawag na isang “kabalintunaan ng debosyon, ‘siya na hindi magkasiya sa mga langit ay naisilid sa kaniyang sinapupunan.’” (The Virgin)—Ihambing ang 1 Hari 8:27.
Subalit si Jesu-Kristo nga ba ang “ganap at lubusang Diyos”? Hindi, hindi niya kailanman inangkin iyan. Sa halip, lagi niyang kinikilala ang kaniyang mababang katayuan sa kaniyang Ama.—Tingnan ang Mateo 26:39; Marcos 13:32; Juan 14:28; 1 Corinto 15:27, 28.
‘Pagsamba sa Isang Paraan na Karapat-dapat sa Nag-iisip na mga Tao’
Gayunman, ang Bibliya ay humihimok sa mga Kristiyano na gamitin ang kanilang kapangyarihang mangatuwiran sa pagsamba. Tayo’y hindi hinihiling na maglagak ng bulag na pananampalataya sa kung ano ang ikinukubli bilang isang hiwaga. Bagkus, si apostol Pablo ay nagsabi, dapat tayong ‘sumamba sa isang paraan na karapat-dapat sa nag-iisip na mga tao.’—Roma 12:1, JB.
“Kami’y hindi kailanman pinasiglang mag-isip tungkol dito,” sabi ni Anne, na pinalaki bilang isang Katoliko. “Hindi namin kailanman kinuwestiyon ito. Basta pinaniwalaan namin si Jesus bilang Diyos, kaya si Maria ang ‘Ina ng Diyos’—ito ang pinaka-di-pangkaraniwang bagay!” Tandaan, ang Catechism of the Catholic Church ay nagsasabi na ang bawat miyembro ng “banal na Pagkakaisa” ay “ganap at lubusang Diyos.” Binabanggit nito na walang tatlong magkahiwalay na mga diyos. Kung gayon, dapat ba tayong maniwala na habang ang nabubuhay na mga selula sa bahay-bata ni Maria ay naghahati at muling naghahati, ang “ganap at lubusang Diyos” na nasa loob ng isang binhi na sa unang buwan ng kaniyang pagdadalang-tao ay lumaki tungo sa wala pang sangkapat ng isang pulgada ang haba at mayroon lamang hindi pa gaanong buo na mga mata at tainga?
Isaisip na sinabi ni anghel Gabriel kay Maria na ang kaniyang anak ay tatawaging “Anak ng Kataas-taasan” at “Anak ng Diyos,” hindi “Diyos Anak.” Sa katunayan, kung si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, bakit hindi ginamit ni anghel Gabriel ang katulad na katagang ginagamit ng mga Trinitaryo sa ngayon—“Diyos Anak”? Hindi ginamit ni Gabriel ang kataga sapagkat ang turo ay hindi masusumpungan sa Bibliya.
Mangyari pa, tayo’y limitado sa ating pagkaunawa sa mga gawa ng Diyos. Subalit ang wastong pagkaunawa tungkol sa mga Kasulatan ay tutulong sa atin na maniwala na ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, ang Maylikha ng lahat ng buhay, ay may kapangyarihang makahimalang ilipat ang buhay ng kaniyang sinisintang Anak, si Jesu-Kristo, sa bahay-bata ni Maria at pagkatapos ay ingatan ang paglaki nito sa pamamagitan ng Kaniyang aktibong puwersa, o banal na espiritu, hanggang si Maria ay maging ina ni Jesus—ang Anak ng Diyos.
Oo, si Maria ay lubhang pinagpala bilang ang ina ng isa na naging Kristo. Hindi naman kawalan ng galang sa kaniya na tanggapin na ang maliwanag na turong iyon ng Bibliya—pati na ang rekord ng mismong kapakumbabaan ni Maria—ay humahadlang sa pagbibigay sa kaniya ng titulong “Ina ng Diyos”.
[Talababa]
a Pakisuyong tingnan ang Dapat ba Kayong Maniwala sa Trinidad? inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Museo del Prado, Madrid