Ulat ni Jessica
SI Jessica, isang 13-taóng-gulang na batang babae mula sa Estados Unidos, ay inatasan kasama ng kaniyang mga kaklase na magbigay ng isang talumpati sa paksang “Diyos, Bandila, at Bansa.” Palibhasa’y nalalaman na ang kaniyang mga kapuwa estudyante ay mausisa kung bakit siya bilang isa sa mga Saksi ni Jehova ay hindi sumasaludo sa bandila, may tibay-loob na sinamantala ni Jessica ang pagkakataong ito upang ipaliwanag ang kaniyang mga paniniwala. Ang sumusunod ay halaw mula sa kaniyang ulat.
“Sa pasimula ng bawat araw ng paaralan, ang mga estudyante ay hinihiling na bigkasin ang panunumpa ng katapatan, subalit dahil sa aking mga paniniwala at sa aking relihiyon, hindi ako nanunumpa. Maraming tao ang nagtatanong kung bakit. Ngayon, aking sasabihin sa inyo.
“Ang unang pananalita ng pagsaludo sa bandila ay: ‘Ako’y nanunumpa ng katapatan sa bandila.’ Buweno, ano ba ang katapatan? Ito ang pananagutan ng pagtangkilik, pagkamatapat, at debosyon. Yamang ako’y nanumpa na ng katapatan sa Diyos, hindi ako maaari at hindi ako manunumpa ng aking katapatan sa bandila. Subalit, ang aking hindi pagsamba o panunumpa ng aking katapatan sa bandila ay hindi nangangahulugan na hindi ko ito iginagalang.
“Ang Diyos ang pinakamahalaga sa aking buhay. Ginagawa ko ang lahat ng magagawa ko na sundin ang kaniyang mga utos na gaya ng nakaulat sa Bibliya. Araw-araw ako’y nananalangin sa kaniya, at nananalangin din ako kung kailangan ko ang karagdagang tulong o pampatibay-loob. Lagi kong tinatanggap ang tulong at pampatibay-loob na iyan sa tamang panahon. Nasumpungan ko na kung inuuna ko ang Diyos at kung ginagawa ko ang mga bagay na inuutos niya sa atin na gawin, ako’y mas maligaya.
“Kaya bagaman hindi ako sumasaludo sa bandila, iginagalang ko ito at sa anumang paraan ay hindi ko ito sisiraang-puri. Subalit ang aking katapatan ay sa Diyos, at matuwid lamang, sapagkat nilikha niya ako at utang ko sa kaniya ang katapatang iyon.”
Ang mga estudyante sa klase ni Jessica ay hiniling na tasahin ang mga ulat na narinig nila. Anong ligaya ni Jessica na dahil sa kaniyang pagsisikap, ang mga kaklase niya ay nagsabi na sila’y nagkaroon ng higit na pagkaunawa tungkol sa kaniyang mga paniniwala. Higit na mahalaga, ang mga kabataang may katapangang nagsasalita tungkol sa mga simulain ng Bibliya ay nagpapagalak sa puso ng Diyos na Jehova.—Kawikaan 27:11.