Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g96 2/8 p. 4-7
  • Magtiwala o Huwag Magtiwala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Magtiwala o Huwag Magtiwala
  • Gumising!—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pagtitiwala ay Maaaring Maging Mapanganib
  • Maaaring Maging Mapanganib ang Hindi Pagtitiwala
  • Maingat na Isaalang-alang ang Iyong mga Hakbang
  • Maging Makatuwiran at Timbang
  • Mahalaga ang Pagtitiwala Para sa Isang Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Mapagkakatiwalaan Mo ang mga Kapatid
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Magtiwala Ka kay Jehova Nang Iyong Buong Puso
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Magtitiwala Ka ba o Hindi?
    Gumising!—2007
Iba Pa
Gumising!—1996
g96 2/8 p. 4-7

Magtiwala o Huwag Magtiwala

MAAARING mahirap malaman kung ikaw ay magtitiwala o hindi. Alinman sa landasing ito ay may kaniyang sariling mga panganib, lalo na sa isang daigdig kung saan ang pandaraya at pagkakanulo ay totoong laganap. Subalit lahat tayo’y nangangailangan ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan na tutulong sa atin sa panahon ng kaligaligan. (Kawikaan 17:17) Halos dalawang libong taon na ang nakalipas, ganito ang pahayag ng Romanong manunulat na si Phaedrus tungkol sa problema: “Ang magtiwala o huwag magtiwala ay mapanganib.”

Ang Pagtitiwala ay Maaaring Maging Mapanganib

Bakit maaaring maging mapanganib ang pagtitiwala sa isa? Buweno, isaalang-alang ang babalang ibinigay ng magasing Psychology Today. Inilalarawan nito ang ilan na nagsasamantala sa pagtitiwala ng mga tao bilang “mga maninila” na “gumagamit ng panghalina at tulad-hunyangong pagkukunwari upang dayain at maneobrahin ang mga nasa paligid nila at sirain ang kanilang buhay.” Maliwanag, kung kasa-kasama mo ang gayong mga mandaraya, tiyak na mapanganib ang pagiging labis na mapagtiwala.

Ang isa na nagtitiwala nang labis ay maaaring maging mapaniwalain at, bunga nito, madaling madaya at maimpluwensiyahan. Isang tipikal na halimbawa ng pagkamapaniwalain ay si Sir Arthur Conan Doyle, ang maylikha ng magaling mag-isip na dalubhasang espiya na si Sherlock Holmes. Noong 1917 dalawang batang babae, si Elsie Wright at ang kaniyang pinsan, si Frances Griffiths, ay nagsabing nákalaro nila ang mga ada sa hardin ng kanilang tahanan sa Cottingley, Inglatera. Ipinakita pa nga nila ang mga larawan ng mga ada upang patunayan ito.

Si Conan Doyle, na lubhang interesado sa espiritismo pagkamatay ng kaniyang anak na lalaki, ay nagtiwala sa kanila at naniwala sa mga kuwento tungkol sa mga ada​—gaya ng maraming tao noong panahong iyon. Pagkalipas lamang ng 55 taon saka inamin ng dalawang batang babae na ito ay pawang panlilinlang lamang at na ginupit nila ang “mga ada” mula sa isang aklat bago ito kinunan ng litrato. Si Frances Griffiths ay nagpahayag ng labis na pagtataka na ang sinuman ay maniniwala sa kanilang kuwento. Aniya: “Mananatiling isang hiwaga sa akin na ang sinuman ay maaaring maging sobrang mapaniwalain upang maniwala na ang mga ito ay tunay.”​—Hoaxers and Their Victims.

Nakikita mo ba ang silo na kinahulugan ni Conan Doyle? May kabulagang pinaniwalaan niya ang kuwento dahil lamang sa nais niya itong maging totoo. Ganito ang sabi ng awtor na si Norman Moss: “Tayo’y maaaring basta malinlang sapagkat ang ating mga pang-unawa ay pumurol dahil sa nakagawian na, at minamalas natin ang mga bagay sa pamamagitan ng bahagyang nakapikit na mga mata. . . . Kung minsan, tinatanggap natin ang isang bagay na totoo dahil ito ay isang bagay na nais nating maging totoo.” (The Pleasures of Deception) Inuulit niyan ang babalang ibinigay ng kilalang Griegong oradór na si Demosthenes mga 350 taon bago ang ating Karaniwang Panahon: “Ang pinakamadaling bagay sa lahat ay ang dayain ang sarili, sapagkat kung ano ang nais ng isang tao ay karaniwang pinaniniwalaan niya na totoo.” Ang basta pagtitiwala sa ating mga damdamin ay maaaring maging mapanganib.

Mangyari pa, maaaring isipin mo na ito ay isang sukdulang kaso at na si Conan Doyle ay mas hangal kaysa sa iyo. Subalit hindi lamang ang mapaniwalain ang nanganganib na malinlang. Maraming maingat at karaniwan nang napakaingat na mga tao ang nalinlang at nadaya ng waring mapagkakatiwalaang mga tao.

Maaaring Maging Mapanganib ang Hindi Pagtitiwala

Subalit, may mga panganib sa hindi pagtitiwala sa sinuman o sa anumang bagay. Ang kawalan ng tiwala ay tulad ng unti-unting kumakaing kalawang. Maaari nitong kainin at sirain ang maaari sanang maging maligaya, malapít na mga kaugnayan. Ang malalim ang pagkakaugat na pangungutya at ang matigas na kawalan ng tiwala ay maaaring gumawa sa iyo na isang napakalungkot, walang kaibigang tao. Ito’y maaaring maging lubhang nakapipinsala sa mga kaugnayan sa ibang tao anupat ang manunulat na Ingles na si Samuel Johnson ay sumulat, “kung minsan ay mas maligaya pa ang madaya kaysa hindi magtiwala.”

Isinasapanganib pa nga ng kawalan ng tiwala ang kalusugan ng iyong katawan. Maaaring may kabatiran ka na ang matitinding damdamin na gaya ng galit ay maaaring maglantad sa iyo sa panganib ng atake sa puso. Subalit alam mo bang ipinakikita ng ilang pananaliksik na gayundin ang maaaring gawin ng pagiging walang tiwala? Ganito ang sabi ng magasing Chatelaine: “Ang mga taong madaling sumiklab sa galit ay hindi lamang siyang mga taong maaaring higit na magkasakit sa puso dahil sa kanilang paggawi. Ipinakikita ng bagong pananaliksik na kahit na ang di-punahing mga anyo ng pagkapoot, gaya ng hilig na maging mapangutya at walang tiwala, ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib.”

Maingat na Isaalang-alang ang Iyong mga Hakbang

Ano ang maaari mong gawin? Ang Bibliya ay nagbibigay ng ilang mabuting payo tungkol sa bagay na ito. “Sinumang walang karanasan ay nagtitiwala sa bawat salita,” sabi ng Kawikaan 14:15. Ito ay hindi nakapipinsalang pangungutya. Ito’y makatotohanang paalaala sa pangangailangang maging maingat. Tanging ang mga taong walang muwang, walang karanasan ang may kabulagang magtitiwala sa bawat salitang naririnig niya. Taglay ang mabuting dahilan ang Bibliya ay nagpapatuloy: “Ngunit isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.” Ganito ang isinulat ng dramaturgong Ingles na si William Shakespeare: “Huwag kang magtiwala sa bulok na makakapal na tabla.” Sinumang nag-aakalang ang makakapal na tabla sa tulay sa ibabaw ng isang malalim na bangin ay maaaring bulok ay totoong hangal kung tutungtong dito. Kung gayon, paano mo ‘isasaalang-alang ang iyong mga hakbang’ upang hindi ka magkamali sa iyong pagtitiwala?

Tayo ay hinihimok ng Bibliya na subukin kung ano ang sinasabi ng mga tao sa halip na basta may kabulagang paniwalaan ang lahat ng ating naririnig. “Ang tainga mismo ay sumusubok sa mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain,” sabi nito. (Job 34:3) Hindi ba totoo iyan? Hindi ba tinitikman muna natin ang pagkain bago natin lunukin ito? Dapat rin nating subukin ang mga salita at kilos ng tao bago natin tanggapin ang mga ito. Hindi naman dapat ikasama ng loob ng sinumang tapat kung susuriin natin ang kaniyang kredensiyal. Na dapat nga nating suriin upang matiyak ang isang bagay na tunay ay inaalalayan ng kawikaan sa Scotland na nagsasabing: “Siyang dumadaya sa aking minsan, ay kahihiyan sa kaniya; kung dayain niya akong makalawa, ay kahihiyan sa akin.”

Ang apostol Pablo ay nagpayo: “Subukin ninyo ang lahat ng mga bagay.” (1 Tesalonica 5:21, Today’s English Version) Ang salitang ginamit ni apostol Pablo para sa “subukin” ay ginamit din may kaugnayan sa pagsubok sa mahahalagang metal upang matiyak kung ang mga ito ay tunay. Laging sinusubok ng isang taong maingat upang alamin kung ang binibili niya ay tunay. Kung hindi baka mabili niya ang tinatawag na tanso​—isa na parang ginto ngunit, sa katunayan, ay walang halaga.

Maging Makatuwiran at Timbang

Mangyari pa, nais nating maging makatuwiran sa bagay na ito at huwag maging labis na mapaghinala sa iba. (Filipos 4:5) Huwag maging mabilis na magparatang ng masamang motibo sa sinuman. Ang maling intindi sa mga motibo ay maaaring maging ang pinakamabilis na paraan upang sirain ang isang mahusay, malapít na mga kaugnayan. Karaniwan nang pinakamabuting ipalagay na nais ng iyong kaibigan na gawin ang pinakamabuti para sa iyo sa halip na iparatang ang masasamang motibo sa kanila kapag bumangon ang mahirap na mga kalagayan.

Magbigay ng palugit para sa mga hindi kasakdalan at mga pagkakamali ng iba. “Ang pagkakanulo ng isang kaibigan ay nangangahulugan ng isang paglabag sa pagtitiwala,” sabi ng manunulat na si Kristin von Kreisler. Subalit, ang pagkakanulong iyon ay maaaring di-sinasadya o maaaring bunga ng kahinaan na ngayo’y labis na pinagsisisihan. Samakatuwid, patuloy niya: “Huwag ituon ang isip sa pagkakanulo​—o hayaan itong pigilan ka sa pagtitiwala sa iba.” Huwag mong hayaang ang masaklap, negatibong mga karanasan ay mag-alis sa iyo ng kagalakan na nagmumula sa pagkakaroon ng tiwala sa iba.

Maging timbang. Hindi mo kailangang magsuot ng mga pantabing kapag tinatasa ang mga tao; ang taong maingat ay nananatiling alisto. Sa kabilang panig naman, si Doktor Redford Williams ay nagmumungkahi na sikapin nating ipalagay na ginagawa ng iba ang pinakamabuting magagawa nila, sikaping unawain ang kanilang punto de vista, at “ugaliing magtiwala sa iba” kailanma’t maaari. Maaaring mas mabuting magtiwala nang labis kaysa hindi kailanman magtiwala.

Kinikilala ng manunulat ng aklat ng Bibliya na Kawikaan na “may magkakasama na handang magpahamak sa isa’t-isa”​—yaon ay, mga taong magsisikap na pagsamantalahan ang iyong pagtitiwala. Ang daigdig ay punô ng mga taong gaya nila. Subalit bigyan mo ang iba ng panahon at pagkakataon na ipakita na sila ay mapagkakatiwalaan, at ikaw ay makasusumpong ng mga kaibigan na, sa katunayan ay, ‘mahigit pa sa isang kapatid.’​—Kawikaan 18:24.

Kung gayon, mayroon bang sinuman o anumang bagay na lubusan mong mapagkakatiwalaan, nang walang anumang takot na ang iyong pagtitiwala ay pagsasamantalahan o ipagkakanulo? Oo, tiyak na mayroon. Bahagyang tatalakayin ng susunod na artikulo kung saan mo maaaring ilagak ang iyong tiwala taglay ang ganap na pagtitiwala.

[Blurb sa pahina 6]

“Sinumang walang karanasan ay nagtitiwala sa bawat salita, ngunit isinasaalang-alang ng pantas ang kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 14:15

[Larawan sa pahina 7]

Magbigay ng palugit para sa mga hindi kasakdalan at mga pagkakamali ng iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share